Sa nangyaring insidente sa loob ng ospital ay minabuti ng mag-asawang Alcazar na iuwi muna sa kanilang bahay ang kanilang babysitter. Labis labis din ang paghingi ng tawad ni Cathy kay Leah dahil sa dalawang beses na siya napahamak nang dahil sa kanilang problema.
Dahil dito ay talagang bantay sarado ang babysitter nina Mael at Cathy para masigurado na hindi na mauulit ang pangyayari na ito. Kaya kahit gustung gusto ko man usigin sa oras na ito si Leah hanggang mapaamin ay hindi ko magawa gawa.
Idagdag pa nasa oras na ito ay labis na iniiwasan ko na makaharap si Mael. Ayoko naman sumugod sa isang giyera na walang dala niisang bala. Kaya kailangan ko muna magpakita ng resulta ng aking imbestigasyon tungkol sa misyon ko sa kanya bago ko magawang makalapit.
Aaminin ko nasa oras na ito ay inisip ko na ipaalam kina Mael ang nalalaman ko tungkol sa kanilang babysitter. Ngunit sa kabilang banda ay alam ko na hindi naman din nila ako paniniwalaan. At baka sa huli pa ay mas kampihan nila si Leah kaysa sa akin na matagal niyang kaibigan.
"Shit..." asar na bulalas ko na lang sa hangin bago yamot na napakamot ng aking ulunan.
Pagkatapos nang ilang sandali ay muling tinanaw ko ang kwartong kinaroroonan ni Leah. Umaasa ako na makapuslit sa loob nito pagkaalis nina Mael. Maikukumpara tuloy ako sa isang inabandonang aso na nag-aantay sa paglabas ng kanyang amo. Kaso kahit ilang oras ang gawin kong pagbabantay ay mukhang walang balak na lumabas nina Mael roon. Marahil ginagamit rin ni Leah ang oportunidad na ito para makalayo sa akin.
Kulang na lang talaga ay sugudin ko ang kwartong iyon at i-corner si Leah. Kaso baka bago pa ako makahakbang papunta roon ay makaharap ko muna ang galit ni Mael.
"Damn... Ano ba ang dapat kong gawin?” bulong ko pa sa hangin at nag-isip ng mga pwedeng gawin para malapitan ang babysitter.
Hanggang sa magitla ako sa gulat nang maramdaman ang pagtapik sa aking kanang balikat. Dahil doon ay napaangat ako ng tingin at tinignan kung sino ang gumawa nito ngunit sa huli lalo lamang ako napasimangot.
"Oh bakit tila pinagsakluban ng langit ang mukha mo diyan, Jax?” nakangiting pagpansin sa akin ni Travis at mapang-asar na tinaas baba pa ang kanyang mga kilay.
Inilagay pa niya ang kanyang isang kamay sa may noo na tila ba may tinatanaw mula sa malayo.
"Teka ... dahil ba hindi ka ngayon makasilay kay Leah?” malisyosong paghula pa niya, "Masyado mo na ba siya nami-miss ha? Well sorry ka... Nakabantay lang naman sa kanya si Mael. Dadanak muna ang iyong dugo bago siya makita. "
Sinamaan ko siya ng tingin. Kaysa kasi tulungan niya ako ay lalo niya lang ako nilalaglag. Tsaka aaminin ko na si Leah nga ang aking pakay pero hindi dahil sa namimiss ko siya o ano.
"Tch... Walang rason para ma-miss ko ang babysitter nina Mael," pagtanggi ko bago asar na hinawi ang kamay niya na nasa balikat ko.
"Whoshooo... Kunwari naniwala ako," humahalakhak na turan pa Travis, "Kanina ka pa kaya nandiyan at nakasilip sa kwarto niya."
"Go away," asar na pagtaboy ko na lang sa kanya at inakto ang kamay na tila ba nagpapaalis ng isang aso.
Ngunit lalo lamang humalakhak si Travis at sinabayan pa ng iba naming kaibigan.
"Ito naman si Jaxson masyadong seryoso," tumatawang turan pa ni Travis, "Para hindi naman mabiro."
Ngumisi naman si Ezra. "May kasabihan kasi na magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa taong nagtatago kay Mael," biro naman niya.
Muling dumagundong ang malalakas nila tawa. Halatang tuwang tuwa sila habang pinagtutulungan ako na asarin.
"Shut up," napipikon ko ng sambit at umaktong sisipain sila palayo.
Mahaharot naman lumayo ang mga ito sa akin. Pero patuloy pa rin sa nakakarindi nilang pagtawa.
Hanggang sa matigilan kami nang marinig na bumukas ang pinto. Sa paglingon namin ay bumungad sa amin ang matalim na tingin ni Mael na siyang nagdala ng kakaibang takot sa buo naming katawan.
"Ah eh... Alis na kami!” malakas na sambit ni Travis
Pagkatapos ay nakaramdam ako ng magkakasunod na tulak sa aking likuran na siyang naging dahilan para mapalapit ako sa kinatatayuan ni Mael.
"Damn it!” gigil kong sambit at sinamaan ng tingin ang mga kaibigan ko na tumatakas palayo habang ipinain naman ako kay Mael, "Humanda kayo sa akin sa susunod!” asar na asar pagbabanta ko pa.
"Jax."
Napasinghap ako nang marinig ang malamig at madiin na pagtawag sa akin ni Mael. Alam ko sa oras na ito na wala na talaga ako takas mula sa galit niya. Mukhang magkakatotoo ang biro niya na makukuha na lang ang katawan ko na palutang lutang sa kung saanman ilog sa Pilipinas.
"Sumunod ka sa akin," utos pa ni Mael na nasa tono na bawal ako umangal.
Mabilis na tumango na lang ako at parang napagalitan na tuta na sumunod sa kanya.
Nang makapasok kami sa opisina niya ay muling hinarap ako ni Mael. Makikita ang matinding galit sa kanyang mukha at anumang oras ay tila isang bomba siya sasabog sa kanyang galit. Gayun pa man ay pinipilit niya maging kalmado na siyang lalo nagpakaba sa akin.
"M-Mael... A-Ano kasi... "
Stress na stress na hinilot ni Mael ang kanyang sintido. Para bang ilang araw na siya walang matinong tulog dahil sa mga nangyayari sa kanila. Marahil ligtas pa ang mag-iina niya sa oras na ito pero hindi nawawala ang takot niya sa mga maaaring mangyari sa mga susunod na araw.
"Jax, hindi ko na alam ang gagawin ko," seryosong pag-amin ni Mael, "Hindi ko alam kung hanggang kailan magiging okay lang ang lahat. Natatakot ako sa isang iglap ay mawawala sa akin ang mag-iina ko."
Hindi ako nakaimik sa aking narinig. Sa boses ni Mael ay ramdam ko roon ang kanyang matinding takot. Iyong pakiramdam na gusto mong magalit pero hindi mo alam kung saan at kanino mo ito ibubuhos.
Aaminin ko na isa ako sa dahilan kaya nakakaramdam ng ganito si Mael. Kung nagawa ko lang kasi mahuli agad ang taong nagbibigay ng dead threat sa kanila ay hindi siya makakaramdam ng ganito.
Kaso hindi naging madali lutasin ang misyon ko sa kanya. Lalo pa napakarami ng taong may matinding galit kay Mael at sa kanyang pamilya. Idagdag pa ang limitadong ebidensya na hawak namin na maaaring makapagturo sa identidad ng taong iyon. Kaya hanggang ngayon ay wala pa ako maibigay na report kay Mael. Hanggang ngayon ay wala pa ako main suspect.
Mahirap rin magbigay ng niisang pangalan na pinaghihilaan pa lang namin na maaaring gumagawa nito. Kilalang kilala ko si Mael baka bigla na lang siya gumawa ng hakbang para pataubin ang taong ito bago makalapit pa sa kanila.
Paano na lang kung nanahimik na ang taong maituro ko?
Lalo ko lang padadamihin ang taong may galit kina Mael kapag nangyari iyon.
Gayun pa man, alam ko na walang ginawang masama sina Mael para mangyari ito at bigyan ng banta ang kanilang buhay. Ngunit ibang iba na talaga ang takbo ng isipan ng karamihan ngayon. Mas marami kasi na sila na ang gumawa ng kasalanan pero tila sila pa ang umaaktong victim sa nangyari. Pa-victim kumbaga.
"Mael, sobrang naiintindihan ko ang ikinatatakot mo," seryoso kong sambit, "At aaminin ko na may kasalanan din ako para makaramdam ka ng ganito. Kung nagagawa ko lang ma-locate ang taong nagbabanta kina Cathy ay sana tapos na ang gulong ito."
"Ayoko sisisihin ka, Jax," seryosong sambit ni Mael, "Ayoko isisi sa iyo ang bagay na ako naman ang pinagmulan. Dapat nga magpasalamat pa ako na tinanggap mo ang kahilingan ko na ito."
Napalunok ako dahil hindi ko inaasahan na maririnig ko iyon mula sa bibig ni Mael. Mas gusto ko pa makita siya magalit kaysa isipin niya na siya ang may kasalanan.
"Mael, bro," hindi ko malamang sasabihin.
Napaupo si Mael sa sofa at napayuko. Doon ay nakita ko kung gaano siya namomoblema sa nangyayari.
Napahilamos tuloy ako ng kamay sa aking mukha. Sa pagbabalik ko ay hindi ganitong kahinang Mael ang inaasahan ko. Mukhang kailangan ko na talaga kumilos bago pa tuluyang mabaliw ang kaibigan ko.