Kabanata 6
Nahinto ako sa pagpuna sa aking paligid nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ng silid.
"Ito ang kuwarto mo at ang katabi naman ay ang kuwarto namin ni Ericka. Pero Jeorgie, hindi kami araw-araw na narito ha, kasi kailangan naming umuwi sa Barangay Sampaguita. Alam mo naman siguro ang matandang kasabihan na kapag walang taong nakatira sa isang bahay ay maari itong maluma at puwedeng pamugaran ng masasamang elemento," mahabang paliwanag nito.
"Naintindihan ko po, sanay din naman po akong mag-isa." Napangiti naman ito sa naging sagot ko.
"Sige, mag-ayos ka muna habang ako'y magluluto muna. Matapos ay ipapasyal kita rito para naman kapag wala ako'y 'di mo makaligtaan ang mga gawain dito," anito.
Tango lang ako nang tango. Akmang tatalikod na sana ito ngunit pinigilan ko ito.
"Aling Lucinda, ipinakilala niyo na pala ako kay señorita Mocha?" pasimpleng tanong ko. Kumunot naman ang noo nito.
"Hindi. Ang ibinulong lang niya kanina ay kukunin ka niyang katulong. Bakit Jeorgie? Kilala ka niya?" Agad naman akong napailing.
"Ang kaibigan ko lang po. Sige po." Isinirado ko agad ang pinto at napasandal dito.
Nasapo ko ang aking dibdib at pinaglaruan ang kuwintas na pagmamay-ari ni Beth. Tama, nasa akin nga ang kuwintas nito at lagi ko itong suot. Ito ang nagpapatibay ng loob ko sa tuwing naaalala ko ang malagim na gabing 'yon. Ngunit paano kaya nito ako nakilala? Naikuwento kaya ako ni Yana sa kanya? Nagpakawala ako ng malalim na hininga.
"Tama na muna ang pag-iisip Jeorgie!" kastigo ko sa aking sarili.
Oo, tama! Saka ko na lang tatanungin si Yana sa oras na bumalik ito galing sa bakasyon.
Tumayo na ako nang tuwid at hinila ko ang mga gamit ko. Lumapit ako sa malaking tukador. Pinadaan ko pa ang mga daliri ko sa mga disenyo nitong kulay itim na rosas. Kakaiba yata ang panlasa ng may-ari ng bahay dahil sa dami nang puwedeng i-disenyo ay itim pa talaga na rosas ang ikinulay. Kumikit-balikat na lamang ako at binuksan ito. Tumambad sa akin ang napakaraming bestida. At sa totoo lang ay napapangiwi ako. Oo nga't mahilig ako magkolorete sa mukha pero ayaw ko pa naman magmukhang manang kung susuotin ko ang ganitong klase ng damit. Napamaywang ako at napaisip. Sayang naman kung itatabi at ikakahon ang mga ito. Mga pantalon at blusa lang din naman ang baon kong damit.
"Alam ko na!" sambit ko. Dali-dali akong lumabas ng silid na inuukupahan ko.
"Aling Lucinda?"
"Narito ako sa kusina!" sagot naman nito.
Mabilis naman din akong lumakad. Nakita kong abala ito sa pagluluto nang madatnan ko.
"Oh? May problema ba?" Nailing ako.
"Kaninong mga damit po iyong nasa tukador?"
"Iyon ba? Kay señorito Zairan ang mga 'yon pero ipinapatapon niya na iyon, kaso hindi ko naman magawa kasi nasasayangan ako. Ang gaganda pa naman ng mga iyon. Bakit Jeorgie, nagustuhan mo ba? Sa iyo na lang ang mga iyan, tutal naman ay mukhang kasya sa iyo," aniya nang 'di nakatingin sa akin dahil abala pa rin sa pagluluto.
"Opo sana kaso parang ang manang ko naman po ro'n, ang hahaba po kasi. May makina po ba rito?" Bumaling naman ito sa akin at napangiti.
"Kabataan talaga ngayon oh, sumasabay sa uso. Nasa silid namin ni Ericka, kunin mo lang Jeorgie."
Agad na lumawak ang pagkakangiti ko at napatakbo sa katabi ng aking silid. Nang mabuksan ko ang silid ay kaagad ko rin namang nakita ang makina at 'di na nagdalawang-isip na hilain ito palabas upang mailipat ito sa aking silid. Napahimas ako sa aking balakang dahil parang napuwersa ko yata ang aking katawan. Hinilot ko na lamang ito ng dahan-dahan hanggang sa gumaan ang aking pakiramdam.
Nang maayos ko na ang pagkakalagay nito'y muli akong napangiti. Kumpleto kasi sa karayom at makulay na sinulid ang mga nakapaloob sa maliliit na lalagyan. Hindi rin naman ako nag-alangan pa at agad na kinuha ang lahat ng damit sa loob ng tukador. Inilapag ko ang mga ito sa kama at sinimulang gupitin ito. Iniayon ko ang mga haba ng damit sa aking mga tuhod at tinahi ang mga dulo nito.
Kabanata 5
Hindi nagtagal ay natapos ko itong lahat. Napainat ako ng aking mga braso at iginalaw ang aking ulo. Konti rin akong napaliyad ngunit nang makita ko naman ang resulta ng mga ginawa ko'y, sulit ang pagod!
"Jeorgie, magtatanghalian na tayo," ani aling Lucinda habang kumakatok sa pinto ng aking silid.
"Opo!" tugon ko.
Dali-dali akong napatayo at kumuha ng isang bestida. Naligo muna ako bago ako nagbihis. Nang makalabas ako ng silid ko'y nakarolyo pa sa aking ulo ang tuwalyang ginamit ko para patuyuin ang aking buhok.
"Jeorgie, maupo ka na." Naghila ako ng isang silya.
"Aba'y kaganda naman pala ng damit na 'yan Jeorgie. Sumeksi ka lalo sa bestidang iyan," nakangiting puna pa sa akin ni aling Lucinda.
Napangiti ako sa naging reaksyon nito.
"Nako, hindi naman po araw-araw ay ganito ang suot ko, 'di ba may uniporme po para sa katulong?" Ito naman ang naghila ng isa pang silya at umupo sa tabi ko.
"Wala tayong uniporme rito Jeorgie at saka mabuti na lang talaga at hindi ko sinunod ang señorito Zairan. May talento ka pala sa pagtatahi e," aniya.
"Ganoon po ba? Ahm..." Bahagya pa akong natigilan nang maalala ko ang inay.
"Natuto lang po sa ina kong mananahi," dugtong kong muli.
"Talaga ba? Bihira lang sa mga kabataan ang may ganyang talento," anito ngunit sa hagdan naman nakatuon ang paningin nito.
"Jeorgie, maari bang akyatin mo si Ericka sa itaas. Dalawang silid lang naman ang naroon. Iyong kaliwa ang silid-aklatan."
"Sige po." Tumayo rin naman ako agad at humakbang na paakyat.
"Batang 'yon talaga oh, nawili na naman sa pagbabasa." Narinig ko pang litanya ni aling Lucinda.
Patuloy lamang ako sa pag-akyat at nang matapat ako sa dalawang pinto ay natigilan ako. Bigla na lamang kasing may gumapang na malamig na hangin mula sa aking mga paa hanggang umabot sa aking batok. Humakbang ako palapit sa kanang pinto. Bigla akong kinabahan at halos manikip ang aking dibdib sa 'di malaman na kadahilanan. Napalunok ako at akmang hahawakan ang busol ngunit napaigtad ako nang bumukas ang kaliwang pinto.