Chapter 6

2896 Words
KAKAIBANG pakiramdam ang dumapo sa katawan ng bulag na si Saber nang makarating na siya sa Main City. Habang naglalakad nga sila ay seryoso naman ang nasa unahan niyang si Gladius na isa sa walong Eternity. “Malakas talaga siguro ang pakiramdam mo bata. Biruin mo, bulag ka, pero hindi mo na kailangan ng kasama para makalakad nang mabuti. Paano na lamang kung bigla kitang iwanan dito?” wika ni Gladius na mukhang nagbibiro sa huling mga salita na tinuran nito. “Nakasanayan ko na lamang po,” sagot naman ni Saber na ngayon ay pasimpleng ino-obserbahan ang paligid gamit ang kanyang pandama. Ramdam niya na may mga presensya na nakatingin sa kanila at ramdam din niya mula sa mga iyon ang takot. Mukhang dahil ito sa kanyang kasama. Ilang sandali pa nga ay huminto na sila sa paglalakad. Sinabi nga ni Gladius na narito na sila sa bahay nito. Ito nga ay isang napakataas na gusaling may ilang palapag. Isa ito sa walong pinakamatataas na lugar dito sa Main City. Kung pagmamasdan nga mula sa itaas ay makikitang tila nakapaikot nang mabuti ang walong tirahan ng Faladis Eternity sa siyudad. Kung guguhitan nga ito ay makikitang pinaggigitnaan nito ang bantay-saradong pasilidad nila na pili lamang ang pumapasok. Naramdaman nga ni Saber na pumasok na sila sa loob. Bigla ngang nabawasan ang mabigat na pakiramdam sa paligid pagdating doon. Nalayo na kasi siya sa publiko ng siyudad at ngayon ay nakarinig pa nga siya ng mga pagbati mula sa mga narito para sa kasama niyang si Gladius. Si Gladius nga ay nilampasan lang ang bubog na pinto ng kanyang bahay nang kusa itong bumukas nang ma-detect siya. Ang mga iilang bantay na naroon ay mabilis namang yumuko at sumaludo sa kanya. Itinaas nga ng matanda ang kanyang kamay at may tinapat na tila laser ang mga alagad niya sa kanya nang oras na iyon. Sa isang iglap nga ay unti-unting nagbago ang kasuotan ng matanda na ngayon nga ay nasa isang simpleng damit na lamang. Plain shirt na lamang ito at pants na kulay itim na may tamang kaluwagan. Dumiretso nga ito sa isang elevator at napatingin siya sa kanyang likuran para tingnan ang batang isinama niya. Kaso, wala na si Saber. “Nasaan na iyon?” tanong ni Gladius na papasok na sana sa kusang bumukas na elevator. Samantala, nabigla naman si Saber nang may mga kamay ang humawak sa kanyang balikat. May dalawang tao ang ngayon ay may hawak sa kanya at nakakaramdam siya ng malakas na presensya mula sa mga iyon. “Sino kaya ang isinamang ito ng ating ama?” tanong ng isang lalaking na parang nasa edad trenta sa kasama nitong isa pang lalaki na mas matanda ang itsura rito. Ito nga ay ang dalawang anak ni Gladius, ang tanging mga anak niya na narito sa Main City sapagkat pambihirang lakas ang mayroon ang mga ito kung ikukumpara sa iba. Si Sato at si Hram ito. Nakasuot nga ang mga ito ng tila military dress at makikita ang tikas ng katawan ng mga ito sa kasuotan nilang iyon. Si Sato, na mas bata ay makikitang may suot na shades habang nakatayo sa likod ng lalaking bulag. Ang mga kamay rin niya ang nakapatong sa balikat nito upang hindi ito makalakad. Kahit nga nasa mataas nang edad ang dalawa ay parang teenager pa rin silang kumilos dahil ang ganitong edad sa panahong ito ay masasabing bata pa rin naman. “Sino ka? Bakit kasama ka ng ama naming Eternity? Malakas ka siguro?” nakangisi namang wika ni Hram habang magka-ekis ang braso sa dibdib. Seryoso nga niyang pinagmamasdan ang binatang hawak ni Sato. Nang mga oras na iyon nga ay hindi nila nakikitang bulag si Saber dahil natabunan ng buhok nito ang kanyang mga mata. “Subukan nga natin kuya ang isang ito,” sabi naman ni Sato na inakbayan ang lalaking hindi naman nagre-react sa mga sinasabi nilang magkapatid. “Sato, Hram…” Mula naman sa hindi kalayuan ay may tumawag sa dalawa. Ang ama nila ito at mabilis na tumayo nang mabuti ang magkapatid, at sumaludo na may kasama pagyuko sa dumating na si Gladius. “Mahal naming ama…” sabay na wika ng dalawa habang nakayuko. Si Gladius naman ay napatingin kay Saber at pinakiramdaman niya ito. Tahimik lang ang bata at sa palagay niya ay nakikiramdam ito sa paligid niya dahil sa bagong lugar ito. “Tamang-tama, dalhin nga ninyo si Saber sa training ground… Subukan ninyo siya,” sabi ni Gladius at ang dalawa niyang mga anak ay napakabilis na sumunod. Nagkangisian pa nga nang pasimple ang magkapatid dahil gusto talaga nilang malaman kung gaano kalakas ang bagong prospect na isinama ng ama nila rito. Sa mga dinadala kasi ng ama nila sa Main City ay dumadaan talaga muna sa mga kamay nila ang mga iyon para malaman kung matibay ba talaga ang mga ito. “Saber,” tawag nga ni Gladius sa bulag na dinala niya rito. Nakasunod nga lang ito sa magkapatid na parang wala lang. “Titingnan ko kung kaya mong makipagsabayan sa dalawang iyan. Huwag kang mag-alala dahil hindi ka naman nila papatayin… Maliban na lang kung sasabihin ko,” sabi ni Gladius at si Saber ay wala namang pakialam sa bagay na iyon. Nasa isip pa rin niya ang kanyang pinakang-main goal at upang magawa iyon ay kailangan niyang sumabay sa agos ng mga pangyayari rito. Sumakay nga sila sa elevator at tahimik lang si Saber habang kasama ang tatlong malalakas na indibidwal dito. Ilang sandali pa nga ay lumabas na sila at makikita sa transparent na bubog ng dinadaanan nila ang isang gitnang bahagi ng gusaling bahay ni Gladius. Mayroong isang natural environment dito na may mga hayop. Parang isang kagubatan iyon na ang kalahati ay isang patag na lupang natatabunan ng luntiang d**o. Sinisikatan naman ito ng artipisyal na araw na nagmumula sa itaas. Makikita nga rin ang paglalakad sa gusali ng mga mandirigma ng Main City na nagsisiyukuan sa tuwing makikita si Gladius na wala namang pakialam sa kanila. Isa pa muling elevator ang sinakyan nila at sa paglabas nila mula roon ay may isa na namang bakanteng lugar sa gitna ang makikitang napapalibutan na naman ng makapal pero transparent na bubog. Ang mga nakaputing tao nga roon ay mabilis na kumilos upang magbigay galang sa pagdating Gladius. Sinkronisado silang pumila at yumuko sa wala namang pakialam sa kanila na Eternity. Naglakad naman ang dalawa niyang anak patungo sa loob ng bakanteng lugar sa gitna ng pasilidad na ito sa loob ng gusali. Makikita nga sa palibot nito sa labas ang napakaraming computer. Para itong isang testing facility ng kung ano at mukhang ang kanilang ino-obserbahan ay ang magaganap sa gitna ng lugar na ito. Isang battlefield ito at napoprotektahan ang palibot nito ng napakatigas na bubog na hindi basta-basta mawawasak ng mga atake ninuman, maliban sa mga Eternity. Tahimik pa ring nakikiramdam si Saber nang sandaling iyon. Maraming malalakas sa paligid at mukhang ang mga ito ay alagad din ng Eternity na kanyang kasama. Naramdaman din niya na naglaho ang presensya ng dalawa niyang kasama kanina, ito ay sina Sato at Hram na nasa loob na ng battle area at kasalukuyang nagwa-warm-up na. “Malakas nga kaya iyon?” seryosong tanong ni Sato na makikitang hubad na ang pantaas. Mababakas nga sa katawan nito ang mga marka ng mga matitinding laban. Ganoon nga rin ang makikita kay Hram na may mahabang pilat sa dibdib na dulot ng kung ano. Bato-bato ang pangangatawan ng dalawa at kung ikukumpara ito sa katawan ng batang kasama ni Gladius ay magmumukha itong patpat. “Pero hindi naman magsasama rito ang ama natin ng mahina… Alam mo naman siguro kung gaano kahigpit ang Eternity pagdating sa mga mandirigma,” sabi naman ni Hram na bigla pang nag-push-ups nang mabilis na naging dahilan upang may hangin na kumawala mula roon. “Kaso, baka mamatay ang isang ito,” sabi pa nga ni Sato na natatawa pa nang pumasok na rin sa loob ang binata na bagsak pa rin ang buhok sa may tapat ng mata nito. “Sa katawan pa lang, baka sa pisikal na lakas pa lang natin ay basag na ang buto nito,” dagdag pa ni Sato na nag-push-ups naman gamit ang isang kamay. Mula naman sa labas ng battle area ay inutusan ni Gladius ang mga tauhan niya na obserbahan ang batang isinama niya. Ito raw ang kanilang pag-aaralan. Kung ano ang level ng lakas nito at upang mapag-aralang mabuti kung ano ang superhuman ability nito. Seryoso ngang pinagmasdan ni Gladius ang dalawa niyang mga anak at napangisi siya nang maaalala ang sinabi niya sa batang si Saber bago ito pumasok sa loob ng battle field. “Patayin mo ang dalawang iyan…” Akala nga ni Gladius ay mabibigla ang batang iyon, o matatakot man lang dahil sa alam nitong anak niya ang makakalaban niya. Kaso, walang ganoong reaksyon ang binata. Kumuyom lang ang kamao nito at sinabing sige. Dahan-dahan na ngang tinanggal ni Saber ang kanyang uniporme at ngayon ay dalawang presensya na lang ang kanyang nararamdaman sa paligid. Mukhang may kakayahan daw ang lugar kung nasaan siya na harangan ang enerhiyang nagmumula rito o nagmumula naman sa labas. Naalala nga niya bigla ang sinabi ni Gladius kanina sa kanya. Kailangan daw niyang patayin ang mga anak nito. Mas makakalaban na rin daw siya nang mabuti ngayon dahil sa ang dalawang papaslangin lang niya ang kanyang nararamdaman dito. Isa pa, may basbas ng isang Eternity ito at upang makuha ang loob nito… Kailangan niyang pahangain lalo ito. Kailangang makumbinsi niya itong hindi siya basta-bastang nilalang dito sa Faladis. “Saber… Ikaw na ang bahala sa kapalaran ng marami rito. Pagkatapos mong mawasak ang Time Machine… Wasakin mo na rin ang mundong ito upang matapos na ang kasamaang plano ng natitirang Eternity sa sanlibutan.” “Malakas ka ba talaga?” Isang boses ang kanyang narinig at base sa pagkakakilala niya sa tono nito ay mula ito sa anak ni Gladius na nagngangalang Hram. Wala siyang ideya sa kakayahan ng dalawa, pero may hinuha siya na posibleng may kinalaman din ito sa apoy, na kagaya rin ng sa ama nila. Hindi rin niya mamaliitin ang mga ito kahit pa sinabi sa kanya noon ng matandang tumulong sa kanya na tanging ang mga Eternity lang ang posible siyang masabayan pagdating sa pakikipaglaban kung ang paggamit ng kapangyarihan at lakas ang pagbabasehan. Sina Hram at Sato naman ay napatingin sa kanilang ama sa itaas. Sumenyas si Gladius at iyon ang biglang nagpangisi sa kanila. “Nakita mo iyon Sato? Paslangin daw natin ang batang ito,” sabi ni Hram at palagi namang pinapagawa sa kanila ng ama nila ito sa bawat dadalhin nitong galing sa labas. Ito rin kasi ang magiging batayan kung malakas ba talaga ang isang mandirigma at karapat-dapat na mapunta sa mas magandang katayuan dito sa Main City. “Quick kill ba ang gagawin natin?” mahinang tanong ni Sato na parang natatawa nang makitang naka-sando na lamang ang lalaking lalabanan nila. “Maglaro muna tayo… At ako muna ang gagawa,” sabi nga ni Hram na pinaikot pa sa hangin ang kanyang kanang braso. “Kahit nga yata hindi ko na gamitan ng kapangyarihan ito. Wala naman akong maramdamang lakas mula sa kanya.” “Sige kuya, basta, huwag mo kaagad papatayin… Matagal na rin kasi nang huling magdala si Ama rito ng mapaglalaruan natin,” ani naman ni Sato na natatawa pa rin sa itsura ng lalabanan nila… Hindi, ng papatayin daw nila. Mula naman sa labas, makikitang ang lahat ng monitors ng computers na gamit nila ay nakapokus sa lalaking lalabanan ng magkapatid. May ilan nga rito ang napapaisip dahil parang wala raw yatang pag-asa na manalo ito. Isa pa, nang mabasa ng kanilang sensors ang strength level nito ay napakababa raw nito para sa isang superhuman. Si Gladius naman nang makita ang mga infos na iyon ay mas lalong naging interesado sa bulag na binatang isinama niya rito. Seryoso niyang pinagmasdan ito at titingnan niya kung papatayin nga raw kaya nito ang kanyang dalawang anak. Humawak nga siya sa kanyang kaunting balbas at nakaramdam ng hindi maipaliwanag na galak sa mga pwedeng mangyari. “Nakita ng mga mata ko ang lakas niya kanina sa paaralang iyon at ngayon, hindi naman ito nababasa ng sensors ng Main City… Ibig-sabihin, lalabas lang ang tunay mong info kapag lumaban ka na?” wika pa nga ni Gladius sa kanyang sarili. Naramdaman naman nga ni Saber na nasa harapan na niya si Hram. Ramdam nga niya ngayon ang malakas na dating nito at alam niyang may natatago itong malakas na kapangyarihan na handang lumabas kapag ginusto nito. Nasa isip nga bigla ni Saber na mukhang hindi ito seryoso at mukhang paglalaruan lang muna siya. Pero wala siyang pakialam dito. Kailangan niya lang namang pahangain si Gladius, para isama siya nito sa facility kung nasaan ang time machine. “Susubukan na kita… Pero, lalaban ka ba talagang may takip ang mata mo?” sabi nga ni Hram na ikinuyom na ang kanyang kanang kamao. Naisipan nga niyang bigyan muna ito ng isang normal na suntok. Isang suntok na kahit hindi ang kanyang pinakamalakas ay may kakayahang magbigay ng matinding sakit sa sinumang indibidwal na may mahinang kapangyarihan. Kagaya na lamang daw ng lalaking ito na isinama ng kanyang ama. Isang pagngisi nga muna ang ginawa ni Hram at doon na nga bumulusok ang kanyang kamao papunta sa mukha ni Saber. Kumawala ang malakas na hangin mula sa kinatatayuan nilang dalawa matapos iyon. Wala pa namang intensyon si Hram na patamain kaagad iyon, at napaseryoso naman siya nang wala man lang reaksyong ginawa ang binatang kaharap niya. Nang pa-angatin nga rin ng hangin ang buhok nitong humaharang sa mata ay doon na siya nabigla sa kanyang nakita. “I-isa kang bulag?” naibulalas ni Hram na napa-atras na lamang dahil sa nalaman niya. Si Sato nga ay napatayo nga bigla mula sa pagkakaupo nang makita rin iyon. “Ano naman kung bulag ako?” sabi naman ni Saber na kumuyom din bigla ang kaliwang kamao at sa pag-atras nang bahagya ni Hram ay sinabayan naman niya ito ng paghakbang pauna. Napaseryoso na nga lang si Hram dahil sa pagbigla ng kilos ng kanyang kaharap. Nakita rin niya ang kamao nito na mukhang sumusunod sa paglapit nito sa kanya. Bibigyan siya nito ng suntok at hindi niya maintindihan sa kanyang sarili kung bakit nakaramdam siya ng panganib mula roon. Napadepensa nga siya, kaso… at kumawala na lamang ang hangin nang nilampasan siya na parang wala lang ng lalaking iyon. Walang suntok na naganap. Ito ay upang bumawi ni Saber sa ginawa ni Hram sa kanya na pagsubok kung magre-react siya. Si Sato nga na nakasaksi ay natulala na lang sa mga nangyari habang si Gladius naman mula sa itaas ay napaseryoso lalo na nakamasid sa batang dinala niya. “Walang nagbago sa kanyang strength power, mahal naming Eternity…” “Simpleng galaw lang ang ginawa niya… Wala po kaming na-trace na abnormalities mula sa movements niya,” sabi naman ng isa. “Ano ang ibig-sabihin nito? Normal na kilos lang niya ito? Hmmm…” sabi naman ni Gladius sa sarili na mas lalong nagiging interesado sa kakahinatnan ng kanyang ginawang ito. Pinahanap na nga rin niya sa kanyang researchers ang full information ni Saber at mamaya lang ay tiyak siyang nasa kanya na ang kabuuan ng reports tungkol sa binatang ito. Hindi kasi siya mapalagay na isa lang itong Sediments sa labas ng Main City. Si Hram ay nakaramdam naman ng hindi maganda sa ginawa sa kanya ng lalaking iyon. Pinakagat lang daw siya nito para magmukhang katawa-tawa sa mga nanonood. Isa pa, nakita rin nga ng ama niya ang nakakahiyang pagdepensa niya. Nagdilim kaagad ang paningin ni Hram at doon ay mabilis ngang kumuyom ang kanyang kamao. Mula nga sa mga sensors ay makikitang tumaas ang strength levels ni Hram at mukhang bibigyan na nito ng isang malakas na atake ang bulag na si Saber. “Wala akong pakialam kung bulag ka… Pero ang ginawa mo sa akin ay hindi katanggap-tanggap. Sa mundong ito… isa ka pa ring mababang uri,” sabi nga ni Hram sa sarili at kumawala ang malakas na hangin nang bigyan na niya ng biglaang suntok ang bulag na binatang nakatayo sa kanyang likuran. Nayanig ang buong battle arena dahil doon at isang malakas na hangin din ang kumawala. Ang lupang kinatatayuan nga ng dalawa ay lumubog dahil sa pwersa noon, subalit natigilan na lang ang lahat sa sumunod nilang nasaksihan. Gamit ang kanang bisig ni Saber, na kung titingnan ay may hindi naman kalakihan ang katawan, ay nagawa pa rin nga niyang salagin ang malakas na kamaong tumungo sa kanya gamit lamang iyon. Isa pa, wala man lang reaksyon ang mukha nito o kahit pagtitiis na ito ay nahihirapan. Parang napaka-normal lang ng itsura nito matapos ang pagdepensang iyon na ikinagulat ni Hram at ni Sato na nasaksihan naman nang malapitan ang mga nangyari. “P-paanong napigilan mo ang malakas kong suntok?” naibulalas ni Hram at pinipilit niyang tibagin ang lakas ng bulag na nasa kanyang harapan… Subalit hindi niya naman ito magawa dahil tila isang napakatigas na pader ang binanggaan ng kanyang lakas. Ang kaliwang kamao naman nga ni Saber ang kumuyom at doon na nga napaseryoso si Hram sa kanyang kinatatayuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD