Kabanata 4
“S-Señorito!” naibulalas ko bago mabilis na iniwas ang tingin ko bago pa man ako mapatitig sa katawan niya. “L-Lalabas po muna ako,” dagdag ko at dali-daling tumayo at nagtungo sa may pintuan pero natigilan na lang ako nang mabilis siyang humarang sa akin, dahilan para tuluyan kong makita ang kanyang hubad na katawan. Kitang-kita ko ang mga malalalim na linya sa kanyang dibdib at tiyan, dahilan para mas madepina ang kanyang muscles.
Agad akong nag-iwas ng tingin kasunod ng pag-iinit ng magkabilang pisngi ko. Hindi na bago sa akin ang ganoong klaseng pangangatawan dahil madalas ko naman itong makita sa TV, pero iba pa rin talaga kapag sa personal at harap-harapan mo itong makita.
“Where do you think you’re going?” tanong niya kasunod ng pagsilay ng mapaglaro niyang ngisi. “Hindi ka pa tapos sa ginagawa mo. Get them done or else you can’t leave this room,” dagdag niya bago siya dahan-dahang lumapit sa akin.
“S-Señorito…”
Nahagip ng mga mata ko ang mas paglapad ng ngisi niya bago siya mas lumapit sa akin. Yumuko pa siya hanggang sa halos tumapat na ang bibig niya sa tainga ko. “Are you afraid I might do something naughty to you, huh?” pabulong niyang sambit. Dama ko ang pagtama ng mainit niyang hininga sa aking pisngi.
“H-Hindi po,” utal kong sagot. Halos mabingi ako sa lakas ng kabog ng dibdib ko. “N-Nirerespeto ko lang po ang privacy n’yo, señorito.”
“Oh, don’t worry about that. Pwede mo akong bastusin,” mapaglarong sagot niya at mas lumapit pa sa akin.
Pero bago pa man magdikit ang mga katawan namin ay malakas ko siyang itinulak palayo kasabay ng pagkaripas ko ng takbo palabas. Pabalibag kong naisara ang pinto dahil sa labis na taranta at napasandal na lang ako sa katabi nitong pader.
Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang sarili ko, lalo na ang malakas na pagkabog ng dibdib ko.
Napabuga na lang ako ng hangin sabay dahan-dahang pumadausdos sa sahig. Pero natigilan ako nang mapansin kong may nakatingin pala sa akin. “S-Señorito Caden…” bulalas ko at mabilis na tumayo at inayos ang sarili ko. Hindi ko mapigilan ang muling pag-iinit ng magkabilang pisngi ko dahil sa pagkahiya. “M-May kailangan po ba kayo?”
“May ginawa ba kayong kababalaghan ng kambal ko?” malamig niyang tanong habang pinapasadahan ako ng tingin.
“W-Wala po!” mabilis kong depensa sa sarili ko at hindi sinasadyang nalakasan ko ang boses ko. Mariin akong umiling. “Wala po,” mahinahong kong dagdag at napayuko na lang dahil dama ko ang pagtindi ng init ng magkabilang pisngi ko.
“Okay,” aniya sabay sara ng pinto.
Tuluyan akong pumadausdos sa sahig dahil nanghina yata ang mga tuhod ko dahil sa stress. Napailing na lang ako bago marahang bumangon sabay ayos ng uniporme ko. At bago ako tuluyang bumaba ay muli kong tiningnan ang magkatapat na pinto ng kambal sabay napailing na lang.
“Bakit pa kasi kayo dumating…” naibulong ko na lang sa hangin sabay nguso.
Pagkababa ko ay agad akong sinalubong ni Felice. Kaylaki ng ngisi niya at bakas na bakas sa mukha niya ang labis na kasabikan. “Kumusta ang kambal, Lalaine? Masarap ba?”
“Magtigil ka nga, Felice. Huwag mong itulad si Lalaine sa ‘yo,” sabat naman ni Sarah na kasunod niya lang.
“Killjoy ka talaga, Sarah. Doon ka nga sa malayo!” angil niya rito. “Huwag mong sirain ang araw ko, please lang,” dagdag niya bago muling bumaling sa akin. “So, anong nangyari? Magkwento ka dali.”
Napabuga na lang ako ng hangin sabay iling. “Kung pwede, ikaw na ang umasikaso sa kanila, Felice. Kahit ako na ang maglinis sa buong bahay,” matamlay na sabi ko sa kanya dahil nakakaubos talaga ng lakas ang kambal na ‘yon.
“Sure ka? Hindi ako tatanggi sa grasya, Lalaine,” aniya at mas ngumisi pa sa akin. Kumapit siya sa braso ko at humagikhik. “Hulog ka ng langit sa akin.”
“Ikaw naman ay padala ng impyerno,” sabat ni Sarah. “Imposibleng payagan ka ng mayordoma na asikasuhin ang kambal. Kilala ka na ni Manang Helen. Alam niyang hindi ligtas ang kambal sa marumi mong pag-iisip.”
“Hoy!” Bumitaw na si Felice sa akin at dinuro si Sarah. “Masyado ka na yatang nag-e-enjoy sa pagiging kontrabida sa buhay ko, ha, Sarah? Baka gusto mong bunutin ko ‘yang buhok mo from the roots?!”
“Magsitigil nga kayo,” saway ko sa kanila bago ako pumagitna. “Please lang, stressed ako ngayon, kaya huwag muna kayong mag-away at baka mapag-umpog ko kayong dalawa,” mahinahong kong dagdag. “Hintayin na lang natin ang instructions ni Manang Helen.”
“Mas mabuti pa,” segunda ni Sarah.
“Ang mas mabuti ay bumalik ka na sa kusina at gawin ang trabaho mo,” singit ni Felice at umirap pa rito. “Gets?”
“Please lang, tama na muna ang bangayan,” saway ko sa kanila. “Felice, maglinis na lang tayo ng pwedeng linisin.”
“Unahin mo na ang budhi niya, Lalaine,” hirit pa ni Sarah bago ito mabilis na umalis nang hindi man lang nakakaganti si Felice.
“Pakyu ka!” gigil niyang sambit sa mahinang boses at baka marinig pa siya ni Manang Helen.
Hinila ko na lang siya papunta sa labas ng mansyon para tingnan ang mga sinampay.
Habang isa-isa naming kinukuha ang mga telang isinampay namin ay biglang dumating si Manang Helen sabay tawag sa akin, “Lalaine, sumunod ka sa akin at may pag-uusapan tayo,” bungad niya pagkalapit na pagkalapit niya sa akin. Pagkatapos ay bumaling siya kay Felice. “Ikaw na muna ang magtuloy ng ginagawa n’yo, Felice. Kakausapin ko lang saglit si Lalaine.”
“No problem, Manang Helen,” nakangiting sagot nito.
Tumango lang ang mayordoma bago siya tumingin sa akin at sinenyasan akong sumunod sa kanya para sumilong sa lilim ng puno.
“Lalaine…” tawag niya sa akin. “Alam kong bago ka pa lang dito at nangangapa ka pa sa mga gawain…” panimula niya bago siya tumingin nang diretso sa aking mga mata. “Pero gusto ko sanang ibigay sa ‘yo ang pinakaimportanteng trabaho sa mansyon,” dagdag niya dahilan para matigilan ako.
Napalunok ako kasabay ng pagsalubong ko sa titig niya. “P-Po? Anong klaseng trabaho po ba?”
Huminga siya nang malalim bago ipinatong ang isang kamay sa balikat ko. “Ang maging personal na maid ng kambal.”
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. “P-Po?!”
Gusto kong magmura dahil kani-kanina lang ay hiniling ko na sana ay hindi na ako mapalapit pa sa kambal, pero ano ito? Bakit kabaliktaran ang nangyari?
Pinaglalaruan ba ako ng panahon?!