Kabanata 11
Nasapo ko ang aking noo dahil biglang rumihistro sa utak ko ang mga katagang 'yon. Parang pinipiga ang utak ko dahil sa matinding pagkirot nito.
"Jeorgie, may problema ba?" Nanlalabo ang aking mga mata nang tingnan ko ito. Napatayo ako habang ang dalawa kong kamay ay nakahawak pa rin sa aking ulo.
"Jeorgie!" anas ni aling Lucinda nang bigla akong matumba.
"Diyos ko! Jeorgie, gising!" Tanging narinig ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.
Nang magising ako'y narito na ako sa aking silid. Napabangon ako at bumaba sa kama. Lumakad ako palapit sa bintana at tinanaw si aling Lucinda sa may tarangkahan. May kausap itong isang babaeng nakaputi na sa palagay ko'y isang manggagamot. Sumakay naman na ito sa karwahe matapos makipagkamay kay aling Lucinda. Nang lingonin nito ang aking silid ay agad ito nagmadali sa paglakad upang makapasok sa loob ng bahay. Nakita siguro nito akong nakatanaw sa kanya.
Ilang segundo lang ay narinig ko na ang mga hakbang nito hanggang sa tuluyan na itong nakapasok sa aking silid.
"Kumusta na ang pakiramdam mo, Jeorgie?" anito.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga.
"Mabuti na po ako," sagot ko. Nasapo naman nito ang kaliwang dibdib.
"Alam mo bang pinag-alala mo ako? Mabuti na lang talaga at hindi masama ang lagay mo. Kulang ka lamang daw sa tulog at sa pagkain ng tama." Napatango ako at umupo sa aking kama. Sumunod ito at tumabi sa akin, saka hinagod ang aking likod.
"May dinaramdam ka ba Jeorgie? Maari mo akong makausap kung iyo akong pahihintulutan." Pumaling ako sa kanya at ngumiti.
"Wala naman po," sagot ko.
Patawarin niyo ako aling Lucinda ngunit ang usaping iyon ay sa pagitan lamang naming dalawa ng lalaking iyon.
"Oh siya, lumabas ka na at nang makakain ka na," aniya. Tumayo ako at sumunod rito.
"Si Ericka po?" tanong ko pa.
"Nasa labas, tumutulong kay Kanor."
Hindi ako umimik at umupo agad sa hapag nang makarating kami sa kusina. Agad kong nilantakan ang pagkaing nasa harapan ko at para bang ilang araw akong hindi nakakain dahil sa tindi ng aking gutom.
"Dahan-dahan lang," ani aling Lucinda.
"Bigla po akong nagutom lalo," anas ko at napainom ng tubig.
"Sige lang Jeorgie, makakabuti iyan sa iyo. Pagkatapos mo niyan ay kukuha tayo ng mga ubas sa taniman." Napatango ako habang panay pa rin sa pagsubo.
Nang matapos ako'y nagpahinga muna ako saglit bago namin tinungo ang bodega na ginawang taniman ng mga ubas at berry. Nang umabot kami sa bodega ay agad din namang binuksan ni aling Lucinda ang malaking pinto. Agad na sumingaw ang usok dala ng matinding lamig sa loob. Laking mangha ko nang mailawan na ang loob ng bodega. 'Di ako makapaniwalang may ganito kagandang taniman dito sa loob.
"Isuot mo ito Jeorgie," wika ni aling Lucinda nang maabot nito sa akin ang makapal na tsaketa.
Nang maisuot ko na ito ay agad akong lumapit at dinakot ang nakalambiting mapupulang ubas. Tinikman ko ito agad at halos manlumo ang mga tuhod ko dahil sa sobrang tamis nito.
"Masarap ano?" ani aling Lucinda.
"Opo!" Ibinigay niya sa akin ang isang buslong hawak niya.
"Oh, ano pang hinihintay mo? Mamitas ka na," masiglang ani nito.
'Di na ako nagdalawang-isip pa kaya't namitas na ako ng marami. Habang aliw na aliw ako sa pagpitas ay bigla na lamang bumukas ang pinto ng bodega. Bigla akong kinabahan at 'di ko maiwasang mapalunok. Akmang lalakad sana ako papunta sa kinatatayuan ni aling Lucinda ngunit agad din naman akong nahinto. May kausap ito at kahit ibabang bahagi lang ng katawan nito ang nakikita ko dahil natatakpan ito ng mga nagkukumpolang mga dahon, alam kong lalaki ito base na rin sa suot nitong pantalon.
"Señorito Zairan, may problema po ba?" Narinig kong wika ni aling Lucinda.
Napalunok akong muli. Parang ganito rin katindi ang kaba ko no'ng maramdaman ko ang presensiya ng taga pagligtas ko.
"Po? Sige po," wika ulit ni aling Lucinda.
Humakbang na ito palabas kaya nagmadali ako upang makita ito, ngunit nahuli na ako dahil ang pagsara na lamang ng pinto ang naabutan ko.
"Sino po 'yon?" tanong ko pa.
"Ang señorito Zairan, nagbilin na damihan ang kukuning mga ubas at berry dahil darating daw ang kapatid nito."
Gusto ko pa sanang magtanong pero nagmamadali naman ito. Kumikit-balikat na lamang ako at tumulong na sa pagpitas. Gustuhin ko mang magtanong pa ngunit parang mailap yata ang pagkakataon para sa akin. Palagi ko itong hindi naaabutan at para yatang ayaw pa ng Diyos na magkaharap kami.
Nahihiwagaan na tuloy ako, lalo pa't iisang silid lang ang pinapasukan ng señorito Zairan at ang taga pagligtas ko.
"Jeorgie, tapos ka na ba riyan?"
"Ay opo!" Lumakad na ako palapit kay aling Lucinda at sabay na rin kaming lumabas ng bodega.
"Nanay Lucinda!" sigaw ng isang dalagita.
Tumakbo ito palapit sa kinatatayuan namin. Akmang yayakapin nito si aling Lucinda ngunit biglang may humablot sa baywang nito.
"Huwag makulit Cereina Erine," ani nitong...
Diyos ko! Kay guwapo nito! Hindi ko agad kasi ito napagtuunan ng pansin kanina.
"Papa, matagal kong hindi nakita si inay e," ani Cereina.
Para akong nanonood ng pelikula. Grabe! Kay bata pa nitong lalaking 'to tapos may anak na at ang ganda pa!
"Maglaro kayo mamaya kapag natapos na niya ang mga gawain niya," ani...
Hindi ko alam ang pangalan niya.
"Mahal ko, tara sa loob." Napalingon ako sa babaeng kasing ganda at kasing bata rin ng lalaking 'to. Tumalikod na ang mga ito at pumasok na sa loob. Napanganga talaga ako sa nakita ko.
"Kalma Jeorgie," natatawa pang sabi ni aling Lucinda sa akin. Napatikom ako ng aking bibig.
"Diyos ko! Ang gaganda po ng lahi nila!" Hindi ko maiwasang mapakumento talaga.
"Ganyan talaga ang mga Zoldic. Ang kaninang lalaki na kaharap natin kanina ay ang señorito Steffano, 'yong dalagita naman kanina, anak niya, si Cereina. Iyong babae namang tumawag sa kanila, si Catherine ang asawa ng señorito Steffano." Medyo lumaki ng konti ang mga mata ko dahil sa sobrang mangha.
"Grabe po! Para silang mga artista!"
Tawang-tawa naman si aling Lucinda sa akin kaya napanguso na lamang ako. Sumunod na kaming pumasok sa loob ng bahay. Nang marating namin ang kusina ay naabutan pa namin ang señorita Catherine.
"Señorita, heto na po ang mga prutas na iniutos niyo," ani aling Lucinda. Ngumiti naman ito ng malapad.
"Pakilagay na lang po rito," aniya.
Sumunod naman si aling Lucinda sa utos nito, maging ang buslong hawak ko'y inilapag ko rin sa mesa. Ngunit bago pa man ako lumayo sa kinatatayuan ko'y bigla na lamang nito akong pinigilan at hinawakan ang aking kanang kamay.