Kabanata 8
"Gusto mo akong paglaruan, sige lang," sambit ko sa kawalan at tuluyan nang pumasok sa loob ng bahay.
Napahikab ako at napahimas sa aking batok. Napaigtad ako sa gulat nang makarinig na naman ako ng ingay sa silid ng aking amo. Ang sabi sa akin ni Ericka ay nariyan lang sa loob ang señorito Zairan, ngunit imposible namang mamalagi riyan ang isang tao sa loob ng tatlong taon. Imposible 'yon! Mahigpit akong napakapit sa kumot ko at 'di na nagdalawang-isip pa na humakbang paakyat ng hagdan. Nangangalahati pa lamang ako nang biglang umawang ang pinto ng silid. Agad na gumapang sa dibdib ko ang matinding kaba.
"Jeorgie..." bulong ng hangin sa akin.
Humigpit ang kapit ko sa hawakan ng hagdan. Halos marinig ko na ang malakas na pagpintig ng aking puso, maging ang paghinga ko. Parang nakabitin lahat sa ere ang pakiramdam ko habang umaakyat.
"Jeorgie?" Nagulat ako at napalingon sa aking likuran. Si aling Lucinda at may bitbit itong lampara. Kumunot ang noo nito.
"Hindi ka ba makatulog?" aniya.
Nailing ako at itinuro ang pinto. Pareho pa kaming nagulat nang sumirado ito ng pagkalakas.
"Umuwi yata ang señorito," ani ni aling Lucinda.
"Pero hindi ko naman po napansin na may pumasok, kanina pa po ako gising," sagot ko naman.
Sumenyas ito ng sandali lang at umakyat sa hagdan. Nang matapat ito sa pinto ng silid ay kumatok ito.
"Señorito, narito po ba kayo?" wika ni aling Lucinda at bahagya akong sinulyapan.
May kumalabog na naman ulit at kasabay niyon ay ang paglusot ng maliit na papel sa ibabang siwang ng pinto. Kinuha naman ito ni aling Lucinda at konting napangiti.
"Nanghihingi na naman siya ng kandila," anito at ipinakita pa sa akin ang hawak niyang papel.
May nakasulat nga na kandila ngunit natigilan ako saglit. Pamilyar kasi ang sulat kamay nito, hindi ko lang nga matandaan kung saan ko ito nakita.
"Matulog ka na Jeorgie, ako na ang bahala rito." Humakbang naman ako pababa ng hagdan.
"Para saan po ang kandila?"
"Napundi kasi ang bombilya sa kuwarto niya pero kahit naman may ilaw ay mas gusto nitong magkandila sa gabi," paliwanag pa nito.
"Gano'n po ba? Sige po, matutulog na ako," paalam ko pa rito.
Tinanguan lang ako nito at umakyat na sa hagdan dala ang isang supot ng kandilang kulay itim. Kumikit-balikat na lamang ako at bumalik na sa aking silid. Muli akong nagpalit ng damit at agad din naman akong dinalaw ng aking antok nang mahiga ako sa aking kama.
Kinaumagahan ay maaga rin naman akong nagising kahit na konti lamang ang aking tulog. Parang namamahay yata ako. Bumaba ako sa aking kama at inayos ang aking sarili. Nang makalabas ako ng silid ay naabutan ko ang mag-ina na nakabihis na.
"Aalis na po ba kayo?" Napabaling naman sa akin si aling Lucinda.
"O, gising ka na pala. Oo Jeorgie, baka mahuli kami sa biyahe at saka may agahan ka na riyan sa mesa. Ikaw na ang bahala sa bahay ha? Huwag mo sanang kalimutang alukin ng meryenda si Kanor." Tumango lang ako. Lumapit naman sa akin si Ericka.
"Babalik po kami bukas ate," aniya.
Ginulo ko lamang ang buhok nito at humalik sa kanyang noo.
"Ingat po kayo," wika ko.
Tinapik lamang ni aling Lucinda ang aking braso saka tuluyang lumakad na. Mula sa entrada ng bahay ay mataman ko lang silang pinagmasdan habang lumalakad palayo. Nang tuluyang mawala sila sa paningin ko'y napasulyap ako sa silid ng señorito Zairan. Napapaisip ako kung nariyan kaya siya. Naguguluhan din ako. Ang sabi kasi ni Ericka ay nagkukulong lang ito sa kanyang silid ngunit bakit ang sabi ni aling Lucinda kagabi ay kauuwi lang nito. Minasahe ko ang aking sintido dahil sa parang nahihilo ako sa kaiisip kung saan ako maniniwala. Napahugot ako ng malalim na hininga at hinagilap ang walis ting-ting. Hanggang sa mapadpad ako sa kuwadra ng mga kabayo. Hindi ko maiwasang mapangiti dahil unang beses kong makakita ng mga kabayo sa malapitan.
"Magandang umaga po señorita Jeorgie." Napalingon ako sa aking likuran.
"Ha? Eh, katulong lang naman ako rito," sagot ko. Napakamot ito sa kanyang ulo.
"Ang akala ko kasi ay amo kita. Wala kasing nabanggit si aling Lucinda na may bagong katulong ang señorito," aniya. Marahan naman akong napatawa.
"At ang akala ko rin ay matanda ka na. Ikaw si Kanor, 'di ba?" tanong ko pa.
Ngumiti naman ito at inilahad ang kanyang kanang kamay. Inabot ko naman ito.
"Ikinagagalak kong makilala ka," aniya at bahagya pang pinisil ang aking kaliwang kamay.
Bigla naman kaming nakarinig ng maingay na bagay, na para bang may nabasag sa loob ng kusina. Agad akong napabitiw at dali-daling pumanhik papasok ng bahay. Nang makita ko ang kusina ay may basag na baso nga sa sahig. Kumuha ako agad ng walis tambo at basurahan.
"Ang laki naman yata ng daga!" pagpaparinig ko pa.
Kumalabog naman ang pinto ng silid nito. Napanguso ako matapos kong mailigpit 'yong basag na baso. Sinilip ko ang pinto nito mula sa aking kinatatayuan, nakasarado naman ito. Kumikit-balikat na lamang ako at muling lumabas ng bahay. Nakita kong abala si Kanor sa paglalabas ng walong kabayo at puro itim pa ang mga ito. Mahilig yata sa itim ang señorito Zairan.
"Kanor!" Kumaway pa ako para agawin ang atensyon nito. Agad naman itong napatakbo papunta sa akin matapos niyang pakawalan ang mga kabayo sa malaking kulungan nito.
"Bakit Jeorgie?" aniya.
"Nagkape ka na ba? O kaya agahan? Ang bilin kasi ni aling Lucinda sa akin ay huwag kitang kalimutang alukin." Agad naman itong napangiti.
"Kape na lamang Jeorgie, katatapos ko lamang sa aking agahan."
"Sandali lang," paalam ko pa at pumasok muli sa loob.
Nagtimpla ako agad ng kape, matapos ay lumabas ako at ibinigay ito kay Kanor.
"Salamat," aniya nang matanggap ang baso ng kape. Tatalikod na sana ako nang tawagin niya ako ulit.
"Ilang taon ka na ba Jeorgie?" Pumaling ako sa kanya.
"Bente kuwatro..." Tumalikod na akong muli at narinig ko pa ang kanyang sinabi na siya'y bente syete. Napailing na lamang ako at tinungo na ang kusina upang makapag-almusal.
Nasa kalagitnaan na ako nang pag-aalmusal ng sinangag na kanin at nilagang itlog nang makarinig ako ng kalabog sa itaas. Nasapo ko ang dibdib ko dahil sa gulat.
Pinakalma ko ang sarili ko at napatayo. Sinilip ko sa itaas ang pinto ng señorito Zairan. Talagang nakatapat ang pinto ng kuwarto nito sa hagdan. Humakbang ako paakyat at nang matapat ako sa pinto'y may maliit na papel akong nakita. Pinulot ko ito at binasa.
"Amore," utas ko.
Kumunot ang aking noo. Ano ang ibig sabihin nito? Bigla na lamang akong nakarinig ng malalakas na yabag. Agad akong kinabahan dahil ang mga hakbang nito'y papunta sa akin. Napaatras ako. Bigla na lamang bumukas ang pinto at sa gulat ko'y nahulog ako sa hagdan at nagsimula nang dumilim ang aking paningin.