Kabanata 1
Buong biyahe ay kinausap ako ni Tiya Sabel tungkol sa kalakaran sa mansyon. Sinabi niya sa akin na sa oras na makarating ako roon ay gagabayan niya muna ako nang isang linggo hanggang sa masanay ako sa mga gawain at makilala ko ang iba pang mga namamasukan sa mansyon.
“Huwag kang mag-alala, Lalaine, hindi naman ganoon kahirap ang trabaho sa mansyon. Nakaya ko nga na medyo may edad na ako, ikaw pa ba na malakas pa ang pangangatawan,” paninigurado sa akin ni Tiya Sabel sabay ngiti nang matamis. “Hindi rin madamot ang mga Consunji. Kada may okasyon, lalo na ‘pag pasko ay asahan mong may matatanggap ka.”
“Gano’n ho ba?” tanong ko at tipid na ngumiti.
“Oo. At mababait din ang mga kasamahan mo roon. Walang pabida, kaya makakaasa kang hindi ka magkakaroon ng problema sa trabaho,” tugon niya bago inabot ang kamay ko. “Pagbutihan mo sa trabaho, ha? Ako na ang nagsasabi sa ‘yo na malaki ang maitutulong ng trabaho mong ‘to sa kalagayan ng mama mo.”
Marahan akong tumango bago ipinatong ang kamay ko sa kamay niya. “Opo, Tiya Sabel. Maraming salamat po at inirekomenda n’yo ako sa amo n’yo.”
“Iyon na nga…” aniya at matamis na ngumiti sa akin. “Nasabi ko kay Sir Sullivan at Ma’am Georgina na ang papalit sa akin ay ang pamangkin kong dalaga. Pagkatapos ay tinanong nila sa akin kung nag-aaral ka pa ba o hindi na…” aniya at mas lalo pang lumapad ang ngiti. “At nang sabihin kong tumigil ka para makapagtrabaho, ay nagsabi sila sa akin na kapag tumagal ka ng isang taon, ay bibigyan ka nila ng pagkakataong mag-aral nang libre. Gagawin ka nila iskolar.”
Nanlaki ang aking mga mata kasabay ng pag-awang ng aking bibig sa narinig. “T-Talaga po?” Hindi ko na napigilang mapangiti.
“Oo. Kaya pagbutihan mo. Kayanin mo,” aniya at marahang pinisil ang aking palad.
“Opo, Tiya Sabel,” sagot ko at halos hindi na mawala sa mga labi ko ang matamis at sabik kong ngiti.
——
Inabot na kami ng dilim dahil halos dalawang oras ang naging biyahe namin papunta sa mansyon ng mga Consunji. Doon ko lang din napag-alaman na ang mansyon ay parte lang pala ng napakalaking property ng mga Consunji—isang hacienda.
“Mga kape, tubo, at ubas ang pangunahing produkto ng hacienda ng mga Consunji,” sambit sa akin ni Tiya Sabel. “Pero hindi mo na kailangang isipin pa ‘yon dahil ibang tao na ang nagtatrabaho roon at minsan mo lang din naman silang makita. Siguro mabibilang mo lang sa mga daliri sa kamay mo.”
Napatango na lang ako habang at tipid na ngumiti sa kanya. Pagkatapos ay tumingin ako sa labas ng bintana ng kotse para aninagin ang dinadaanan namin, pero hindi ko na ito masyadong makita dahil sa dilim ng paligid.
Ilang sandali pa ay napatingin na ako sa unahan nang mahagip ng mga mata ko ang napakaraming ilaw. Doon ko nakita ang napakalaking mansyon ng mga Consunji. Sa tapat ng mansyon ay ang napakalawak na bakuran. Malinis na malinis tingnan ang bermuda grass na itinanim dito. Agaw pansin din ang napakalaking fountain na may estatwa ng babaeng nakahubad at may hawak na vase kung saan dumadaloy ang tubig.
Hindi ko na napansin pa ang ibang detalye dahil agad akong tinawag ni Tiya Sabel na pumasok na sa mansyon. Isa pa sa napansin ko ay ang napakalaking pinto na kasya yata ang limang tao na sabay-sabay pumasok.
Pagkapasok namin ay sinalubong kami ng apat na babaeng nakasuot ng maid uniform na kulay itim at puti ang kombinasyong kulay. Pero agad na nalihis ang tingin ko dahil naagaw ng napakalaking ginintuang chandelier ang atensyon ko. Punong-puno ito ng mga kristal. Nakasabit ito sa mataas na kisame at napapagitnaan ng dalawang malalaking hagdan na nilatagan ng pulang carpet. Bagay na bagay ang kulay ng ilaw na isinasaboy nito sa kulay kremang pintura ng bahay.
“Ito pala ang pamangkin ko, si Lalaine. Siya ang papalit sa akin,” pagpapakilala ni Tiya Sabel kaya agad akong napatingin sa mga babae.
“M-Magandang gabi po,” bati ko sa kanila at matamis na ngumiti.
“Welcome sa mansyon ng mga Consunji, Lalaine,” mainit na pagbati ng nasa gitna nila. Bakas na sa mukha nito ang mga linya at kita na rin ang iilang puting hibla sa kanyang maayos na nakapusod na buhok. “Ako si Helen, ang mayordoma ng mansyon,” pagpapakilala niya at inilahad ang kamay sa akin.
“Lalaine po,” tugon ko sabay tanggap ng kamay niya.
“Ako naman si Rosita,” pagpapakilala ng isa pa na ka-edaran lang yata ni Manang Helen. May kalusugan ang katawan nito at maikli ang buhok. “Ako ang tagaluto.”
“Ako naman si Felice,” segunda naman ng isa na tingin ko’y matanda lang ng ilang taon sa akin. Siguro’y nasa 5’5 ang taas niya dahil magkasingtaas lang kami. “Ako naman ang makakasama mo sa paglilinis sa mansyon.”
“Sarah,” tipid na pagpapakilala ng natitira sa kanila. Tuwid ang linya sa kanyang labi at tila inaantok ang kanyang mga mata. Tingin ko’y ‘di lang din nagkakalayo ang edad namin. Medyo maliit lang siya nang kaonti sa akin. “Assistant cook mansyon at tagalinis.”
“Oh, siya, mamaya na natin kilalanin si Lalaine. Tara na sa hapag at baka lumamig na ang pagkain,” sabat ni Manang Helen. “Sabel, sabihan mo na rin si Ricardo na sumabay sa ating maghapunan,” utos nito bago naunang maglakad papunta sa isang direksyon.
Agad namang lumapit sa akin si Felice at ngumisi. “Nako, good timing talaga ang pagdating mo, Lalaine,” sambit niya sa akin at humagikhik.
“Bakit?” tanong ko habang hinahayaa siyang gabayan ako sa hapag kainan.
“Dahil dadalaw raw ang kambal na Consunji sa susunod na linggo,” mabilis niyang tugon at muling humagikhik. “Guwapo raw ang mga ‘yon.”
“Mga amo mo sila, Felice. Huwag mong pagpantasyahan,” malamig na sabat ni Sarah na nasa likod lang pala namin.
“Pantasya agad, Sarah? Hindi ba pwedeng crush lang? Pampalakas at pampaganang magtrabaho?” mabilis niyang turan at naiiling na ngumisi. “Kapag nagkataong ubod ng gwapo ng mga ito, baka alas tres pa lang nang madaling araw ay naglilinis na ako sa mansyon,” hirit niya at bumungisngis. “At baka malay n’yo, makita ako ng mga senyorito bilang isang wife material.”
“Ayan ang dulot ng pagpupuyat sa ‘yo,” walang ganang sabi ni Sarah at bumuga pa ng hangin. “Ikain mo na lang ‘yan.”
“Kontrabida ka talaga sa buhay ko, Sarah!” Ngumuso na lang si Felice sabay tingin sa akin. “Kumain ka nang marami ngayon, ha? Kailangan mo nang maraming lakas dahil puspusan ang paglilinis na gagawin natin simula bukas. Maselan pa naman daw ang kambal dahil laking siyudad,” sambit niya sa akin.
Tumango lang ako at ngumiti sa kanya dahil wala na rin naman akong maisip na isagot. At isa pa, napapaisip din ako sa kambal na anak ng mga Consunji. Sana lang talaga ay hindi sila ang tipo ng mga amo na nakikita ko sa telebisyon na inaapi ang mga kasambahay. Wala pa namang nabanggit si Tiya Sabel sa akin tungkol sa ugali ng mga anak nina Ma’am Georgina at Sir Sullivan.