Nagising ako sa isang malamig na silid. Nararamdaman ko rin ang matigas na dinadantayan ng aking likod. Nang ilibot ko ang paningin ko ay napagtanto kong nandito pala ako sa kwarto ko. Pero bakit nakahiga ako sa sahig? Bumangon ako at umupo sa dulo ng kama. Napatingin ako sa nakaawang na pinto kaya biglang bumalik sa isip ko ang lahat. Kumain ako sa kusina at umakyat dito. Hinimatay ba ako? Pagtingin ko sa orasan ay alas tres na pala ng hapon. Alas-onse pa lang kanina, ah. Gano'n ba katagal nawala ang diwa ko? Pinakaramdaman ko ang aking tiyan kung masakit pa rin pero hindi na pala. Sinalakay ng kaba ang aking dibdib. Sana hindi muna ngayon. Sana kakayanin ko pa. Paika-ika akong pumasok sa banyo para maglinis ng katawan. Hindi pa ako nakakaligo simula nang gumising ako kaninang umaga.