"Guwapo na ba ako,cute?" tanong sa kaniya ng kaibigan bago sila pumasok sa simbahan. Inaayos nito ang buhok na nanigas dahil sa inilagay na hair wax.
She simply frowned at him. Alam na niya kung bakit ito nagpapa-pogi. Kasi crush ni Jakob ang bago niyang kasama sa choir na si Briella. Maganda at sexy ang dalagita kaya hindi na siya nagtataka kung bakit ito nagustuhan ng bestfriend niya. Iyon nga lang ay parang may kakaiba sa babae na hindi niya maipaliwanag kung ano. Para kasing sumasakit ang dibdib niya kapag nakikita niyang kasama ito ni Jakob. Minsan nga ay nasusungitan pa niya ito ng walang dahilan.
"Kamukha ko na ba si Peeta?" tanong ulit nito. Ang tinutukoy nito ay si Josh Hutcherson na isa sa mga bida ng The Hunger Games movie.
Isa iyon sa mga pelikulang kinababaliwan ng mga kabataan ngayon-kasama na silang dalawa ni Jakob. Gusto niya iyon dahil humahanga siya sa taglay na galing ng karakter ng bidang babae na si Katniss Everdeen. Si Jakob naman ay gustong-gusto si Peeta dahil bukod daw sa magaling ito ay marami rin ang nagsasabing kahawig ito ng bestfriend niya. At iyon naman talaga ang totoo.
Minsan nga, habang pinapanood nila ang pelikulang iyon ay parang si Jakob na ang nakikita niya sa screen. Parehas na parehas kasi ang kulay ng mga mata nila, buhok at balat. Medyo malaki lang ang bulas ng katawan ni Peeta kumpara kay Jakob. At inaamin niyang tulad ni Jakob ay nagu-guwapuhan din siya kay Peeta.
"Natulala ka na diyan. Ngayon mo lang ba na-realized kung gaano ako ka-guwapo?" untag nito sa kaniya sa nanunuksong boses.
Namaywang siya. "Alam mo, guwapong-guwapo naman talaga ako sa'yo. Kaso puno ka lang ng yabang sa katawan."
Napahawak ito sa dibdib at umarteng nasasaktan. "Napaka-harsh mo naman, Kath. Hindi mo ba alam na nasasaktan din ang mga tulad kong guwapo."
"Sira ka talaga! Tama na nga `yang pagyayabang mo at baka may makarinig pa sa'yo."
"Ano naman kung may makarinig? Eh, totoo naman talaga na guwapo ako, ah." Inilapit nito ang mukha sa salamin ng kotse na bahagya niyang natatakpan. Pabiro nitong hinaplos-haplos ang pisngi na animo'y guwapong-guwapo sa sarili.
Pero dahil maliit siya at halos kasing-tangkad lang niya ang salamin kaya halos magdikit na ang kanilang mga mukha. Napapikit siya nang masamyo ang mabangong hininga ng binatilyo. Hindi niya maintindihan kung bakit bangong-bango siya sa hininga ni Jakob. Siguro dahil sa menthol flavored ng toothpaste na ginagamit nito.
"Tama na nga `yan at baka mabasag pa ang salamin. Saka magsisimula na rin ang misa, o."
Nag-mad face ito sa harap niya. "Sabihin mo munang guwapo ako."
Pinaikot ni Kathleen ang kaniyang mga mata na kunwari ay nakukulitan. "Oo na. Ikaw kaya ang pinaka-guwapo dito sa Greenland," tukoy niya sa tinitirhan nilang subdivision.
"Dito lang ba sa Greenland?"
"Sige na nga, pati sa buong universe!"
Lalong lumawak ang ngiti ni Jakob at nangislap ang mga mata. Pinitik nito ng mahina ang tungko ng kaniyang ilong. "Bolera! Kaya love na love kita, eh, kasi huling-huli mo ang kiliti ko." Inakbayan na siya nito papasok ng simbahan.
"Ang suwerte niyo sa mga anak niyo dahil ang babait," narinig ni Kathleen na saad ni Farther Florencio sa kanilang mga magulang- ito ang paring naka-destino sa kanilang simbahan. Katatapos lamang noon ng misa. "Bibihira na ngayon sa mga kabataan ang magsimba kasama ng mga magulang nila."
"Dapat lang ho, father," sagot ng Mommy ni Jakob. "Dahil ang sarap mabuhay na kalapit ang Diyos."
"O, Kathleen, hija," pagtawag sa kaniya ni Father Florencio nang makita siya. Bata pa lang siya ay ito na ang pari ng kanilang kongregasyon kaya malapit na rin ang loob niya rito. "Ilang buwan na lang at papasok ka na sa kumbento. Nawa'y pagpalain ka ng Diyos sa iyong magiging desisyon. Dahil hindi birong bokasyon ang papasukin mo."
Natigilan si Kathleen. Para kasing may bahagi ng kaniyang puso ang kumislot nang muling marinig na ilang buwan na lang pala ang kalayaan niya. Nang makabawi ay pilit na ngumiti ang dalagita. "S-siguradong-sigurado na ho ako, Father."
Tinapik siya nito sa balikat. "Sana'y marami pang mga kabataan ang tulad mong may pagmamahal sa Diyos," puno ng papuring saad ng pari. Ginantihan lamang niya ito ng matamis na ngiti.
Matapos makipagkuwentuhan sa pari ay naglibot muna sa paligid si Kathleen habang hinihintay ang mga magulang.
"Napaka-bolero mo talaga, Jakob!" Naputol ang iniisip ng dalagita nang marinig ang maarteng boses ni Briella.
Napasimangot siya nang makitang nagpapa-cute ito kay Jakob. Magkatabing nakaupo ang dalawa sa hardin ng simbahan habang nagkikilitian.
"Totoo naman, ah! Ang ganda-ganda mo kaya. Kamukha mo si Mama Mary," pagpupuri dito ng kaibigan niya.
"Talaga? Ibig sabihin pala ay innocent look din ako?" Umusog si Jakob palapit kay Briella at may ibinulong na lalong nagpakilig sa huli. "Alam mo kung hindi ka lang guwapo, kanina pa kita inihulog dito sa upuan. Ang corny mo!" napapangiting wika ni Briella.
Hindi nakatiis si Kathleen at nilapitan ang dalawa. Nakahalukipkip at nakasimangot siyang humarap sa mga ito. "Mahiya nga kayo kay Papa God. Ang ingay-ingay niyo."
"Eh kasi itong bestfriend mo, Kath, eh...ang harot-harot. Panay ang puri sa'kin..." kinikilig na pagsusumbong ni Briella.
"Hindi naman `yan mangungulit kung hindi ka rin nagpapakulit," masungit niyang sagot bago umalis.
Hindi niya maintindihan kung bakit inis na inis siya kay Briella samantalang wala naman itong ginagawang masama sa kaniya. Katunayan ay mabait nga ito. Siguro hindi lang siya sanay na nakikitang may ibang kasama ang bestfriend niya-maliban sa kaniya. Ngayon pa lang din naman kasi nangyari na nagkagusto sa isang babae si Jakob. Tulad niya ay NCSB o No Crush Since Birth din ang bestfriend niya. Kaya hindi niya alam kung ano ang nakain nito at biglang nagkagusto kay Briella.
"Galit ba sa'kin si Kath? Kasi palagi na lang akong sinusungitan n'on," narinig niyang pagrereklamo ni Briella.
"Hayaan mo na `yon. Gan'on talaga kapag magmamadre. Masiyadong seryoso," natatawang sagot ni Jakob na ikinasimangot lalo ni Kathleen.
Malandi lang talaga kayo! Hmp! Hiyaw ng isip niya.
Hindi nawala ang pagkainis niya kay Jakob hanggang sa mag-uwian. Panay ang kuwento nito sa loob ng sasakyan pero hindi niya kinikibo.
"Galit ka ba sa'kin?" tanong nito nang makarating sila sa bahay.
Tumigil si Kathleen sa paghakbang at humarap kay Jakob nang muli siya nitong kulitin. "Bakit naman ako magagalit sa'yo?" pagmamaang-maangan niya.
"Kanina mo pa kaya ako hindi pinapansin." Malungkot nitong sagot. "May nagawa ba akong mali?"
"Eh, kasi nainis ako sa inyo ni Briella." Sa wakas ay pag-aamin niya. "Nasa simbahan kayo pero nagliligawan kayo."
Napalitan ng kislap ang kanina'y lungkot sa mga mata ni Jakob. "Are you jealous of her?"
Pinakiramdaman ni Kathleen ang sarili. Hindi kasi siya pamilyar sa salitang 'selos'. Dahil wala naman siyang kapatid kaya lahat ng atensiyon ng kaniyang magulang ay nasa kaniya lang.
Pero kung totoo ang sabi ng iba at nabasa niya sa libro, that jealous is defining as fearful of being replaced, in position or in affection, eh, nagseselos nga talaga siya. Natatakot kasi siyang baka maagaw ng iba ang bestfriend niya. Gan'on pa man ay ayaw pa rin niya iyong ipaalam kay Jakob. Dahil siguradong pagtatawanan lang siya nito. Or worse, baka kung ano pa ang isipin nito sa kaniya.
"Of course not!" pagsisinungaling niya.
"Eh bakit ka naiinis?"
Ipinagkrus niya ang mga braso. "Ang sabi ko naiinis...hindi nagseselos." Depensa niya. "Kailan pa nagkapareho ng kahulugan ang mga salitang `yon?"
He smiled sweetly. Tinawid ni Jakob ang distansiya nilang dalawa. Ipinatong nito ang isang braso sa itaas ng kaniyang ulo habang ang isang kamay naman ay pumisil sa kanyang baba. Napalunok tuloy si Kathleen nang wala sa oras. "Alam ko nagseselos ka..." panunukso nito habang unti-unting inilalapit ang mukha sa kanya.
Her heart began to beats faster and faster. Pakiramdam niya ay hihimatayin na siya ano mang oras. Iyon ang hindi niya maintindihan sa kaniyang sarili. Habang patagal ng patagal ay parang palala din yata ng palala ang sakit niya sa puso.
Bumuga ng minty breath si Jakob kaya bumalik siya sa huwisyo. Kinutusan niya ito sa noo. "Sira! Bakit naman ako magseselos? Boyfriend ba kita?"
Bigla itong napaatras at parang may dumaang lungkot sa guwapo nitong mukha.
Pero agad din iyong binawi at pinisil na naman ang mga baby fats niya sa tagiliran.
"Magkaka-problema ka pala kapag nagka-boyfriend ka, cute. Ang hirap mong halikan kasi ang laki ng tiyan mo," walang preno nitong saad.
Napaawang ang kaniyang mga labi. At bago pa man siya makapag-react ay mabilis na itong nanakbo papasok ng bahay. "Jakob!!" nanggigigil niyang tili. At dahil nga mabigat ang katawan kaya hindi niya ito nahabol.