Mission 18

1854 Words
Tatlong araw ang lumipas at hindi pa rin bumabalik si Agent Fang. Gayun pa man ay ramdam ko ang matang nakamatyag sa akin mula sa labas ng bintana. At bawat gagawin kong pagkilos ay binabantayan nito na akala mo bigla na lang ako mawawala sa isang iglap. Dahil dito ay malakas na nagpakawala ako ng buntong hininga. Akala ko kasi sa ginawa ko na pagligtas kay Ma'am Cathy ay mawawala na ang suspetsa sa akin ni Agent Fang. Ngunit base sa nangyayari ngayon ay mukhang nabigo ako. Dahil nakasubaybay lang naman sa akin sa oras na ito ang kanang kamay ni Agent Fang na si Agent Venom. Gayun pa man ay umaakto ako na hindi alam ang kanyang ginagawa. Umaasa ako na biglang sumuko na lang ito at bumalik sa kanilang headquarters. Hanggang sa matigilan ako sa aking binabasa nang malakas na bumukas ang pinto at pumasok ang ilang kalalakihan na akala mo sila ang may-ari ng ospital. "Hello there, Leah! Na-miss mo ba ang kagwapuhan naming lahat?” nakangiting pagbati sa akin ni Sir Travis at nag-pogi sign pa. Kung nasa ibang sitwasyon lang siguro ako ay rumolyo na ang mata ko dahil sa kahanginan niya. At baka bago pa lang sila makapasok sa pinto ay pinagsarhan ko na sila. Dahil magmula na ma-ospital ako ay naging malimit na bisita ko rito ang mga kaibigan ni Sir Mael. Kaya walang araw na hindi naging maingay ang pananatili ko rito sa ospital. Minsan pa nga ay nagreklamo na ang katabing kwarto ko sa lakas ng boses ni Sir Travis. "Magandang araw po sa inyo," magalang na pagbati ko na lang at nagkunwari na ibinalik ang atensyon sa libro kong binabasa. Lumapit naman sa hinihigaan ko si Sir Travis habang nakahawak sa kanyang baba at tinitigan ako ng malalim. "Hmmm?” napapaisip na bulalas pa niya. Dahil doon ay napaangat muli ako ng tingin. "Bakit po sir?” takang tanong ko naman sa kanya, "May dumi po ba ako sa mukha?” "Medyo curious lang kasi ako, Leah," seryosong sambit pa ni Sir Travis at patuloy sa pagtitig sa akin na akala mo makukuha niya ang sagot sa ginagawa niyang iyon "Sa alin po?” tanong ko na lang. Malapad na ngumisi siya. "Masakit ba?” biglang tanong niya "Ha? Ang alin po?" nalilitong tanong ko muli pabalik. "Ang masaksak?” dugtong niya. Doon ay magkakasunod na batok ang natanggap niya mula sa mga kaibigan niya. At magkakatulong na hinila siya sa collar para mailayo sa akin. "Langya ka, Travis! Talagang tinanong mo ang bagay na iyon kay Leah?!” hindi makapaniwalang tanong ni Sir Ezra. "Alam mong pasyente si Leah pero tatanungin mo ng ganoon?” natatawang sambit pa ni Sir Ronan. "Halika rito! Ako na ang gagawa para malaman mo!” pag-boluntaryo naman ni Sir Pablo. Biglang hinawakan nina Sir Ezra at Sir Ronan ang magkabilang kamay ni Sir Travis habang umakma naman na susuntukin ni Sir Pablo ang tiyan ni Sir Travis. Napailing na lang ako sa kalokohan na naisip nila. Hindi naman ako umaasa na magiging matiwasay ang pagbisita nila sa akin sa araw na ito. "Tch," asar na bulalas ni Sir Mael para matigilan silang lahat, "Tumahimik nga kayo kung ayaw niyo mapaalis ulit ng mga nurse dahil sa mga kaingayan niyo." Ngumisi lang sila pero mukhang walang balak na sumunod sa banta na iyon ni Sir Mael. "Pero wala pa rin bang balita kay Jaxson?” biglang tanong ni Sir Travis. "Oo nga. Tatlong araw na walang paramdam ang mokong," iiling iling na komento naman ni Sir Ezra. "Umamin ka baka naman tinapos mo na at itinapon sa ilog ang katawan ni Jaxson, Mael," hinala naman ni Sir Declan. Napasimangot naman si Sir Mael sa bintang na iyon ni Sir Declan. "Tss. Gusto ko man gawin pero ni hindi ko alam kung nasaan nga ba ang mokong na iyon," paliwanag niya. "Hahaha! Baka tumakas na dahil ginalit niya si Mael," komento naman ni Sir Ronan. Doon ay nagkatinginan sila bago sabay sabay na humalakhak. Tila iniisip nila ang posibilidad na tumakbo na nga si Sir Jaxson dahil sa takot na harapin ang galit ni Sir Mael. "Ikaw ba, Leah?” pagbaling muli sa akin ni Sir Travis, "Wala kang ideya kung nasaan si Jaxson?” "H-Ho?” "At bakit mo naman kay Leah tinatanong si Jaxson?” seryosong tanong naman ni Sir Mael. Malawak na ngumisi si Sir Travis. "Mael, Mael, wala ka ba kaide-ideya?” natatawang sambit ni Sir Travis pa. "Sa alin?” nalilitong tanong muli ni Sir Mael. "Mag-jowa kaya sina Jax at Leah!” malakas na deklara pa ni Sir Travis. Dahil doon ay muling napaangat ako ng tingin. "Hindi po ha!” agarang pagtutol ko sa sinabi niyang iyon at muntikan na mapatayo pa mula sa aking hinihigaan. Napatingin ang lahat sa aking direksyon dahil sa aking ikinilos bago sabay sabay silang tumawa na akala mo may natuklasan na malaking sikreto. "Sabi sa inyo eh!” kompiyansa komento pa ni Sir Travis, "May something sa kanilang dalawa." "Your denial makes it proved," tumatangong komento pa ni Sir Declan na akala mo nasa kalagitnaan kami ng korte. Napasimangot na lang ako. Alam ko na kahit anong sabihin ko sa oras na ito ay iyon at iyon pa rin ang palalabasin nila. "Huwag niyo ngang asarin iyang si Leah kay Jaxson," pagtatanggol sa akin ni Ma'am Cathy, "Hindi naman ganoon ang nakikita ko sa kanilang dalawa." "Cathy, kahit ipusta ko sa iyo ang kotse ko! Naniniwala ako na may relasyon sina Jax at Leah!” kompiyansa komento pa muli ni Sir Travis, "Believe me. Ganito rin ang pakiramdam ko noong indenial pa si Mael sa pag-ibig niya sa iyo." "Same here," pagsang-ayon pa ni Sir Ezra, "My guts tell me na may koneksyon silang dalawa. Ayaw pa lang nila aminin sa atin." Muling napasimangot ako sa patuloy nila pagdidiin sa bagay na iyon. "Wala po talaga," pagtanggi ko muli, "Tignan niyo naman ang itsura ko para mangyari iyon. Tsaka ngayon ko lang po nakilala si Sir Jaxson." "Come on, Leah. Wala sa panlabas na itsura ang totoong pag-ibig," hindi naniniwalang komento naman ni Sir Ronan, "Basta sinasabi ko sa inyo na maghahanda na kami maging ninong ng mga anak niyo ha." Lalong napasimangot ako sa tinuran na iyon ni Sir Ronan. Mukhang wala talaga silang balak na bitawan ang usapan na ito at gagawan kami ng anumang koneksyon ni Sir Jaxson. Ang hindi nila alam ay kung gaano ko kinasusuklaman si Agent Fang. Kung gaano ko nais maghiganti sa ginawa niya sa akin limang taon na nakakaraan. "Tigilan niyo na sabi si Leah," hindi na natutuwang komento ni Ma'am Cathy nang mapansin ang reaksyon ko. Marahil napapansin na niya ang pagka-asar ko sa patuloy na ginagawa nina Sir Travis na pagdidikit sa amin ni Sir Jaxson. *** Hindi nagtagal ay nagpaalam na nga sina Sir Travis. Habang sina Sir Mael at Ma'am Cathy naman ay kailangan na rin bumalik para tignan ang kanilang triplets. Doon ay napahiga ako sa kama at napatitig sa kisame. Ngayon lang kasi muli natahimik ang loob ng kwarto ko. "Nasaan na nga ba si Sir Jaxson?" napapaisip na bulong ko. Tanging maaaring dahilan ng biglaang pagkawala niya ay mayroon bagong misyon siya na ginagawa. Ngunit ang balita ko ay hindi na siya natanggap na kahit anong misyon para mangyari iyon. Hanggang sa maalala ko na may mga buntot si Agent Gecko kaya hindi niya ako magawang makontak. Ayoko man isipin pero may posibilidad na may kinalaman si Agent Fang doon. Kaso ano naman ang magigingdahilan ni Agent Fang para pa-imbestigahan si Agent Gecko? Wala naman ako maisip na atraso si Agent Gecko kay Agent Fang. Wala naman ding iringan ngayon sa pagitan ng aming ahensiya para gawin niya ito. "Shit... Ano ba ang tumatakbo sa isip niya ngayon?” napapaisip ko pang sambit. Natahimik ako nang may kumatok sa pinto. Doon ay pumasok ang isang babae na nakasuot ng uniporme ng nurse. Sa hindi malaman na dahilan ay napatitig ako sa kanya. Para kasi may mali. Hanggang sa nagulat ako nang tumakbo ito sa aking gawi habang may hawak na patalim. "Mamatay ka na, Catherine!” malakas niyang hiyaw. Malakas na inihagis ko ang unan sa kanyang direksyon at saktong satin na sumapul ito sa kanyang mukha. Dahil sa hindi niyang inaasahan na pag-atake ko ay nabitawan niya ang kanyang hawak na patalim at napaupo sa sahig. Nang makabawi ng kanyang bwelo ay muling dinampot ng babae ang patalim at tila isang baliw na tumingin sa aking gawi. Mula sa kanyang sinabi ay inaakala niya sa oras na ito na ako si Ma'am Cathy. "f**k," bulalas ko na lang, "Mukhang nabubulagan siya ngayon ng matinding galit para hindi mapansin na ibang tao ang kaharap niya." Gusto ko man dambahin ang babae para agawin ang patalim sa kanyang kamay ngunit hindi maaari. Sa oras na ito ay nasa paligid pa rin si Agent Gecko. Ayoko gumawa ng hakbang na siya maglalantad sa aking totoong katauhan. "Catherine!” malakas na hiyaw muli ng babae at muling inakma sa aking gawi ang kanyang patalim. Bago pa bumaon sa akin ito ay gumulong ako sa gilid ng higaan para mahulog ako. Akmang hihilahin ako ng babae nang biglang nabasag ang bintana. Sa isang iglap ay may nakaitim na siyang dumagan sa babae at mabilis na inagaw ang hawak hawak nitong patalim. "Bitawan mo ko! Hindi ako titigil hanggang hindi ko napapatay si Catherine!” malakas niyang hiyaw habang nagpupumiglas. "Shut up!” malakas na singhal ng taong may hawak sa kanya, "Tumigil ka na dahil hindi si Cathy ang taong ang kaharap mo." Doon natigilan ang babae at napatingin sa aking gawi. Nanlaki ang mata niya nang mapagtanto na mali siya ng akala. "Sino ka?! Saan mo itinago si Catherine?!” singhal niya sa akin na tila sinadya ko ang pangyayari, "Huwag mo siya itago! Ilabas niyo siya!” Napangiwi ako sa lakas ng kanyang boses. Ramdam na ramdam ko roon ang matindi niyang galit sa hindi malaman na dahilan. Mula sa pagkakakilala ko kay Ma'am Cathy ay mabuti siyang tao. Kaya hindi ko lubos maisip na may ganitong tao na magagalit sa kanya ng matindi. "Ilabas niyo si Catherine! Hindi ako titigil hanggang sa hindi ko siya napapatay!” muling hiyaw niya, "Siya ang puno't dulo kaya naging ganito ang buhay ko! Kailangan ko alisin siya sa landas ko para bumalik ang lahat sa dati!” "Shut up!” muling pigil sa kanya ng may hawak sa kanya, "Huwag ka na lumaban pa dahil lalo ka lang masasaktan!” Ngunit hindi nakikinig ang babae at lalo lamang ito nagwala. Doon ay walang nagawa ang nakaitim kundi patulugin ang babae. "E di tumahimik ka rin," rinding rindi na komento pa niya. Doon ay nagtama ang tingin naming dalawa. Ngumiti pa siya na tila na walang nangyari. "Sir Jaxson... " pabulong na tawag ko sa kanya, "A-Ano pong... " "Long time no see, Leah," nakangisi pa niyang sambit, "Kung anuman ang nakita mo ngayon ay umaasa ako mananatiling lihim lang sa atin ito ha." Hindi naman ako umimik at nagkunwari na hindi maintindihan ang sinasabi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD