"KUYA, help me! May humahabol sa'kin na mga holdupper. Gusto nila akong saktan--" Awtomatikong naputol ang pagsasalita ni Zoe nang sa wakas ay nakarating siya sa harap ng lalaki at nakita ang mukha nito. Katulad niya ay halatang nagulat din. Nanlaki ang mga mata ng dalaga. "I-ikaw?!" "Small world ba?" nang-uuyam na tanong ng lalaki at unti-unting tinatawid ang distansiya nila. Kasabay niyon ang seryosong pagtitig nito sa mga mata niya. "W-what are you doing here? Sinusundan mo ba ako?" kinakabahang tanong ni Zoe. Hindi dahil sa takot kundi sa antisipasyon habang magkaugnay ang mga mata nila. "Tagarito ako, Miss Maarte. Hindi kaya ikaw ang sumusunod sa'kin? Stalker." Habang sinasabi iyon ay lalo pang lumalapit sa kaniya ang lalaki. Hindi pa rin nilulubayan ng tingin ang mga mata niya.