Kristel:
NAKALIPAT KAMI ng penthouse nito na hindi nag-iimikan. Naiintindihan ko naman kung bakit niya ako pinapalayo. Pero hindi ko 'yon magagawa lalo na sa kalagayan nito ngayon. Hindi ko kaya. Hindi kayang maatim ng kunsensya kong iwan na lang ito basta ng ganun-ganon lang.
Pagkapasok namin ay tumuloy ito sa glass wall kung saan kita ang kabuoan nitong syudad. Tahimik na malalim ang iniisip. Hindi na lang rin ako umimik at inayos ang mga gamit namin dito. Kahit na may private therapist itong kinuha mula sa hospital ay hindi pa rin ako kampante at mapalagay na iwanan itong mag-isa dito.
Nag-aalangan akong lumapit dito na ilang oras na ay nasa ganoon pa ring posisyon. Tapos ko ng maayos ang mga gamit namin, nakaligo at luto na ako ng hapunan pero heto at nakatulala pa rin siya sa pwesto niyang malalim ang iniisip.
"Louis" untag ko ditong napahawak sa kanyang balikat.
Walang bakas ng anumang emosyon ang mga mata. Na parang nasa malayo ang isip at walang nag-e-exist sa paningin nito. Napalapat ako ng labing pinakatitigan ito. Pero para namang may sariling isip ang kamay ko na napahaplos sa ulo nitong ikinasulyap nito sa akin.
"Kumain na tayo, may mga gamot ka pang iinumin" maalumanay kong saad na ikinahinga nito ng malalim at pinihit na ang wheelchair nitong nagtungo ng kusina.
Napasunod na lamang ako dito at hindi na umimik pa. Sinabi na niyang umalis na ako at hwag na siyang alalahanin pa. Kaya naman ngayon ay halos ayaw niyang magpaasikaso sa akin. Pinapakitang kaya na niyang mag-isa.
Hindi ito umiimik habang pinagsisilbihan kong pinapakain. Tinatanggap pa rin naman niya ang mga nilalagay ko sa plato niya at 'di ko mabasaan ng emosyon sa kanyang mukha. Matapos nitong kumain at nakainom ng kanyang gamot ay nagsariling muli na pinaikot ang wheelchair nitong automatic na muling bumalik sa pwesto nito kanina. Napasunod na lamang ako ng tingin dito at nagpatuloy kumain bago naglinis ng kusina.
PASADO ALASDYES na ng gabi kaya pero nasa tapat pa rin ito ng glass wall na nakamata sa labas. Napahinga ako ng malalim at pinatay na ang pinapanood kong movie sa flat screen TV nito dito sa sala bago lumapit dito.
"Magpahinga na tayo, makakasama sayo ang magpuyat" malambing saad kong napadantay ng kamay sa balikat nitong marahang minasahe.
"Louis" untag ko sa pananahimik nito. Napabuntong-hininga ito na pinihit ang wheelchair kaya napasunod na lamang ako at saka lang inalalayan nang lumipat na ito sa kama.
Kahit nakatitig ako sa mga mata nito ay sinasadyang hindi ako sulyapan para magtama ang aming paningin. Pilit akong ngumiti na inayos ang comforter nito bago pinatay ang ilaw at tanging ang malamlam na lampshade lang sa bedside table ang nagbibigay liwanag dito sa silid.
Nagtungo ako sa sofa at doon humiga. Gumagamit kasi siya ng banyo sa madaling araw. Ayaw naman niyang gumamit ng adult diaper kaya inaakay ko siya ng banyo kapag kailangan niyang gumamit.
Napasulyap pa ako dito bago nahiga at kitang nakapikit na itong mukhang nahihimbing na rin. Mapait akong napangiting umayos ng higa.
"Goodnight Louis" piping usal ko na nakamata dito bago tuluyang nagpatangay sa antok at pagod sa maghapong pang-aalalay dito.
LUMIPAS ANG mga araw at linggo. Patuloy pa rin siya sa malamig na pakikitungo sa akin. Nasanay na nga ako eh. Na para lang akong hangin sa harapan niya. Hindi niya nakikita kahit nararamdaman. Hindi na rin ako nagkomento pa. Ako ang may kagustuhan nito. Na manatili sa tabi niya kahit pinapaalis na niya at sinabihang hindi niya kailangan ang tulong at awa ko. Nasasaktan ako. Nahihirapan. Napapagod. Pero sa tuwing nahihimbing na siya at malaya kong napagmamasdan ang maamo niyang mukha? Napapawi ang pagod at bigat ng dibdib ko sa buong araw dahil dito. Alam kong nahihirapan din siya, kaya inuunawa ko na lamang at patuloy siyang inaasikaso. Hindi man niya ako iniimikan? Okay lang sa akin. Ang mahalaga hinahayaan na niya ako at hindi na pinagtatabuyan umalis sa poder niya.
Patuloy din naman siyang nagpapa-theraphy. Kakatuwa nga na kahit pakonti-konti ay may improvement naman siya sa paglipas ng mga linggo. Bumabalik na rin ang katawan niya sa dati na mas nagkakalaman-laman na ngayon kumpara noong nakaratay pa.
Isang umaga habang abala ako sa mga labahin ko ay narinig ko itong napasigaw na ikinataranta kong lumabas ng laundry room!
"Louis! Ano ba sa tingin mong ginagawa mo!" bulyaw kong nag-aalalang kaagad itong dinamayang itinayo mula sa pagkakasubsob nito sa sahig.
"Damn it! Damn it! Damn this life!!" sunod-sunod na mura nitong napapasuntok sa kanyang mga hita pagkapaupo ko sa kanya sa kanyang wheelchair.
"Louis....please, tama na" pag-aalo kong nayakap ito ng mahigpit sa patuloy nitong panununtok sa kanyang mga hita.
"Umalis ka na Kristel. Hindi kita kailangan. Hindi ko kailangan ng awa mo. Lalo lang akong nagagalit na nandidito ka at naaawa sa kalagayan kong hindi manlang magamit ang mga walang kwentang binting 'to!" asik nito na napahagulhol.
Hindi ako umimik na mas niyakap itong ngayo'y naglalabas na ng sama ng loob. Marahan kong hinahaplos ito sa ulo at hinayaang umiyak na napayakap na rin sa baywang ko habang nakasubsob sa dibdib kong parang batang humahagulhol sa ina.
"Iwan mo na ako. Hwag mong sayangin ang oras mo sa'kin. Hindi mo ba nakikita? Ilang buwan na pero hindi ko manlang maihakbang ang mga paa ko" kumalas akong umiling na pinahid ang luha nito.
"Hindi ko 'to ginagawa kasi naaawa lang ako sayo" lumuluhang saad kong nakatitig ng diretso sa mga mata nito.
"Alam mong hindi kita kayang mahalin katulad ng pagmamahal mo sa'kin Kristel" napalapat ako ng labing pilit ngumiti dito.
"Alam ko. Alam ko Louis" tumatango-tangong sagot ko na panay ang tulo ng luha. "Pero hindi naman ako humihingi ng kapalit eh. Ang tanging pakiusap ko lang? Hayaan mo ako, kasi masaya ako eh. Kasi gusto ko ito. Kasi.....kasi gusto kita, at mahal na mahal kita Louis" napayuko akong hindi mapigilang mapahikbi. Para akong pinipiga sa puso. Na sa wakas ay nasabi ko sa kanya ng harapan kung gaano ko siya kagusto. Kung gaano ko siya kamahal. Kahit na, alam ko na kung anong isasagot nito.
"Kristel ang dami pa dyang iba, ibaling mo kasi sa iba ang pagtingin mo. Hindi lang naman ako ang lalake sa mundo"
"Pero ikaw ang gusto ko! Ikaw..Ikaw.. Nag-iisa ka lang Louis. Kung pwede ko lang turuan ang puso ko? Matagal na Louis, matagal na sana akong nakahanap ng iba. Pero hindi eh" napailing-iling akong lumuluhang nakamata dito na blangko ang emosyon na nakamata sa aking lalong ikinasisikip ng paghinga ko. Lalong ikinadudurog ng puso ko.
"Mahirap ba talaga akong mahalin? Anong kulang sa akin? Louis kaya ko naman gawin ang lahat ng kaya ni Liezel eh. Hihigitan ko pa. Kalimutan mo na siya. Pwede ba 'yon? Pwedeng ikaw naman. Ikaw naman ang ibaling mo sa iba ang nararamdaman mo para sa kanya" nanghihina akong napaluhod sa harapan nitong ginagap ang dalawang kamay nito at mahigpit iyong hinawakan. Tumingala ako ditong nagsusumamo ang mga matang namumugto na at patuloy sa pagluha.
"Louis. Ako naman, pwede bang ako naman. Ako na lang. Ako na lang ang mahalin mo, ako? Hinding-hindi kita iiwan. Hinding-hindi ako magsasawang suyuin ka, alagaan ka, protektahan ka.....mahalin ka" mapait akong napangiti na mariing napahalik sa palad nito habang nakatitig lang ang mga mata nitong walang kaemo-emosyon sa akin na nakaluhod sa harapan nito.
" Ako 'yong laging kasa-kasama mo Louis. Nandidito lagi na nakikinig, at dinadamayan ka sa lahat ng oras. Kahit hindi mo hinihingi binibigay ko. Kasi mahal kita. Mahal na mahal kita. Hindi mo ako kailangang mahalin pabalik dahil tanggap ko. Tanggap kong may iba ng laman ang puso mo. Pero nakahanda akong maghintay, hanggang sa ako naman ang makita mo. Ako naman ang mapansin mo. Ako naman......ang mahalin mo"
Napatayo akong nagpahid ng luha nang ilang sandali pa ay wala pa rin itong imik na nakatitig lang sa akin. Pilit akong ngumiti na nahaplos ito sa pisngi. Napayuko akong mariing napahalik sa kanyang noo. Hindi naman ito umangal. Pero hindi rin nagbago ang mga mata nitong walang kaemo-emosyon.
"Maghihintay ako, hindi mo kailangan magmadali, dahil nakahanda akong hintayin ka. Hanggang maging buo ka at magagawa mo na ulit magbukas sa iba. Pero sa ngayon? Hayaan mo ako, hayaan mo akong manatili sa tabi mo. Kahit hanggang.....magawa mo ng makalakad mag-isa. Kapag nagawa mo nang makalakad at siya pa rin ang nasa puso mo? Pangakong aalis ako. Pangakong.....pagpaparaya na ako. Please Louis. Nakikiusap ako, hayaan mo na lang akong manatili dito sa tabi mo"