Kabanata 2
Mag-iisang linggo na mula nang makarating ako sa mansyon, at masasabi kong tama nga si Tiya Sabel sa sinabi niya na mababait ang mga kasamahan ko. Hindi ako nahirapang mag-adjust at sa katunayan ay naging malapit ako agad sa kanila, lalo na kay Felice at Sarah. Kaming tatlo ang halos palaging magkasama nitong mga nagdaang araw lalo na’t kinailangan naming masiguro na malinis ang buong mansyon.
Halos isang linggo rin ang linisang naganap dahil iyon ang utos sa amin ni Manang Helen. Sinigurado talaga naming malinis na malinis ang mansyon, lalong-lalo na ang dalawang kwarto na siyang gagamitin ng mga ito sa pamamalagi nila.
“Kailan kaya sila darating?” bulalas ni Felice habang nasa hardin kami at nagdidilig ng mga halaman. “Hindi na ako makapaghintay!”
“Umaandar na naman ang kalandian mo, Felice. Magtigil ka riyan at baka marinig ka pa ni Manang Helen,” saway ni Sarah.
“Huwag mo ngang basagin ang trip ko, Sarah! Doon ka na sa kusina at tumulong ka na lang kay Manang Rosita sa pagluluto,” mabilis na tugon ni Felice at napairap pa sa hangin. “Ang aga-aga, tumataas ang dugo ko sa ‘yo.”
“Kumalma nga kayo,” saway ko sa kanila at nailing na lang dahil walang araw yatang hindi sila nagbabangayan. “Palagi na lang kayong nag-aaway. Feeling ko tuloy mag-bestfriend talaga kayo.”
“Diyos ko po!” mabilis na tugon ni Felice ag nanginig pa sabay sign of the cross. “Isang malaking himala ang kakailanganin mo, Lalaine, para mangyari ‘yon.”
“Sa parteng ‘yan lang din ako sasang-ayon,” walang emosyong segunda naman ni Sarah.
Napabuga na lang ako ng hangin sabay tango. Kahit hindi nila sabihin, alam kong kaibigan ang tingin nila sa isa’t isa. Siguro ang pagbabangayan lang talaga ang bonding nila.
“Kumusta na kaya si Manang Sabel…” biglaang bulalas ni Felice.
“Sigurado akong masaya siya sa,” tugon ko at matamis na ngumiti. Dalawang araw na mula nang tuluyang umalis si Tiya Sabel para tuluyan nang tumigil sa pangangatulong. “At isa pa, oras na rin na huminto siya sa pagtatrabaho dahil kaya na rin naman siyang suportahan ng anak niya,” dagdag ko.
“Sabagay,” pagsang-ayon ni Felice. “Matanda na rin si Manang Sabel kaya mas mabuti na ring manatili na lang siya sa bahay nila at makasama ang anak niya. Ang daming taon din kasi ang nasayang na hindi niya nakasama ang pamilya niya dahil sa trabaho.”
“Kaya nga,” sambit ko. “Sina Manang Helen at Manang Rosita, kailan sila magre-retire?”
“Nako, hangga’t kaya pa nila ay hindi sila aalis,” mabilis na sagot ni Felice at matamis na ngumiti. “Matandang dalaga ang dalawang ‘yon. Nang tanungin namin sila kung bakit hindi na sila nag-asawa, ‘yon ay dahil gusto nilang ialay ang buong buhay nila sa paninerbisyo sa mga Consunji. Utang daw kasi nila ang buhay nila sa mga ito,” paliwanag niya sa akin. “Ilang henerasyon na ang pinagsilbihan nila kaya hindi nila magawang bumitaw sa trabaho nila. Napamahal na rin ang mga Consunji sa kanila.”
“Ang sabi nga nila ay bakit pa raw sila maghahanap ng pamilya, eh, may pamilya na sila—ang mga Consunji,” walang emosyong sabat ni Sarah.
Napatango na lang ako at hindi mapigilang mapangiti dahil hindi ko lubos akalain na ganoon pala ang istorya ng mga buhay nina Manang Helen at Manang Rosita.
“Felice! Sarah! Lalaine!” Natigil ang usapan namin nang marinig namin ang boses ni Manang Helen. “Halina kayo at kailangan na nating maghanda. Papunta na raw rito ang kambal!”
Napaigik si Felice sa narinig sabay hawak sa kamay ko. “Ayan na! Tara na, Lalaine!” sabik niyang sabi sabay hila sa akin papasok sa mansyon. “May binili akong pabango sa bayan. Oras na para gamitin ‘yon. At huwag kang mag-alala, bibigyan kita,” dagdag niya pa habang binabagtas namin ang daan papunta sa living room.
“Parating na ang kambal na Consunji. Siguraduhin n’yong malinis na malinis ang mga kwarto nila,” bungad na utos sa amin ni Manang Helen pagkarating namin sa living room. “Tig-iisa kayo ng kwartong titingnan. Sige na.”
“Okay po,” sabay na sagot namin ni Felice. At bago kami makaakyat sa ikalawang palapag ay narinig pa namin na inutusan ni Manang Helen si Sarah na tumulong sa paghahanda ng pananghalian ng kambal.
——
“Nakikita ko na ang sasakyan!” sabik na sambit ni Felice sa akin at itinuro pa ang direksyon kung nasaan ang minamanehong sasakyan ni Mang Ricardo. “Amuyin mo ako, Lalaine, bilis!”
“Umayos ka nga, Felice,” matigas na saway ni Sarah. “Baka ikaw pa ang dahilan na magsisi ang kambal na pumunta sila rito.”
“Ikaw ang umayos, Sarah! Baka ikaw ang magsisi kapag tumama sa ‘yo ‘tong kamao ko!” bulyaw ni Felice.
“Tumahimik na kayo riyan at umayos na,” mariing saway ni Manang Helen kaya natigil ang dalawa. “Humilera na kayo.”
Tumango lang ako bago tumabi sa kanya. Sumunod naman sa akin si Felice at si Sarah. Wala si Manang Rosita dahil nasa hapag kainan siya at inaayos ang mga kubyertos.
Maya-maya pa ay tumigil na ang sasakyan sa harapan ng mansyon. Mabilis na lumabas si Manong Ricardo at binuksan ang backseat ng sasakyan.
Hindi ko magawang alisin ang tingin ko roon dahil maging ako ay curious din na makita ang kambal. At ilang sandali pa nga ay lumabas na ang mga ito. Ibang-iba ang pananamit ng mga ito. Halatang laki sa siyudad. Nakasuot pa ng itim na salamin ang isa sa kanila habang ang isa naman ay nakasuot ng headphone. Nakakalula rin ang tangkad nila. Tingin ko’y sa bandang dibdib lang nila ako.
Gusto ko pa sana silang tingnan pero kinailangan na naming yumuko para batiin sila.
“Maligayang pagdating po s—“
“Get our bags,” matigas na sabi ng isa sa kanila. Hindi man lang kami nito pinatapos magsalita. “Bring them to our rooms and make sure to arrange them well.”
“Is the food ready?” sabi naman ng isa sa kanila kaya nag-angat na ako ng tingin para sana sumagot pero natigilan lang ako nang lagpasan lang nila kami na para bang hindi nila kami nakita.
Agad namang sumunod si Manang Helen sabay senyas sa amin na kunin ang mga gamit sa kotse.
Nagkatinginan na lang kaming tatlo at sabay-sabay na napasabi ng, “Mga suplado!”
“Pero ang bango nila, ha,” hirit ni Felice sabay ngisi. “Amoy siyudad. Sayang hindi ko sila natitigan sa mukha kanina,” dagdag pa niya at nagkasundo kaming dalawa ni Sarah na irapan siya.
“Wala akong pakialam sa hitsura nila, Felice. Kung gano’n lang din naman ang ugali nila, ay bahala na kahit sila pa ang pinakagwapo sa balat ng lupa,” sagot ko bago nilingon si Sarah. “Tara na, Sarah, at iakyat na natin ang mga gamit nila bago pa man tayo mapagalitan.”
“Ako okay lang,” sabat ni Felice na nakangisi pa rin. “Iyon ang tipo ko, eh. Gusto ko ‘yong suplado tapos wild sa kama dagdag niya at humagikhik pa.
“Ayan na ang resulta ng hindi mo pagkain nang tama sa oras, Felice—nahihibang ka na,” sambit sa kanya ni Sarah kaya mabilis na nanlisik ang mga mata niya.
“Excuse me? Hoy, para sabihin ko sayo…”
Napailing na lang ako at iniwan na silang dalawa. Bahala na sila roon. Mas inaalala ko ang kambal na Consunji dahil tingin ko’y sila ang magiging rason para mahirapan ako rito sa mansyon.
Pero bahala na. Hindi ako pwedeng sumuko. Kailangan kong umabot ng isang taon sa puder ng mga Consunji at nang makuha ko ang scholarship na ino-offer nila sa akin.
Kahit anong sungit pa ‘yan ng kambal na ‘yon ay kakayanin ko hindi lang para sa scholarship kundi para na rin sa pamilya ko. Para kay mama at para sa pangarap ko.