Kabanata 1

959 Words
Kabanata 1 "JEORGIE!" Nabalik ako sa aking katinuan at napabaling sa aking pinsan na si Cora. "Ate, tara na. Oras na ng tsek-ap mo sa klinika," aniya. Nailing ako muling napabalik nang tanaw sa isla kung saan namatay ang pinsan kong si Beth. Isang taon na rin ang lumipas simula nang mangyari ang insidenteng 'yon. At heto ako ngayon, nakakulong pa rin sa masamang alaala. Ang isa pang bumabagabag sa akin hanggang ngayon ay ang lalaking nagligtas sa akin. Araw-araw kong iniisip kung naroon pa rin ba siya sa isla at kung bakit niya nasabi ang mga katagang iyon. Isa pa roon ay kung paano nito nalaman ang pangalan ko. "Ate!" pukaw ni Cora sa akin. "Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo, na maayos ako at wala akong problema sa pag-iisip!" singhal ko. "Ate naman, pero sa lagay niyo ngayon na laging tulala at ayaw makihalubilo sa iba ay kailangan mo ng gabay." Tinabig ko ang kamay niyang nakahawak sa aking braso. "Ang sabihin mo, uubusin lang ng mga doktor ang naipon ko para sa walang kuwentang pagpapagamot!" muling singhal ko at pumasok sa aking silid. Napuna ko namang nakasunod sa akin si Cora. "Ate huling beses na ito para sa pinale na resulta ng eksamin mo. Malay mo naman, 'di ba? Maayos na ang resulta." Napairap ako. "Labas! Magpapalit lang ako ng bagong damit," utos ko. Pinagsarhan ko siya agad ng pinto pagkalabas niya. Napahinga ako ng malalim. Sana 'di na ako nagkuwento tungkol sa nangyari sa amin ni Beth at tungkol do'n sa lalaking nagligtas sa akin. Napagkamalan nila akong baliw at gawa-gawa ko lamang daw ang mga sinasabi ko. Pinalabas nilang nalunod daw si Beth at 'di na nakita ang katawan nito sa laot. Mga sinungaling! "Ate, tara na," ani Cora habang kumakatok sa pinto ng aking silid. "Oo na!" sagot ko dahil tapos na rin naman akong magbihis. Binuksan ko na ang pinto. Bumungad sa akin ang itay at inay. Bakas sa mukha nila ang pag-aalala para sa akin. Alam ko, maging sila ay nahihirapan sa sitwasyon ko. Ngunit sisiguraduhin kong matitigil na itong mga kalokohan nila. "Anak..." tawag ng inay ngunit 'di ako kumibo. Ayaw kong makabitiw ng mga masasakit na salita. Diretso lang ako pasakay sa pajero na inarkila nila. SA KAHABAAN ng biyahe namin ay wala kaming imikan ng itay at inay, maging si Cora ay 'di nangahas na kausapin ako. Hindi ko na rin inabala pa ang aking sarili na pansinin ang mga emosyong ipinapakita nila sa akin. Hindi naman ako isang pulubi na kailangang mamalimos ng awa sa kanila. Sarili ko ngang magulang ay ayaw akong paniwalaan, paano pa kaya ang iba. Humugot ako ng malalim na hininga at napakamot sa pulsuhan ng aking kanang kamay. Isa pa ito, parang may kung anong lumalabas dito. Sa ngayon kasi ay maliit na bilog pa ito, na para bang lumalaki. Kumikit-balikat ako. Bahala na nga lang 'to. Hindi nagtagal ang biyahe namin dahil narating namin agad ang klinika ni doktora Ciangco. Ang isa sa sikiyatriya na nakadistino para sa akin. Lima silang manggagamot sa klinika at katabi lang ng gusali nila ang mental. Umuna akong bumaba at nagdire-diretso papasok ng klinika. Agad kong tinungo ang opisina ni doktora Ciangco. "Jeorgie..." gulat pang sambit nito nang makita ako. Ngumiti ako ng tipid at umupo sa malambot nitong upuang gawa sa katad. "Magsimula na po tayo," sabi ko pa. Alanganin naman itong napabalik nang upo sa kanyang upuan at itinukod ang dalawang siko sa kanyang mesa. "Hintayin na muna natin ang sulat," anito. Halata sa mukha nito ang pagiging kabado sa akin. Sabi nga nila, agresibo raw ang mga may sakit sa utak. Kumikit-balikat lamang ako. HINDI rin naman nagtagal ay dumating na ang sekretarya nito na may dalang malaking sobre. Iyan na marahil ang pinal na papeles ko para tuluyan na akong maipasok sa mental. Pagkabigay nito sa kanya ay agad niyang binuksan ang laman ng sobre. At tama nga ang hinala ko. Napatayo ako at lumapit sa mesa niya. "Kumalma ka Jeorgie!" kabado nitong sita sa akin. Kinuha ko ang papel na hawak niya pati na ang gunting na nasa kanyang mesa. Naigting ang panga ko. May tsek nang nakalagay sa papel na nagpositibong maipapasok na nga ako sa mental. Dumukwang ako at itinapat ko agad ang gunting sa kanyang leeg. "Palitan mo 'yan! O tototohanin ko ang paratang mo at nila, na isa nga akong baliw!" mariing utos ko. Ngalingali naman niyang pinalitan ito at nilagay na nagkamali siya sa kanyang eksamin patungkol sa pagpasok ko sa mental. Nanginginig pa siya habang iniaabot sa akin ang papel. "Jeorgie... Pag-usapan natin ito," aniya. Nailing ako. "Pagod na ako sa mga kalokohan mo! Alam ko naman ang mudos mo. Una pa lang nang dalhin ako rito ay alam mo nang normal ako at nasa tamang pag-iisip. Sadyang pera-pera nga lang naman ang labanan, 'di ba?" Napaismid ako at binitiwan na ang gunting. "Huwag kang magkakamaling baguhin ang resulta dahil mas malala pa ako sa baliw na inaasahan mo," banta ko. Lumabas ako ng opisina nito at ngumiti ng todo. "Oh 'nay! Tingnan mo, negatibo ang resulta ko, kaya umuwi na ho tayo," wika ko pa. Takang-taka naman silang dalawa ni itay na napatitig sa akin. Si Cora naman ay halatang 'di makapaniwalang nagnegatibo ang resulta ng mga sesyon ko. "Inay..." pukaw ko rito. "Ha? Oh siya tara," anito, na walang nagawa kundi akayin ako palabas ng klinika. "Anak, talaga bang maayos ka na?" hindi pa kumbinsidong tanong ng itay sa akin. Iningkis ko ang kaliwang braso ko sa kanang braso nito. "Oo naman 'tay. 'Di ba sabi ko sa inyo'y maayos ako," sagot ko pa. Nagkatinginan sa isa't isa ang inay at itay, ngunit kalaunan ay tumango na rin at parehong napangiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD