Kabanata 5
Nandito kami ngayon sa maid’s quarter at nagpapahinga na. Sa ngayon ay si Manang Helen pa ang nag-aasikaso sa kambal dahil naging busy kami sa mga gawaing bahay. Marami kasi kaming nilinis na kwarto dahil ‘yon ang utos ng kambal dahil may mga bisita raw silang darating. Hindi naman nila sinabi kung kailan. Pero dahil utos nila ay sinunod na lang namin nang walang reklamo.
“Kung ayaw mo talaga, Lalaine, ako na lang. Kahit babúyin pa nila ako, okay lang,” sambit sa akin ni Felice sabay yakap sa sarili nila. “Kahit bastúsin nila ako, okay lang. Ako pa ang magso-sorry,” dagdag niya kaya napailing na lang ako.
“Wala ka nang pag-asa, Felice. Malala ka na,” walang emosyong sabat ni Sarah kaya matalim na napabaling sa kanya si Felice.
“Galing talaga sa bibig mo, Sarah? Magbalat ka na lang ng patatas sa kusina at nang may silbi ka,” tugon niya sabay irap. “Sinisira mo ang araw mo.”
“Gabi na,” mabilis na sabi ni Sarah.
“Pilosopa ka talaga! Kontrabida ka sa buhay ko!”
“Tama na nga ‘yan,” saway ko sa kanila at napabuga na lang ng hangin. “Please lang, tumigil muna kayo sa pagbabangayan. Nai-stress na nga ako rito, dinadagdagan n’yo pa.”
“Bakit ka ba kasi stressed, eh, biyaya na nga ang lumapit sa ‘yo,” kunot-noong tanong ni Felice.
“Biyaya mo mukha mo,” maktol ko sabay higa sa kama. “Alam kong alam n’yo nang hindi kanais-nais ang ugali ng kambal. Malayong-malayo ang ugali nila sa ugali ng mga magulang nila,” dagdag ko sabay yakap sa unan nang napakahigpit. Naalala ko na naman kasi kung paano ako pinagtripan ni Senyorito Hayden. Hindi magandang biro ang ginawa niyang paghuhubad sa harapan ko at pang-aakit sa akin.
Isa rin ‘yong si Senyorito Caden. Nanggaling lang ako sa kwarto ng kambal niya, inisip niya agad na may ginawa kami. Gano’n ba kababa ang tingin niya sa akin? Gano’n ba ako kalandi sa mga mata niya?
Napairap na lang ako sa hangin. “Hindi biyaya ang dalawang ‘yon. Mga sumpa sila!” inis kong sabi.
“Sila ang sumpa na kailanman ay hindi ko pagsisisihan,” hirit ni Felice pero hindi ko na lang siya pinansin dahil pagod talaga ako.
Maya-maya pa ay dumating si Manang Helen sabay tawag sa akin, “Lalaine…”
Agad akong bumangon at lumapit sa kanya. “Po?”
“Bukas, samahan mo ang mga senyorito na libutin ang mansyon. Gusto raw nilang tingnan ang lahat ng parte ng mansyon dahil matagal na rin nang huli silang makapunta rito,” sambit niya sa akin.
Gusto ko mang humindi ay wala na akong nagawa kundi ang tumango na lang. Katulong lang ako sa mansyong ito. Utusan. Kahit pa gaano kasama ang ugali ng mga amo ko ay wala akong magagawa kundi ang sumunod dahil sila ang nagpapasweldo sa akin.
“Okay po, Manang Helen,” sagot ko sa kanya.
Tumango lang siya sa akin bago siya bumaling kina Felice at Sarah para magbigay rin ng utos.
Pagkatapos niya kaming kausapin ay nagpaalam na siyang aalis na. At nang kami na lang ang maiwan ay nagkatitigan na lang kami at sabay na napabuga ng hangin.
“Para sa kagustuhan ng mga senyorito,” sabi ni Felice bago siya umakyat sa upper deck ng double deck na kama.
“Ano pa nga bang magagawa natin?” saad naman ni Sarah sabay higa na rin sa lower deck ng double deck.
“Kaya nga. Sige lang, hindi rin naman sila magtatagal dito,” segunda ko at humiga na rin sa kabilang kama.
Sana nga bukas ay umalis na sila.
——
Kinabukasan ay sabay-sabay kaming tatlo na gumising nang maaga: ako para maghanda upang maging alila ng kambal, si Felice para linisin ang ibang parte ng mansyon, at si Sarah para tulungan si Manang Rosita sa paghahanda ng ‘American breakfast’ kuno na request ng kambal.
Pagkalabas namin ng maid’s quarter ay kanya-kanya na kami ng destinasyon. Pero sa aming tatlo, ako lang ang naligo nang maaga para mag-ayos at maging presentable sa harap ng kambal.
Pagkatapos kong maligo ay nagsuot na ako ng maid’s uniform. Hindi ko na nasuot pa ang headdress dahil basa pa ang buhok ko. Nag-spray na rin ako ng vanilla-scented na pabango para kahit papaano ay maging kaaya-aya ang amoy ko kapag lumapit ako sa kambal.
Matapos kong maghanda ay agad na akong nagtungo sa ikalawang palapag ng bahay para gisingin sila. Isa kasi sa mga kailangan kong gawin ay ang gisingin ang kambal tuwing umaga at tulungan sila sa kahit na anong paghahandang gagawin nila—mapa pagbibihis man.
Una kong kinatok si Senyorito Caden dahil tingin ko sa kanilang dalawa ay siya ang madaling gisingin. Pipihitin ko na sana ang doorknob nang mapag-alaman kong naka-lock pala ito.
“Senyorito…” tawag ko sabay katok sa pinto. “Senyorito Caden, gumising na po kayo at mag-almusal.”
Ilang beses na akong kumatok. Ilang beses ko na siyang tinawag pero wala akong nakuhang sagot. Hindi ko tuloy alam kung gising na ba siya.
At dahil ayokong maubos ang oras ko kakakatok sa pinto ay bumaba ako at hinanap si Manang Helen para hingiin ang duplicate ng susi ng kwarto ni Senyorito Caden.
“Nako, mabuti na lang at sinabi mo,” sabi niya sa akin sabay abot ng dalawang susi. “Sinabi sa akin ni Ma’am Georgina na tulog-mantika raw talaga ang dalawa at mahilig mag-lock ng mga kwarto.”
“Sige po, ako na ang bahala,” sabi ko na lang kahit na sa isip ko ay gustong-gusto ko na lang umirap at sumagot ng, ‘bakit hindi na lang sila hayaang matulog maghapon at nang ‘di na ako ma-stress?’
Bumalik na ako sa second floor. Pagkarating ko sa tapat ng pinto ni Senyorito Caden ay muli akong kumatok, “Senyorito, gumising na po kayo para mag-breakfast,” sambit ko. At matapos ang ilang segundo na wala akong nakukuhang tugon ay sinusian ko na ang doorknob.
Dahan-dahan ko itong pinihit sabay tulak ng pinto. Agad na sumalubong sa akin ang lamig na dala ng aircon. Medyo madilim pa ang kwarto dahil sa makakapal na kurtinang hinaharang ang sinag ng araw.
“Senyorito, gumising na po kayo at handa na ang umagahan,” sabi ko sabay lapit sa salamin na bintana at binuksan ang mga kurtina upang makapasok ang liwanag.
Ilang sandali pa ay narinig ko ang inis na ugong niya. “It’s too early, god!” bulalas niya bago marahas na inalis ang comforter sabay tingin sa akin nang masama. Halos magtagpo ang mga kilay niya habang naniningkit ang mga mata sa akin. “What’s wrong with you?”
Marahan akong bumuga ng hangin para pakalmahin ang sarili ko, dahil hindi ko mapigilang makaramdam ng inis dahil ako pa ang nagmukhang masama. “Sinusunod ko lang po ang iniutos sa akin, senyorito. Mommy n’yo po ang nagsabi na gisingin kayo nang maaga.”
“Fúck,” matigas niyang sabi.
“Kung may problema po kayo sa paggising sa inyo nang maaga, sige po, sasabihin ko po kay Manang Helen at nang masabi niya sa mommy n’yo,” mahinahong kong sabi kahit na nagpiligil na akong umirap.
“Fine!” aniya at huminga nang malalim. “You get out of my room,” masungit niyang sabi.
Hindi mo na kailangang sabihin!
“Okay po. Bumaba na po kayo para mag-almusal,” sabi ko na lang at dali-daling lumabas bago ko pa siya masabunutan. Ang sungit-sungit. Umagang-umaga badtrip agad!
Sunod akong pumunta sa kwarto ni Senyorito Hayden at kumatok. “Senyorito…” tawag ko sa kanya. Nang wala akong makuhang sagot ay inihanda ko na ang susi para sana buksan ang kwarto niya pero hindi pala ito naka-lock kaya malaya akong nakapasok.
Gaya ng kwato ng masungit niyang kambal ay malamig at madilim din ang kwarto niya. Kaya naman ay dumiretso na ako sa bintana para sana buksan ang mga kurtina pero napaigik na lang ako nang biglang may humila sa akin hanggang sa mapahiga ako sa kama.
Babangon na sana ako agad nang lumingkis sa aking tiyan ang isang matikas na braso. “Good morning, my little maid,” bulong niya sa akin. Damang-dama ko ang mainit niyang hininga na tumatama sa batok ko.
“S-Senyorito…” utal kong sabi habang pilit na kumakawala sa mga braso niya. “B-Bitawan n’yo po ako.”
“Paano kung ayaw ko?” pilyo niyang tugon sabay dikit ng katawan niya sa akin.
“Sisipain ko po kayo sa bayàg,” pagbabanta ko sa kanya pero tumawa lang siya.
“Really?” aniya sabay yakap sa akin nang mas mahigpit. “I don’t think you can—ouch!” daing niya nang patalikod kong sinipa ang bayàg niya.
Dahil doon ay lumuwag ang pagkakayakap niya sa akin na sinamantala ko naman para makalayo sa kanya.
“You! Why did you do that?!”
Binuksan ko muna ang mga kurtina bago ako tumingin sa kanya. Bakas na bakas sa mukha niya ang sakit habang nakahawak sa gitna ng mga hita niya. “Dahil hinamon n’yo ako,” matapang kong sagot sa kanya. Huminga ako nang malalim bago inayos ang nagusot kong uniporme. “Bumangon na po kayo at mag-almusal,” dagdag ko bago tuluyang lumabas ng kwarto niya.
Nakasalubong ko pa si Senyorito Caden na mukhang kakalabas lang ng kwarto niya, pero hindi ko na siya pinansin pa at nilagpasan lang.
Kung akala nila ay magpapaapi ako sa kanila at hahayaan silang gawin ang gusto nila sa akin, p’wes hindi!