Kabanata 7
"Ate Jeorgie, gutom na po ako," ani Ericka. Napahawak ako sa aking kuwintas.
"Gano'n ba? Tamang-tama at ipinatatawag ka na sa akin ng nanay mo. Tara sa kusina."
Inakay ko pa ito pababa ng hagdan at hindi ko maiwasang mapasulyap muli sa kanang pinto, ang silid ng amo kong Zoldic. Hindi ko man maipaliwanag ngunit kakaiba ang nararamdaman ko kanina. Para akong hinihila papasok at 'di ko lubos maisip kung bakit ganoon ang aking pakiramdam.
"Oh, magsi-upo na." Natauhan ako sa sinabi ni aling Lucinda.
Pinilig ko ng konti ang aking ulo at umupo na sa tabi nito habang si Ericka nama'y nasa kaharap naming upuan. Nagsimula na kaming kumain ngunit parang nawalan yata ako bigla ng gana. Kabaliwan na yata itong mga nararamdaman ko.
Matapos ang tanghalian ay hindi pa rin ako mapakali. Panay ang sulyap ko sa may hagdan habang nakaupo ako sa malambot na upuang nasa sala.
"Jeorgie, gusto mo ba ng tinapay? Halatang-halata ko na 'di ka nakakain ng maayos kanina. May problema ba?" Napuna siguro yata nito ang pagiging tahimik ko.
"Wala po. Siya nga po pala, ano po ang mga dapat kong gawin dito sa bahay?" Iniba ko ang usapan dahil ayaw kong magtaka pa ito.
"Ay 'yon ba? Nako, ang mga dapat mo lang naman gawin ay ang maglinis sa silid-aklatan, dito sa sala at sa beranda nito. Pero huwag na huwag kang maglilinis sa kuwarto ni señorito Zairan dahil mahigpit niya itong ipinagbabawal. Magwalis ka lang sa labas ng bahay at kung tapos ka na'y mamitas ka lang ng mga prutas."
Nangislap ang mga mata ko sa huling sinabi nito.
"Marami pong mga prutas dito?" ulit ko pa.
"Oo Jeorgie, mahilig kasing magtanim ang señorito at may taniman din siya ng mga ubas at iba't ibang klase ng berry. Nandoon 'yon sa malaking bodega na katabi lang din naman ng kuwadra ng mga kabayo." Kumunot ang aking noo.
"'Di ba po sa malamig na klima lang 'yan nabubuhay?" Ang tinutukoy ko ay ang taniman ng mga ubas at berry.
"Ay oo pero may ginamit namang makina ang señorito para maglabas ng malamig at natural na klima ang buong silid." Napatango ako sa paliwanag nito.
"Sige po," tipid na sagot ko.
"Baka bukas pa darating si Kanor para maglabas ng mga kabayo. Hintayin mo na lang 'yon bukas ha."
"Wala pong problema." Ngumiti ako ng kay lawak.
"Ate Jeorgie, puwede po ba magpatulong sa pagkuha ng libro?" sabat naman ni Ericka. Napatango at napatayo.
"Samahan ko lang po si Ericka."
Sumenyas lang din naman si aling Lucinda. Inakay ko na si Ericka paakyat hanggang sa matapat kami sa silid ni señorito Zairan.
"Bawal po tayo diyan ate," ani Ericka.
Napatango ako at humakbang sa kaliwang pinto kung saan naroon ang silid-aklatan. Nang makita ko ang loob ay talaga nga namang namangha ako sa mga librong nakahilera. Tila sa tingin ko'y ang ilan sa mga ito ay importanteng koleksyon. Mahilig pa lang magbasa ang aking amo.
"Ate, pakuha naman po no'ng libro na Cinderella."
Sinundan ko ng tingin ang pagkakaturo niya sa mga libro. Agad ko rin namang nakita ang librong gusto niya kaya madali ko lamang itong nakuha.
"Yehey!" natutuwang sambit nito nang maibigay ko sa kanya ang libro.
Uupo na sana ako sa tabi ni Ericka ngunit bigla na lamang akong nakarinig ng kalabog mula sa silid ng señorito. Hahakbang na sana ako ngunit pinigilan ako ni Ericka habang nakahawak sa laylayan ng aking bestida.
"Huwag niyo pong pansinin 'yon. Bawal po," aniya. Kumunot ang aking noo at tuluyang umupo sa tabi nito.
"B-bakit bawal?" halos pabulong ko ng tanong.
"Kasi iyon ang bilin ni inay. Limang taon pa lang po ako noon ate nang magsimula ang inay na magtrabaho rito. Mabait po ang kuya Zairan, lagi ko nga po siyang kalaro pero isang araw bigla na lang po siyang nagkulong sa silid niya at 'di na po lumabas," kuwento nito.
"Hanggang ngayon nagkukulong pa rin siya diyan?" Napatango naman ito.
"Alam ba ito ng inay mo?" Agad naman itong nailing.
"Huwag niyo po ipaalam kay inay, sekreto raw po 'yon sabi ni kuya. Kaya kapag may narinig po kayong ingay sa kahit anumang oras po ay huwag niyo pong papansinin," aniya.
Napatango ako. Ewan ko ba! Para yatang ayaw kong maniwala kay Ericka. Siguro kailangan ko muna ang magmasid at makiramdam sa paligid ko.
"Magbasa ka na," sabi ko pa. Sinunod naman nito ako.
Gabi na nang matapos kami ni Ericka sa pagbabasa ng pambatang libro. Hinatiran na rin kami ni aling Lucinda ng hapunan. Naikuwento pa nito na talagang hilig na ni Ericka ang maglagi at magbasa rito buong maghapon. At heto ako ngayon, akay-akay si Ericka habang natutulog sa aking balikat.
"Ilipat na natin siya sa silid," wika ni aling Lucinda.
Tinanguan ko lamang ito at kinarga na. Dahan-dahan akong bumaba sa hagdan hanggang sa marating namin ang silid nila. Maingat ko itong inihiga sa kama at kinumutan.
"Naburyo ka ba sa pag-aalaga sa kanya? Pasensya ka na Jeorgie ha." Nailing ako.
"Madaldal po siya at pala kuwento," sagot ko.
"Nako, ganito talaga itong anak ko. Oh siya, matulog ka na rin," aniya.
Ngumiti lamang ako at lumabas na ng kanilang silid, saka pumasok sa aking silid. Nagbanlaw muna ako ng sarili bago ako nahiga sa aking kama. Marahas ang naging buntong-hininga ko habang nakatitig sa kisame. Alas otso pa lang ng gabi at hinahatak na ako ng aking antok. Siguro ay dala ito ng matinding pagod ko. Kumurap ako ng tatlong beses hanggang sa tuluyan na akong makatulog.
Naalimpungatan ako at napatihaya. Antok na antok pa rin ang pakiramdam ko at nakapikit pa rin ang aking mga mata. Bigla akong nakaramdam ng malamig na hangin sa aking leeg. Nakiramdam ako ng mabuti at bigla naman itong nawala. Natigilan ako ulit nang may malamig na hangin na naman ang dumapo sa aking dibdib hanggang umabot sa aking puson. Puson!? Diretso akong napadilat at napabangon. Laking gulat ko nang mahati na sa gitna ang damit ko. Agad kong nahila ang kumot na nasa aking paanan at itinakip sa aking katawan. Diyos ko! Sinong manyakis ang gumawa sa akin nito!? Agad akong napababa ng kama ngunit natigilan akong muli nang biglang bumukas ang bintana. Kitang-kita ng dalawa kong mata ang bulto ng katawan nitong nakatalikod habang nasa labas ng bahay. At ang tatu nitong pakpak ng isang uwak sa likod ang siyang agad na rumihistro sa utak ko. Hindi ako puwedeng magkamali! Siya 'yon! Halos takbuhin ko ang pinto palabas ng bahay para lamang maabutan ko ito ngunit huli na ako. Nawala na naman ito na parang isang bula. Mahigpit akong napakapit sa kumot na nakabalabal sa aking katawan. Mariin kong nakagat ang aking labi at nasuklay ang aking buhok, gamit ang aking kanang kamay. Hayop! Nagawa pa nito akong busohan pagkatapos ay mawawala na lamang na parang bula! Kalokohan na talaga itong nangyayari sa akin at walang duda, narito nga siya sa islang ito. Napaismid ako. Pasasaan ba't mahahanap din kita! Hindi ako titigil hangga't 'di ko pa nakukuha ang hustisya para kay Beth.