MAIN CITY.
Ito ang lugar na nagsisilbing sentro ng buong Faladis. Narito rin ang pinagkukunan ng enerhiya ng walong rehiyon sa loob, at narito rin halos ang lahat ng sangay ng gobyernong mayroon ang natitirang sibilisasyon ng tao sa panahong ito. Dito nga rin matatagpuan ang mga naggagandahang lugar, gaya ng mga malls at mga artipisyal na likas na yaman. Sa lugar na ito rin mabibili ang kompletong pangangailangan ng tao na kadalasan ay ang mga napakayayaman at makapangyarihang indibidwal na lamang ang may kakayahang magawa iyon. Hindi na rin naman mahalaga ang pera sa panahong ito, dahil ang nagiging batayan na ay kung gaano kalakas ang isang indibidwal bilang isang Superhuman. Masasabi rin nga na mayaman ang isang grupo o isang tao kapag may impluwensya siyang sumusunod sa Faladis Eternity.
Ang lugar na ito ay napakagandang pagmasdan mula sa itaas, dahil na rin sa naggagandahang ilaw na narito. Maraming nasa labas nga rin ang nangangarap na makapasok dito, subalit sa likod ng kagandahang ito ay maraming madidilim na bagay rin ang dito ay makikita. Nasa lugar na ito ang research facilities ng Faladis, na kung saan… tao mismo ang ginagawang guinea pig doon. Karamihan nga sa mga eksperimentong ginagawa nila roon ay ukol pa rin sa paggawa ng isang super army. Ito ay upang mas maipakita nila sa mga nasa labas kung gaano kalakas ang mga nakatira sa Main City. Malapit na ngang maubos ang bilang ng mga tao sa panahong ito, ngunit ang pagbuo pa rin ng mga ganito ang mas pinagtutuunan nila ng pansin.
Bakit?
Dahil sa oras na may magtagumpay sa kanila na makagawa ng isang super human na may mas malakas pang kapangyarihan… Gagawin na rin ito ng Faladis Eternity para sa kanilang mga sarili. Iyon lamang ang nais nila. Ang maging lalong malakas hanggang sa wala na talagang makakatapat sa kanila.
May isang lugar nga rin dito sa Main City ang nababakuran ng makapal na bakod na walang sinuman ang kayang sumira, maliban sa walong Eternity. Napapaligiran din ang lugar na iyon ng mga natatanging mandirigma na handang mamatay sa para sa lugar na iyon.
Marahil nagtataka ang marami dahil kung sila ang pinakamalakas, at kung lahat ay kontrolado nila… at sila na rin lang naman ang natitirang mga tao sa mundo, ay bakit kailangan pa nilang magpalakas ng kanilang mga kapangyarihan, at para saan pa ang pagbuo ng isang hukbo?
Dito na nga papasok ang isang lihim na plano ng Faladis Eternity na Project Restart. Isa itong sekretong bagay na iilan lang ang nakakaalam sa Main City. Ito ay isang bagay na nais gawin ng mga Eternity dahil sa nakikita nilang ang mundo ay malapit nang mawasak. Ang extinction ay hindi na nila mapipigilan, kahit pa napakalaki na ng kaalaman nila sa teknolohiya. Nasa plano na rin nila noon ang paglipat sa ibang planeta, subalit ang isang problema talaga nila ay ang resources. Kahit pa magawa nilang makapunta sa mga planetang malapit sa Earth ay kakailanganin pa rin nila ng malaking bilang ng mga pagkukunan nila ng kanilang pangangailangan upang magsimula ng bagong sibilisasyon. Magiging limitado na rin sila sa mga kailangan nila at mauubos ang oras nila sa pagsasaliksik doon.
Ilang taon na nga ang nakakalipas, dito ay naisipan nilang; Paano kung bumalik na lang daw sila sa nakaraan? Ang mundo sa mga panahong iyon ay hindi pa tulad nito. Ang paligid doon ay napakaganda pa at marami ring resources na makukuha sila sa oras na iyon kung ikukumpara sa mga planetang hindi katulad ng Earth.
Walang imposible sa teknolohiya, ito ang pangunahing motto ng mga Eternity. Dito na nga sila nagmungkahi na lumikha ng isang Time Machine. Walang kasiguruhang makakagawa sila nito, subalit sa bagay na iyon nila iginugol ang kanilang panahon. Lahat ng matatalinong sayantis at imbentor ay ipinatawag nila at magmula noon ay nagsimula na sila sa pagbuo noon.
Naging mahirap para sa kanila ang mga naunang taon, ngunit kagaya ng motto ng Eternity… Walang imposible sa teknolohiya na mayroon na sila ngayon. Nagtagumpay nga sila sa paglikha ng bagay na iyon. Sa loob nga ng isang bantay-saradong pasilidad ay bumuo sila ng isang malaking silid na maghahatid sa kanila sa nakaraan. Maraming buhay na rin ang nawala dahil sa proyektong ito, mula sa pag-e-eksperimento, at maging sa mga komokontra rito.
Wala na kasing makakapigil dito, lalo pa’t ang mga matatandang tao sa panahong ito, ang Eternity, ay nakaabot pa sa panahong ang mundo ay hindi pa ganito. Sila ang nakakaalam ng kasaysayan, at lahat ng makikita sa libro sa kasalukuyan ay sila ang sumulat at nagpakalat.
Noong panahong ang mga tao ay hindi pa nagkakaroon ng superhuman ability, isang bagay ang ginawa ng mga tao na pinangunahan ng walo. Iniligtas nila ang mundo mula sa pagsakop ng mga masasamang elemento. Ito nga ay nang lipulin nila ang lahi ng mga Mutants. Base sa kasaysayang ginawa ng walo, ito ay ang mga nilalang na naninirahan sa liblib na mga lugar. Sila ay ang grupo ng mga halimaw na naghangad na sakupin ang mundo noong unang panahon. Dahil nga sa pagkakaisa nila, at sa pagkakaisa ng lahat ng mga world leaders noon ay nagawa nilang ubusin ang lahing iyon. Wala ni isa ang nakaligtas sa mga ito at pagkatapos daw noon ay doon na rin lumikha ang mga tao ng mga katulad noon. Ito ay sa pamamagitan ng pag-inject ng dugo ng mga iyon sa kanila. Ang unang pumayag na sumailalim sa eksperimentong iyon ay ang Faladis Eternity na kalaunan ay sila na nga ang naging pinuno ng buong-mundo nang mga panahong iyon.
Kapalit nga rin ng bagay na iyon ay ang paghaba ng kanilang buhay, at ngayon, kahit ilang daang taon na ang nakakalipas ay buhay pa rin sila upang pamunuan ang sangkatauhan. Subalit sadyang ang planetang tinitirhan nila ay hindi na tatagal pa. Kaya ang plano naman nila ngayon ay ang bumalik sa nakalipas at doon na mamuhay.
Napakaganda ng planong iyon nang ilatag ng Eternity sa mga piling indibidwal sa Main City. Pero ang hindi nila alam, may kaakibat na masamang plano pala ang walo sa nais nilang iyon.
Ang pagsasama ng malalakas na hukbo at ang pagsakop sa nakaraan ang kanilang tunay na hangarin. Gusto nilang kontrolin muli ang bawat isa at kasama na rin doon ay ang muling pagkuha sa lahi na nilipol nila noon. Babalik sila sa panahong ang mga tao ay wala pang alam sa mga Mutants at iyon ang gagamitin nila, upang mas makalikha pa ng mas malalakas na hukbo… Isama na rin ang pagpapalakas muli nila sa kanilang mga sarili. Ang paghanap nga rin sa mga bata nilang katawan ay isa rin sa nais ng walo upang mapalipat sila sa mas maayos na katawan. Kahit nga tumagal sila ng mahabang panahon ay tumanda na rin naman ang kanilang mga itsura, kaya isa rin ang bagay na iyon ang kanilang mga gagawin.
Napakadali rin daw na gawin iyon para sa kanila, dahil sila sa kapangyarihang mayroon sila. Wala ring anumang armas ang mga tao na kaya silang pabagsakin at lalong walang sinumang maimpluwensyang nilalang doon ang kaya silang kontrolin… Sapagkat sila mismo ang kokontrol sa mga ito nang walang kahirap-hirap.