"Pffffttt... "
Hindi ko mapigilan ang aking tawa tuwing maaalala ang nagpapanic na reaksyon ni Leah.
"Hahaha... Akala niya ha," tumatawa ko pang bulalas, "Sa wakas ay nakaganti rin ako sa pananampal niya sa akin noon."
Muling malakas na napahalakhak ako nang maalala na naman ang nakakatuwang reaksyon ni Leah. Sa lumipas na limang taon ay ngayon lang muli ako napatawa ng ganito. Aaminin ko na kahit ako ay naninibago sa aking pagbabago na ito.
Ngunit ang tawa ko na iyon ay biglang natigil nang maramdaman ang mga yapak ng taong sumusunod sa akin. Gamit ang aking peripheral vision ay palihim na sinilip ko kung sino ang taong sumusunod.
Nang akin siyangmamukhaan ay dahan dahan ako lumiko at naglakad papunta sa emergency stair ng hospital. At nang masiguro ko na wala ng ibang tao sa paligid ay doon ko hinarap ang taong sumusunod.
"Agent Fang," sumasaludong pagbati sa akin ni Agent Venom.
Palihim na inilibot ko muli ang tingin bago binigyan siya ng matipid na tinanguan.
"Inaasahan ko na susunod na araw ka pa magpapakita sa akin," komento ko na lang.
Mayabang na ngumisi naman siya. "Ako pa ba?!” sambit niya at pinukpok pa ang kanyang dibdib, "Nakalimutan mo yata kung gaano ako kabilis gumawa ng trabaho."
Napailing na lang ako ng ulo sa ginawa niyang iyon. Hindi ko alam kung sino ang nagturo sa kanya ng ganitong pagmamayabang.
"Kung nandito ka... Ibig sabihin ay nakuha mo na ang bagong pina-iimbestigahan ko?”
Parang ilang oras pa lang ang lumipas magmula ng tawagan ko siya. Doon ay ngumisi muli siya bago iniabot na nga niya sa akin ang isang folder. Nilalaman lang naman ito ng mga impormasyon na nakuha niya tungkol kay Agent Gecko.
Alam ko na hindi ko maaaring pagkatiwalaan ang lahat ng detalye rito lalo pa na maaaring may ilang kinontrol si Agent Gecko na impormasyon tungkol sa kanya para itago ang totoo niyang identidad.
"He is Czar Romanov," pagbasa ko pa sa pangalan na naroroon.
Base sa nakalap n impormasyon ni Agent Venom ay nagpapanggap si Czar Romanov na isang ordinaryong sales boy sa malaking mall sa may Laguna. At kapag gabi ay doon niya ginagawa ang kanyang trabaho bilang isang secret agent.
Katulad ko ay kilala na rin sa aming industriya si Agent Gecko dahil na rin may ilang malalaking ulo ng sindikato siya na nahuli at kasalukuyan pa rin na nakakakulong. Kaya kumpara kay Agent Chameleon ay masasabing isa siya sa mga bihasa na agent ng PIA. Ngunit kung pagkukumparahin naman ang aming kakayahan na dalawa ay paniguradong ako pa rin ang mananalo sa aming dalawa.
"Naglagay ka ba ng buntot sa mga kilos ni Czar?” pagtatanong ko kay Agent Venom.
Agarang tumango naman siya. "Yes Agent," pagkumpirma niya, "Sa ngayon ay mukhang hindi pa niya napapansin ang kasamahan natin pero alam ko na hindi magiging madali ang pagbuntot sa kilos niya."
Tinignan ko naman ang listahan kung sinu-sino ang mga taong nakakasalamuha ni Czar Romanov. May posibilidad kasi na isa sa mga ito ang nagtatagong si Agent Chameleon. Hanggang sa matigil ang tingin ko nang makita ang pamilyar na pangalan.
"Ynara?” nalilitong pagbulong ko.
"Agent, may problema ba?" seryosong tanong ni Agent Venom nang mapansin nang matigilan ako sa aking nabasa.
Napatitig lamang ako sa pangalan ni Ynara. Alam ko na sangkot siya sa isang malaking kaso kaya nagkakilala sila ni Declan. Ngunit sino ang mag-aakala na may koneksyon din siya kay Agent Gecko. Isang malaking lihim ang identidad ng isang agent kaya marahil walang ideya si Ynara sa pagkatao ni Czar.
"May report ka ba sa kung anuman ang koneksyon ni Czar kay Ynara?” biglang tanong ko sa kanya.
Tumango naman si Agent Venom ay binuklat ang report niya sa bandang dulo.
"Ayon sa aming impormasyon, si Czar at Miss Ynara ay dating magnobyo," pagbibigay alam ni Agent Venom, "Ang relasyon nila ay noon pang mga nag-aaral sila noong college."
"Mag-ex sila?” hindi ko makapaniwalang sambit.
Parang naalala ko na may nakwento nga noon si Declan tungkol sa ex-boyfriend ni Ynara na patuloy na umaaligid sa dalaga. Na kahit matagal na silang hiwalay ay patuloy pa rin may komunikasyon ng dalawa sa hindi malaman na dahilan. Ilang beses ko na rin narinig kung paano niya pinagseselosan ang ex na iyon ni Ynara. Siya rin ang laging dahilan ng pag-aaway nilang dalawa. Gayun pa man ay nag-uusap at nag-uusap pa rin sina Czar at Ynara sa hindi malaman na dahilan ni Declan.
"Iyan lang ba ang kailangan mo ngayon, Agent Fang?” medyo nagtataka na tanong sa akin ni Agent Venom, "Tsaka may ginawang atraso ba sa iyo si Agent Gecko para paimbestigahan siya?”
Hindi naman ako makasagot. Lalo pa na umay na umay na si Agent Venom tungkol sa ilang taon na pagpapahanap ko sa babae. Kaya kapag nalaman niya na may kinalaman ang imbestigasyon na ito roon ay baka magsisi siya na maagang ibinigay niya sa akin ang report.
"Sabihin na lang natin na parang ganoon na nga," matipid na sagot ko na lang.
Namutla naman si Agent Venom. "Patay ka, Agent Gecko," rinig ko pang bulalas niya, "Bakit si Agent Fang pa ang binangga mo?”
Sinamaan ka naman siya ng tingin para mapaayos ng tayo si Agent Venom.
"Aalis ako muna," sambit ko.
Tinuro ko si Agent Venom. "Kaya ikaw muna ang bahala sa babysitter at pagbabantay kina Mael."
"Ha?! Eh?! Agent Fang?!” hindi makapaniwalang sambit ni Agent Venom, "Teka wala sa usapan natin ito?!”
Nginisian ko siya. "Don't worry... Naipa-alam ko na kay Boss Libra na pasamantala ka muna tutulong sa akin rito," dagdag ko pa.
Kita ko kung paano tila pinagbagsakan ng langit ang mukha ni Agent Venom. Alam niya kung paano ako kumilos. Siguradong walang makakatakas kapag nagseryoso na ako sa aking misyon. Ibig sabihin nito ay ilang araw lang naman siya mawawalan ng tulog.
"Huwag na huwag mong hahayaan mawala sa paningin mo ang babysitter," pagbilin ko pa, "Ilista niyo rin ang mga taong bibisita sa kanya para mas makasigurado ako."
"Eh?! Ang babysitter?” nalilitong sambit muli ni Agent Venom, "Pero bakit?”
"Wala naman mabigat na dahilan," seryosong sambit ko, "Pero iyon ang sinasabi ng isip ko na gawin."