"Dahan-dahan lang sa pag-da-drive parang medyo mabilis." sabi ni Ace sa kaniyang driver habang tinatahak nila ang kahabaan ng highway papasok sa Polaris.
Agad naman na binagalan ng driver ang pagpapaandar ng sasakyan nang bigla na lang pumreno ito dahilan para agad na huminto ang sasakyan.
"Ano ba manong?! bakit tayo huminto?" inis niyang tanong at naaplingon ang driver.
"Mam may tao po sa harap natin na nakaharang," sabi pa ng driver.
Kaya naman ay napatingin si Ace sa harap, at agad na nanlaki ang mata niya sa kaniyang nakita.
----
"f**k! where is she? paanong wala na siya sa Mansion niya sa Acropolis? Sa Polaris? nakita niyo ba?" tanong ni Serene at umiling ang mga tauhan niya.
"Hinanap rin namin sa buong Polaris ngunit hindi rin namin siya makita. Parang bigla pong siyang nawala, Boss. Pati ang mga tauhan niya ay wala na sa Polaris."
Napamura si Serene sa sinabi ng kanyang tauhan. Nung una ay hindi niya lang ma-contact si Ace. Hindi ito sumasagot sa mga tawag niya. At nang pinamanmanan niya ito sa mansion nito sa Acropolis ay napag-alaman na nga nila na wala ito roon. Ngayon ay tila naglaho ito bigla. Hindi lang si Ace kundi lahat ng tauhan niya.
"Mag-iwan pa rin kayo ng tao na magmamanman sa mansion niya. Pati na rin ang tinutuluyan niya sa Polaris ay manmanan niyo. Sabihan niyo rin ang iba na mag-matyag sa buong Polaris. At kapag nakita nila si Ace ay dalhin nila agad sa akin, maliwanag ba?" tanong niya at agad na napayuko ang kaniyang tauhan.
"Masusunod po, boss."
Muling napamura si Serene sa kaniyang isipan. Sa ginawang ito ni Ace ay parang pinatunayan niya rin na may kinalaman nga ito sa pagkawala ni Maribella. May alam na kaya ito sa mga plano niya? nalaman ba nito na hindi niya pinatay ang ilang leader ng sindikato sa Polaris?
Kung ganoon ay totoo nga ang sinasabi ng kaniyang kausap na nagbibigay sa kaniya ng impormasyon.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone at nagpadala ng mensahe rito.
"Hindi ko mahanap si Ace, sinusubukan ko siyang tawagan pero hindi niya ako sinasagot. Pumunta ang mga tauhan ko sa Mansion niya pero ni isang tao wala silang naabutan."
Hindi nagtagal ay sumagot ang kaniyang kausap at nagpadala rin ng mensahe.
"Maaring, nakatunog siya. Baka alam na niya na pinahihinalaan mo siya? Sinasabi ko naman sa'yo na mag i-ingat ka. Ngayon mas lalo kayong manganganib. Tuso si Ace, hindi siya magpapalamang, sigurado ako riyan. Maaring nagtago na siya bago mo mapatunayan na may kinalaman siya sa pagkawala ng anak mo."
Napasapo si Serene sa kaniyang ulo. Marahil ngang ganoon ang nangyari. Pero kung sakali na totoo iyon, paano nalaman ni Ace ang tungkol sa plano niya? maari kaya na may naging espiya sa isa mga leader ng sindikato? nagsabi kaya sila kay Ace?. Imposible, lahat sila ay kalaban ni Ace. At sa takot nila, at sa pag-asa rin na maging leader ay matatakot ang mga ito na pagtaksilan siya. Hindi niya maaring sisihin ang mga leader na maaring ma-uwi na naman sa pagtatalo dahil masisira ang plano niya.
Ngunit may isang katanungan rin sa sarili niya, na nais niyang malaman ang kasagutan.
"Sino ka ba talaga? bakit ang dami mong nalalaman tungkol kay Ace? at higit sa lahat, bakit mo ako tinutulungan?" tanong ni Serene.
Naghintay siya ng sagot mula sa estrangherong kapalitan niya ng mensahe, ngunit hindi na ito nag-reply sa kaniya.
Ang daming gumugulo sa isipan niya. At dahil sa ginawa ni Ace na biglang pagkawala ay mas lalong tumindi ang pag-iingat ni Serene. Hindi niya pwedeng baliwalain ang maaring banta nito hindi lang sa anak niya, kundi maski na rin kay Rio.
Matagal niyang tinago ang tungkol kay Rio para protektahan ito. Tapos ngayon, kung sino pa ang kaisa-isang pinagkakatiwalaan niya sa Polaris at alam ang relasyon niya kay Rio ay siya pa palang babaliktad sa kaniya?
"Sa ginagawa mo, mas lalo mo lang pinatunayan na hindi pala dapat kita pagkatiwalaan, Ace. Magtago ka hanggat kaya mo, dahil kapag nalaman ko kung nasaan ka nagtatago? sinisiguro ko na pagsisisihan mo at ako ang binagga mo."
Patuloy ang kanilang paghahanap kay Maribella, mas bumuhos ang tulong sa Polaris sa paghahanap kay Maribella dahil ipinakalat ni Serene ang mensahe sa buong Polaris ang maaring makuhang gantimpala ng sino man ang makahanap o makapag-turo kung nasaan si Maribella. Walang iba kundi ang Posisyon bilang susunod na Leader ng Polaris, kasama na rin ang formula ng RHU. Hindi na lang ang mga leader ng sindikato ang naghahanap sa anak niya, kundi maski ang mga simpleng kawatan sa Polaris. Dahil sa gantimpala na ibibigay niya ay tuluyang napasakamay ni Serene ang buong Polaris.
Ngunit hindi lang iyon, dahil nagpatuloy rin ang paghahanap nila kay Ace na hanggang ngayon ay hindi nila makita.
"Basta huwag kayong titigil sa paghahanap. Kung kailangan pa na dagdagan ang mga tao ay gawin niyo." bilin niya at napatango ang mga leader na nasa ilalim ng kapangyarihan niya.
Akmang tatayo na si Serene ng marinig niyang tumunog ang kaniyang cellphone. Tinignan niya iyon at nakita na may bagong mensahe ang taong nagbibigay sa kaniya ng impormasyon. At mukhang may bago itong impormasyon tungkol kay Ace.
"Mamayang 7pm, may gaganapin na Thanksgiving sa Isla Fernandez na nasa labas lang ng Polaris, nakatago iyon sa sulok ng Peninsula. Matagal na nilang pinaplano iyon para sa kanilang ilegal Cartel. Mukhang hindi pa alam ni Ace na buhay pa ang mga kalaban niyang mga sindikato. Sa thanksgiving niya ay maraming mga importante na dadala. Imposible na hindi iyon matuloy at wala siya. Sigurado ako na magpapakita siya roon. Ipapadala ko ang exact address bago mag alas quatro."
Kung saan man iyon, kailangan niyang puntahan iyon. Kailangan niyang makita at makausap si Ace para malaman niya ang katotohanan.
Nang makuha na niya ang exact address kung saan gaganapin ang trankpsgiving para sa ilegal cartel ni Ace. Ay sunod siyang nakatanggap siya ng mensahe mula kay Rio.
"Hi, Mahal! anong oras ka uuwi?"
agad siyang nag-reply sa mensahe nito.
"Baka gabihin ako, hindi ko alam kung anong oras. May kailangan akong asikasuhin na importante.
"Sige mahal, mag-iingat ka, Hintayin ko pag-uwi mo."
Tipid siyang napangiti pagkatapos ay itinago na ang kaniyang cellphone.
Kailangan na niyang maghanda para sa gagawin niyang pagpunta sa party ni Ace mamayang gabi.
---
Kagaya nga ng sinabi ng taong nagbibigay sa kaniya ng impormasyon ay tago ang isla fernandez na maaring pagmamay-ari ng pamilya ni Ace. Hindi niya alam ang tungkol sa lugar na iyon dahil hindi iyon nabanggit ni Ace sa kaniya. Maski ng buhay pa ang mga magulang niya at magkasosyo sila sa Cartel ay hindi pa siya nakakatapak sa islang ito.
Liblib ang location ng isla, nasa pagitan ito ng Polaris at Acropolis na nasa bandang dulo ng Peninsula. Saulo niya ang mapa, ngunit hindi makikita sa mapa ang islang ito. Sinadya itong alisin dahil napaka-perfect ang lugar na ito upang itago ang ilegal cartel ng pamilya ni Ace.
Naisip ni Serene na kung si Ace nga ang nasa likod ng pagdukot kay Bella, perfect ang lugar na ito para pagtaguan sa kaniyang anak.
Kagaya ng nasa impormasyon mukhang pinagplanuhan ang event. Sa malaking mansion lumang mansion ay naka-setup ang paligid. May magarbong disenyo ang bawat mesa, pati na rin ang mahabang lamesa ng buffet table. dinaluhan rin ito ng maraming tao, ganon pa man ay hindi niya makita ang mga mukha ng mga dumalo dahil sa mask na suot nila. At nakakasiguro si Serene na mula sa mga sindikato sa loob at labas ng Polaris ang mga taong nasa paligid niya. Si Ace ay may ilegal cartel para sa drugs, hindi lang sa ilegal drugs kundi na rin sa medicinal drugs na nagagawa niyang ma-smuggle palabas at papasok ng bansa. Ganoon pa man ay hindi lang iyon, dahil doctor si Ace ay hindi lang mga gamot ang naipapasok at naipagbibili niya sa labas ng bansa. Kahit na anong kinalaman sa pang-medical at ang isa sa pinakamalaki ang demand ngayon ay ang mga organs, hindi lang sa matanda, kundi maski sa mga bata. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit naligtas ang buhay ni Maribella. Hindi niya alam ang ginawa ni Ace para mailigtas ang buhay nito, ngunit isang araw ay sinabi nito na maayos na ang lagay ni Bella at wala siyang dapat ipag-alala. Pikit mata siya noon sa kung ano man ang ginawa nito para sa buhay ng anak niya.
Ngunit ang alam ni Serene ay matagal ng tinigilan iyon ni Ace at nag-focus na lamang ito sa medicinal drugs na iligal pa rin niyang naipapasok sa Acropolis. Naitatago niya ang kaniyang negosyo sa dami ng kaniyang mga foundation na sinusuportahan, at lalong lalo na sa mga nagkalat na hospital na may libreng serbisyo. Samantalang ang mga high class na hospital sa Acropolis at Polaris ang ginagamit niya para maibenta ang mga gamot na na-smuggle niya.
Habang inisip niya ang background ni Ace ay napagtanto niya na wala talagang matino at mabuting leader ng sindikato. Lahat ay mapagpanggap lang, patuloy na itinatago ang kanilang mga baho kahit umaalingasaw na. Kagaya na lang ng mga tao ngayon sa event na ito.
Nagsimula na ang event, nasa bandang sulok lang si Serene at umiinom ng wine para hindi mapaghalataan na isa siyang espiya. Sa totoo ay nagpapasalamat siya na masquerade ang theme ng party, dahil nagagawa niyang sumama sa crowd at hindi na kailangan na mag-tago pa.
Ngunit iyon ang akala ni Serene, dahil sa hindi kalayuan ay may nakamasid sa kaniya. Isang tao na agad siyang nakilala sa kabila ng mask na nakatakip sa mukha niya.
Pinagmasdan ni Sasha si Serene na nasa bandang dulo ng hall. Napangiti siya at agad na pumasok sa loob upang hanapin si Ace.
"Tama ka, nandito nga si Serene." ulat nito kay Ace.
Napangiti si Ace. "Good, Ngayon napatunayan ko na hindi siya nagsisinungaling na may alam na nga si Serene."
"Ano ang gusto mong gawin ko, Ace?" tanong ulit ni Sasha.
Tumaas ang sulok ng labi ni Ace. "Just give her a warning, yung panakot lang. Huwag niyo munang papatayin si Serene dahil alam kong magagamit ko pa siya."
Tumango si Sasha sa utos ni Ace pagkatapos ay lumabas na.
---
Napatingin si Serene sa paligid, pilit na hinahanap si Ace ngunit hindi niya talaga makita. Naisipan niyang lumipat ng mesa at baka mas mahanap niya ito kapag nag-iba siya ng pwesto. Ngunit bago pa man siya makapaglakad ay may mabilis na humatak sa kaniya palabas ng mansion. Tinakpan nito ang kaniyang bibig at inilayo sa lugar.
Naging alerto siya at sinubukan na pumiglas ngunit hindi siya makawala sa pagkakahawak nito dahil sobrang lakas ng bisig nito. Sinubukan niyang sumigaw ngunit hindi niya rin magawa dahil nakahawak ito sa bibig niya. Kung titignan ay para lang siyang isang laruan na binuhat ng walang kahirap hirap, hanggang sa tuluyan silang nakalayo sa mansion.
Binitawan siya nito at agad niyang hinarap ang lalaki na mabilis siyang tinalikuran. Hindi naman siya nito sinaktan, parang inilayo lang siya sa lugar.
Akmang maglalakad na ito palayo nang magsalita si Serene. "Teka, saglit.."
Huminto ang lalaki sa kaniyang sinabi. "Sino ka?! harapin mo ako!" sigaw niya sa lalaking naka-maskara. Hindi ito lumingon, kaya naman ay hinatak niya ito paharap sa kaniya.
Nakita niya ang mukha nitong nakatakip ng maskara ngunit nag-tama ang kanilang mata.
Napatigil si Serene dahil tila pamilya ang mga mata nito. Maski na rin ang tinding ng lalaki sa kaniyang harapan. Kaya kahit na may suot itong maskara ay agad siyang kinutuban. Hindi siya pwedeng magkamali.
"Rio?"