Gamit ang kapirasong billiard cue ay nagawa niyang sangain ang patalim nito na itatarak sana sa kanyang tiyan.
“Ang bagal mo!”
Kaagad niyang sinuntok sa mukha si Maki kaya napasubsob ito sa billiard table. Binitawan ako ng may hawak sa akin at kanya-kanya na silang lapit kay Nara. Balak nila itong pagtulungan. Kanya-kanya din silang dampot ng billiard cue at magkakasunod na sumugod kay Nara.
Kailangan ko siyang tulungan! Kapag hinayaan ko siya baka mapahamak pa siya! Bahala na!
“Ahhh!”
Hinila ko ang buhok ng babaeng kasamahan nila. Tapos itinulak ko siya sa sementong bakod. Kaya nagulat siya pero tumayo din siya at sinugod ako. Sinampal niya ako sa mukha kaya sinampal ko din siya.
“Hayup ka!” Sigaw niya sa akin at nangigil niya akong sinugod. Napahiga ako sa semento at nakadagan na siya sa akin. Kinalmot niya ako kaya iniharang ko ang aking kamay sa aking mukha. Hangang sa nagulat na lamang ako nang may puting bola na tumama sa ulo niya. Napatingin ako sa pinagalingan ng bola at nakangising labi ni Luna ang nakita ko. Siya kaya ang may gawa noon? Impit na napasigaw ang babae kaya nagawa ko siyang itulak at nakaalis ako sa kanya. Hinanap ng mata ko si Nara. Nasa itaas na siya ng billiard table nakatuntong. At walang kahirap-hirap niyang sinisipa ang magtangkang umakyat sa itaas. Kalahati ay bagsak na rin.
Nagulat ako nang may biglang sumulpot sa likuran ko. At nanlaki ang mata ko nang makita ko si Maki. Duguan ang labi nito napatingin ako sa patalim na nakaumang sa leeg ko.
“Wag kang gagalaw! Kundi babaon sa leeg mo ang patalim na ito!” Giit niya sa akin. Mahigpit niya akong hawak mula sa aking likuran.
“Tumigil ka ngayon din!” Sigaw niya na umagaw ng attensyon sa lahat. Nagkamalay na rin si Joanna at inalalayan siyang makatayo ng mga tropa niya.
“Kapag lumaban ka sa kanila laslasin ko ang leeg ng kaibigan mo.” Nakangising sabi niya kay Nara. Nanginig ang buo kong katawan. Ramdam ko ang dulo ng patalim sa aking leeg. Kaunting pagkakamali lang siguradong itatarak niya ito sa leeg ko.
“Hindi ko akalain na sa gwapo mong yan may kaduwagan ka rin pala. Biro mo nagtatago ka sa likuran ng isang babae para matalo mo ako?” Nanguuyam na sabi ni Nara sa kanya. Bumigat ang paghinga ni Maki sa likuran ko.
“Tumahimik ka! Tuluyan niyo ang babaeng yan!” Nanlilisik ang mata at duguang ang kilay na sigaw ni Joanna. Karamihan sa kasama nila bulagta na at ang iba naman ay iniinda ang sakit ng katawan hindi ko akalain na kayang gawin ni Nara yun sa kanila.
“”Eh kung ikaw kaya ang tuluyan ko? Kanina pa ako nababanas sa mukha mo.” Napatingin kaming lahat sa nagsalitang si Luna. Kanina nakaupo lang siya sa billiard table ngayon ay humahakbang na siya papalapit sa amin. May hawak siyang bola ng bilyaran at pinaglalaruan niya sa kamay niya.
“Ikaw ang bumato sa akin?!” Sigaw ng babaeng sumabunot at sumampal sa akin kanina. Nakahawak pa rin siya sa ulo niya at nakangiwi.
“Ako nga, masakit ba?” Seryosong tanong niya. Mabilis siyang sinugod ng babae. Pero bago pa siya makalapit ay binato niya itong muli. Sapol ito sa noo ng babae na agad namang nagpatalsik sa kanya.
“Wag kang mangi-alam dito! Sino ka ba?!” Galit na sigaw ni Joanna sa kanya.
“Ako? Isipin mo na lang na hindi ako nag e-exist.”
Pagkatapos niyang sabihin yun ay biglang sumeryoso ang mukha niya.
“Kung sino man kayong dalawa, kapag gumalaw kayo siguradong bubutasin ko ang leeg ng babaeng ito!” Banta ni Maki. Lalong dumiin ang patalim niya sa leeg ko ramdam ko na ang dulo nito na sumusugat sa leeg ko.
“Tama na please…” Naiiyak na paki-usap ko sa kanya. Pero mas hinigpitan niya pa ang hawak sa balikat ko.
“Tumahimik ka! Hindi kami papayag na hindi kami makagan—”
Naputol ang sasabihin niya at lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin. Napalingon ako sa likod ko at nakita kong may kinuha siya kung ano sa kanyang leeg. May kulay yelo itong likido at may karayom.
“Wag kang mag-alala, pampakalma lang yan. Mas mainam pa rin yan kaysa puruhan ka ng kakambal ko.” Nakangising sabi ni Sol. Parang nauupos na kandilang bumagsak si Maki sa semento.
“Maki! Maki!”
Dinaluhan siya ni Joanna. Narinig na lang namin ang sunod-sunod na tunog na ingay ng police car.
Papatakas na sana kami pero na-corner na agad kami ng mga pulis. Derecho kaming lahat sa presinto. Napakarami namin sa loob at hindi parin humuhupa ang tensyon sa pagitan namin kaya nakabantay ang mga pulis sa aming lahat.
“Sino ang nagsimula ng gulo? Kababata niyo pa imbis na pag-aaral ang inaatupag niyo puro mga bisyo at kapariwaraan ang ginagawa niyo! Hindi na kayo naawa sa mga magulang niyo!” Pangaral sa amin ng pulis major.
Magkakatabi naman kami sa upuan nina Nara, Luna, at Sol. Habang sa kabila naman ang tropa nila. Hindi pa rin nagigising si Maki. At masama pa rin ang tingin sa amin nila Joanna. Paniguradong hindi ito ang unang gabi na masasangkot ako sa gulo.
“Sila ang nag-umpisa ng gulo Sir. Pogi.” Wika ng babaeng kakarating lang.
“Keyla anong ginagawa mo dito?” Kunot noo na tanong ni Nara sa kanya. Lumapit siya sa gawi namin at tumigil kay Nara.
“Lagot ka na naman kay Dad.” Wika niya na ikinagulat ko.
“Magkapatid kayo?” Tanong ko sa kanila. Tumango siya sa akin.
“Yup, actually were fraternal twins.” Nakangiting sagot niya sa akin. Kambal din sila? Ang galing! Kambal pero hindi magkamukha?
“Saan ka ba nagpunta? Bakit hindi mo sinabi na may pulis eh di sana nakatakas pa kami.” Inis na sabi ni Nara sa kanya.
“Eh nauhaw ako sa labas ang tagal mo kasi sabi mo wag akong papasok diba? Kaya ayun nagpalamig muna ako sa seven eleven kaya lang pagbalik ko hinuli na kayong lahat. Kaya tinawagan ko na si Dad.” Mahabang paliwanag niya. Nasapo ni Nara ang kanyang noo. Pareho kami ng nararamdaman kahit ako ay nag-aalala na rin sa mangyayari kapag dumating si Daddy at Mommy.
“Patawarin niyo ako, nang dahil sa akin pati kayo nadamay. Sasabihin ko ang lahat ng nangyari para hindi kayo madamay sa gulong ito.” Nakayukong sabi ko sa kanila.
“Wag mo kaming isipin, kaya namin ang aming sarili. Ikaw? Okay lang ba ang sugat mo sa leeg?” Tanong ni Nara. Napakapa ako sa aking leeg natuyo na ang dugo na tumulo sa sugat ko at ramdam ko pa rin ang kirot nito.
“O-okay lang, masakit pero kaya namang tiisin.” Sambit ko.
“Ang galing mo kanina ah. Biro mo? Nagawa mong ihampas ang babaeng yun sa pader?” Nakangising sabi ni Luna. Sinamaan siya ng tingin ng babaeng binato niya ng bola at ngayon ay may bukol na ang noo.
“She’s cursing you sister.” Pangagatong ni Sol. Bumubuka kasi ang bibig nito at parang minumura si Luna. Tinaliman niya ng tingin ito at agad namang nagtago ito sa likuran. Iba talaga ang mga tingin nila nakakatakot.
“Lhiriya anak!” Nag-angat ako ng tingin at kitang-kita ko ang nag-aalalang mukha ni Mommy at pati na rin ni Daddy at Miguelito. May mga kasunod siyang magulang din na hindi ko alam kung kanino pero sa tingin ko ay magulang sila ng mga bago 'kong kaibigan. Tumayo ako sa upuan ko at kaagad na niyakap ako ni Mommy.
“Are you okay? Nasaktan ka ba? May pasa ka. Sino ang may gawa niyan sa’yo? Anong nangyari sa leeg mo?” Sunod-sunod at nakakalitong tanong ni Mommy.
“Lhiriya? Sumagot ka.” Seryosong sabi ni Daddy. Hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Niyakap ako ng mahigpit ni Mommy at pati na rin si Daddy.
“Luna? Sol? Anong nangyari?” Napatingin ako sa babaeng nagsalita. Ang ganda niya at kapareha din niya ng aura sina Luna at Sol.
“Wag mo muna silang pagalitan Tamara. Parating na sila Nathan at Brian. Alam na nila ang nangyari. Dadalhin na nila ang ebedensya dito.” Sabat naman ng isang babaeng maganda rin at astig ang porma. Lumapit siya kila Nara at Keyla at niyakap din ang mga ito.
“Sila ba ang may gawa sa’yo niyan?” Tanong naman ni Miguelito. Nasa leeg ko pala ang mata niya at tinignan niya rin ang namamaga kong pisngi. Tumango ako sa kanila. Nagulat na lamang ako nang akmang susugudin niya ang mga lalaking nakaupo sa mahabang bench na kasamahaan ni Maki. Kung hindi lang siya napigilan ni Dad ay baka nalapitan na niya ang mga ito.
“Kalma ka lang anak, hindi makakatulong ang init ng ulo sa problema.” Saway ni Daddy.
“Kalma Dad? Nakita mo ba ang pasa at sugat ni Riya? Kilala ko ang mga yan! Mga siga sila sa school kaya maraming takot sa kanila. Kung alam ko lang na pati pala si Riya ay pinagtritripan ng mga yan. At kung sinabi mo lang sa akin ang ginagawa sa’yo ng mga yan sana napagtangol man lang kita!” Tiim bagang na pahayag ng aking kakambal. Ramdam ko ang galit niya. Pero tama si Daddy hindi makakatulong kung makikigulo pa siya.
“Nasaan ang anak ko!” Umalingaw-ngaw ang boses ng isang malaki at matabang lalaki. Kasunod niya ang mga bodyguard niya na nakaputi. Siya ang Daddy ni Joanna. Vice-governor siya sa lugar na ito. Kaya malakas ang loob nila na maghari-harian sa university dahil alam nilang malakas ang kapit nila.
“Daddy!”
Kaagad na lumapit si Mr. Alvarez sa kanyang anak.
“Anong nangyari sa’yo?! Sila ba ang may gawa sa iyo niyan?!” Galit na sisi sa amin. Matalim ang tingin nila sa amin na parang kami ang may kasalanan ng lahat.
“Major! Bakit ayaw niyo pang ikulong ang mga yan? Nakikita mo naman siguro kung sino ang dehado sa nangyare. Hindi na kailangan ng imbistigasyon! Ikulong na ang mga yan!” Galit at nagwawalang sabi ni Mr. Alvarez habang yakap niya ang kanyang anak na ngayon ay putok pa rin ang mukha dahil sa ginawa ni Nara kanina sa kanya.
“Dehado?” Napalingon kaming lahat sa Mommy ni Luna. Humakbang siya palapit kay Mr. Alvarez. At walang takot niyang hinarap ito.
“Hindi porke’t walang pinsala ang mga anak namin ay sila na ang may kasalanan. Kilala namin ang aming mga anak. Hindi sila gagawa ng ganito kung hindi sila na-provoke ng anak mo lalo na ng mga loser niyang barkada. Ang sabihin mo sadyang mahina lang ang anak mo dahil kinailangan pa niya ang maraming aso na makikitahol, at makikikagat din kasabay niya.”
“Aba’t iinsultuhin mo pa ang a—”
“Subukan mong saktan ang asawa ko. Kung ayaw mong ikalat ko ang utak mo pati na rin ang baho.” Banta ng lalaking kararating lang kay Mr. Alvarez. Nakatutok ang baril niya sa ulo nito. Kaya kumilos din ang bodyguard at tinutukan din siya ng baril.
“Ano ba?! Nasa loob kayo ng police station!” Pigil sa kanila ng mga pulis at kanya-kanya silang harang sa pagitan namin.
“Tama na yan Nathan, dala na natin ang ebedensya kaya pewede na tayong umuwi.”
Isang lalaki na naman ang sumulpot at umagaw ng atensyon namin may dala siyang mga folder at pati na rin gadget. Humupa ang tensyon sa paligid at kanya-kanya silang baba ng baril. Ibinigay ng lalaking dumating sa police major ang dala niya.
“Nandyan lahat ng atraso ng mga batang yan. Kompleto ang mga yan, marami na silang kaso. Kabilang dito ang rape, drugs, illegal firearms, extortion and even frustrated homicide and murder. May sampung CCTV na rin kaming nakuha ang ilan dito ay sa university galing at ang isa naman ay sa bilyaran. Pag-aralan niyo ang kaso nila. I-uuwi na namin ang aming mga anak. Kung may nakita kayong paglabag sa anak namin. Bumisita kayo sa bahay.” Paliwanag ng lalaki. Kung hindi ako nagkakamali ay siya ang ama ni Nara at Keyla.
Nakakatuwa silang pagmasdan. Kaya naman pala may kakaiba sa kanila kasi pati mga magulang nila ay halatang may kakayanan din. Napahanga ako sa nakuhang ebedensya. Hindi ko na kailangang matakot. May tiwala akong mabibigyan ng leksyon sila Joanna at Maki pati na rin ang mga kasama nito.