Chapter 3
“Ava, anak. Nanaginip ka lang. Buhay sina Lolo at Lola anak!”
“Hindi! Nakita ko pinatay sila ng mga bad guys. Nakita ko sila, Mommy! Pinatay nila sina Lolo at Lola!” Bumangon siya. Tinungo niya ang pintuan.
“Ava! Ava. Anak!” sigaw ko.
Nakasalubong ni Carlo ang anak niyang nagtatakbo pababa.
Sinenyasan na lang ako ni Carlo na sundan na lang ang anak namin.
Kumatok si Ava sa kuwarto ng Lolo at Lola niya.
Nagtatakang pinagbuksan sila nina Nanay at Tatay at patuloy pa rin sa pag-iyak ang panganay namin.
“Bakit? Anong nangyari apo?”
“Nanaginip. Sinasabi niyang patay na raw kayo.”
“Naku, paano naman kami mamatay ng Lolo mo ang lakas lakas pa namin? Sige na, dito ka na lang sa amin matulog.”
“Pero Nay, hindi masasanay ang bata.”
“Hayaan niyo na. Sige na, bumalik na kayo sa kuwarto ninyo at may maaga pang delivery yang asawa mo bukas.”
“Sige ho, Nay. Kayo na lang ang bahalang magpatahan diyan.”
“Sige. Natakot lang ‘yan sa panaginip niya. Hindi mo rin lang naman ‘yan mapapabalik na sa kuwarto niya kaya hayaan mo na lang na dito sa tabi namin matulog.”
Tumango na lang ako.
“Salamat Nay,” si Carlo.
Inakbayan na lang niya ako. Inalalayan sa pag-akyat sa hagdan at tinulungan akong humiga.
“Hindi kaya nag-iinarte lang ang anak mo para kina Nanay siya matulog? Unang gabi pa lang niya eh.”
“Hindi naman siguro. Kita mo ngang takot na takot yung bata eh! Parang totoo namang nananaginip.”
“Sana pala, tayo na lang ang nag-adjust. Tayo ang tumabi sa kanya sa pagtulog.”
“Hayaan mo, ganoon ang gagawin natin bukas.”
Sasagot sana ako nang biglang naramdaman ko ang paggalaw ng bata sa aking tiyan. “Mahal, itapat mo ang ulo mo sa tiyan ko. Pakiramdamdaman mo, gumagalaw na si baby.” Masaya kong hinila ang braso ni Carlo.
Mabilis namang itinapat ni Carlo ang kanyang ulo sa aking tiyan. Nakangiti. Nakita ko ang saya sa kanyang mukha habang nakatapat ang mukha niya at pinakiramdaman niya pagsipa ni baby.
“Kapag kabuwanan mo na mahal, hindi na rin ako pupunta sa farm, hindi na rin muna ako magdedeliver. Babantayan na muli kita. Gusto kong nasa tabi mo ako hanggang masigurado kong matiwasay mong maisilang ang ating anak.”
“Ano palang ipapangalan natin sa kanya?”
“Gusto ko Aiden, okey ba sa’yo ‘yon? Ava ang panganay na anak natin tapos Aiden naman siya. Maganda ano? Parang binago lang konting Eva at Adan. Okey lang ba sa’yo?” tanong niya sa akin.
“Gusto ko rin. Sige, Aiden na lang ang pangalan niya.”
“Excited na akong lumabas si Baby Aiden natin, mahal. Sa wakas may lalaki na rin tayong anak. Babae at lalaki. Okey na siguro ‘yon. Huwag na nating dagdagan pa para mas matutukan natin sila?”
“Oo. Saka sana dito kay Aiden, maramdaman ko na yung pakiramdam ng isang ina. Nagpapadede, napupuyat kapag nag-aalburuto, kinakarga at hinehele hanggang makatulog. Maririnig ko sana ang mga unang salitang bibigkasin niya. Makikita ko ang mga unang hakbang niya. Mga moments na wala kami ni Ava kaya hindi ko masisisi ang anak natin na wala siyang masayang memory with me.”
“Hindi pa naman huli ang lahat. Makakabawi ka rin kay Ava lalo na kapag nakalipat na tayo.”
“Sana nga. Sana maging malusog din si Aiden. Hindi biro ang mga pinagdaanan niya habang pinagbubuntis ko siya lalo nang mga unang buwan kasi di ba, kasagsagan ng patapos kong misyon nang di ko alam na buntis na pala ako.”
“Kaya nga dumito ka na lang muna sa bahay okey? Gusto mo kasi maghapon mo akong binabantayan e.”
“Binabantayan ka riyan. Gusto ko lang na nakikita kita lagi. Masaya akong tinatanaw kitang gumagawa.”
“E, di ganoon na rin iyon. Huwag kang mag-alala mahal ko, hindi ako mambabae, hindi kita lolokohin habang-buhay.”
“Bakit naman napunta sa pambabae? Wala naman akong iniisip na gano’n ah.”
“Aba malay ko, baka ganoon ang iniisip mo kaya parang gwardiyado ka sa akin.”
“Baliw! Kailan pa kita binantayan? Umalis nga ako eh. Huwag ka ngang feeling diyan.”
“Naku mahal, matulog na nga tayo. Hihilutin ko ang mga paa at kamay mo muna ha bago matulog.”
“Sige. Salamat mahal ko.”
Inayos niya ang higaan ko at nakangiti niya munang hinilot ang mga paa at braso ko. Nang matapos iyon ay tumabi siya sa akin. Muling hinalikan sa labi.
Ilang sandali pa ay narinig ko na ang mahina niyang paghilik. Inayos ko ang kumot niya. Pinagmasdan ko ang asawa ko. Alam kong pagod siya. Sa dami niyang pangarap sa amin, sa kagustuhan niyang lalong lumago ang aming mga negosyo, parang lagi na siyang abala at sa gabi na lang kami madalas magkita kung hindi pa ako pupunta sa bukid. Sinabi naman ni Tatay na hayaan na niyang gawin ang lahat ng iyon ng kanyang mga tauhan ngunit siya ang nagpumilit na tumulong. Isinasabay pa niya ang business na sisimulan na niya kaya laging pagod at stress. Ipinikit ko na rin ang aking mga mata para makapagpahinga. Hindi nakabubuti sa ipinagbubuntis ko ang pagpupuyat.
Unang tilaok ng manok nang bumangon ako. Naghihilik pa si Carlo sa tabi ko.
Binuksan ko ang ilaw para hanapin ang tsinelas ko nang nagulat ako.
Biglang tumunog ng malakas ang alarm ng kanyang cellphone.
“Ano ba ‘yan. Ang lakas naman ng alarm mo. Makukunan pa ako niyan eh!”
“Gising ka na agad mahal? Matulog ka lang. Kami lang naman ni Tatay ang aalis ah.”
“Magluluto akong baon ninyo.”
“Huwag na, marami namang bukas na kainan sa mga daraanan namin. Mainit pa. Kung magluluto ka pang baon, malamig na ‘yon. Gusto ni Tatay, mainit na sabaw sa umaga at kinakainan kaming madalas. Huwag ka nang magluto.”
“E di gagawa na lang akong sandwich ninyo o kaya kape. Tama ipagtitimpla ko na lang kayo ng kape.”
“Hay naku naman. Sige na. Okey na ako sa kape nang di naman masayang ang pagbangon mo ng maaga.”
“Sige, maghilamos lang ako at magpalit. Sunod na ako mamaya paglabas. Ingat ka sa pagbaba mo sa hagdan, mahal ha?”
“Sige mahal. Hintayin na lang kita sa kusina. Baka kasi gising na rin sina Nanay at Tatay, alam mo naman ang mmga iyon, hindi ba?”
Paglabas ko ay nakita kong pumasok na siya sa comfort room ng aming kuwarto.
Bumaba ako sa hagdanan. Bukas na ang ilaw sa kusina at bukas na rin ang pinto sa sala. Ibig sabihin ay lumabas na rin si Tatay para ayusin ang sasakyan idedeliver nila ng asawa ko. Uminat ako at humikab muna ako bago ako tumungo sa kusina. Pero nagulat ako sa nadatnan ko sa hapag-kainan namin. Hindi ako nakakilos agad. Hindi ako makasigaw. Nakita ko sina Nanay at Tatay, kapwa nakatali sa upuan at may tatlong lalaki na nasa likod nila. May hawak na baril ang isang nakatutok sa akin at ang dalawa ay may hawak na matalim na kutsilyo at nasa mismong leeg ng mga magulang kong may busal sa kanilang mga bibig.
Hindi ko alam kung paano ko ililigtas ang aking mga magulang sa kamatayan. Diretsong nakatingin sa aking mga mata ang kapatid ng huli kong misyon noong assassin pa ako. Sana talaga pinatay ko na siya noon kung alam kong babalikan niya ako at gagawin din ang ginawa ko noon sa kanya.