Kabanata 13

1078 Words
Kabanata 13 "Teka lang! Mag-usap muna tayo! Pakiusap!" Hinanap ko siya sa kasuluk-sulokan ng bodega ngunit talagang wala na siya. Nanlulumo akong napalabas ng bodega at ang matinding lamig sa akin kanina ngayon ay napalitan na ng init ng panahon. "Jeorgie," wika ng inay Lucinda nang makita ako. Nag-angat ako ng aking ulo at matipid na ngumiti pero bigla nito akong niyakap. Nang kumalas ito sa akin ay pinahiran nito ang aking pisngi. Hindi ko man lang namalayan na napaluha na pala ako. "May dinaramdam ka ba, Jeorgie?" Nailing ako. "Nangungulila lang ho ako sa aking mga magulang," pagdadahilan ko pa. Hinaplos lamang nito ang aking balikat at inakay na papasok sa loob ng bahay. Nang umabot kami sa aking silid ay hinayaan lang ako ng inay Lucinda na mamalagi muna sa aking silid. Siya na raw muna ang bahala sa kusina at tatawagin niya na lamang ako kapag oras na ng hapunan. Napatayo ako mula sa aking pagkakaupo sa aking kama. Naisip ko ang nangyari kanina. Hindi ako dapat sumuko sa kanya. Alam ko, naging mapangahas ako pero karapatan ko naman iyong bilang isang babae. Pero sa kabilang banda, naisip ko rin na kung bakit ba ako nakikipagtalo sa mga kalokohan niya gayong napagpasyahan ko namang sakyan ang mga ito. Napahilamos ako ng aking mukha. Diyos ko! Hindi siya puwedeng mawala o magalit man lang sa akin. Kailangan ko siya para mahanap ko ang pumatay kay Beth. Alam kong kilala niya kung sino ang pumatay kay Beth base na rin sa mga binibitiwan niyang mga salita. Nagparoon at parito ako nang lakad. Kailangan ko siyang puntahan! Kailangan ko siyang pakiusapan muli na tulungan ako, kahit pa sa ano pa mang kapalit nito. Dali-dali akong lumabas ng aking silid. "Ang mga Zoldic po? Nasaan?" Nilingon naman ako ni inay Lucinda. Halatang abala pa ito sa kanyang nilulutong adobo. "Nako, kaaalis lang Jeorgie. Bakit, may nakalimutan ka bang ipaalam sa kanila?" anito. Nailing ako at pinaglaruan ang aking mga daliri sa kamay. "Ang señorito Zairan po?" Muli akong binalingan ng inay Lucinda dahil sa naging tanong ko. "Umalis din, nagkasabay sila." Napatango-tango ako. "Maupo ka na Jeorgie dahil ako'y maghahain na," anito. "Ako na po," presinta ko. "O siya, tatawagin ko muna si Ericka," anito matapos maghugas ng kamay. Tipid lamang akong ngumiti at nagsimula nang maghain. Habang abala ako sa paghahain ay 'di ko maiwasang mapasulyap sa mga ubas na nasa buslo. Parang ilang libong boltahe ng kuryente ang gumapang sa aking katawan at kusang nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan nang maalala ko ang halik niyang 'yon. Hanggang ngayon ay naiwan pa rin sa aking bibig ang matamis na katas ng ubas. Diyos ko! Bakit kasi ang sarap niyang humalik!? Marahan kong binatukan ang aking sarili at inayos na lamang ang lamesa. Sakto nang pagkakaupo ko'y dumating ang mag-ina. "Kain na po tayo," nakangiting alok ko sa mga ito. "Anak, naisilid mo na ba lahat ng mga gamit mo?" ani ng inay Lucinda kay Ericka. "Opo nay," sagot nito at bigla akong inirapan na ikinagulat ko rin naman. Nagsalubong ang aking mga kilay nang magsimula na kaming kumain. Napuna kong panay ang pag-irap ni Ericka sa akin at hindi ko alam kung bakit. Hanggang sa matapos kami sa paghahapunan ay walang ipinagbago ang ipinakita nito sa akin. "Tara na sa silid Ericka," wika pa ng inay Lucinda at binalingan ako. "Matulog ka na rin Jeorgie," pahabol nito. "Opo 'nay," tipid na sagot ko na lamang. Nang masulyapan ko si Ericka ay ganoon pa rin ito sa akin, laging nakairap. Ngunit bago pa man ito maakay ng inay Lucinda ay may inihulog na maliit na papel si Ericka. Kaagad akong lumapit at dinampot ito. ~Galit ako sa iyo ate! Inaway mo si kuya! Ayaw na niya tuloy makipaglaro sa akin! Salbahe ka!~ Aba't!? Natampal ko ang aking noo at mariing nakagat ang aking labi. Ang lalaking 'yon, ginawa pa akong masama! Napapadyak ako at nailing na lamang habang papasok sa aking silid. Inayos ko ang aking sarili bago ako tuluyang nahiga sa aking kama. Ayaw pa rin mawala sa isip ko ang mga sinabi ni Ericka sa akin. Ano naman kaya ang sinabi ng lalaking 'yon kay Ericka. Napabalikwas ako at napababa sa aking kama. Hindi ako mapakali at gusto ko siyang makausap muli. Hindi na ako maghihintay pa ng susunod na gabi dahil ngayon ko na siya mismo gustong makausap. Lumapit ako sa pinto at marahan itong binuksan. Dahan-dahan din akong lumakad sa pasilyo hanggang sa tumapat ako sa hagdan. Maingat ang mga hakbang na ginawa ko upang hindi ito makapagdulot ng ingay. Parang nakabitin din sa ere ang aking bawat hininga hanggang sa tuluyan akong tumapat sa pinto ng señorito Zairan. Bumuga ako ng hininga upang maibsan ang papausbong kong nadaramang kaba sa aking dibdib. Mariin ko pang kinagat ang aking dila dahil talagang nag-aalangan ako kung papasok ba ako o hindi. Mariin akong napapikit at lakas loob na pinihit ang busol. Nang maitulak ko ito at makapasok ng tuluyan ay ganoong imahe pa rin ang nasilayan ko. Humampas sa akin ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa lawak ng karagatan. Sa lakas nang hampas ng hangin ay halos liparin ang buhok ko at matakpan nito ang aking mukha. Inayos ko ang aking buhok at niyakap ang aking sarili. Nakalimutan kong magdala ng balabal. Napadungaw ako sa ibaba at tinanaw ang dalampasigan. Nagbabasakali akong makita ko siya pero hindi ako nakuntento kaya napilitan akong bumaba sa mala berandang silid nito. Nang lumapat ang mga paa ko sa buhangin ay agad na gumapang ang konting lamig paakyat sa aking mga hita. Napalunok ako at humakbang habang ang ulo ko'y patuloy sa paglinga sa aking paligid. Panay din sa paglipad itong buhok ko kaya minabuti ko na lamang na talian ito. Akmang hahabang pa sana ako ulit nang bigla na lamang akong sinalubong ng isang uwak. Sa gulat ko pa'y natumba ako at impit na napaungol. "Kainis!" Napatayo ako at pinagpagan ang aking sarili. "Eucarus," narinig kong sambit ng aking kaharap kaya't ako'y nag-angat ng aking paningin. Narito siya! Napalunok ako at agad na kinabahan. "Eucarus," muling bigkas nito at agad na dumapo sa kanyang balikat ang uwak na sumalubong sa akin kanina. "Eucarus," sambit ko at napakunot ng aking noo dahil ang uwak na nasa balikat niya ay yaong uwak din na sinasabi sa akin ni Cora. "Alaga mo siya?" tanong ko. "Lagi ka niyang binabantayan kahit hanggang ngayon," aniya at pinalipad si Eucarus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD