"Alam ko. Ramdam ko. Ilang ulit mo nang nasabi 'yan sa akin noon at tanggap ko 'yon. Hindi ako ang tipo ng babaeng mamahalin mo. Kahit naman ayaw mo sa akin, masaya akong nakakasama kita. Hindi ko naman ipinipilit ang sarili ko sa 'yo. Naging masaya ako na magkaibigan tayo," sabi nito, saka ibinalik ang tingin sa phone niya. May katotohanan naman ang sinabi niya. Kahit kailan ay hindi niya ipinilit sa akin ang sarili niya. Hindi rin siya gumawa ng hakbang para akitin ako o magpakita ng motibo o kung ano pa man. Maalaga lang talaga siya sa akin. Kaya nirerespeto ko siya nang sobra.
Na-guilty ako at naawa, at the same time, I still felt awkward. Alam ko kasi na ang kasama ko lagi ay mahal ako pero hindi ko kayang suklian ang pagmamahal niya. Napabuntong-hininga ako. Ibinalik ko na rin ang tingin ko sa phone ko para dumutdot.
"Anthony."
"Hmmm." Tumingin ako sa kanya.
"Huwag kang mag-alala. Huli na 'to." Malungkot siyang ngumiti sa akin, saka siya umayos ng higa, tumalikod sa akin at nagkumot.
Inantok na rin ako nang dahil sa pagod sa pamamasyal. "Goodnight," sabi ko. Hindi siya sumagot. Tulog na siguro.
Oras na ng uwian kinabukasan. Nag-empake na kami. Wala siyang kibo, malalim ang iniisip.
"Liza."
"O?" Hindi ito tumingin. Patuloy lang sa pag-empake.
"May problema ka ba?"
"Wala." Hindi pa rin ito tumitingin.
"Tahimik ka eh. Parang hindi ikaw." Kahit kailan, mas siya ang makuwento sa aming dalawa. Taga-pakinig lang ako at taga tawa.
"Pagod lang ako. Halika na, baka ma-late tayo sa flight." Isinara nito ang maleta at hinila na.
Sa window seat siya ng eroplano umupo, hindi niya binigay ang seat niya sa akin. Okay lang, baka gusto niya ang view.
Nagugutom at nauuhaw na ako. Um-order ako sa FA ng para sa dalawa at nagbayad. Inayos ko ang foldable table niya. Ipinatong ko ang inumin at sandwich niya. Hindi niya iyon pinansin hanggang sa mag-landing ang eroplano namin. Natulog lang siya sa buong flight. Hindi pa rin niya ako kinikibo hanggang sa makarating kami sa airport at nag-aabang sa taxi stand.
"Maghiwalay na tayo rito," sabi niya.
"Ayaw mong sumabay sa akin papuntang bus terminal?" Iisa lang naman kasi ang lugar ng sakayan namin.
"Hindi na, mas gusto kong mag-hiwalay na tayo rito. Sige ha." Sumakay na siya ng taxi na huminto sa tapat niya.
Naiwan akong nakatunganga at naninibago. Ano ba ang nangyari sa kanya?
Nakarating na ako ng bahay at nakatulog nang maghapon. Paggising ko ay nag-check agad ako sa phone ko. May messages si Liza. Binasa ko agad.
"Siguro nga, may hangganan din ang pagmamahal. Kahit sabihin kong tanggap kong hindi mo ako kayang mahalin, masakit pa rin sa akin. Siguro dahil deep inside, umaasa akong mamahalin mo rin ako. Pero nakakapagod din pala 'pag hindi ka nasuklian kahit na konti lang. Suko na ako. I am letting you go, and this time, it's for good. Goodbye, friend."
Nagulat ako sa nabasa ko, nalito, nataranta. Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko nang mga oras na 'yon. Ayaw ko siyang mawala. Mami-miss ko siya. Nag-type ako ng message.
"Ano ka ba? Huwag ka namang lumayo. Magkaibigan tayo, hindi ba? Hindi ko kayang mawala ang friendship natin." Sinubukan kong i-send. Walang reply maghapon. Nag-alala ako. Chineck ko ang social media profile niya pero naka-block ako.
Tinawagan ko ang number niya, cannot be reached. Nag-email ako sa kanya, nag-bounce back ang email.. Nataranta ako lalo. Ano na ba ang nangyari sa kanya?
Ilang araw ang pinalipas ko, baka sakaling magbago na naman ang isip niya, pero walang message na dumating. Dumaan ang linggo, ang ilang buwan pero wala pa rin akong natatanggap na mensahe.
Hindi ko alam ang bahay nila. Oo mag-bestfriend kami pero hindi ako nakapupunta sa bahay nila dahil magkalayo na kami. Lumipat kasi sila sa norte at kami naman sa south. Kapag umaalis kami ay nagkikita kami sa gitna, sa Maynila. Madalas pa ngang maaga siyang dumarating sa meeting place at ako ay laging late ng dalawang oras, pero ni minsan wala akong narinig na reklamo mula sa kanya. Nakangiti pa nga siya lagi kapag sinasalubong niya ako kahit sobrang late na ako.
Dalawang taon na ang lumipas, wala pa rin akong balita tungkol sa kanya. Nami-miss ko na talaga siya. Sana magkita ulit kami. Sinubukan ko ulit i-view ang social media account niya, na araw-araw kong ginagawa dahil baka sakali in-unblock na niya ako. May isa akong na-realize sa paglayo niya. Mahal ko siya.
Boom! Na-view ko ang profile niya. Ibig sabihin hindi na siya galit sa akin. Ayos! In-add as friend ko agad siya. Inantay ko ang notice maghapon, at presto. In-accept niya ang friend request ko! Yes!
Hindi ko na chineck ang social media profile niya. Nag-message ako sa kanya agad.
"Kamusta?"
Nag-reply naman siya agad. "I'm doing good. How about you?"
"Not really good. Na-miss kita eh."
"Ah talaga. Ako rin na-miss ko kahit paano ang gala natin noon."
"Iyong gala lang?"
"Oo naman. Mayro'n pa bang iba?"
"Ako, hindi mo na-miss?"
"Haha. Hindi na. Matagal na 'yon. Naka-move on na ko sa 9 years na pagkahibang ko sa 'yo."
"Talaga? Eh paano kung sabihin ko sa 'yong na-realize kong mahal pala kita? Na-take for granted ko lang dahil sa friendship natin?"
"Anthony, we're better off as friends, that's it."
Ouch. "Bakit, mayro'n na bang iba?"
"Yes. I'm getting married next month."
"What?! Ang bilis naman! Ang bilis mo kong kinalimutan?"
"2 years tayong walang communication, matagal din 'yon. Freddie was there when I got broken hearted by you. Masaya naman ako sa resulta, he's the best guy for me."
"why? :("
"Huwag kang malungkot. Makakahanap ka rin ng babaeng magmamahal sa 'yo nang higit pa sa kinaya kong ibigay sa 'yo noon."
"I don't think may mas hihigit pang pagmamahal kesa sa naiparamdam mo sa akin."
"Meron 'yan, tiwala lang. Sorry ha, I have to go. May seminar kami today for our wedding. We'll catch up later na lang. Invited ka sa kasal ko, ha? Pinakaimportanteng araw ng buhay ko 'yon. I want my bestfriend to be there. Bye."
"Okay, sige. No problem. Ingat."
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Panghihinayang, lungkot, pagsisisi, galit. Galit sa sarili ko, dahil ang tanga ko. Pinakawalan ko ang babaeng nagmahal at nagtiyagang maghintay sa akin ng 9 years para lang mahalin ko, pero ngayon, wala na siya sa akin. Isa akong malaking tanga.