"Hindi mo ata kasama si Devonne?" tanong ni Arwin pag-abot ng bote ng beer sa akin.
Nagpaalam sa akin kahapon si Devonne na may pupuntahan sila na bagong bukas na bar. Pinayagan ko siya dahil gusto ko patunayan na may tiwala ako sa kanya. Kampante naman ako na kasama niya si Laraine at Carmela kaya pumayag na rin ako. Ayaw ko maramdaman niya na masyado ko siya pinaghihigpitan. Aware naman ako na issue sa amin ang pagiging over protective ko sa kanya hindi dahil sa wala akong tiwala sa kanya pero dahil wala akong tiwala sa mga tao sa paligid niya. Sinusunod ko ang payo ng mga kaibigan ko na dapat ay luwagan ko ang pakikitungo ko sa kanya para hindi siya masakal.
"Kasama niya ang mga kaibigan niya," nakangiti na sagot ko.
"Ganyan nga ang dapat Pare, hayaan mo lang siya mag-isa at magtiwala ka lang sa kanya," nakangiti na sabi ni Marlon at tinapik niya ako sa balikat.
Tumingin ako sa paligid at napangiti ako. Ilang buwan na lang ay matatapos na ang renovation ng bar. Akala ng mga tao sa paligid ko ay balewala sa akin ang lugar na ito pero ang hindi nila alam ay ito lang ang bagay na masasabi ko na magaling ako. Sa loob lang ng ilang buwan pagkatapos magawa ang lugar na ito ay napatunayan ko sa mga magulang ko na hindi lang ito basta isang libangan. Maganda ang naging takbo ng negosyo mula noong nag-umpisa ko na buksan hanggang ngayon. May mga araw na punong-puno kami ng customer at minsan naman ay konti lang. Normal naman iyon sa isang negosyo at hindi big deal iyon sa akin. Pinatunayan ko sa kanila na kaya ko na maging responsable. Mula noon makapagtapos ako ay hindi na ako umasa sa kanila at natuto na akong mag-ipon. Hindi ko makakalimutan ang panahon na iyon dahil proud na proud sa akin si Devonne. Siya ang unang tao naniniwala sa akin at sumusuporta.
"Ibang iba si Devonne sa mga naging girlfriend mo kaya dapat mo siya ingatan," payo ni Marlon at tumango ako.
Ibang-iba talaga siya sa lahat at kahit marami akong kakulangan sa kanya ay hindi niya ako iniwan. Nanatili lang siya sa tabi ko lalo na sa mga panahon na kailangan ko siya. Siya lang ang babae na handa akong maghintay hanggang ibigay niya ang sarili niya sa akin. Mahal na mahal ko siya dahil sa kanya umiikot ang mundo ko. Gagawin at ibibigay ko ang lahat para hindi siya mawala sa buhay ko.
"Napakaswerte ko dahil may katulad niya sa buhay ko. Hindi ko akalain na mangyayari ito sa akin. Masaya ako kapag kasama ko siya pero kapag wala naman siya sa tabi ko ay hindi ko mapigilan na isipin siya. Nakakaramdam ako ng takot kapag wala siya sa tabi ko. Nagagalit nga ako sa sarili ko kapag nag-aaway kami dahil alam ko na kasalanan ko kung bakit kami umabot sa ganun na sitwasyon. Hanggang maaari ay gusto ko nasa tabi ko lang siya kahit na alam kong imposible," sabi ko at napangiti ako dahil naalala ko siya.
Alam ni Devonne ang lahat ng nangyari sa akin noon kung ano ang mga pinagdaanan ko at ano ang mga ginawa ko. Hindi naman ako ganito dati pero dahil sa mga pangyayari sa nakaraan ko ay nawalan na ako ng tiwala Hindi lang sa mga babae pero pati na rin sa lahat. Hindi mawala sa isip ko ang ginawa ng dalawang tao na malapit sa buhay ko. Ang makita na nakapatong ang girlfriend ko at soon ay magiging fiance mo sa ibabaw ng matalik kong kaibigan ay parang bangungot na hindi matanggal sa isip ko. Kung hindi lang ako napigilan ay baka na patay ko sila sa sobrang galit ko. Sobrang sakit ng ginawa nila sa akin at ang malaman na matagal na pala nila iyon ginagawa ang mas nakadagdag pa sa sakit nararamdaman ko. Akala ko si Rebecca na ang tao para sa akin pero nagkamali ako. Alam ni Ronald na plano ko ng mag-propose kay Rebecca at siya pa lang ang tao nakakaalam. Pakiramdam ko ng gabi na iyon ay pinaglaruan nila ako. Doon na nagsimula na mawalan ako ng gana sa buhay. Sumasabay na lang ako sa agos at wala na ako pakialam sa paligid ko. Dumating sa buhay ko si Devonne sa panahon na pakiramdam ko ay nawawalan na ako ng pag-asa. Siya ang nagbigay ng buhay at kulay sa miserableng buhay ko.
"Huwag ka sana magagalit Jerome pero base sa sinabi mo ay parang wala kang tiwala sa kanya," sabi ni Rolly at tiningnan ko siya ng masama.
"Ibig ko sabihin ay hindi ka pa naka-move on sa mga nangyari noon sa iyo. Dapat ay matutunan mo na ang mag-let go para sa ikabubuti ng relasyon ninyo. Masaya kami na makita ka na masaya at alam namin kung gaano mo siya kamahal. Kailangan mo lang talaga magtiwala sa kanya dahil mahal ka niya," paliwanag niya at tumango ako.
Tama ang mga ito kung gusto ko na tumagal pa ang relasyon namin ni Devonne ay dapat kalimutan ko na ang nakaraan ko. Sapat na dahilan ang pagmamahal niya para magtiwala ako sa kanya.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Marlon nang tumayo ako.
"Susunduin ang girlfriend ko," nakangiti na sagot ko.
"Akala ko ba may tiwala ka na sa kanya? Ngayon pa lang iyon nag-enjoy kaya huwag mo na sunduin at hayaan mo na muna siya," sabi ni Arwin at inubos ko ang laman ng bote ko.
"May tiwala ako sa kanya pero miss ko na siya kaya ko siya pupuntahan. Nag-aalala rin ako dahil baka wala sila masakyan ng mga kaibigan niya pauwi. Hindi naman ako magpapakita sa kanya dahil hihintayin ko lang sila sa labas," sabi ko at tinapik ko ang balikat ni Marlon bago ako tuluyang umalis.
Pagdating ko sa sasakyan ay tinawagan ko si Devonne para sabihin na pupuntahan ko siya. Naka-ilang ring na pero walang sumasagot. Naisip ko na baka hindi niya naririnig dahil maingay o busy sila sa kwentuhan nila. Binuhay ko na ang makina ng sasakyan ko. Maya-maya lang ay nakatanggap ako ng message sa kanya. Sinabi niya na lowbat na siya at huwag ko na siya sunduin. Malapit na ako pero imbes na bumalik ay dumiretso pa rin ako just to check on her. Pagdating ko sa bar na tinutukoy ni Devonne ay maraming tao sa labas pero pagpasok ko ay hindi naman masyado. Tumingin ako sa paligid pero hindi ko sila makita. Naglakad pa ako papasok at nakita ko si Devonne na may kausap na lalaki. Pinagmamasdan ko sila at may napansin ako sa kanila. Ngayon ko lang siya nakita na ngumiti ng ganoon at kitang-kita ko sa mga mata ng kausap niya na may kakaiba.
"I'm Nico and you are?" nakangiti na tanong ng kausap ni Devonne at nakuyom ko ang palad ko.
"None of your business," tugon ko at lumingon si Devonne.
"Jerome!" gulat na tawag ni Devonne sa pangalan ko.
"Please," pakiusap niya nang papalapit ako sa kanila at kinuha ko ang kamay niya saka ko siya hinigit palabas ng bar.
Sa oras na iyon ang tanging gusto ko lang gawin ay ihatid siya sa bahay nila. Obvious na marami na siyang naiinom at kung hindi ko siya ihahatid ay baka kung ano pa ang mangyari sa kanya. Hindi ko rin nagustuhan kung paano siya tingnan ng kausap niya.
"Pare, huwag mo pilitin kung ayaw niya sumama," narinig ko na sabi ng lalaki na kausap niya kanina at tumigil ako para tingnan siya.
"It's okay Nico, boyfriend ko siya. Sorry ulit kanina," sabi ni Devonne at hinarang pa niya ang sarili sa pagitan namin.
"Get in the car!" utos ko pagdating namin sa parking lot at umiling siya.
"Gusto mo na dito tayo mag-usap?" pigil ang galit na tanong ko sa kanya.
"Ano ba ang dapat natin pag-usapan? Bakit kailangan mo pa gumawa ng eksena sa loob? Ano ba kasi ang ginagawa mo rito?" inis na tanong niya at nilapitan ko siya.
"Ang sabi mo kasama mo si Laraine at Carmela? Hindi mo naman sinabi na makikipaglandian ka lang pala rito." galit na sabi ko at sinandal ko siya sa sasakyan.
"Nasa loob sila at naghihintay sa akin. Iniwan ko sila saglit dahil pumunta ako sa banyo," sagot niya at naningkit ang mga mata ko dahil naalala ko ang nakita ko kanina.
"Sumaglit ka lang ba talaga sa banyo o nakikipag-landian ka sa ibang lalaki," sabi ko.
Bawiin ko na sana ang sinabi ko pero nagulat ako ng tinulak niya ako nang malakas. Ayaw ko na umabot pa kami sa ganito dahil gusto ko lang naman siya ihatid pauwi.
"Ganyan ba kababaw ang pagkakakilala mo sa akin? Ilang taon na tayo Jerome pero hanggang ngayon ay wala ka pa rin tiwala sa akin? Hindi pa ba sapat ang mga panahon na magkasama tayo para patunayan ko sa iyo na hindi ako katulad niya," malungkot na sabi niya.
"Dahil mahal na mahal kita Love at hindi ko kakayanin na mawala ka sa buhay ko," sabi ko at huminga naman siya nang malalim.
"Let's go Love, ihahatid na kita," sabi ko at akma na kukunin ko ang kamay niya pero umiwas siya.
"Sorry Love sa ginawa ko kanina alam ko na hindi ko dapat iyon ginawa. Hindi ko lang na pigilan ang sarili ko nang makita ko kayong dalawa. Nakikita ko kasi sa mga mata niya na attracted siya sa iyo," paliwanag ko dahil alam ko na mali ako.
"Let's just go home Love, please" malambing na sabi ko at napatingin ako sa kanya saka siya umiling.
"Ayoko na. Itigil na natin ito Jerome," naiiyak na sabi niya at natigilan ako.
Nilapitan ko siya at tumingin ako sa mga mata niya. Nabalot ako ng takot at galit dahil sa sinabi niya. Iyon ang mga salita na ayaw ko marinig mula sa kanya. Walang babala na kinuha ko ang kamay niya at hinigit ko siya.
"Jerome, nasasaktan na ko," pakiusap niya pero wala ako ng pakialam.
"Hindi mo ako iiwan dahil nangako ka sa akin. Simpleng away lang ito pero bakit kailangan mo palalain pa? May iba ka na ba? Are cheating on me? Kailan pa? Sino siya?" sunod-sunod na tanong ko sa kanya.
"Ano ba ang pinagsasabi mo? Wala akong ginawa na masama kaya huwag mo ako pagbintangan. Umalis ka na lang at pambayaan mo na lang ako," sabi niya habang nagpupumiglas sa pagkakahawak ko sa kanya.
"Nasasaktan na ako Jerome please," pakiusap ulit niya pero umiling ako.
"Jerome, pakawalan mo ang kaibigan namin kung hindi mapilitan ako na tumawag ng pulis," sigaw ni Carmela mula sa likuran namin.
Nagsasabi nga ng totoo si Devonne, hindi ko siya pinaniniwalaan at napadalos dalos ako. Maya-maya lang ay huminga muna ako ng malalim saka dahan-dahan ko niluwagan ang pagkakahawak ko sa kanya at niyakap ko siya nang mahigpit.
"I'm really sorry Love, sobrang mahal na mahal lang talaga kita kaya ako nagkakaganito. Hindi ko kaya na mawala ka sa buhay ko. Please Love, don't leave me. Let's just forget everything and let me take you home now," nagmamakaawa na sabi ko habang nakayakap ako sa kanya.
"I need space Jerome, mahal din kita pero hindi ko na kaya na maging ganito tayo palagi. Masakit din ito para sa akin pero kailangan muna natin ng oras na magkalayo para mag-isip," sabi niya at kumalas siya sa pagkakayakap ko.
"I'm really sorry Love," sabi ko nang makita kong namumula ang pulsuhan niya.
Hinalikan ko muna ang kamay niya at pulsuhan niya bago ako naglalakad na palayo. Pagdating ko sa sasakyan ay sinuntok ko ng ilang beses ang manibela sa sobrang galit ko. Nagkamali na naman ako and this time ay hindi ko alam kung maayos pa ba namin. Isa lang ang maipapangako ko ngayon na hindi ako titigil hanggang hindi niya ako mapapatawad dahil mahal na mahal ko siya. Gagawin ko ang lahat para hindi siya mawala sa buhay ko. Hindi ko hahayaan na maghiwalay kami dahil siya ang buhay ko. Pagbibigyan ko siya sa space na hinihiling niya pero hindi ibig sabihin ay bibitawan ko na siya.