Chapter 2
Hindi ko pa rin magawang huliin ang antok. Bumuntong hininga ako. Bigla na lang kasi uli akong kinutuban ng hindi maganda. Kapag ganitong kinukutuban kasi ako, parang may kasunod na mangyayari.
“Wala ba tayong gagawin? Hindi ba natin siya pwedeng i-report sa mga pulis? Kung ganyang natatakot ka na isuplong na lang sa pulis para makatulog ka,” suhestiyon ni Carlo na akala ko natutulog na. Iyon pala pinakikiramdaman pa rin ako.
“Paano natin irereport? Dahil lang sa nakasabay natin siyang kumain sa restaurant at wala naman siyang ginawa sa atin? Hindi nga siya lumapit sa atin eh. Hindi siya nagsalita. Nakatingin lang siya at may hinala lang ako. At anong kasalanan niya? Anong banta ng buhay ko ang ginawa na niya?”
Bumuntong-hininga si Carlo. Hinaplos-haplos niya ang tiyan ko. “Iyon din ang iniisip ko.”
“Tingin niya kasi malaki ang atraso ko sa kanya kasi pinatay ko ang kaisa-isang kuya niya. Mabuti nga hindi ko siya dinamay. Saka trabaho lang ‘yon. Wala naman akong personal na galit sa kanila,” Huminga ako nang malalim. “Sana pala, dinamay ko na lang nang wala na akong iniisip na ganito ngayong retirado na ako sa pagiging assassin.”
“Ang tanong, kaya mo bang pumatay ng inosente?”
“Hindi eh. Kung wala sa listahan hindi rin naman naming pwedeng patayin maliban kung lumaban at buhay na namin ang nakataya at kung alam naming magiging problema siya. At ito na nga, nagiging banta na siya sa kaligtasan ng pamilya ko.”
“Saka bakit ngayon lang siya maghihiganti kung sakali? Ilang buwan na rin naman ang nakaraan mula nang huling misyon mo, hindi ba?”
“Oo pero baka naghanda muna?”
“Maari. Natatakot ka ba?”
“Hindi nga ako takot para sa akin kasi alam kong kaya ko ang sarili ko. Kayo nina Nanay at Ava ang kinatatakot kong madamay.”
“Pero hindi naman pwedeng natatakot tayo sa bagay na hindi pa naman sigurado, hindi ba?”
“Tama ka naman. Sana nga, mali lang ako ng hinala sa mga tingin niya sa inyo.”
“Sige na. Matulog na tayo.” Niyakap niya ako. Hinalikan niya ako sa aking labi. Naramdaman ko ang paghaplos-haplos niya pa rin sa aking tiyan. “Sabihin mo nga kay Mommy baby, na huwag magpa-stress kasi baka pumangit ka sa loob? Kailangan mong lumabas diyan na malusog at ligtas at baka kasi dahil sa pagiging nega ng Mommy mo, lalabas kang mukhang matanda na. Paglabas mo riyan, may wrinkles ka na at may puting buhok dahil sa anxiety ni Mommy.”
“Opo. Hindi na po magpapa-stress si Mommy,” sagot ko. Yumakap ako kay Carlo at nag-unan ako ako sa dibdib niya.
Kinaumagahan, madilim-dilim pa lang ay bumangon na ako. Kailangan ko nang maghanda ng aming almusal. Uugaliin ko na iyon ngayon na baka sa susunod na buwan, bubukod na kami nina Carlo at mga anak namin. Ako na ang gagawa no’n sa kanya kung hindi kami makakahanap agad ng maid namin. Pero kahit may katulong kaming makuha, gusto ko, ako pa rin ang aasikaso sa pagkain nila. Ayaw naman nina Tatay at Nanay na sumama sa amin sa Maynila. Gusto nilang sa Silang lang sila. Alam kong mangyayari rin na ako ang kikilos sa umaga para sa aking pamilya kagaya ng mga ibang nanay kaya ngayon pa lang dapat matutunan ko na kung paano maging masipag na maybahay. Alam kong bago kasi pumutok ang haring araw at magsabog ng liwanag ay nauuna nang bumangon sina Nanay at Tatay. Subukan kong unahan namang magising si Nanay kahit ngayong umaga lang.
May kalakihan din ang naipundar kong bahay nina Nanay at Tatay. Katas ito ng aking trabaho ng dalaga pa ako. May tatlong kuwarto sa taas at isang kuwarto sa baba. Dahil medyo matanda na sina Nanay at Tatay kaya doon sila natutulog na sa baba. Paikot ang hagdan na yari sa narra. Kumikintab ang lahat ng muwebles na gawa rin sa matitibay na kahoy. Maluwang ang kusina at sala sa baba bukod pa sa sala sa taas. Tatlo ang CR ng bahay. Dalawa sa baba at isa sa taas. Wala kaming mga kapitbahay dahil nasa gitna ito ng farm. May ilang sasakyan nakaparada sa labas ng aming bahay, iyon ang mga ginagamit naming pandeliver ng gulay at may tig-isa kaming sasakyan ni Carlo. Kung tuusin kahit hindi na muna kami magtrabaho at magnegosyo ay kaya na namin suportahan ang aming buhay dahil kumikita naman ang negosyo na ni Carlo sa dami nang binabagsakan na niya ng gulay pero gusto niya mag-expand sa iba pang negoyos. Si Carlo kasi yung tipo ng asawang hindi nakukuntento.
Tingin ko, hindi pera ang magiging problema sa pagsasama namin ni Carlo. Malayong pag-aawayan namin iyon lalo pa’t hindi ko pa nagagalaw ang naipon ko noong bumalik ako sa pagiging assassin. May tampo nga lang sina Nanay at Tatay sa akin. Inaasahan kasi nila na dito na lang kami sa Silang titira para may makasama sila. Mabuti at pansamantalang napakiusapan ko muna si Carlo na hanggang makapanganak ako at hanggang hindi pa kumpleto ang gamit sa bago naming bahay na katas ng aming negosyong gulayan at prutasan sa Maynila ay dito muna kami kina Nanay at Tatay.
Pagbaba ko, nalungkot ako. Nandoon na naman si Nanay. Naunahan na naman niya akong magising. Maaga naman din nagigising si Tatay at dumidiretso agad iyon sa mga alaga naming mga baboy at mga manok. Nagdidilig na rin siya ng halaman habang nagkakape.
Minabuti kong tulungan na lang si Nanay sa paghahanda ng almusal.
“Dapat sa’yo natutulog ng mas mahaba, anak. Malaki na ang tiyan mo oh?”
“Nay, kaya ko pa naman. Saka hindi ba dapat tinuturuan na ninyo ako kung paano alagaan ang ang pamilya ko? Ilang buwan na lang bubukod na kami kaya gusto ko sanang matuto”
“Hindi na ba talaga magbabago ang desiyon ninyo anak? Okey naman kayo sa bahay. Kung tutuusin nga bahay mo na ito dahil ikaw ang nagpatayo. Malakas naman ang negosyo ng asawa mo kaya kami nagtataka, bakit kailangan pa ninyong bumukod at iwan kami ng Tatay mo.”
“Ang aga, Nay ah. Talo pa ninyo yung tandang. Huwag kayong mag-alala. Susubukan kong kausapin uli ang asawa ko. Malaki naman kasi ang bahay sa Maynila. Pwede naman kayo sana doon at bakasyunan na lang natin itong bahay natin dito.”
“Paano ang mga alaga ng tatay mo rito? Ang mga halaman. Ang ating gulayan at prutasan? Ipagkakatiwala natin sa mga tauhan natin?” nagsalin si Nanay ng mainit na tubug sa tasa. “Magkakape ka ba?”
“Hindi ‘Nay.” Naglabas ako ng mabubuksang de-lata na agahan at hotdog na paborito ni Ava.
“Hotdog na naman?”
“Iyon kasi ang gusto ng apo ninyo eh.”
“Kaha-hotdog lang niya kagabi kasi ayaw niya ng ulam. Ipinagprito mo kahit may nakahain nang ulam. Huwag mong sanayin ang anak mong maging ganyan. Kung ano ang nasa hapag, iyon ang kainin niya anak. Lalaki siyang matigas ang ulo at gusto niyang siya ang masusunod dahil sinasabay mo lagi na ibigay kung ano ang gusto niya.”
“Gusto ko lang sana mapalapit sa kanya, Nay. Kinukuha ko lang ang loob ng anak ko.”
“Kukunin ba ninyo si Ava sa amin?”
“Siyempre naman Nay. Gusto kong bumawi sa kanya eh.”
“Sana anak, every weekend umuwi kayo rito kasi nga malulungkot naman kami ng Tatay mo kapag ilalayo ninyo si Ava sa amin. Napamahal na ang bata sa amin ng Tatay mo. Kita ninyong kami ang gustung katabi sa gabi.”
Umupo na siya sa hapag. Nagsimula na niyang hipan ang natimpla niyang mainit na kape.
“Iyon nga rin ang isang problema Nay e. Huwag ninyong masamain ho ah? Anak ko si Ava pero malayo ang loob sa akin kasi nandiyan kayo lagi sa kanya. Gusto ko naman sana na mapalapit din sa akin ang anak ko.”
Nakita kong biglang nagbago ang mukha ni Nanay.
“Sorry ‘Nay kung nasaktan kayo. Hindi ko naman inilalayo ang anak ko sa inyo pero bilang ina sana, gusto ko rin sanang mailapit ang loob ko rin kay Ava.”
“Naiintindihan ko, anak. Pinagsasabihan ko naman ang anak mo. Hayaan mo, mapapalapit din ang loob niya sa’yo. Huwag mo na lang biglain muna ang bata.”
“Sige ho ‘Nay. Sana lang ho.”
“Salamat anak, pero hindi mo naman kailangang makipag-unahan sa akin sa paggising ng maaga. Masaya kong ipagluto ko kayo habang nandito pa kayo kaya sana hayaan mo na ako.”
“Naku Nay, hayaan lang ninyo akong tumulong. Gusto ko ho sana kasing maging ulirang asawa kay Carlo. Gusto kong maging hands-on sa pag-aasikaso sa kanya at sa mga anak namin. Ngayon-ngayon lang naman ako nakakabawi sa kanila.”
“Sabagay. Pero kapag malaki na ang tiyan mo, hayaan mong ako na muna ang gagawa sa mga ito ha? Para mas malakas ka at maging malusog ang bata sa sinapupunan mo.”
“Oho Nay.” Kumuha ako ng kawali. Ako na ang magluluto ng agahan dahil mukhang pinagbigyan na rin naman ako ni Nanay.
Naging ganoon ang araw-araw na buhay namin ni Carlo mula nang tumigil na nga ako sa pagiging Assassin. Mauuna akong magigising kahit pa pinapakiusapan akong magpahinga na lang. Ipaghahanda ko sila ng almusal kasama ni Nanay. Sabay kaming lahat na mag-agahan bukod kay Ava na tanghali na kung magising. Ihahatid ko siya ng tingin kapag umaalis na siya papunta ng farm o kapag may delivery siya. Magdadala kami ni Nanay ng kanilang pagkain sa farm lulan ng pang-farm naming sasakyan. Madalas isinasama rin ni Nanay si Ava dahil gusto ng batang laging nakadikit sa lola niya. Sasaluhan naming sina Tatay at ang asawa ko at mga trabahahor naming sa kanilang pagkain sa aming kubo. Iba pala talaga ang hatid ng simpleng buhay probinsiya. Doon ko naranasan yung sarap ng magkamay habang masuyong dinadampian ako ng preskong hangin.
Tulad ng sinabi ko, maayos na ang negosyo ng asawa ko kaya kahit sana iyon na lang ang aming pagkakaabalahan hanggang tumanda kami. Kami na ang nagsu-supply ng mga gulay, prutas at mga isda sa aming bayan kaya naman kilala na kami. Tunay ngang napalago namin ang negosyong sinimulan ni Carlo nang ikinasal kami pero ang asawa ko, hindi nakukuntento. Hindi nauubusan ng plano. Gusto talaga niya sa Maynila pa rin kami titira at magnenegosyo. Sa City lalaki at mag-aaral ang mga bata. Hindi na ako kumontra kahit medyo alanganin ako. Ipauubaya ko sa kanya ang pagpapatakbo sa pinansiyal na aspeto. Kailangan niyang maramdaman na nagtitiwala ako sa kanyang kakayahan at wala akong ibang dapat gawin kundi ang suportahan lang siya.
Walong buwan na ang tiyan ko nang nagkataong may sakit ang driver na siyang nagdedeliver ng mga gulay. Kung hindi maidedeliver sa madaling araw na iyon ang gulay ay paniguradong masisiraan kami sa aming mga binabagsakan namin lalo pa’t iyon ang kanilang ititinda sa araw na iyon. Bagsakan rin kasi kami ng gulay at prutas ng iba pang magsasaka sa amin kaya iyon rin ang ibinabagsak namin sa mga palengke.
“Kami na lang ang magdedeliver bukas ng madaling araw ni Tatay. Wala kasing mga lisensiya yung mga ibang tao natin kahit pa marunong naman silang magmanaheho,” sabi ni Carlo sa akin nang naghahanda na kaming matulog.
“Hindi ba’t tatlo naman silang nagdedeliver?”
“Oo pero isda ang dindeliver nong isa, yung isa mga prutas at yung gulay ang walang driver. Nagpresinta nga si Tatay pero hindi ko naman pwedeng hayaan lang na mag-isa siya. Matanda na si Tatay kaya hindi ko pwedeng payagan na siya lang ang aalis. Kung pwede ngang ako na lang eh, mapilit naman siya.”
“Hayaan mo na. Ganyan talaga ang mga magulang ko. Para namang hindi ka pa sanay sa kanila. Matulog na rin tayo ng maaga para hindi ka masyadong mapuyat.”
Hanggang sa biglang may narinig akong umiyak.
“Si Ava ba ‘yon mahal?” tanong ko.
“Malamang. Wala namang ibang iiyak pa na bata kundi siya.”
Mabilis akong bumangon. Pinakiusapan ko kasi at nang lolo at lola niya na bumukod na ng kuwarto para masanay na hindi katabi ang mga magulang ko sa pagtulog. Mahihirapan kasi lalo siyang mag-adjust kapag lumipat na kami at saka lang siya bubukod kapag nasa ibang bahay na kami.
Binuksan ko ang pinto ng kanyang kuwarto.
Nakaupo siya sa kama. Puno ng pawis ang mukha at likod kahit malakas naman ang aircon sa kuwarto niya.
“Bakit anak?” tanong ko.
“Si Lola! Pinatay nila si Lola at Lolo, Mommy! Patay na sina Lolo at lola!”
Nagimbal ako sa sinabi niyang iyon. Alam kong panaginip lang pero hindi naging maganda ang kutob ko. Sana hindi magkatotoo.