Kabanata 5
Lumakad na kami ni aling Lucinda at hawak-hawak nito ang anak na si Ericka. Habang ako nama'y hila-hila ang mga maleta ko. Nahinto kami sa paglalakad ni aling Lucinda sa may simbahan.
"Jeorgie, puwede mo bang samahan muna ako sa pinatatrabahuan ko? Magpapaalam lang ako na liliban muna ako ngayong araw para tulungan ka."
"Po? Nako, 'di na po kailangan 'yon," agad na protesta ko.
"Basta! Hayaan mo lang ako," anito at inakay pa ako.
Humawak naman si Ericka sa akin. Wala akong nagawa kundi magpatiayon na lamang. Ilang kabahayan pa ang dinaanan namin bago namin marating ang kasuluk-sulokang parte. Bumungad sa akin ang malaking bahay. Namumukod tangi lang ito at may kalayuan pa ito sa kabahayang nadaanan namin kanina.
"Sigurado po kayong dito kayo nagtatrabaho?" nakangiwi ko pang tanong.
Masiyadong malaki ang bahay at halatang mayaman ang may-ari dahil nababalutan ng kulay ginto ang mga palamuti at disenyo nito. May tema ng makalumang bahay pero napaganda lang at pinaghalo ang modernong disenyo.
"Oo, Jeorgie. Taga-pangalaga ako nitong bahay at hindi madalas umuwi rito ang amo kong binata na si Zairan, isang Zoldic," sagot naman ni aling Lucinda sa akin habang binubuksan ang gawa sa bakal na tarangkahan.
May lumabas naman na magandang babae mula sa pinto ng malaking bahay. Nakabestida ito at may suot na salamin sa mata.
"Magandang umaga po señorita Mocha, narito po pala kayo?" ani aling Lucinda sa babaeng kalalapit lang sa amin.
"May nakalimutan akong libro," sagot naman nito ngunit sa akin naman nakatingin.
Ibig ko yatang lumubog sa kinatatayuan ko. May dumi ba ako sa mukha? Tipid lamang akong ngumiti at humawak ng mahigpit kay Ericka na kanina pa tahimik.
"Kumusta ka na Ericka?" anito. Ngunit laking pagtataka ko't sa akin pa rin ito nakatingin.
"Ayos lang po ate Mocha. Ate, pagamit po ulit ng piyano ha," wika ni Ericka.
"Oo naman. Aling Lucinda..." tawag nito.
Nang makalapit naman si aling Lucinda ay may ibinulong ito. Matapos ay dali-dali namang kinuha ni aling Lucinda si Ericka papasok sa loob ng bahay. Naiwan kaming dalawa nitong babaeng nasa harapan ko. Pambihira! Nagsisimula nang lumakas ang pagtibok ng aking puso.
"Bakit po?" 'di ko mapigilang tanong.
"Hindi ka taga-rito, 'di ba? Sino'ng hinahanap mo?" diretsahang tanong nito. Napalunok ako. Bahala na nga lang!
"Ang matalik ko pong kaibigan, si Ayesha Yana Darvin po," sagot ko rin naman din.
"Si Yana?" ulit pa nito at bahagyang kumunot ang kanyang noo.
"Opo," sang-ayon ko.
"Nasa biglaang bakasyon si Yana, kasama ang asawa at anak niya. Nahuli ka nang dating pero ipapaalam ko sa kanya na narito ka. Iyon nga lang ay baka abutin ka ng ilang buwan dito," paliwanag nito.
Napabuga ako ng malalim na hininga. Si Yana talaga, pa asa! Bigla naman nitong hinawakan ang kanang pulsuhan ko.
"Luna autem electi..." sambit nito nang makita ang marka ko sa kamay.
"Po?" mataman naman nito akong tinitigan.
"Naghahanap pa ako ng isang katulong at gusto kitang kunin. Labin limang libong piso ang suweldo kada buwan at libre ang pagkain at tirahan mo rito. Hindi ka puwedeng tumanggi at isa pa, kung may balak kang umalis sa islang 'to ay mukhang mahihirapan ka. Dalawang buwan ang pagitan bago may dumaong na barko rito papuntang Mindanao kaya kung ako sa iyo ay pumasok ka na sa loob. Magandang umaga sa iyo, Jeorgie," mahabang litanya nito.
At tanging pag-awang lang ng bibig ang tanging nagawa ko. Akmang magsasalita pa sana ako pero wala na ito sa aking harapan. Pambihirang buhay naman 'to! Napasubo pa yata ako. Ang ipinagtataka ko pa ng lubusan ay 'di man lang nabanggit ni Yana sa akin sa kanyang sulat na may asawa at anak na siya. Bakit kaya inilihim niya ito sa akin. Dati rati naman ay 'di ito naglilihim. Napamasid ako sa kabuuan ng bahay. Siguro nga'y hihintayin ko na lamang si Yana sa pagbabalik niya. May ibang misyon din naman akong kailangang gawin dito. Kailangan kong makasiguro kung narito ba talaga ang lalaking iyon.
"Ate Jeorgie, tara na po rito sa loob," tawag ni Ericka sa akin.
Kumaway lang ako sa kanya at sumenyas na mauna nang pumasok sa loob. Hinila ko na ang mga bagahe ko at lumakad palapit sa bahay. Nang matapat ako sa pinto ay parang tinambol ng malakas itong dibdib ko. Hindi ko mawari kung bakit pero talagang kinakabahan ako ng matindi. Hahawakan ko na sana ang seradora ngunit may pumihit nito at bumukas. Sumalubong sa akin si aling Lucinda nang nakangiti.
"Ano raw sabi?" tanong nito agad.
"Kinuha po akong katulong—"
"At hindi ka nakatanggi?" sabat nito agad.
Agad din naman akong napatango.
Tinulungan naman nito akong buhatin ang mga bagahe ko. Kanina pa ako nangangalay sa mga dala ko, mabuti na lang at makapagpapahinga na ako.
"Ang problema ko lang po ngayon ay wala rito ang kaibigan kong si Yana, nasa bakasyon daw po," ani ko nang makapasok ng tuluyan.
"Kung ganoon ay matatagalan pala ang pamamalagi mo rito? Ayos lang ba iyon sa iyo?" anito.
"Wala naman po akong mapagpipilian at isa pa ang tagal pa po ng biyahe papuntang Mindanao. Nasa labas na pala ito ng teritoryo ng Pilipinas," sagot ko.
"Ay oo, pero malapit lang naman kung talagang may masasakyan ka."
Ngunit ang isa sa mga ipinagtataka ko ay kung paano ako nadala rito ni mang Memphis gayong napakalayo na pala ng lugar na ito. Hindi ko mapagtanto pero sigurado akong kakaiba ang islang 'to.
"Oh siya, mabuti na rin iyon at may makakasama ako rito. Halika Jeorgie sa magiging silid mo," yaya pa nito sa akin.
'Di ko maiwasang mamangha sa loob ng bahay. Sobrang ganda ng mga muwebles kahit na may kalumaan at ang sahig naman ay talagang pinakintab ng marmol. Ani mo'y para akong nananalamin. Napuna kong isang pasilyo lang ang dinaanan namin ni aling Lucinda. Napuna kong magkaharap lang ang kusina at ang sala nang madaanan namin ito pero kay lawak naman ng espasyo. Nasa parte rin ng sulok ng sala ang piyano na base na rin sa hiling ni Ericka kanina'y kinahihiligan nito ang tumugtog.