Simula

1079 Words
“Mag-iingat ka, ‘nak, ha?” Napatingin ako kay mama nang marinig ko ang boses niya. Nakatayo siya sa may pintuan ng kwarto namin ng mga kapatid ko. Payat ang kanyang mukha at madilim ang palibot ng mga mata. Hindi ko na naman napigilang maawa sa sitwasyon niya. Isang buwan lang makalipas niyang magkasakit. Ang sabi ng doktor sa amin ay heart problem daw at hindi na siya pwedeng ma-stress at mapagod sa trabaho, kaya naman pinahinto na namin siya sa pagtitinda ng gulay sa palengke. Tumayo at niyakap siya nang mahigpit. “Kayo rin po, ‘ma. Huwag po kayong mahiyang magsabi sa akin kapag may kailangan kayo, ha? Lalo na sa mga gamot n’yo. Gagawan ko po ng paraan makapagpadala lang ng pera,” mahabang sambit ko sa kanya habang hagod-hagod ang kanyang likod. Hindi ko na napigilan ang panunubig ng mga mata ko kaya ibinaon ko ang mukha ko sa kanyang balikat. “Pasensya ka na, ‘nak. Kung hindi lang sana ako nagkasakit ay hindi ka sana hihinto sa pag-aaral at hindi ka s—“ “Mama…” malambing kong putol sa sinasabi niya bago ko siya tiningnan sa kanyang mga mata. “Hindi mo kailangang mag-sorry sa akin. Desisyon ko na tumigil sa pag-aaral at tanggapin ang alok ni Tiya Sabel na trabaho,” dagdag ko at matamis siyang nginitian kasabay ng marahan kong paghaplos sa kanyang mukha. “At isa pa, ito ang mas kailangan natin sa ngayon.” Hindi siya nagsalita. Tumitig lang siya sa akin bago ako niyakap nang mahigpit. “Basta mag-iingat ka roon. Huwag mong hayaan na alipustahin ka ng kung sino man sa mansyon ng mga Consunji,” dagdag niya at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sa akin. Napangiti na lang ako bago siya niyakap pabalik. “Huwag kayong mag-alala, ‘ma. Mababait naman daw ang mga Consunji sabi ni Tiya Sabel. At minsan lang naman sila kung dumalaw sa mansyon,” paninigurado ko sa kanya. Kailangan kasi ng bagong katulong ng mga Consunji dahil aalis na si Tiya Sabel—kapatid ni papa—dahil pinapatigil na siya ng anak niya sa pagtatrabaho dahil nakapagtapos na itong mag-aral at nakahanap ng magandang trabaho, at dahil na rin ayaw ng anak niya na lumala pa ang sakit niya. At ako ang naisipan niyang ipalit sa kanya dahil nabalitaan niya ang sitwasyon ng pamilya namin. Kumalas na ako sa yakap niya at nagpaalam nang aalis. Kailangan ko kasing makarating sa terminal bago ang alas kwatro nang hapon dahil susunduin ako nina Tiya Sabel. Hindi na ako nagpasama kay mama sa terminal dahil ayokong mahirapan siya, lalo na’t wala ang dalawang kapatid ko dahil pasukan nila at si papa naman ay nasa construction site at nagtatrabaho. Ayaw ko pa sanang umalis nang walang kasama si mama dahil baka kung ano ang mangyari sa kanya, pero siya na mismo ang nagsabi sa akin na ayos lang siya; na may mga kapitbahay naman daw kami na mahihingan niya ng tulong kung sakali. Huminga ako nang malalim bago ako sumakay ng tricycle. Hindi ko alam kung makakaya ko ba ang trabaho ko sa mansyon, pero kailangan kong kayanin para kay mama; para sa pamilya ko. Bago ako tumuloy sa terminal ay dumaan na muna ako sa construction site para makausap si papa kahit na alam kong wala naman siyang pakialam kung aalis ba ako o hindi. “Kuya, nasaan po si Bernard?” tanong ko sa isang trabahante na naghahakot ng hollow blocks. “Pwede po bang pakisabi na narito ang anak niya?” pakisuyo ko. Mukhang napansin naman ng lalaki na nagmamadali ako kaya mabilis siyang umalis para tawagin si papa. Kung pwede lang sana na ako mismo ang pumunta sa kung nasaan man siya ay ginawa ko na, kaso hindi, eh. Bawal. “Oh, bakit?” matigas na bungad niya sa akin at mukhang inis pa. “Aalis na po ako, ‘pa. Ngayon po ako pupunta sa mansyon ng nga Consunji,” pagpapaalam ko sa kanya at pilit na ngumiti. “Aba’y mabuti naman at nang makatulong ka rin sa gastusin!” mabilis niyang tugon. “Oras na rin naman siguro na bumawi ka sa mga nagastos ko sa ‘yo,” aniya bago tumalikod. “Sige na, umalis ka na. May trabaho pa ako,” pagtataboy niya sa akin bago siya naglakad palayo. Napabuga na lang ako ng hangin at napangiti nang mapait bago tumalikod na rin at umalis sa site para maghanap ng tricycle na maghahatid sa akin sa terminal. Hindi ko talaga alam kung bakit gano’n na lang kung tratuhin ako ni papa. Hindi naman gano’n ang ugali niya sa mga kapatid ko. Kapag tinatanong ko naman si mama ay sinasabihan na lang niya ako na intindihin ko na lang si papa. Huminga ako nang malalim nang maramdaman ko ang panginginit ng magkabilang sulok ng aking mga mata. Habang nakasakay ako sa tricycle ay hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko dahil sa labis na bigat na nararamdaman ko. Hindi man lang ako nakatanggap ng kahit isang ‘ingat ka’. Kahit na alam kong imposible na marinig ko ‘yon sa kanya ay umasa pa rin ako, lalo na’t hindi madali ang gagawin ko. Tumigil ako sa pag-aaral. Tinalikuran ko ang mga pangarap ko dahil mas pinili kong maging praktikal at makatulong sa kanila—kahit ‘yon man lang ay makita niya. Kahit doon man lang ay magpasalamat siya. “Neng, okay ka lang ba?” tanong sa akin ng driver nang ihinto niya ako sa terminal. Ngumiti lang ako sa kanya bago nagbayad sabay alis. At matapos lang ang ilang minutong paghihintay ay dumating na si Tiya Sabel sakay ng isang kotse. Matamis siyang ngumiti sa akin nang makababa siya. “Ready ka na?” tanong niya. Ngumiti ako sa kanya bago nagmano. “Kinakabahan po ako, pero kakayanin po.” “Huwag kang mag-alala, mababait ang mga Consunji. Sigurado akong magugustuhan mo roon,” paninigurado niya sa akin. “Sana nga po,” tugon ko at pilit na ngumiti. Tumango lang siya sa akin bago kami pumasok sa sasakyan. Pagkasara ng pinto ay agad na kaming umalis. Napatingin na lang ako sa labas ng bintana sabay buga ng hangin para kahit papaano ay alisin ang kabang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin sa mansyon ng mga Consunji, pero kung ano man ‘yon, sisikapin kong malagpasan ‘yon—para sa pamilya. Para sa pangarap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD