Kabanata 7
“Laleng!” Natigil ako sa paglalakad nang hawakan ni Hayden ang kamay ko. Marahan niya akong hinila paharap sa kanya.
Halos maningkit ang mga mata ko nang tingnan ko ang mukha niya. “Ano?” malamig kong tugon habang nagpupuyos ng galit. “Hindi po kasali sa trabaho ko ang insultuhin, senyorito,” matigas kong sabi bago inalis ang kamay niya sa kamay ko.
“Look, I was just playing with you,” aniya habang nakakunot ang noo. Walang kahit na anong bakas ng pagsisisi sa boses niya. “I didn’t know you’d cry from that,” aniya at napailing pa. “Halika na, tour us around the mansion. Caden is waiting for us.”
Napatingin na lang ako sa kanya dahil mukhang wala siyang balak na humingi ng kapatawaran sa akin. Ni hindi ko makita sa mukha niya ang salitang ‘sorry’. Napabuga na lang ako ng hangin bago napailing dahil sa pagkadismaya. “Hindi man lang ba kayo hihingi ng sorry?” naibulalas ko nang magkasalubong ang mga mata namin.
“Sorry. Okay na?” walang ka-sincere sincere niyang sambit.
Napaawang na lang ang bibig ko dahil hindi ako makapaniwalang hindi niya kayang mag-sorry. Sorry lang, hindi niya pa magawa? Paano ba pinalaki ‘tong mga kumag na ‘to at mukhang ang titigas ng mga puso?
Napabuga na lang ako ng hangin bago marahang tumango. “Huwag n’yo na pong uulitin,” sabi ko na lang bago naunang maglakad sa kanya. “Tara na po sa garden.”
“Okay.”
‘Di kalayuan ay natanaw ko na si Caden na halos magtagpo na ang mga kilay habang nakatingin sa akin. Bakas na bakas sa mukha niya ang pagkainip at inis. “Did you really have to walk out, huh, Laleng?” aniya bago lumagpas ang tingin sa akin. “And you, Hayden, stop teasing this overly dramatic girl.”
Naikuyom ko ang kamay ko sa narinig, pero hindi ko na lang ‘yon pinansin at nagkunwaring okay lang ako kahit sa kaloob-looban ko ay kumukulo na nang husto ang dugo ko. Itinuon ko na lang sa ibang bagay ang atensyon ko at nang ‘di ko na mapansin pa ang inis na nararamdaman ko.
Pagkarating namin sa garden ay kanya-kanya nang libot ang kambal, siguro’y inaalala nila ang kabataan nila. May kung anu-ano pa silang sinasabi pero hindi ko na sila pinakinggan dahil wala naman akong kahit na anong interes sa mga buhay nila. Sana nga ay umalis na sila at bumalik kung sana lupalop man sila nagmula at nang maging matiwasay nang muli ang buhay ko.
Hinayaan ko lang silang gawin ang gusto nila habang ako naman ay nakaupo lang sa gilid, pinagmamasdan sila at naghihintay ng kung ano mang iutos nila sa akin.
Maya-maya pa ay lumapit sa akin si Hayden. “Laleng, bring a fresh bundle of those red roses in my room,” utos niya sa akin sabay turo sa hilera ng mga tanim na rosas. “You can also add some more flowers to bring more color in my room,” dagdag niya pa at gusto ko na lang siyang irapan dahil ang dami niyang utos ‘di na lang siya ang gumawa tutal siya naman ang may gusto. Ang daming arte ng mga mayayamang ‘to.
“Okay po, senyorito,” sagot ko at tumayo na lang parar sundin ang sinasabi niya.
“I like some flowers in my room, too,” segunda naman ng kambal niyang daig pa ang prinsipe ng mga sama ng loob. “White roses.”
Mas bagay sa ‘yo ang red roses dahil mukhang palagi kang may dalaw!
Gusto ko sanang isigaw sa mukha niya ‘yon pero siyempre alam ko namang hindi pwede. Baka iyon pa ang ikasanhi ng pagkatanggal ko sa trabaho. May goal pa naman ako na tumagal dito at ma-avail ang scholarship na inaalok ng pamilya Consunji sa akin. Sayang din ang oportunidad na makapag-aral nang libre.
“Bring those flowers in our room right now,” utos muli sa akin ng striktong si Caden. “Hayden and I will wait for you in the living room,” dagdag niya bago tumalikod at tinawag ang kambal.
Kusa na lang umikot ang mga mata ko sabay baling sa mga rosas na nasa harapan ko. Ginaya-gaya ko pa ang sinabi niya habang iniikot-ikot ang mga mata ko. “Ang arte...” bulong ko bago nagsimulang kumuha ng mga bulaklak.
Pagkatapos kong makuha ang mga bulaklak ay dali-dali akong bumalik sa loob ng mansyon. Ilang ulit pa akong napamura dahil natitinik ako sa katawan ng mga rosas, pero ininda ko ‘yon hanggang sa makarating ako sa mga kwarto nila. Una akong pumasok sa kwarto ng striktong senyorito at saglit pa akong natigilan nang makita kung gaano kalinis ang kwarto niya. Amoy lavender din ang paligid.
“In fairness...” bulalas ko bago isa-isang inilagay ang mga bulaklak sa vase na bedside table niya. Sinipat ko pa ang kama niya at nakitang mas malinis pa siyang mag-ayos kaysa sa akin. Mabuti naman at kahit papaano ay may maganda siyang nagagawa at hindi lang puro pagsusungit.
Pagkatapos ko sa kwarto niya ay dumiretso naman ako sa kabila, at kung anong bilib ko sa kwarto ni Caden ay siya namang pagkadismaya ko sa kwarto ni Hayden na daig pa ang dinaan ng bagyo sa kalat. Ni hindi man lang siya nag-abalang ayusin ang kama niya. At ang mga damit niya? Ayon nagkalat sa sahig.
Napailing na lang ako. Kambal naman sila, pero bakit inubos yata ni Caden ang pagiging malinis sa kwarto?
Napailing na lang ako bago inilagay ang mga rosas sa vase. Pagkatapos ay nagdesisyon na rin akong maglinis sa kwarto ni Hayden dahil ako na ang nahiya sa pagkaburara niya. Kakalinis ko lang ng kwarto niya kahapon tapos ganito na kakalat.
Matapos ang ilang minuto ay bumaba na ako sa sala at nadatnan sila roon na kasalukuyang kausap si Manang Helen. Nang tingnan ko ang mukha ni Caden ay mas lalo pa itong sumimangot at halos mag-isang linya na ang makakapal nitong mga kilay. Si Hayden naman ay seryoso lang na nakikinig pero bakas din sa mukha niyang hindi siya masaya sa kung ano man ang pinag-uusapan nila.
“Lalaine,” tawag sa akin ni Manang Helen nang mapansin niya ang presensya ko. “Mabuti at narito ka na. May importante akong sasabihin sa ‘yo,” aniya bago ako sinenyasan na mas lumapit pa sa kanya.
“Ano po ‘yon, Manang Helen?” magalang kong tugon.
“Hindi ba’t may sinabi si Sabel sa ‘yo tungkol sa scholarship na iaalok ng pamilya Consunji sa ‘yo kapag tumagal ka nang isang taon dito sa mansyon?” aniya na mabilis ko namang tinanguan. “Sinabi sa akin ni Ma’am Georgina na hindi mo na kailangang tumagal nang isang taon basta samahan mo lang ang kambal sa pananatili nila rito,” paglalahad niya sa akin.
“P-Po?” Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Magkahalong tuwa at pagkabahala ang nararamdaman ko lalo na’t hindi ko alam kung makakaya ko bang sabayan ang kambal nang hindi sila nasasabunutan at nasasampal.
“Sa susunod na linggo ay magsisimula na ang kambal sa pagtatrabaho sa hacienda at kailangan nila ng taong naka-stand by kung sakali mang may mga kailangan sila, at ikaw ‘yon,” sambit niya sa akin.
“In short, alalay,” walang ganang sambit ni Caden. “You’ll be on standby to cater our needs while we work.”
“Tama si Senyorito Caden. Ganoon ang magiging trabaho mo,” segunda naman ni Manang Helen. “May pagkakataon kasi na hindi makakauwi rito sa mansyon sina senyorito Caden at Hayden kaya kailangan nila ng mag-aasikaso sa kanila roon at ikaw ang napili ko dahil ikaw ang mas malapit sa kanila,” paliwanag niya sa akin.
Malapit sa kanila? Saang parte ako malapit sa kanila?!
Ilang segundo lang akong nakatitig sa kanila dahil tinitimbang ko pa ang sitwasyon, pero kahit anong isip ang gawin ko ay isa lang talaga ang sagot na pumapasok sa isip ko—at iyon ay ang um-oo. Titiisin ko na lang ang pambubwisit ng kambal para sa scholarship grant ng mg Consunji. At isa pa, hindi naman 24 oras akong nakatoka sa kanila.
“Sige po, Manang Helen,” sagot ko sa kanya bago hinarap ang kambal. “Ikinagagalak ko pong pagsilbihan kayo, mga senyorito,” plastik kong sambit at kulang na lang ay umirap ako sa kanila. Kailanman ay hindi ako magagalak na pagsilbihan sila!
Mga demonyo!
Pero para sa trabaho at scholarship ay pipilitin ko ang sarili kong pakisamahan sila.
Sana nga lang ay makaya ko.