SINIPA niya sa 'bayag' ang isa. "Ahh! F*ck! Punyeta kang babae ka!" mura nito habang namimilipit at hawak-hawak ang maselang parte ng katawan.
"Aahhhh!" napasigaw din siya dahil bigla siyang hinawakan ng kasama nitong lalaki sa braso at hinila papalapit sa sasakyan. Pinipilit siyang ipasok sa likuran ng kotse na naghihintay sa tabi ng kalsada.
"Ayoko! Ayokong sumama sa inyo! Saklolo!" sigaw ni Ingrid. Bumahid ang takot sa kanyang katawan.
"Manahimik ka! Magpasalamat ka nga at type ka namin!" Tinakpan nito ang bibig niya para hindi siya makagawa ng ingay. Kinagat ni Ingrid ang kamay nito dahilan para mabitawan siya nito, mabilis siyang tumakbo papalayo.
"Ahh! Pucha!" hiyaw nito habang minamasahe ang daliri na kinagat niya.
Nakasuot si Ingrid ng blusang puti, pencil cut na palda at nakaheels pa. Hindi na niya nagawang magpalit ng uniform niya sa White Devil. Naramdaman niya na sumasakit na ang paa niya dahil sa heels na suot.
Nahabol siya ng mga ito dahil sumakay muli ang mga ito ng kotse at tawa ng tawa sa loob ng sasakyan na sinabayan muli siya habang tumatakbo.
"Sige! Takbo! Takbo!" tatawa-tawa at parang nababaliw na sabi sa kanya ng isa na nakaupo sa passenger seat.
Sa inis ni Ingrid sa suot na sapatos ay binato niya ito sa mukha ng lalaki. Diretso na tumama sa noo nito ang takong ng sapatos niya.
"Punyemas ka talaga! Nakakarami ka na ha!" singhal nito.
Bumaba na ito ng kotse at hinabol siya sa pagtakbo. Hinubad niya muli ang sapatos at inihagis dito. Nakaiwas na ito sa kanyang sapatos sa ikalawang pagkakataon.
Ilang sandali pa ang lumipas, ramdam na ni Ingrid ang mga batong maliliit sa kalsada na diretsong tumutusok sa talampakan niya ngunit wala na siyang pakialam. Mas gusto niya ang makaalis sa lugar na iyon. Nagtataka nga siya kung bakit hindi niya magawang umiyak. Ngunit nagsimulang kabahan si Ingrid nang mapansin na ibang direksyon na ang tinatahak niya at halos wala nang tao sa lugar kung saan siya naroon. Nagsisimula na rin na sumakit ang paa niya.
Nataranta siya dahil hindi niya na alam kung saan tutungo. Bumaba sa sasakyan nito ang dalawang lalaki na nakaupo sa likuran ng pulang kotse at magkasalungat na lumapit sa kanya.
"Huwag kayong lalapit!" sigaw niya rito. Hinahabol niya ang paghinga dahil sa sari-saring emosyon.
"M-marunong ako mag kung-fu!" Saka siya pumorma ng signature pose ni Jet Li sa harapan ng mga ito.
Humalakhak ang mga lalaki na parang nang-iinis. Hindi ito naniwala sa kanya kaya mabilis na hinawakan ng mga ito ang magkabila niyang braso.
"Ahh! Mababaho kayo! Ang papanget niyo! Ayoko sumama sa inyo!" tili niya.
"Tumigil kang bwisit ka! Naiinis na ako sa iyo ha!" singhal ng lalaki na nasa kanan niya.
"Patahimikin mo ‘yan!" saad ng lalaki habang hinahabol ang hangin dahil sa pagpipigil na saktan siya. He’s angry. Bumalik ito sa passenger seat at hinintay na ipasok siya sa loob ng sasakyan.
Mahigpit ang pagkakahawak ng mga ito sa braso ni Ingrid, ramdam niya na mag-iiwan ang mga iyon ng marka sa kanyang makinis at maputing balat. Halos bumaon ang mga kamay nito roon. Pinipilit niyang sipain ang lalaki para manlaban habang matigas din ang mga ito na hilahin at ipasok siya sa loob ng sasakyan.
"Ahh! Saklolo!” she started to cry.
Isang maingay na motor ang narinig nila kahit malayo pa ang pumailanlang sa katahimikan ng gabi bukod sa tili ni Ingrid. Nakakita siya ng pag-asa ngunit lumagpas ito sa kanila, nais niyang mapaiyak. Ganoon na lang ang pasasalamat niya nang huminto rin ito limang metro ang layo sa kanila.
"Ahhh!!!!" Naipasok na siya nang tuluyan sa loob ng kotse. Nagulat na lang siya nang hilahin ni Rob ang lalaki na tumutulak sa kanya mula sa labas ng sasakyan. Nabigla siya na makita ito doon. Pinilipit nito ang braso ng lalaki na naroon pa sa labas ng kotse.
"Ahh!" hiyaw nito. Base sa sakit na nakalarawan sa mukha nito, alam niyang hindi nito iyon kinaya. He grabbed his hair at saka walang awang hinagis na parang magaan na bato sa pader ni Rob. Nauntog ang lalaking iyon sa matigas na bato bago nawalan ng malay.
"Sino ka?! Girlfriend ko siya kaya 'wag kang makialam!" galit na sabi ng lalaki.
Tumigas ang panga ni Rob na halatang hindi ito natutuwa at tumalim ang tingin nito sa lalaki, hindi ito sumagot. Sa halip ay inasikaso nito ang isa pang lalaki na nagpumilit na ipasok siya sa sasakyan.
Mabigat ang mga kamao na sinuntok nito ang mukha ng lalaking iyon hanggang sa madurog ang lahat ng ngipin nito. Humiyaw ito sa sakit. Dahil nasa loob pa si Ingrid ng sasakyan. Sinabunutan niya ang lalaking nakaupo sa unahan, saka pinagpapalo ng nadampot niyang sapatos na pumasok pala doon sa loob.
"Hindi mo ko girlfriend, ungas ka! Mabaho ka! Panget ka!" naiinis na singhal niya rito. Tama bang magsinungaling ito sa harapan ng crush niya?
"Ahh!! Tangina, tama na! Tama na!" reklamo nito
Pinigilan siya ng driver. Hinawakan nito ang kamay niya pero kinagat niya rin ang braso nito hanggang sa hilahin ito ni Rob mula sa pintuan ng driver. Hinila nito ang lalaki at hinawakan sa leeg, iniangat sa ere. Naniningkit ang mga mata nito na para bang kaya nitong sunugin ang pagkatao ng lalaki. Umangat ang katawan nito habang sakal-sakal ito sa leeg ni Rob Matsui. Hinawakan naman nito ng magkabilang kamay ang braso ni Rob.
"Mga gago kayo! Pagtripan niyo pa ang kapatid ko!"
Natigilan si Ingrid sa narinig at para siyang nanghina. Sa sama ng loob ay malakas na pinukpok niya ng heels ang bumbunan ng lalaking nakaupo sa unahan ng sasakyan kaya bigla itong nawalan ng malay.
Kapatid? Like younger sister? Small sister?
Natahimik siya na nanatiling nakaupo sa likuran ng sasakyan at lalong nadismaya. Tinungo ni Rob ang pwesto niya matapos maklaro na nagulpi n anito ang lahat, saka siya sinilip.
"Okay ka lang?" tanong nito na halatang nag-aalala.
Hindi ako okay, nagdudugo ang puso ko. Pero hindi niya masabi. Tahimik lang siya na umiwas ng tingin dito.
"Tara na, let's go home." He patted her head na parang nakababatang kapatid nito, doon na nagluha ang mata ni Ingrid.
Kinuha ni Rob ang kamay niya para tulungan siyang ilabas ng sasakyan at saka siya pinasakay sa likod ng motor nito. Tahimik lang siya habang binabaybay nila ang daan pauwi sa condo nito.
Parang wala siya sa sarili kahit nang pinaupo na siya sa sofa at saka nito sinuri ang paa niya na nagsusugat dahil tumakbo siya ng ilang metro nang naka-paa lang. Pinagmamasdan niya lang ang lalaki sa mga kilos nito. Halata pa rin na nag-aalala ito sa kanya pero hindi niya maiwasan na masaktan lalo at nakumpirma niya na tanging kapatid lang ang tingin nito sa kanya. He prepared something for her to drink. Binigyan siya nito ng tubig.
"Nadumihan ko na ang sahig ng bahay mo." Puna niya habang nakatingin sa sahig na nagputik. Hinilot niya ang paa niyang sumasakit.
"Ok lang ‘yan! Ikaw ang kumusta na? Masakit ba ang paa mo? Nang malaman ko mula kay Mikal na naghalf-day ka dahil masama ang pakiramdam mo ay sinundan kita dito dahil nag-aalala ako sa’yo. Mas dumoble ang pag-aalala ko nang hindi kita nadatnan dito sa bahay," paliwanag ng binata.
Hindi niya masabi na kaya lang sumama ang pakiramdam niya ay dahil naabutan niya ang lalaki na may kaharutan na babae sa opisina nito. Kahit pa natuwa siya na pinuntahan siya nito sa bahay na iyon para i-check siya.
"Ako na ang bahala sa paa ko, aakyat na ako para magpahinga.” Tumayo siya at nagsimulang umakyat ng hagdan.
"Lina…" mahinang tawag nito. Saglit siyang napatigil sa pag-akyat sa hagdan at nilingon niya ang binata. Muntik niya nang makalimutan na iba nga pala ang alam nito sa pagkatao niya.
"Gusto kong manghingi ng sorry sa kung ano ang nakita mo kanina. Kung kailangan mo ang tulong ko, nasa katabing kwarto lang ako," sabi nito.
Tumango lang siya kahit hindi ito nililingon saka dumiretso ng lakad paakyat.
…..
SA KWARTO, hindi nakatulog si Ingrid nang maayos dahil sinasakop ni Rob Matsui ang isipan niya. Akala niya kasi ay simpleng lalaki lang si Rob kaya nagpanggap siyang si Lina. Kahit ang pagpapakilala niya dito ay hindi tunay. Lumabas siya ng kwarto para uminom ng tubig dahil nahihirapan siya huminga. Paano niya ipaliliwanag dito ang lahat kapag nalaman nito kung sino talaga siya?
Matapos uminom ng tubig sa fridge ay tinahak niya ang pabalik sa kwarto. Paakyat na sana siya nang mapansin na bahagyang nakabukas ang pintuan sa gilid kung saan naroon ang opisina ni Rob sa bahay na iyon.
Sinilip muna niya ang loob ng kwarto at napansin niya na nakasandal ang ulo ng binata sa silya nito. Nilapitan niya ito at nakumpirma na natutulog ito. Mabibigat ang paghinga nito na halatang tulog ito. Lalabas na sana siya ng silid nang mapansin ang screen sa laptop nito. Bahagyang kumunot ang noo niya dahil larawan ng isang babae ang nakikita niya roon.
Naka-uniform ang babae sa larawan at maganda ang pagkakangiti. Sa tingin ni Ingrid, dieciséis o diecisiete anyos lang ang babae sa picture. Base sa mga nakalap niyang balita sa mga kasama sa White Devil, wala namang kapatid ang lalaki kaya sino ang babaeng nasa larawan?
Sa sobrang pagka-tsismosa niya ay pinindot niya ang minimize button at nakita niya ang iba pang thumbnail ng larawan ng parehas na babae sa iisang folder. The folder named ‘Ginny Lopez’. Lahat ng larawan sa loob ng folder na iyon ay mukha ng babaeng teenager.
Kumunot ang noo ni Ingrid nang maalala kung sino si Ginny. Ang sabi kasi ni Black sa kanya, si Ginny ay nobya ng bestfriend ni Rob Matsui na nawawala sa dagat sa probinsya ng Maunlad nitong nakaraan lang.
Hindi naman siguro teenager ang kaibigan ni Rob para magkaroon ng nobya na teenager din. Mga tanong niya hanggang sa mapansin niya ang isang thumbnail — pinindot niya iyon at parehas na babae pa rin ang nasa larawan, nag-aaral ito sa library.
Nakayuko ang ulo ng babae at nagsusulat, sakto lang para makita pa rin ang kabuuan ng mukha nito sa larawan. Ang pagkakaiba nito sa iba pa ay may date ang picture na napili niyang buksan. Nakasulat doon na walong taon na ang nakalipas nang kinuha iyon.
Kung ganoon, nasa bente mahigit na ang babae. Akala pa naman niya ay high school lang ito. Hindi niya maiwasan na mapatanong kung bakit may file ang Ginny Lopez na iyon sa laptop ni Rob. Isang sagot lang ang nasisiguro niya.
"What the hell are you doing?"
Napatalon si Ingrid sa bigla dahil nahuli siya ni Rob kaya napaupo siya sa kandungan nito dahil na out-of-balance siya.
"S-sorry…" kinakabahan na hingi niya ng paumanhin sa lalaki. Hindi niya na nagawang tumayo dahil umikot na ang buong braso nito sa baywang niya. Lalo siyang na-tense sa ginawa nito. Dumaloy ang kiliti sa buong pagkatao niya nang maramdaman niya na sinisinghot nito ang batok niya. She could smell alcohol from his mouth.
"Hmm… mabango," komento nito. Noon niya lang napansin na nakainom ito ng alak pero hindi naman ito lasing.
"Pwedeng magtanong kung hindi mo mamasamain? Na-in love ka ba kay Ginny Lopez?" tanong niya.
Seryoso si Rob na napatingin sa screen ng laptop nito. "How did you know?"
"Because the photos are too old and collated in one folder… and I’m sure that you are watching her picture before you took a nap a while ago."
He looked at her. "Yes, please don't tell anyone."