Kabanata 6
Umagang-umaga pa lang ay sira na ang araw ko. Hindi ko matago-tago ang simangot ko dahil kusang nangungunot ang noo ko at umaarko pababa ang mga labi ko habang nakatingin sa kambal na kasalukuyang nag-aalmusal.
“Mukhang wala sa mood si Senyorito Caden,” bulong sa akin ni Felice na sumadya talaga sa dining area para sulyapan ang kambal. “Paligayahin ko kaya?”
“Tumigil ka nga riyan, Felice,” saway ko sa kanya. “Mabuti pa’t gawin mo na ang ipinapagawa sa ‘yo ni Manang Helen bago ka pa niya masermonan.”
“Ito naman, saglit lang naman,” aniya saka ngumisi. “Pampagana,” dagdag niya at kumindat pa sa akin.
“Ewan ko sa ‘yo,” maktol ko.
Natawa na lang siya’t nailing. “Nahahawa ka na kay Sarah, ha,” aniya at hindi ko na lang siya pinansin dahil wala talaga ako sa mood para sabayan ang mga kalokohan niya.
“You…” Turo sa akin ni Senyorito Caden. “Come here,” malamig niyang sambit.
Mabilis akong lumapit sa kanya. “Ano po ‘yon, senyorito?” magalang kong tugon kahit na gusto ko na siyang irapan.
“Make me a freshly squeezed orange juice,” aniya. “Manually.”
“Me, too. Dapat ikaw ang gumawa, ha?” segunda naman ni Senyorito Hayden sabay ngisi sa akin na para bang gusto niya akong asarin.
“Okay po,” sagot ko.
“Make it quick,” pahabol ni Senyorito Caden.
Tumango lang ako at napairap na lang sa hangin pagkatalikod na pagkatalikod ko. Freshly-squeezed orange juice pa ang hanap eh may tinimpla na nga. Ang arte, arte. Gusto lang yata nila ako alilain, eh. Duraan ko juice nila, makikita nila!
“Ano raw ang gusto ng mga senyorito?” tanong ni Sarah sa akin nang makapasok ako sa kusina.
“Freshly-squeezed orange juice raw,” pabagsak kong sabi at hindi na napigilang mapasimangot. “Ayaw yata nila ng tinimpla n’yong juice.”
“Ang arte,” sambit niya at napailing na lang.
“Sinabi mo pa,” segunda ko at sinimulan nang hiwain ang mga orange.
Matapos ang ilang minuto ay dala ko na ang isang pitsel ng orange juice, freshly-squeezed.
“Senyorito, narito na po ang request n’yo,” sambit ko sabay lapag ng pitsel sa mesa.
“Ang tagal mo; nakainom na ako ng tubig,” masungit na sagot ni Senyorito Caden.
“I had no choice but to drink this juice, too,” segunda naman ng kambal niya at kumindat pa sa akin. “Inumin mo na lang ‘yang juice na ginawa mo. We don’t want that anymore.”
Napakurap-kurap ako para pigilan ang sarili kong sumigaw. Huminga ako nang malalim saka marahang tumango. “Ilalagay ko na lang po sa ref para pwede n’yo pa ring inumin mamaya,” sambit ko sa kanila at halos magsilitawan na ang mga ugat ko sa kamay dahil sa higpit ng pagkakahawak ko sa pitsel.
“Whatever,” pagsusungit ni Caden.
Oo, Caden na lang dahil wala na akong respeto sa kanya! Leche! Bwísit! Hayúp! Isa pa ‘yang Hayden na ‘yan!
Pagkapasok ko sa kusina ay huminga ako nang malalim para pakalmahin ang sarili ko. Inisip ko na lang na pagsubok lamang sila na kailangan kong lagpasan; na hindi rin naman sila magtatagal at aalis din. Kailangan ko na lang tiisin ang presensya nila. Hindi ako pwedeng magpadala at sumuko. Hindi ko papalagpasin ang offer ng mga Consunji sa akin na pag-aralin ako kapag tumagal ako sa mansyon.
Pagkatapos kumain ng kambal ay bumalik na sila sa kani-kanilang mga kwarto, habang ako naman ay naiwan sa tapat ng mga pinto nila at naghihintay lang ng utos mula sa kanila.
“Maid!” sigaw ni Hayden mula sa kwarto niya. “Come here!”
Napairap na lang ako sa hangin bago kumatok sa pinto niya sabay bukas nito. “Ano po ‘yon, senyorito?” magalang kong tanong.
Nasa kama niya lang siya at nakahiga. Tingnan mo ‘to, kakatapos lang kumain humihiga agad.
“Tell me, maid, should I take a bath or not?” aniya bago inunan ang palad niya habang nakatulod ang siko sa kama.
“Bago po ako sumagot, gusto ko lang po sanang sabihin na may pangalan po ako—Lalaine,” mahinahong sabi ko at pilit na ngumiti. “At nasa inyo na po senyorito kung maliligo kayo o hindi.”
“Okay, Lalaine,” aniya at tumango-tango pa. “Tinatamad akong maghubad. Pwede mo ba akong hubaran?” Ngumisi siya sa akin at kumindat pa.
Huminga ako nang malalim para kontrolin ang emosyon ko. “Senyorito, alam ko pong ang pamilya n’yo ang nagpapasweldo sa amin; na sumumpa po akong magsisilbi sa inyo, pero hindi po ibig sabihin no’n ay pwede n’yo nang ipagawa ang kahit na anong gusto n’yong ipagawa sa akin o kahit na sino man sa mansyong ito,” kalmadong sabi ko kahit na halos malukot na ang saya ko sa higpit ng pagkakakuyom ko. “May limitasyon po ang karapatang n’yong pag-utusan kami.”
Kita ko ang pagkislap ng mata niya kasabay ng paglapad ng ngisi. Bakas ang pagkamangha sa mukha niya. “Hmm…” Bumangon siya sa kama at mabilis na lumapit sa akin.
Todo atras naman ako habang nakatingin nang diretso sa mga mata niya. Ayokong ipakita sa kanya na nai-intimidate ako sa presensya niya. Natigil lang ako sa pag-atras nang bumangga na ang likod ko sa pader. Sinamantala naman niya ang pagkakataon para mas lumapit pa sa akin hanggang sa halos magdikit na ang katawan namin. Doon ko mas natitigan ang mga mata niya na para bang tumitingin ka nang direkta sa bughaw na bughaw na kalangitan.
“And what if I paid you to strip me nakèd?” pabulong niyang sabi na para bang nang-aakit pa sabay dila sa labi niya. “It isn’t a bad deal, is it? You get paid and you’ll also see me without any clothes on. Consider that a jackpot,” aniya at ngumisi.
“Senyorito, lumayo po kayo sa akin bago ko pa maisipang sipain kayo sa bayág,” pagbabanta ko sa kanya at matalim na sinalubong ang mapaglaro niyang mga titig.
“How vulgar!” aniya bago mabilis na napatakip sa pagitan ng mga hita niya. “And scary!”
“Mas nakakatakot po ang tingin n’yo sa aming mga katulong,” walang emosyong sabi ko bago inayos ang pagkakatayo. “Kung wala naman po kayong iuutos ay aalis na po ako. Baka ano pa ang isipin ng kambal n’yo,” pahabol ko at akmang tatalikod na sana at pupunta sa pintuan nang hawakan niya ako sa balikat.
“Sure ka talaga na ayaw mo akong makitang nakahubad? I can do it for free. You’ll get to see my abs, my toned b—“
“Sa inyo na po ‘yang abs n’yo. Quota na po ako sa abs ng mga kargador at construction worker sa bayan,” tugon ko at inalis ang kamay niya sa balikat ko. Kita ko kung paano umawang ang bibig niya sa sinabi ko. Siguro’y hindi niya inasahan sa akin ‘yon o baka insulto sa kanya ang sinabi ko. “At isa pa, ‘di hamak na mas malaki ang katawan at namumutok ang mga abs nila kumpara sa inyo,” pahabol ko bago tuluyang lumabas.
“You!” sigaw niya at lalapitan pa sana ako pero isinara ko na ang pinto.
Hindi ko tuloy mapigilang mapangisi dahil pakiramdam ko’y nakabawi ako sa pang-iinis nila sa akin.
——
Matapos ang halos isang oras na pagtayo sa labas ng mga kwarto nila ay sa wakas naisipan na rin nilang lumabas. Walang emosyong sa tumingin sa akin si Caden habang masama at matalim naman ang titig sa akin ni Hayden.
“Saan n’yo po gustong pumunta?” tanong ko sa kanila at plastik na ngumiti.
“Take us anywhere,” walang ganang sagot ni Caden. “As if there’s something fun to do in here. No internet, just a fúcking connection for calls and texts,” matigas niyang dagdag at nauna nang bumaba.
“How about you let me explore your body?” biglaang sabi ni Hayden na nasa likod ko lang pala. Nabigla ako sa ginawa niya kaya napaigtad ako. Nang lingunin ko siya ay kitang-kita ko sa mukha niya ang tuwa at ang nakakalokong ngisi. “Got chills?”
“Akala ko po multo,” pabalang kong sagot bago sumunod kay Caden.
“You…” Nakita ko siyang sumunod sa akin. Hinabol niya ako hanggang sa makasabay siya sa aking bumaba. “May problema ka ba sa akin?”
“Wala naman po, senyorito. Ang akin lang ay huwag n’yo po kaming itrato na parang isang bagay na pwede n’yong gawing libangan,” prangkang sabi ko. “Kung bored po kayo sa buhay n’yo rito sa mansyon, maghanap po kayo ng pwedeng pagkaabalahan, hindi ‘yong kaming ang kasambahay ang gagawin n’yong pampalipas oras.”
“Chill, Laleng, hindi mo ba alam ang salitang fun?” aniya dahilan para matigil ako sa paglalakad para harapin siya.
Hindi ko na naitago ang inis sa mukha ko. “Una sa lahat, Lalaine po ang pangalan ko, hindi Laleng. At pangalawa, para sa akin na ipinanganak na mahirap at may pamilyang kailangang tustusan, wala sa bokabularyo ko ang chill at fun na ‘yan,” matigas kong sabi sa kanya bago ako huminga nang malalim para kontrolin ang emosyon ko. “Kaya kung gusto n’yong mag-chill at mag-enjoy, pakiusap lang, huwag n’yo akong damayin.”
“Wala ka bang magulang? They should be the one working to support your needs. In fact, you should be studying right now,” aniya saka nagkibit ng balikat.
Naikuyom ko ang mga kamay ko. Hindi ko alam kung nagtatanong lang ba siya o may kasama nang pang-iinis. “Ang daling sabihin ng mga salitang ‘yan para sa inyo , senyorito. Swerte kayo dahil hindi n’yo naranasan ang buhay na mayroon ako,” malamig kong sabi. “At kung pwede lang, huwag kang magsalita na para bang alam mo na walang ginawa ang mga magulang ko para sa akin at sa mga kapatid ko. Hindi mo alam ang mga sakripisyong ginawa nila para sa ikabubuti namin,” dagdag ko at tumuloy na sa paglalakad.
“Well, I don’t know and I don’t care,” sambit niya bago ako nilagpasan.
Nakagat ko ang labi ko dahil labis akong nainis sa mga sinabi niya. Bumuga na lang ako ng hangin at pilit na nagtimpi.
Kumalma ka, Lalaine. Kalma.
Pagkababa namin sa living room ay napagpasyahan naming maglibot sa labas ng mansyon.
“Caden, let’s go visit the garden,” bibong sabi ni Hayden sa kambal niya bago siya tumingin sa akin. “Lead the way, Laleng.”
“Laleng? Is that her name?” tugon ni Caden.
“Yes. She’s Laleng.”
“Lalaine po,” pagtatama ko.
“Okay. Laleng,” sambit ni Caden kaya hindi ko napigilan ang pag-angat ng isang sulok ng labi ko.
Nagsisimula nang pumitik ang ugat sa ulo ko kaya minabuti ko nang maunang maglakad sa kanila. “Dito po, mga senyorito.”
Papunta pa lang kami sa hardin nang biglang umakbay sa akin si Hayden. “About the talk earlier, I would like to offer you something,” bulong niya sa akin. “How about you sleep with me tonight? I’ll pay you a good price for your body,” dagdag niya. “What c—“
Hindi niya natapos ang sinasabi niya nang mabilis akong kumalas sa pagkakaakbay niya at malakas siyang sinampal. Damang-dama ko ang init at hapdi sa palad ko matapos ng ginawa ko. Nanginginig ang kamay ko sa inis at parang sasabog ang puso ko sa galit.
“You!” sigaw sa akin ni Caden pero hindi niya natapos ang sinasabi niya nang masama ko siyang tiningnan bago ako bumaling kay Hayden.
“Tumigil ka na po, senyorito,” matigas kong sabi habang nanginginig ang mga labi ko sa galit. “Gaano po ba kababa ang tingin n’yo sa akin?” Ikinuyom ko ang mga palad ko. At sa tindi ng emosyong nararamdaman ko ay hindi ko na napigilang maluha. “Ano po bang problema n’yo sa akin?”
“H-Hey, I…I was just joking. Huwag kang umiyak,” tarantang sambit niya at akmang lalapit na sana sa akin pero mabilis akong tumalikod at dali-daling bumalik sa loob ng mansyon.
“Laleng! Wait!”
Hindi ko na sila nilingon pa. Tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung anong problema nila sa akin at kung bakit ako pa ang napili nilang pagtripan. Gusto ko lang naman magtrabaho nang maayos. Gusto ko lang manilbihan nang payapa!
Hindi kasama sa trabaho ko ang maliitin at insultuhin!
Bwísit!