Kristel:
NAALIMPUNGATAN AKO nang biglang nagsisisigaw si Louis na..... nakasalampak sa sahig!?
"Louis!" taranta akong kaagad itong dinaluhang makatayo na hindi manlang maitayo ang mga paa!
"Damn! What's happening!!?" muling bulyaw nito na namumula na ang mga mata sa galit at takot. Napalunok akong muling inayos itong makabalik ng kama.
Hindi ako makatingin ng diretso dito. Para akong napipilan na hindi makaapuhap ng isasagot sa mga mata nitong matiim na nakatitig at bakas ang katanungan.
"Tell me" mahinang saad nito sa mahaba-haba naming katahimikan. Napayuko ako. Nangingilid ang luha na hindi alam kung paano ko sasabihin dito ang kalagayan.
Pero hindi pa man ako nakakabwelo para magtapat dito ay bumukas ang pinto at pumasok ang doctor na siyang pinagtanungan nito ng kanyang kalagayan. Nanatili akong nakayuko sa gilid lalo't ramdam ko ang matiim na pares ng mga mata nitong nakatutok sa akin. Mariin akong napapikit at napahigpit ng kapit sa laylayan ng damit ko nang magtapat ang doctor dito na sinabi ang kalagayan. Kahit sinabi nitong maari pa itong makalakad kung magpapa-theraphy ito pero hindi biro ang hihintayin dahil posibleng abutin ng taon bago ito makabalik sa dati na ikinawala ni Louis at pinaghahablot lahat ng mga naaabot nitong nagsisisigaw!
Hindi ako makakilos sa gilid na nakayuko lang. Hindi ko siya kayang makitang galit na galit. Kahit gusto ko siyang awatin. Aluhin ay hindi ako makakilos. Naninigas ang katawan kong tila natuod na sa kinatatayuan habang patuloy itong nagsisisigaw.
Sunod-sunod namang pumasok ang mga nurse na pinagtulungan itong awatin at tinurukan ng gamot hanggang sa unti-unting nakatulog din ito dala ng gamot. Saka lang ako nakalapit dito nang nahihimbing na ito at naayos muli ang suero sa kamay nitong dumugo dahil sa marahas nitong panghahablot doon kanina.
Luhaan ang mga matang napatitig dito. Kahit nakaidlip na siya ay bahagya pa ring nakakunot ang noo. Ginagap ko ang kamay nitong mahigpit na hinawakan.
"I'm sorry. Alam kong hindi madali ang kalagayan mo, na tanggapin ang lahat-lahat. Pero Louis, nandidito lang ako. Handang maging saklay mo hanggang makaya mo nang makalakad muli. Tutulungan kita, pero sana tulungan mo rin ang sarili mo" pagkausap ko ditong ikinatulo ng butil ng luha nito. Pilit akong ngumiti na mariing napahalik sa palad nitong hawak ko.
"Hindi ka nag-iisa. Sasamahan kita"
LUMIPAS ANG MGA araw na palagi itong nagwawala sa tuwing nagigising! Mas lalo na nang mabalitaan nitong kasal na nga si Liezel at Cedric na ikinadudurog ng puso kong makita kung paano ito nagalit na halos lumuwa na ang mga namumulang mata sa sobrang galit! Maging ako ay hindi makalapit dito dahil nasasaktan na rin niya ako physically at emotionally.
Hindi na ako nakatiis at tinawagan si Liezel. Alam ko namang si Liezel lang ang makakapagpakalma sa kanya. Ang kailangan niya. Baka sakaling makumbinsi din ito ni Liezel na magpagaling na at mag-under go therapy.
Hindi nga ako nagkamali at dumating ito kasama ang asawang si Cedric. Kasalukuyang nagwawala si Louis pero nang bumukas ang pinto at niluwal si Liezel ay natigilan itong kaagad lumambot ang expression ng mukha.
"Liezel" parang batang pagtawag nitong napahagulhol na tinakbo ni Liezel at mahigpit na niyakap.
Tahimik akong umiyak na napatakip ng palad sa bibig. Malalaki ang hakbang na lumabas ng silid. Hindi ko kaya. Hindi ko siya kayang nakikitang iba ang kailangan niya kahit na ginagawa ko na lahat-lahat para ako naman ang makita niya. Pero wala. Wala pa rin akong halaga sa kanya.
Nanatili ng ilang araw sina Liezel ng hospital. Naging mas kalmado naman na si Louis na mas umaliwalas ang mukha. Naging magana na rin itong kumain at napapayag ito ni Liezel na magpa-therapist pagkalabas ng hospital. Kahit masakit sa akin na kailangan pang si Liezel ang kukumbinsi dito ay masaya akong nagiging masigla na ito.
"Kumusta ka na?" napalingon ako sa paglapit nito na nakiupo sa tabi ko dito sofa.
Nahihimbing naman na si Louis at nasa tabi si Liezel na hawak nito ang kamay. Mabuti na lang at napaka-understanding ni Cedric at hindi inaaway ang asawa na siyang nag-aalaga kay Louis.
"Hindi ko na alam Ced. Sabi ko kaya ko. Pero.....parang nauupos na ako" pagtatapat kong tumulo ang luha.
Napahinga ito ng malalim na pinasandal ako sa balikat nito at hinayaang tahimik na umiyak.
"Nandito ako, kami ni Liezel. Magpahinga ka muna Kristel, sobra-sobra na ang pagsa-sakripisyo mo para kay Louis" anito na ikinailing ko.
"Ngayon niya ako mas kailangan Ced. Kahit hanggang gumaling na siya at makayang makalakad mag-isa. Saka ako aalis. Saka na ako magpapahinga kapag, kaya na niya at hindi ako kailangan" napabuntonghininga itong hindi na nagkomento pa.
PAGKABALIK NILA Liezel at Cedric ng bansa ay naging matamlay ulit si Louis. Hindi na siya nagwawala. Pero hindi na rin masyadong palaimik. 'Yong tipong isang tanong isang sagot lang ito. Na halatang ayaw makipag-usap kahit kanino. Kahit sa akin.
Pero inintindi ko na lamang ito. Dahil 'yon ang kailangan niya. Pang-unawa. Lumipas pa ang ilang linggo at mas nagkakalaman-laman na ang pangangatawan nito. Nakakatayo na siya pero hindi pa makalakad. Ang sabi naman ng doctor nito ay malaking improvement na sa kaso niya ang nagagawa na niyang makatayo sa loob pa lang ng ilang linggo. Bagay na ipinagpapasalamat ko.
"Hindi ka pa ba napapagod?" napaangat ako ng mukha dito sa tanong nito habang pinapaliguan ko dito sa banyo ng hospital. Ngumiti akong umiling.
"Bakit naman ako mapapagod? Eh kahit ipagtulakan mo pa ako palayo sayo, hindi kita iiwan. Manigas ka" masigla at natatawang sagot ko.
Nakatitig lang naman ito na hindi na nagkomento pa. Nagpatuloy na lamang akong pinaliguan ito. Sanay naman na akong ako ang gumagawa nito sa kanya. Kahit ang samahan siya sa banyo sa tuwing gagamit siya ng toilet ay ako ang umaasikaso.
"Umalis ka na lang. Hwag mong sayangin ang oras mo sa'kin Kristel. Anong mapapala mo sa isang baldadong tulad ko? Walang pera, walang pamilya" natahimik akong hindi alam ang isasagot dito. Napapaawang ang labi pero walang lumalabas na salita kahit na marami akong gustong sabihin na nanatili lang sa isip ko.
Matapos kong paliguan at bihisan ito ay inakay ko nang lumipat sa kanyang wheelchair at lumabas ng banyo. Ngayon na kasi ang labas niya ng hospital at piniling dumito na lamang para matutukan ang pagpapa-theraphy nito dito.
Nakakabinging katahimikan ang naghari sa pagitan namin habang hinihintay i-release ang bill nito. Ibinalik din naman ni tito Frederick ang connection nito at sinuportahan ang mga financial needs nito lalo na sa kanyang pagpapagaling.
"Bumalik ka na ng bansa Kristel, hwag mo na akong alalahanin dito. Wala kang maaasahan sa akin. Alam ko naman kung bakit mo ito ginagawa" napalunok akong nanigas sa kinauupuan sa sinaad nito. Hindi ako makatingin sa kanya lalo't bakas ang kaseryosohan dito.
"Hindi kita kayang mahalin Kristel, sinubukan kong ibaling sayo pero.....mahal na mahal ko pa rin si Liezel. Alam ko namang nasasaktan ka na. At nasasaktan din akong hindi ko magawang ibigay ang gusto mo, kaya nakikiusap ako.....iwanan mo na ako"