2020 - Present time
I am sitting in my rocking chair, looking at the sunset. Parang ako lang ang araw, palubog na rin. Naaalala ko na naman ang nakaraan. Mga panahong naranasan kong maging masaya kasama siya...
Year 2010
"Saan tayo pupunta?" tanong ko.
"Sa Cebu, mamamasyal lang tayo. Ayokong mag-ikot nang mag-isa eh," pangungulit ni Liza.
"Ayoko tinatamad ako saka inuubo ako. Nakakahiya sa ibang pasahero sa eroplano."
"Sige na. Okay lang 'yan. Take ka ng meds, mawawala agad 'yan. Ako ang taya. Please?" pamimilit niya.
"Sige na nga." Ibinaba ko na ang phone. Ito ang palaging scenario. Mag-aaya siya, tatanggi ako nang kaunti, pero mapapa-oo rin naman. May pagkakataon ding ako ang nag-aaya, at oo naman siya agad. Hindi ko pa siya narinig ni minsan na tumanggi 'pag niyayaya ko siyang mamasyal.
Nag-empake ako para sa rush na trip namin. Laging ganoon, nag-aaya siya, sasama ako. Masaya naman kaming mag-bestfriend kapag magkasama kaya okay lang sa aking sumama kahit saan. Sa ilang taon naming pagkakaibigan, ganito ang laging set-up. Kung sino ang mayro'ng pera, siya ang taya.
Nakasakay na kami sa eroplano, magkatabi. Window seat siya dapat at sa center ako, pero dahil gusto ko ang view, ibinigay niya ang seat niya sa akin.
Nauhaw ako pero nahiya akong magsabi. Kulang ang budget ko pero sabi niya libre niya, kaso nakakahiya pa rin. "Nauuhaw ka ba?" tanong niya.
Ang lakas ng pakiramdam niya. "Medyo lang," tanging naisagot ko.
"Wait. Miss, pa-order ng drinks for 2. Saka sandwich na rin."
Inabot niya ang pagkain at inumin habang nakatanaw ako sa bintana ng eroplano. Pinagbukas niya ako ng softdrinks at pati ng sandwich. Tinawag ang attention ko at inabot ang pagkain ko. Nginitian niya ako, gumanti rin ako ng nakakailang na ngiti.
Alam ko, ramdam ko. Mahal niya ako, pero ano ang magagawa ko kung kaibigan lang ang tingin ko sa kanya? Ayoko naman siyang iwasan dahil mahalaga pa rin siya bilang kaibigan ko. Gusto ko pa rin siyang nakakasama, pero hanggang doon lang.
Namasyal kami sa Cebu City. Buong araw na inikot ang siyudad. Inasikaso niya ako. Pawisan ako dahil sa mahabang pag-iikot, kaya ang ginawa niya ay bumili siya ng bimpo para ilagay sa likod ko. Masama rin kasi ang pakiramdam ko that time, mahirap daw na matuyuan ako ng pawis.
Pumasok kami sa isang Eat-All-You-Can restaurant, gusto raw niyang mabusog kami ngayon at i-enjoy ang araw na 'yon. Kumain kami at nagpakabusog, nagtatawanan pa kami dahil hirap na kaming huminga sa kabusugan pero sige pa rin kami sa pagkuha ng pagkain. Humihimas pa ng tiyan habang papalabas ng restaurant.
Dumiretso kami sa isang beach. Panay kuha niya ng litrato naming dalawa. Remembrance daw. Ang sabi ko naman ay napakarami na naming remembrance sa isa't isa. Halos lahat ng album ko ay may picture naming dalawa.
"Kulang pa 'yon. Baka one day, hindi na tayo magkakasama, at least may babalikan akong mga litrato para tingnan."
"Hindi mangyayari 'yon. Hindi ba nangako tayong magiging mag-bestfriend for life?" sagot ko sa kanya.
Ngumiti siya nang malungkot, saka tumingin sa ibang direksyon.
"Malay mo." Saka ito tumayo para bumalik sa cottage. Isang patak ba ng luha iyong nakita ko? Hindi ko alam. Masaya naman kami nang buong maghapon na 'yon kaya walang dahilan para malungkot siya.
Natulog kami sa isang kwarto, tig-isa ng kama katulad ng dati. Platonic relationship, walang malisya. Kailangan ding magtipid sa pag-upa ng kuwarto.
Nagte-text siya habang nakahiga sa kabilang kama. Tiningnan ko siya. Kailangan ko siyang tapatin ulit para hindi na siya umasa.
"Liza."
"Hmmm?"
"May gusto sana akong sabihin."
"Ano 'yon?" Tumingin siya sa akin.
"M-masaya akong magkaibigan tayo, pero hanggang doon na lang 'yon. I-I hope you understand what I am saying."
Tumitig muna siya sa akin. Nag-isip bago siya nagsalita.