Kabanata 9

1254 Words
Kabanata 9 "Jeorgie, gising." Napaungol ako at sinapo ang aking noo. Nang magdilat ako'y nakita ko pang may dugo ang aking kamay mula sa aking noo. "K-kanor?" sambit ko. "May masakit ba sa iyo? Ano ang nangyari? Naabutan kitang nakahiga sa sahig," aniya. Umungol ako at inalalayan niya naman akong makaupo. Mariin akong napapikit muli at sinapo ang aking noo. "Ikukuha kita ng yelo," aniya. Hindi ako umimik at nanatili lamang sa puwesto ko. Napatanaw ako sa pinto ng señorito Zairan. Nakapagtataka naman at ulo ko lang ang iniinda kong masakit at hindi ang buo kong katawan. "Kaya mo bang tumayo, Jeorgie?" Tumango ako at kumapit sa batok niya. Inalalayan niya ako papunta sa kusina at muling pinaupo sa silya. "Nahihilo ka ba?" usisa ni Kanor sa akin. Nailing ako at naglagay ng tubig sa baso. "Ayos lang ako Kanor, nadulas lang ako," sagot ko. Napatango ito. "Sige Jeorgie, may kailangan pa akong gawin sa labas. Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka," aniya at tumayo na. Tipid lamang akong ngumiti at tinapik ang kanyang braso. Nang makalabas ito ng bahay ay napatungo ako sa mesa. Nilapatan ko ang aking noo ng yelo at mariing napapikit. Parang ikamamatay ko yata ang mga kababalaghang nangyayari sa akin. Gusto kong pasukin ang kuwarto ng señorito Zairan dahil sa talagang may kakaiba akong nararamdaman sa loob ng kanyang silid. Sa kabilang banda naman ay parang panghihimasok at kawalang respeto rin naman iyon. Amo ko siya at katulong lamang ako. Kung aalis din naman ako rito, paano si Yana? Ang señorita Mocha lang ang nakakaalam kung nasaan ito at kung kailan ito uuwi. Siya rin ang makakapagsasabi kay Yana na narito ako at hinahanap siya. Sa sobrang sakit ng ulo ko'y 'di ko na napigilang sabunutan ang aking sarili. "Nakakabaliw!" utas ko. Natigilan naman ako saglit nang makita ko ang maliit na papel na nakaipit sa pinggang pinagkainan ko kanina. Kumunot ang aking noo. Hawak ko lang ito kanina pero bakit nasa mesa na ito? Napatayo ako at kinuha ang papel. "Amore Jeorgie," sambit ko. Napaatras ako nang hakbang at tinanaw ang itaas. Lokohan ba ito!? Amore lang ang nakasulat kanina, bakit ngayon ay may Jeorgie na? Dali-dali akong umakyat ng hagdan at tinungo ang silid-aklatan. Naghanap ako agad ng diksyunaryo. Sa kakaikot at kahahanap ko'y wala man lang diksyunaryo akong nakita. Puro mga babasahin patungkol sa pag-ibig, buhay, kalikasan, pamilya, kuwentong pambata at kaibigan ang narito. Nagpakawala ako ng malalim na hininga at bagsak ang aking mga balikat na lumabas ng silid-aklatan. Nasapo ko muli ang aking noo dahil bahagya itong kumirot. Wala akong nagawa kundi ang bumaba na lamang at gawin ang mga gawaing bahay. 'Di na ako kumain pang muli at nagkape na lamang dahil tila nawalan ako ng gana. Dapit hapon na nang magpaalam sa akin si Kanor. Nakasabay ko siya sa pananghalian kanina at nakakuwentuhan ko na rin. At heto ako ngayon, nakaupo sa duyang gawa sa kahoy na kinakabitan ng makapal na lubid. Napapaisip ako kung lalabas ba ang señorito Zairan. Kanina pa kasi ito nagkukulong. Hindi ko lang maintindihan pero, nagkukulong ba talaga ito o matagal na itong nakakulong sa kanyang silid? Nailing na lamang ako at pumasok na sa loob ng bahay upang paandarin ang mga ilaw. Natapos na akong lahat kaya't maaga na rin akong naghapunan. Pagkatapos ay dumiretso na ako sa aking silid at nahiga. Wala rin naman kasi telebisyon ang bahay na ito kaya talagang mapapaaga ang pagtulog ko. Akmang ipipikit ko na sana ang aking mga mata nang makarinig ako ng mga yapak paakyat ng hagdan. Napabangon at napasulyap ako sa aking relong suot. Pasado ala syete na ng gabi at tila yata'y lumabas ang señorito Zairan sa kanyang silid. Bumaba ako sa aking kama at napalabas sa aking silid. "Señorito?" tawag ko pa rito. Wala akong narinig na sagot kaya humakbang pa ako hanggang sa matapat ako sa may hagdan. Nang tumanaw ako sa itaas ay nakaawang na ang pinto nito. Bigla na naman akong kinabahan at tila yata tumindi pa ito nang magsimula na akong humakbang paakyat. Mariin ang bawat kapit ko sa hawakan ng hagdan habang papaakyat. Parang may humahatak sa akin kahit pa kasing tindi na nang pagsabog ng bulkan itong kabang umiiral sa akin. Humakbang pa ako nang humakbang hanggang sa mahinto ako ulit sa tapat ng pinto. Huminga ako ng malalim at napahawak sa busol ng pinto. Parang tambol na dinadagundong ang aking dibdib. Napalunok ako at marahang itinulak ang pinto. Nang sa wakas ay umawang na ito, walang pag-alinlangan akong pumasok sa loob. Madilim ang paligid at agad na lumukob sa akin ang matinding lamig ng hangin. Bigla na lamang sumarado ang pinto kaya't dali-dali kong kinapa ang busol. "Ano ba!? 'Di ito nakakatuwa, ha!" Pinaghahampas ko ang pinto at pilit itong binubuksan. Nang mangalay ako'y wala akong nagawa kundi ang mapasandal sa pinto. Panay ang paglunok ko at nagsimula nang tumulo ang aking mga luha. Natatakot na ako at ramdam ko na ang panginginig ng aking mga tuhod. Bigla namang nagsindihan ang mga kandila malapit sa paanan ko. Nang masindihan itong lahat ay gano'n na lang kalaki ang mangha ko. Ang itsura ng silid ay hindi lang basta ordinaryong silid dahil parang isa itong malaking beranda. Tanaw na tanaw ko mula rito sa aking kinatatayuan ang dalampasigan at ang malawak na karagatan. Inilibot ko ang aking paningin, may malaking kama sa gitna, may maliit ding tukador at mesa na pang dalawahan lamang. Nang humakbang pa ako'y mas lalo pa akong namangha sa nakita ko. Ang mala berandang silid na ito'y nakapatong mismo sa ibabaw ng malaking puno ng balete. May hagdan din pababa at ito'y gawa sa kahoy. Ang isa pa sa ikinamangha ko'y nagsilbing kurtina ang iba't ibang klase ng orchid, na animo'y nakalambitin pa ang mga ito at namumukadkad pa ang makukulay nitong mga bulaklak. Nawala ang matinding kaba ko sa aking dibdib at napalitan ito ng matinding tuwa't pagkamangha. Humakbang ako pababa at parang kay lapit ng buwan mula rito mismo sa kinatatayuan ko. Ewan ko ba ngunit biglang gumaan ang aking pakiramdam at ang pangamba sa aking dibdib ay agad na naglaho. Humakbang pa ako pababa hanggang sa tuluyang lumapat ang aking mga paa sa puti at pinong buhangin. Matamis akong napangiti. Tila yata'y napakatago ng lugar na ito dahil ang magkabilang gilid ng bahay ay natatabunan ng malalaking puno. Talagang hindi mo aakalaing may mala paraisong ganda palang nakatago rito. Sa sobrang galak ko'y napatakbo ako ng ilang dipa at diretsong napahiga sa buhanginan. Nagpakawala ako ng isang malutong na halakhak at pinagmasdang mabuti ang buwan. Hindi ko akalaing ganito pala kaganda ang silid ng señorito Zairan. Bigla akong napabangon at napaisip kung narito kaya ang señorito. Napalinga-linga ako sa aking paligid. Laking gulat ko nang makita ko ang pamilyar na uwak at kay ingay pa nito. Agad akong napatayo at natigilang muli. Mula rito sa kinatatayuan ko'y tanaw na tanaw ko ang isang lalaking nakaupo sa buhangin habang hinuhugusan ang kanyang hawak na punyal. Napalunok ako at napaatras. Dahan-dahan ang bawat hakbang ko paatras ngunit agad din akong napahinto dahil bigla na lamang nito akong nilingon. Ang mas ikinakaba ko pa'y tumayo itong bigla at humakbang palapit sa akin. Halos apat na dipa na lang ang layo nito sa akin at talagang kitang-kita ko ang kabuuan nito. Siya 'yon! Ang lalaking nagligtas sa akin sa bingit ng kamatayan. Ang lalaking hinahanap ko upang makita ang hustisya para kay Beth. Pero tila yata at nadarang ako kaya wala sa loob akong napatakbo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD