NAPAMURA nang malakas si Zoe nang hindi pa rin umuusad ang sasakyan kahit anong gawin niya. "Damn car! Damn flood! Kung bakit kasi ngayon pa umulan na wala si Mang Roldan, eh."
Naiinis na binuksan ng dalaga ang bintana para silipin kung gaano na kalalim ang tubig. Napamura na naman siya nang malamang lumubog na pala ang mga gulong niyon. May pumasok na ring tubig sa loob ng sasakyan kaya itinaas na niya ang kaniyang mga paa.
Wala naman siyang pakialam kung masira man iyon dahil kayang-kaya naman iyong palitan ng kaniyang ama. Kahit bukas na bukas din. Tinawagan na niya ito at ipinadala na ang isa pa nilang family driver para sunduin siya. Pero medyo malayo ang Makati sa Cubao. At siguradong may madadaanan din itong mga baha.
Gosh! Paano siya bababa roon? Hinding-hindi siya aapak sa baha, 'no? Yuck! Mamamatay muna siya bago niya maranasan ang lumusong sa nakakadiring tubig na iyon.
"Miss, kailangan mo ba ng tulong?"
Napahinto sa pag-iinarte si Zoe nang marinig niya ang baritonong boses na iyon sa pagitan nang malakas na ulan. Nagulat pa siya nang makita ang lalaking nakatayo sa gitna ng baha at nakasuot ng raincoat. Medyo natatakpan ang mukha nito kaya hindi niya masabi kung ano ang hitsura nito. Ang alam lang niya ay matangkad ito at maganda ang tindig. Maganda rin ang boses. Lalaking-lalaki.
"Miss, ang sabi ko kung kailangan mo ba ng tulong?" pag-uulit ng estranghero nang hindi pa rin siya sumasagot.
"Ano ba sa tingin mo?" nakasimangot na tanong din ni Zoe. Hindi siya likas na masungit kahit maarte siya. Pero inis na inis na siya sa kaniyang sitwasyon dahil lumalalim na ang tubig na pumapasok sa kotse niya.
"Ikaw na nga ang tutulungan, ikaw pa ang galit. Ganiyan ba talaga kayong mga tagasiyudad?"
Nagsalubong ang mga kilay ng dalaga nang marinig ang sinabi ng lalaki. Kung magsalita ito ay parang hindi tagasiyudad, ah. Sabagay, napansin niyang iba nga ang punto ng pananalita nito. Parang tagaprobinsiya.
"Are you going to help me or not?" naiinis nang tanong ng dalaga. "Kasi lumalalim na ang tubig dito sa loob ng car ko, o. Hindi ko na maibaba ang mga paa ko."
"Malabo nang umandar iyang sasakyan mo. Malalim na ang baha. Siguradong pinasok na ng tubig ang makina niyan." Kung magsalita ang lalaki ay parang may alam ito sa sasakyan. "Bumaba ka na lang riyan. May dala akong sasakyan. Ihahatid na lang kita sa terminal ng jeep o kung anumang puwede mong sakyan pauwi sa inyo. Balikan mo na lang iyan bukas."
"Jeep?!" exaggerated na tili na ni Zoe. "Mukha ba akong pang-jeep? And hello... Okay ka lang? Palulusungin mo ako sa baha? Yuck, it's so dirty kaya! And what about my feet? Bagong spa at pedicure ito, 'no? Tapos ilulubog ko lang sa baha. No way! Over my dead body!"
"Ang arte-arte mo. Diyan ka na lang matulog kung ayaw mong lumusong sa baha," naiiritang sabi ng lalaki at umaktong tatalikod na.
Kaagad na nabahala si Zoe kaya tinawag niya ito. "Wait! I'm sorry sa kaartehan ko. First-time ko lang talaga 'to. That's why I don't know what to do," sinadya niyang lambingan ang boses. Alam niya na kapag ganoon ay mahirapan nang tumanggi ang kahit sino; lalo na kapag lalaki. "Don't leave me, please? Magbabayad ako kahit magkano. Basta ibaba mo lang ako rito na hindi umaapak sa baha."
Hindi kumibo ang lalaki. Ngunit mayamaya lang ay dahan-dahan na itong lumapit sa kaniya. Hanggang sa makalapit ito nang tuluyan sa kotse niya; isang hakbang na lang mula sa bintana na dinudungawan niya.
Palihim na napasinghap si Zoe nang makita ang kabuuan ng lalaki. Hindi yata sasapat ang salitang "god" para i-describe ito. Mula sa tindig, sa guwapong mukha, at sa karisma na kahit sino yatang babae ay hindi kayang isnabin. Lalaking-lalaki ito kung tumayo sa harapan niya. Puno ng kumpiyansa sa sarili kahit kitang-kita naman ang kaibahan nila ng estado sa buhay. Ni hindi man lang na-intimidate sa ganda niya. Sa ganda niya na wala pa ni isang lalaki ang hindi na-starstruck.
Alien siguro ang isang ito! O baka naman gay? Mabilis na kinontra ng kaniyang isip ang huling hula. Masiyadong hot ang lalaking ito para maging bakla.
Naulinigan ni Zoe na may sinasabi ang estranghero pero hindi iyon naging malinaw sa pandinig niya. She felt hypnotized as she stared him straight in the eye. Parang nanlulunod ang itim na itim nitong mga mata at may makakapal na eyelashes. At nang bumaba ang paningin niya sa mga labi nito ay napalunok siya. Mapupula iyon at parang ang sarap-sarap halikan.
Masarap din siguro siyang humalik?
"Miss?" pukaw uli sa kaniya ng lalaki.
"Hmm?"
"Ang sabi ko, anong paraan ang gusto mong gawin ko para maibaba kita." Diniinan nito ang bawat salita. "Bubuhatin ba kita o sasakay ka sa likod ko?"
"Ano ba ang mas safe?" parang wala pa rin sa sarili na tanong ni Zoe. Titig na titig pa rin siya sa mukha nito habang nakabuka ang bibig.
Gosh! She was too stupid for acting like a fool in front of this stranger. At first time iyong nangyari. Kahit sa pinakaguwapong Hollywood actor na nakaharap na niya ay never na natulala nang ganoon si Zoe. Pero ano ang magagawa niya? Hindi niya ito kayang tantanan ng tingin.
Napatili ang dalaga nang bigla na lang isuot sa kaniya ng lalaki ang hinubad nitong raincoat. Sa sobrang pagkatulala ay noon lang niya napansin na nabuksan na pala niya ang pintuan ng kotse. "B-bakit ka ba nanggugulat?!"
"Pareho tayong malulubog sa baha kung hihintayin ko pa na matauhan ka."
Naramdaman ni Zoe ang pag-iinit ng kaniyang mukha. Nahuli pala nito ang pagtitig niya rito. And for the very first time in her life, nahiya siya sa harap ng isang lalaki na hindi hamak na mas mababa ang estado kaysa kaniya.
"Are you sure na malinis itong raincoat mo? Allergic ako sa dumi," maarte niyang sabi habang inaayos nito ang pagkakasuot ng kapote sa kaniya. Wala itong pakialam kahit mabasa man ng ulan.
Tiningnan siya nito nang masama. "Pantakip ko ito sa sasakyan ko pero siguradong mas malinis pa ito kaysa sa kili-kili mo."
Napamulagat si Zoe. "What--"
"Huwag ka nang mag-inarte kung ayaw mong iwanan kita rito."
Natakot siya sa pagbabanta na naramdaman sa boses ng lalaki kaya itinikom na lang niya ang bibig. Muntik na naman siyang mapatili nang walang pasabi na pinangko siya nito. Nagmistula siyang papel sa matitipunong bisig nito.
Parang may dumaloy na libo-libong boltahe sa mga ugat ni Zoe nang magdikit ang kanilang mga balat. She was shaking a little. Ngunit nakapagtatakang masarap iyon sa pakiramdam. At kahit isang estranghero ang may kalong-kalong sa kaniya ngayon, hindi niya maramdamang nasa panganib siya.
"Kumapit ka kung ayaw mong mahulog," masungit na utos ng lalaki sa kaniya.
Tinaasan ito ng kilay ni Zoe. Masiyado na nitong pinapainit ang bumbunan niya. "Saan ako hahawak? Sa batok mo? Eh, malay ko bang madumi iyan. Mangati pa ako. At mas lalong hindi ako kakapit sa damit mo, 'no? For sure, puno iyan ng alikabok."
Ngumisi ang lalaki. "Miss, umarte ka nang naaayon sa hitsura."
Hindi makapaniwalang pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Are you really blind? O talagang hindi ka lang marunong mag-appreciate ng totoong kagandahan."
"Ang totoong maganda ay hindi maarte." Mula sa nakakalokong anyo ay biglang pumormal ang hitsura nito. "Manahimik ka na lang at kumapit sa'kin, okay? Dahil masama ako kung mapikon, nananakmal ako ng babae. At hindi sa leeg kundi sa...." ibinitin nito ang pagsasalita at tumingin sa dibdib niya.
Namumula ang mukhang hinampas ito nang malakas ni Zoe sa dibdib. Dahil sa ginawa niyang iyon kaya muntik na siyang mahulog. Mabuti na lang at mabilis siyang napayapos sa batok nito. Sa sobrang pagkataranta ay napasubsob pa siya sa dibdib nito.
Nawalan nang sasabihin si Zoe dahil na-destruct siya sa paggalaw ng Adam's apple ng lalaki nang tingalain niya ito. Lalong tumingkad ang kaguwapuhan nito dahil sa tubig-ulan na umaagos sa mukha nito.
Parang nanunukso naman na lalo pa siyang isiniksik ng lalaki sa katawan nito. At promise, hindi ito amoy-pawis. Dahil ito na yata ang pinakamabangong lalaki na nalanghap ng ilong niya. Pumikit pa si Zoe at pasimpleng inaamoy-amoy ang lalaki.
Mabilis na napamulat ang dalaga nang walang kaabog-abog na ibinagsak ng lalaki ang mga paa niya sa lupa. Nakarating na pala sila sa mataas na parte ng kalsada; kung saan ay hindi inabot ng baha. "Hindi ka ba marunong magdahan-dahan?"
"Ano'ng gusto mo? Maglatag pa ako ng red carpet?"
Pinalagpas niya ang pamimilosopo ng lalaki. Malaki rin naman ang utang na loob niya rito. Dahil kung hindi ito dumating at tinulungan siya, baka lumalangoy na siya ngayon sa baha. Nakakaawa rin ito dahil nabasa sa ulan nang dahil sa kaniya.
Pero never niya iyong ipaparinig sa hambog na lalaking ito. Over her dead body! Okay sana kung hindi siya nito sinabihan na umarte nang naaayon sa hitsura; na para bang sinasabing pangit siya kaya walang karapatang mag-inarte.
"Saan nga pala kita ihahatid, Miss Maarte?" tanong nito habang binubuksan ang kulay-pula at lumang pick-up truck.
"Don't bother, Mister Sungit. Dahil may susundo sa'kin. Madagdagan pa ang utang na loob ko sa'yo kapag sumakay ako sa bulok mong sasakyan," aniya at saglit lang na sinalubong ang matalim nitong tingin. Nakakainis. Ang ganda pa rin ng mga mata kahit galit na. Ang unfair ng mundo, ha!
Narinig niyang may sinasabi ang lalaki pero hindi na niya pinansin. Dumating na kasi ang kulay puting Lexus LS na sasakyan ng kaniyang ama. Ilang sandali pa ay nagmamadali nang bumaba roon ang isa sa kanilang family driver na si Mang Pido at may dala-dalang payong.
"Ma'am, okay lang po ba kayo?" kaagad na tanong nito. "Ang sabi ng daddy n'yo, balikan na lang daw po bukas ang kotse n'yo."
"I'm okay, Mang Pido. May nag-save po sa'kin." Binalingan ni Zoe ang lalaking nagligtas sa kaniya para sana lunukin ang pride niya at magpasalamat. Pero wala na pala ito roon. At nang tumingin siya sa kalsada ay nakita niya ang sasakyan nito na unti-unti nang nawawala sa paningin niya.
Nagkibit-balikat ang dalaga at naibulong na lang sa hangin ang pasasalamat dito. Thank you pa rin kahit ang sungit mo...