Panimula
"Beth! Hintayin mo nga ako!" sigaw ko.
Kay bilis ba naman maglakad nitong pinsan ko. Panay ang tapik ko sa aking braso at leeg dahil sa dami ng lamok na dumadapo sa akin.
"Beth!" tawag ko ulit.
"Joergie dalian mo!" wika nito.
Wala akong nagawa kundi ang magpalakad-takbo, mahabol ko lang ang pinsan ko. Ewan ko nga ba rito kay Beth at talagang ang hilig niyang gumala rito sa tagong dalampasigan na malapit lang sa isla Pag-asa.
Nang marating ko ang kinaroroonan ni Beth ay sobrang namangha talaga ako sa ganda ng lugar.
"Beth, saan ba banda rito ang isla Pag-asa?" baling ko rito. Abala ito sa pagtatampisaw sa tubig.
"Hayon lang oh!" Itinuro nito ang may kalayuang isla.
Napatango ako at napamaywang. Napapaisip ako kung nariyan kaya si Yana, ang matalik kong kaibigan. Mag-iisang taon na akong walang balita sa kanya. Nangako pa naman siya sa akin na susulat siya.
"Beth! Halika na, ala singko na ng hapon. Umuwi na tayo," yaya ko sa aking pinsan.
Nang lingonin ko ito ulit sa kinaroroonan nito kanina ay wala na ito.
"Beth!" tawag ko at nagmadaling lumapit sa puwesto nito kanina.
"Beth!" pasigaw ko nang tawag dito.
Wala ito at tanging isang tsinelas lamang nito ang nakita ko. Kinabahan na ako.
"Beth! Ano ba pinsan!? 'Di na talaga ito nakakatawa ha. 'Di ito magandang biro!" Inikot ko ang paningin ko sa paligid. Tanging huni ng ibon at agos lang ng tubig ang tanging naririnig ko.
"Beth!" tawag ko muli at nagsimula na itong hanapin.
"Beth naman oh! Nasaan ka ba!?"
Para akong tanga na sigaw nang sigaw sa pangalan ng pinsan ko ngunit kahit isang tugon man lang ay wala akong narinig mula rito.
"Beth!" tawag ko muli hanggang sa mapadpad na ako sa taniman ng bakawan.
Panay na rin ang sulyap ko sa suot kong relo. Halos bente minutos na ang nakalipas simula nang mawala ito sa paningin ko.
"Beth..." muli kong sambit at muli ay nakita ko ang kuwintas nitong nakasabit sa sanga ng bakawan.
Mas lalong lumaki ang kaba rito sa aking dibdib. Ibig ko na yatang maiyak dahil sa sobrang pangamba at takot kung nasaan man naroon ang aking pinsan. Malapit nang magtakip-silim ngunit kahit anong hanap ko'y wala pa rin si Beth! Umiiyak na ako habang patuloy siyang hinahanap.
"Beth! Ano ba!?" sigaw ko sa kawalan.
Muli akong napasulyap sa relo ko. Ala sais na ng gabi ngunit 'di ko pa rin nahahanap si Beth. Dali-dali kong hinugot sa bulsa ko ang aking telepono. Tinawagan ko ang numero ni Beth. Laking gulat ko nang umalingangaw ang tunog ng kanyang telepono sa likod ng malaking puno ng Talisay. Agad akong napatakbo at halos natulala ako sa nakita ko.
"Beth! Hindi!" pagwawala ko at agad itong dinaluhan. Duguan ang leeg ng aking pinsan at halos mawarak ang tiyan nito.
"Beth! Gumising ka! Beth!" Natataranta ko pang tinapik ang kanyang pisngi.
Hinubad ko ang polo kong suot at pinunit ito. Diniinan ko ng tela ang tiyan nito upang mahinto sa pagdurugo.
"Beth!" Muli kong tinapik ang kanang pisngi nito.
"Jeor... Gie...." sa wakas ay sambit nito ngunit mahina.
Nabuhayan ako ng loob.
"Beth, huwag kang magsalita, pakiusap! Hihingi ako ng tulong," tarantang wika ko rito.
Hindi ko na alam kung ano na ang nararamdaman ko ngayon. Naghahalo ang takot at kaba sa dibdib ko. Panay pa rin ang aking pag-iyak. Sinong hayop ang may gawa nito!
"Jeor... Gie... Takbo..." wikang bigla ng pinsan ko. Nailing ako.
"Hindi kita iiwan Beth!" pagtutol ko.
Tinawagan ko agad ang mga magulang ko. Nang masagot ito'y dire-diretso ako sa pagsasalita at paghingi ng tulong.
"Marami... Sila..." Napaubo na ng dugo ang pinsan ko. Nailing ako.
"Huwag ka na magsalita Beth! Darating na sila itay at inay." Mas lalo kong diniinan ang telang nakalapat sa tiyan nito.
Duguan na rin ang piling bahagi ng katawan ko dahil na rin sa sugat ni Beth. Bigla namang may umalulong nang pagkalakas. Napalinga-linga ako sa paligid namin ni Beth. Wala akong makita dahil masyado ng madilim ang paligid namin.
"Jeorgie... Takbo!" Buong lakas niya akong tinulak.
"Beth! Hindi! Hindi kita iiwan!" panay pa ang iling ko kahit na pinanghihinaan na ako ng loob.
"Beth—"
Bago ko pa man mabitiwan ang mga salitang gusto kong sabihin ay bigla na lamang akong tumilapon. Napaungol ako at napakurap. Para yata akong nahilo ro'n.
Nang mapabaling ako kay Beth ay may lalaking nakatayo sa harapan niya. Suot nito'y maong na itim at wala itong pang-itaas. May kahabaan ang buhok nito na hanggang leeg lang at may pulang panyong nakatakip sa ibabang bahagi ng mukha nito. Ang tanging nakikita ko lamang ay ang mga mata nitong kulay pulang nag-aalab.
"Beth!" sigaw ko at napatakbo papunta sa kanya.
Ngunit bago pa man ako makalapit kay Beth ay nahila ako no'ng lalaki at ikinulong sa kanang bisig niya. Laking gulat ko pa nang makita ang hawak nito sa kaliwang kamay. Isang malaking asong lobo! Hindi lang basta asong lobo dahil kasing laki at tangkad namin ito. Pinilipit niya ang leeg nito hanggang sa malagutan ito ng hininga. Halos 'di ako makapagsalita dahil sa nasaksihan ng dalawa kong mata. Binitiwan niya ito at bigla akong binuhat paalis sa puwesto ni Beth.
"Ano ba!? Ibaba mo ako! Si Beth!" pagwawala ko.
Ngunit ayaw matinag ng lalaking 'to. Nang matanaw ko muli si Beth ay talagang natuluyan na ito dahil kitang-kita ko kung paano siya lapain ng dalawa pang asong lobo.
"Beth! Hindi!" Tanging pagsigaw ang nagawa ko na lamang at napahagulhol ng matindi.
Bigla naman akong ibinagsak nitong lalaking bumuhat sa akin at halos magpagulong-gulong ako pababa ng bangin. Hindi ko na namalayan pa ang mga sumunod na nangyari dahil tuluyan na akong nawalan ng malay. Ngunit bago 'yon ay may narinig pa akong mga salita.
"Hanapin mo ako Jeorgie..."