Madalas na akong sumama sa mga kaibigan ko kapag nag-a-aya silang lumabas. Mas makakabuti pala ito sa akin para kahit papaano ay makalimutan ko si Ari at malibang ako, o 'di kaya ay maiwasan ko ang pag-iisip ng kung anu-ano. Malapit ko na nga din yatang matanggap na hindi na niya ako babalikan, eh. Nakakatawa, 'di ba? Ayokong sukuan ang paghihintay sa pagbalik niya, pero parang wala naman siyang plano na bumalik pa. Ni hindi ko na nga alam kung ilang buwan na ang lumipas na wala siya, eh. Basta ang alam ko, matagal na. "Guys, I'll go ahead," paalam ko sa mga kaibigan ko. Nandito kami sa isang restaurant. Nag-aya si Jam na kumain ng steak pagkatapos ng mga klase namin. Nagke-crave daw kasi siya. Inaasar nga namin siya na baka naglilihi na siya kaya kung anu-ano ang gusto niyang kainin.