Pagbalik ng bodyguard ng kapatid ni Justin ay nakabihis na siya at hindi lang lugaw ang dala. May hawak din siyang tinapay at softdrinks kaya mas lalo tuloy akong nakakaramdam ng hiya! Parang alam na alam niya na gutom na gutom ako at kahit hindi ko naman siya kilala at hindi niya rin naman ako kilala ay hiyang-hiya parin ako!
May inabot pa siya sa akin na panyo at sinenyas ang mukha ko. Parang mas lalo akong nahiya dahil hindi ko na alam ang itsura ko dahil sa tagal ng oras na naghintay ako dito para lang kay Justin!
His handkerchief smells nice! Hindi ko alam kung pabango niya ba ang naaamoy ko o dahil sa detergent na ginamit niya. Pero mabango talaga at hindi nakakasawa ang amoy!
“Thanks…” nahihiyang sambit ko nang ibalik sa kanya ang panyo. Hindi ko pa sana ibabalik ang panyo niya pero hindi ko naman alam kung magkikita pa kami kaya paano ko namang maibabalik sa kanya kung sakali?
Tumango lang siya at muling ibinulsa ang panyo niya. Tahimik siya habang binubuksan ang plastik ng tinapay at saka inilagay sa harapan ko. Napatingin ako sa lugaw na dala niya. Amoy pa lang ay mukhang masarap na kaya hindi na ako nagdalawang isip na kainin.
Sarap na sarap ako sa mainit na lugaw na dala niya at sa tinapay. Hindi ko tuloy alam kung gutom lang ako o talagang masarap ang pagkakaluto kaya hindi ko na alam kung gaano ko kabilis na kinain ang mga pagkaing dala niya.
Tapos na akong kumain at umiinom na lang ng softdrinks nang mapatingin ako sa gawi niya. Nahuli ko ang titig niya kaya muntik pa akong masamid nang mapagtanto na nasa harapan ko nga pala siya at siguradong napanood niya kung paano akong kumain!
Oh, my God! Did I eat fast? Mukha ba akong patay-gutom habang kumakain kanina? Damn!
Hindi tuloy ako mapakali kahit na wala naman siyang sinasabi at nananatili lang ang titig sa akin! At bago pa ako magkalat ng kahihiyan ay nagpaliwanag na ako.
“I don’t usually eat fast! Ahm… nalipasan lang ako ng gutom kaya mabilis akong kumain ngayon,” paliwanag ko at saka ngumiti ng alanganin sa kanya.
“Kung gusto mo pa ng lugaw ay meron pa sa loob. Hindi naman marami ang kinain mo,” sambit niya sa halip na mag komento tungkol sa bilis kong kumain! Sunod-sunod na umiling ako at saka napahawak pa sa tiyan ko.
“No, thanks. Busog na ako. Salamat dito sa mga pagkain,” sambit ko at saka napatingin sa suot kong relo at naalala ang cellphone ko na kasalukuyang walang charge kaya kahit na nahihiya ako ay nakisuyo ulit ako sa kanya. “Ahm… Pwede ba akong makigamit ng phone? Mag bo-book lang ako ng taxi,” pakiusap ko.
“Saan ka ba umuuwi?” tanong niya sa halip na pahiramin ako ng phone. Napamaang tuloy ako sa harapan niya.
“Huh?” tanong ko.
“Pauwi na rin kasi ako. Hindi ka naman basta makakakuha ng taxi kung ganito kalayo ang pupuntahan. Maghihintay ka pa dito kung ngayon ka pa lang kukuha ng taxi,” paliwanag niya. Naisip ko na ‘yon kanina pa pero wala naman akong choice kundi ang maghintay.
“Sa Blue Meadows ang bahay namin pero may unit ako sa Young Bucks Society Building. Saan ka ba malapit?” tanong ko.
“May idadaan pa ako kay Bossing kaya sa YBSB ang punta ko bago umuwi. Sumabay ka na sa akin,” alok niya. Agad na napakislot ako nang narinig ang sinabi niya.
“Bossing?” tanong ko. Hindi ko pa rin mapigilan na mag-usisa tungkol sa mga amo niya at umaasa pa rin ako na si Justin ang pupuntahan niya sa YBSB!
“Boss Jared,” sagot niya. Parang nahulaan niya kung ano ang nasa isip ko kaya agad na dumepensa na ako.
“Talaga? Kanino ka ba talaga nagtatrabaho? I mean, sa kanilang magkakapatid… kanino ka nagtatrabaho?” Hindi ko mapigilang usisa para sa susunod ay alam ko na kung kanino ako lalapit at hihingi ng tulong para makalapit kay Justin.
“Kay Boss Jared,” diretsong sagot niya. Napasinghap ako at agad na nanghinayang. Kung kay Justin na lang sana siya nagtatrabaho ay hindi na siguro ako mahihirapan dahil kahit papaano ay mukhang considerate naman at mabait itong si kuyang nasa harapan ko.
“Talaga? Sino ba ang nagtatrabaho kay Justin?” tanong ko kahit na medyo nahihiya. Bumuntonghininga siya pero sumagot naman.
“Si Leo,” tipid na sagot niya na para bang walang wala talagang balak na pahabain ang usapan tungkol sa gusto kong malaman.
“Leo? Mabait din ba siya kagaya mo?” tanong ko. Huminga siya ng malalim at saka nagpatuloy sa pagsasalita.
“Hindi ako mabait at hindi kita tutulungan kay Boss Justin. Bawal sa amin ang mag entertain ng mga babaeng naghahabol sa kanila,” dire-diretsong sambit niya at mukha talagang alam na alam niya kung ano ang balak ko kaya ako pumunta dito!
Sabagay! Sino ba naman ang pupunta dito at maghihintay ng ganito katagal habang masama pa ang panahon para lang sa trabaho? Natural na isipin niya na personal ang dahilan kaya ako pumunta dito!
“Sobrang dami ba talagang babae ang naghahabol sa mga Boss mo kaya ganyan ang dating sayo ng lahat ng babae na gustong lumapit sa kanila?” diretsong tanong ko habang nakatingin din ng diretso sa mga mata niya. Ang totoo ay gusto ko lang naman talaga na malaman kung maraming naghahabol kay Justin. At mukhang wala siyang plano na sagutin ang mga tanong ko kung hindi ko siya iinisin para mapilitan siyang magsalita.
“Ganun na nga, Miss. Maraming naghahabol na babae sa kanila,” sagot niya. Mukhang wala talaga siyang balak na sagutin magbigay ng specific na sagot kaya napilitan pa tuloy akong magbanggit ng pangalan!
“Kahit kay Jared Mijares?” tanong ko. Kumunot ang noo niya at naging mariin ang titig sa akin kaya hindi ko mapigilan ang sariling pagmasdan ang mukha niya. Mapupula ang mga labi niya at malinis ang mukha. Mukhang wala siyang balak na magpabaha ng bigote o kaya naman ay balbas.
“Hindi na pwede si Bossing. Masasaktan ka lang kung maghahabol ka sa kanya,” mabilis na depensa niya. Muntik pa akong matawa dahil halatang napipikon na siya nang banggitin ko ang Boss niya. Ngumisi ako at mas lalo pa siyang sinubukang asarin.
“Talaga? Hangga’t hindi pa kasal ang Boss mo ay hindi pa siya safe sa girlfriend niya,” sambit ko at saka ngumisi ng nakakaloko.
Naglapat ang mga labi niya at saka pasupladong nagkibit balikat at tumahimik kaya pinigilan ko ang sarili ko na ngumiti.
“How about Justin? May girlfriend na ba siya?” lakas loob na tanong ko. Muling humarap siya sa akin at nagsalubong ang mga kilay.
“Bakit sa akin mo tinatanong? Hindi naman ako ang bodyguard niya,” sagot niya. Halatang napipikon na siya at mukha talagang wala akong mapapala sa kanya kaya sumubok na akong kunin ang number ng bodyguard ni Justin.
“Edi sa bodyguard na lang ni Justin ako magtatanong. Ano bang number niya? Pwede bang makuha?” lakas loob na tanong ko.
“Leo ang pangalan ng bodyguard ngayon ni Boss Justin. Sa kanya mo mismo kunin ang number niya kung gusto mong makuha,” malamig na sagot niya at saka tumayo na kaya napatingala ako sa kanya. “Ihahanda ko na ang sasakyan. Hintayin mo na lang ako dito,” paalam niya at saka tumalikod na. Natatawang pinanood ko siyang naglalakad palayo sa akin.
The heck! Sa mga bodyguard pa lang ng mga Mijares ay sobrang hirap nang lumapit! Paano pa kaya kung kay Justin na mismo?
Pagtapat ng sasakyan sa akin ay lumabas pa ang bodyguard ni Jared at pinagbuksan ako ng pinto. Hindi ko tuloy mapigilan na mapatingin sa kanya. Kahit na nagsusuplado siya at halatang hindi nagustuhan ang mga sinabi ko ay inaasikaso niya pa rin ako.
Sana ganito rin ang bodyguard ni Justin!
Tahimik na tahimik siya habang nasa biyahe kami kaya tumahimik na lang din ako. Wala na rin naman akong sasabihin dahil hindi mukha namang wala talaga siyang alam tungkol kay Justin dahil si Jared Mijares naman ang Boss niya.
Pagdating sa harapan ng YBSB ay bumaba pa siya para pagbuksan ulit ako ng pinto ng sasakyan.
“Salamat,” sambit ko pero tumango lang siya at nagpaalam na mauuna na sa pagpasok sa loob dahil may idadaan pa nga pala siya sa Boss niya.
Mabilis na sumunod ako sa kanya kaya nagkasabay parin kami sa elevator. Tahimik pa rin siya at diretso lang ang tingin sa harapan kaya tumahimik na lang din ako.
Sa VIP floor ang alam kong unit ng magkakapatid na Mijares kaya nauna ako sa kanya sa pagbaba. “Dito na ako,” sambit ko at nilingon pa siya bago ako tuluyang bumaba. Tumango lang siya at sinalubong ang tingin ko hanggang sa tuluyang sumara ang elevator.
“Why are you with that guy, Yura?”
Muntik pa akong mapatalon sa gulat nang marinig ang boses ng isa sa mga kuya ko. “What do you mean, Kuya Yuji?” nakasimangot na tanong ko nang lingunin siya. Kung bakit naman kasi sa lahat ng makakasama sa floor ay ang dalawa sa mga kuya ko pa! Nakakainis tuloy na hanggang dito ay nakikita ko ang mga kapatid ko!
“That guy you were with,” sagot niya at saka tumingin sa gawi ng elevator kaya ako naman ngayon ang kumunot ang noo.
“Why are you asking? Do you know him?” hindi ko na napigilang usisa. Sunod-sunod na tumango siya.
“Of course. He is the bodyguard of Jared Mijares,” sagot niya. Mas lalong kumunot ang noo ko. Ganun ba siya karaming kakilala at pati ang mga bodyguards ay kilala pa niya?!
“Ahh… Nagkasabay lang kami sa elevator,” balewalang sagot ko at saka maglalakad na sana papunta sa unit ko pero sumabay siya sa akin.
“Is he hitting on you?” usisa niya pa kaya hindi makapaniwala na napatigil ako sa paglalakad at saka tuluyang hinarap siya.
“You mean… that bodyguard, Kuya?!” bulalas ko. Tumaas ang kilay niya at nakapamulsang tiningnan ako.
“Hey, Yura Romualdez. You cannot just address him like that. Mabait ‘yon si Mark Corpuz tsaka magaling maglaro ng basketball,” mabilis na paliwanag niya. Tumaas ang kilay ko dahil mukhang kilalang kilala niya pa talaga ang lalaking ‘yon dahil alam pa ang pangalan. And to think that Kuya Yuji is bad at remembering names! That guy must have given my brother a good impression for him to remember not just his first name but his whole name!
“You think I even care who he is?” pasupladang sagot ko lang at saka naka irap na nagpatuloy sa paglalakad.
Ni hindi nga niya ako tinulungan kay Justin! Sinermonan pa nga ako!
Agad na ipinilig ko ang ulo at saka agad na binalewala ang bodyguard ni Jared Mijares. Hindi naman na kami magkikita kaya dapat ay kalimutan ko na ang mga nangyari ngayong araw!
Mark Corpuz or whoever you are! Sana ay hindi na tayo magkita ulit, kuyang bodyguard na madamot sa information!