“Playmate, nagka-jowa ka na ba?” napalingon si Ayen kay Angie nang bigla na lang itong magtanong sa kaniya. Nasa locker na sila noon at nagbibihis ng kanilang pang-uwi, tapos na kasi ang duty nila na feeling niya ay napakabilis.
“Hindi pa,” mabilis naman niyang tugon dito. “I mean, may mga naging ka-M.U, as in, malabong ugnayan ako, pero hindi ko nagiging jowa,” dugtong pa niya sa kaibigan habang inaayos ang kaniyang pinagbihisan.
“Huh? Talaga? NBSB ka, as in NO BOYFRIEND SINCE BIRTH? Pero bakit?” gulat na gulat pang tanong ni Angie sa kaniya. Siyempre, twenty five na kaya siya, tapos wala pang nagiging jowa ever since? Eh, ‘di wow!
“Eh, kasi, gusto ko ‘pag nagka-jowa na ako, iyon na ‘yon. Siya na ‘yong mapapangasawa ko at makakasama ko habang buhay. Saka ‘yong mga nakaka M.U ko naman eh, sa umpisa lang iyong kilig tapos habang tumatagal wala na. Bigla-biglang naglalaho iyong kilig, pati sila naglalaho na rin,” nakangiting pahayag niya sa kaibigan.
“Wow, lakas maka-forever!” biro naman ni Angie sa kaniya.
“Eh, ikaw ba? May jowa ka ba ngayon?” balik tanong niya rito. Katatapos lang niyang ayusin ang kaniyang gamit, kung kaya’t nakatunghay na siya ngayon sa kaibigan.
“Hmmm, may naging jowa akong lalake pero naghiwalay kami noong college ako. Tapos ngayon may partner ako, si Dred,” mabilis na sagot naman ni Angie, na ngayon ay nagsusuklay na ng buhok nito. Medyo nagulat at naguluhan siya sa sinabi ng kaibigan. Hindi kasi niya sure kung anong ibig sabihin nito nang sabihin nitong may parner ito. Partener ba ito na live in partner, o partner na lesbian? Wala naman kasi sa itsura ni Angie ang magjo-jowa ng isang girl din.
“Ahm, correct me if I’m wrong ha? You mean, tibo si Dred?” Paniniguro pa niya sa sinabi nito. Tumango naman si Angie to confirm. Napatango-tango naman siya sa kaibigan.
“Opo. Pero kasi BFF ko siya noong college, tapos no’ng maghiwalay kami ni EX, iyong lalake, saka siya umeksena.” Mataman naman siyang nakikinig sa kuwento ng kaibigan. “Pero medyo nagkakagulo rin kami ngayon ni Dred eh. Selosa kasi ‘yon. Lahat na lang pinagseselosan, walang pinipili mapalalake, o mapababae, basta feel niyang mag-selos, go! Kaya madalas kaming mag-away. Ayyy! Mali pala, mas tama kasing sabihin na madalas niya akong awayin, dahil siya lang naman talaga ang nang-aaway sa akin.” Natawa pa ito nang itama nito ang sarili.
“Gano’n? Ibig sabihin hindi ka niya pinagkakatiwalaan. Kasi kung may tiwala siya sa’yo, hindi siya dapat gano’n umasta,” kunot-noo namang niyang pahayag sa kaibigan. Natahimik naman si Angie sa kaniyang sinabi, at tila nag-isip pa ito.
“Hmmm, siguro nga. Pero sa kabilang banda, that way lang din niya naipapakita ‘yong pagmamahal niya para sa akin.” Pagtatanggol pa nito sa partner nitong si Dred.
“Talaga? Pagmamahal bang matatawag iyon? Kung paminsan-minsan lang magselos, okay lang naman siguro iyon, kasi part naman talaga ng isang relasyon iyon. Pero kapag palagi na lang, hindi na healthy. Lalo na kung nagkakaroon na kayo ng sakitan, hindi man pisikal, sakitan pa ring matatawag iyon,” aniya sa kaibigan.
Kahit naman wala pa siyang nagiging jowa, alam naman niya ang mga ganoong bagay. Iyon din kasi ang isa sa mga ayaw niyang mangyari sa kaniya, kapag nagkaroon na siya ng karelasyon. Gusto niyang maunawain ang magiging karelasyon niya in the future. Gusto rin niyang maging honest sila sa isa’t-isa, iyong walang itinatago. Transparent gano’n. Napakalaki kasing issue sa kaniya ang trust sa isang relasyon, ayaw niyang may itatago ang magiging future boyfriend niya sa kaniya. Gusto niya open sila sa isa’t isa, dahil naniniwala siyang para tumibay ang isang relasyon, dapat matuto ang mag-partner na pagkatiwalaan ang isa’t isa, at huwag maglilihim.
“Hayyy,” buntong-hininga pa ni Angie. “Anyway, halika na nga! Nagiging madrama na tayo rito, baka mamaya magkaiyakan pa tayo,” wika pa nito na halatang umiiwas na sa usapan. Isinukbit na ng kaibigan ang bag nito sa katawan nito saka tumingin sa kaniya.
“Oo nga, tara na,” segunda naman ni Ayen sa kaibigan.
Maya-maya pa’y lumabas na sila ng locker para sa dining area na maghintay ng oras. Nagpatuloy sila ng pagkukuwentuhan, kaya naman mas nakilala pa nila ang isa’t-isa. Nakakatuwa lang na parang nakahanap siya ng matalik na kaibigan sa katauhan nito. Ilang sandali pa’y lumabas na sila sa BSC, at sabay-sabay na naglakad patungong sakayan.
“Bye, playmate!” Bumeso pa ito sa kaniya bago ito sumakay ng bus na daraan sa lugar nito.
Kumaway naman siya rito bago sumakay sa kabilang bus, kung saan ang ruta ay patungo naman sa kanilang lugar. Nakakapagod man ang buong gabi ng kanilang duty, masaya pa rin naman siya. Hindi pa rin kasi mawala sa kaniyang balintataw ang imahe ni Mr. Cuti pie.
‘Hayyy, magkikita pa kaya tayong muli?’ tanong pa niya sa kaniyang sarili. Marahas na napabuntong-hininga na lang siya sa isiping iyon.
Samantala, napapangiti si Bernie habang binabalikan ang eksena kanina sa loob ng bus, na kaniyang nasakyan patungo sa kanilang ahensiya. Pinag-report kasi siya kanina dahil malapit ng muli ang kaniyang pag-alis. Isa kasi siyang construction worker sa ibang bansa, at may kontratang nakahanda kada matatapos ang isa hanggang dalawang buwang pagbabakasyon.
‘Ano nga kayang pangalan ng magandang binibini na iyon?’ nakangiting bulong pa niya sa kaniyang sarili.
FLASHBACK...
Nagpasalamat si Bernie nang agad siyang makasakay sa bus na huminto sa kaniyang harapan kanina. Biyernes kasi ngayon at pahirapan ang makasakay sa bahaging iyon ng kalsada. Nang makapasok siya sa loob ng bus ay agad siyang dumiretso sa bandang likuran, kung saan may maluwag na matatayuan. Wala na kasing bakanteng upuan kung kaya’t tatayo na lang muna siya, tutal panigurado namang maraming bababa mamaya sa bandang Cubao.
Ilang mga pasahero pa ang sumakay sa bus na iyon bago ito umandar, ngunit ilang sandali pa lamang ay agad ring nagpreno ito. Dahilan naman para masubsob sa kaniya ang isang babae. Maagap naman siya’t naalalayan itong makatayo. Saglit siyang natigilan nang masilayan ang mukha ng babaeng humihingi ng paumanhin sa kaniya ngayon. She’s the average height of a typical Filipina, with long brown hair, morena, a heart-shaped face with an almond pair of eyes, thick eyebrows and eye lashes, a cute nose and thin lips. Napansin din niyang may bakal ito sa ngipin nang humingi ito sa kaniya ng paumanhin.
Iniiwas niya ang kaniyang paningin sa babae, at sinabihan pa niya itong humawak para hindi na muling mabuwal mula sa pagkakatayo nito. Habang nasa biyahe, pasimple pa rin niyang sinusulyapan ito sa kaniyang tabi. Aaminin niya sa kaniyang sarili na attracted siya rito, kung kaya’t kahit na may space pa sa kaniyang tabi ay mas pinili niyang manatiling nakatayo malapit sa babae. Wala lang, mas kumportable lang siya sa tabi nito, isa pa baka kasi mawalan na naman ito ng balanse, mabuti nang nasa tabi lang siya nito.
‘Talaga lang Bernie ha?’ pang-uuyam pa ng kaniyang isip.
Lihim naman siyang napangisi sa isiping iyon. Maya-maya lang ay huminto ang bus sa Kamuning. Maraming pasahero ang nagsibabaan at nagkaroon na rin sa wakas ng bakanteng upuan. Pauupuin sana niya ang babaeng nabangga sa kaniya kanina, nang maglakad ito patungo sa bankanteng upuan malapit sa kinatatayuan nito. Agad naman siyang sumunod sa dalaga at naupo sa tabi nito, bago pa man siya maunahan ng iba. Napalingon naman ito sa kaniya at agad ding nagbawi ng tingin. Siguro ay nahihiya ito sa kaniya.
Tahimik lang siyang nakaupo sa tabi nito hanggang sa huminto ang bus na sinasakyan nila sa bababaan nito. Natigilan pa siya nang tawagin siya nitong cutie pie nang tumayo na ito at dumaan sa kaniyang harapan. Ilang beses pa siyang napakurap-kurap at nasundan ng tingin ang pababang babae, dahil hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. She really amazed him by doing that. To his surprised, nang sulyapan niya ito sa bintana ng bus, nakangiti pa ito sa kaniya habang kumakaway. Gusto sana niyang gantihan ang pagkaway nito, ngunit hindi niya ginawa dahil baka magbigay iyon ng ibang implikasyon dito. Hindi na rin naman niya napigilan ang mapangiti bago niya ibinalik ang paningin sa harapan ng bus.
‘Pambihira talaga ang babaeng iyon!’ napapangiti pa niyang sambit sa kaniyang sarili.
Hanggang nang makarating siya sa kanilang ahensiya, baon pa rin niya ang matamis na ngiting dulot ng babaeng kasabay niya sa bus kanina.
‘Magkita pa kaya kaming muli ng magandang binibining iyon?’ tanong pa niya sa kaniyang sarili.
END OF FLASHBACK...
Umayos siya nang pagkakahiga at inilagay sa likod ng kaniyang ulo ang isang braso, habang ang isa naman ay nakapatong sa kaniyang tiyan. Nakangiti pa siya habang nakatitig sa kisame ng kaniyang silid, at iginuguhit sa isipan ang larawan ng babaeng nakasabay niya kanina. Huminga pa siya nang malalim bago ipinikit ang kaniyang mga mata. Umaasa siyang muling makita ang babaeng iyon, pero sa ngayon, okay na sa kaniya na sa panaginip na lang muna sila magtagpo.
‘Ang corny mo Bernie! Teenager lang?’ panunudyo ng kaniyang isip.
Kung sakali mang magkita silang muli, ano naman kayang gagawin niya? Napahinga na lang siya nang malalim saka ipinikit ang kaniyang mga mata. Maging siya ay hindi rin alam kung anong kaniyang gagawin kung sakaling magkita silang muli ng babaeng iyon.