Kabanata 4
"Huh!" mabigat kong paghinga nang makabangon ako nang biglaan.
Para akong galing sa karera dahil sa paghabol ng aking hininga. Bumaba ako agad sa bangko at kumuha ng tubig sa pitsel na nasa mesa. Nilagok ko ang lahat ng laman nito at halos mabasa na ang aking damit dahil sa pagmamadaling makainom agad ng tubig. Bahagyang gumaan ang aking pakiramdam.
"Magandang umaga sa iyo Jeorgie, ayos ka lang ba? Aba'y namumutla ka," puna ni aling Lucinda sa akin nang madatnan niya ako. May bitbit itong mga panggatong. Tumayo naman ako at tinulungan ito.
"Magandang umaga rin po. Ahm? Wala po ito. Nanaginip lang po ako ng masama," sagot ko.
"Nako, baka 'di naging maganda ang ayos ng pagkakatulog mo sa bangko. Pasensya ka na talaga Jeorgie ha." Agad akong napailing.
"Wala po kayong dapat ihingi ng dispensa sa akin aling Lucinda. Ako nga po dapat ang humingi ng pasensya dahil naging abala po ako sa inyo. Sa katunayan nga po niyan ay masuwerte ako at pinatuloy niyo ako rito." Hinaplos naman nito ang aking kanang braso.
"Ibinilin ka ni Memphis kay Ericka kaya't kargo kita," anito. Ngumiti lamang ako ng tipid.
"Maligo ka na para mahabol natin ang dyip na dadaan dito ngayon," nakangiti nitong wika sa akin.
"Sige po." Akmang tatalikod na sana ako ngunit may naalala akong itanong dito.
"Aling Lucinda? Nga po pala, nagising po ba ako kaninang madaling araw?" tanong ko pa.
"Kanina? Hindi naman, bakit? May nangyari ba?" Nailing naman ako.
"Natanong ko lang po. Sige po."
Nang makatalikod ako'y mariin akong napapikit at napahimas sa aking batok. Panaginip lamang siguro iyon.
"Ate Jeorgie! Tara po sa balon," nakangiting yaya ni Ericka sa akin.
Tipid lamang akong ngumiti at nagpatianod sa paghila nito sa akin.
Nang marating namin ang balon malapit sa bahay nila'y natigilan ako. Ang balisong ko! Dali-dali ko itong nilapitan at pinulot.
"Sa inyo po ba 'yan ate?"
Nagulat ako sa biglaang pagsulpot ni Ericka sa aking harapan. Naitago ko agad sa likuran ko ang balisong na hawak ko ngunit alam kong huli na 'yon dahil nakita na ito ni Ericka. Nagpakawala ako ng malalim na hininga.
"Oo, nasa bagahe ko ito eh. 'Di ko alam kung paano napunta ito rito," sagot ko.
"Pero ate, ibinigay po 'yan ni kuya sa akin kagabi. Ang sabi pa nga niya'y hindi po maganda sa isang dalaga na may ganyang kapanganib na bagay. Ipinapatapon niya po 'yan sa akin, nakaligtaan ko lang po." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito. Napaluhod ako at hinawakan ang magkabilang balikat niya.
"Ano ang itsura niya? Nakabandana ba? Matangkad, may tatu sa likod, pula ang mga mata?" sunud-sunod kong mga tanong.
Napatango-tango naman si Ericka. Natutop ko ang aking bibig. Totoo ang panaginip ko kagabi. Agad kong sinapo ang aking leeg. Wala naman akong nakapa na galos o kaya ay sugat pero totoo siya! Sa sobrang tuwa ko'y nayakap ko si Ericka. Alam kong kahangalan at napaka-istupida ko para matuwa ng ganito ngunit siya lang ang susi para mahanap ko ang pumatay kay Beth. May konting takot man sa aking dibdib dahil kakaibang nilalang siya, ngunit mas nangingibaw ang galit at paghihiganti ang nararamdaman ko para kay Beth.
"Ate, itatapon mo ba 'yan?" tanong ni Ericka sa akin nang kumalas ako sa kanya.
"Hindi," agarang sagot ko.
"Maligo na tayo," yaya ko pa.
Hindi rin naman ito nangulit pa at nagsimula nang maligo.
Matapos ang eksena kanina ay heto kami ni aling Lucinda at Ericka sa may sakayan. Hinihintay namin ang pangalawang biyahe ng dyip. Masyado kasing puno ang nauna kanina kaya sa susunod na dadaan na dyip na lang kami sasakay. Hindi rin naman nagtagal ang sumunod na dyip dahil dumating din naman ito agad.
"Ingat ka sa hakbang Ericka," paalala ko pa.
Inalalayan ko ring makasakay si aling Lucinda. Ang mga bagahe ko naman ay inakyat sa itaas ng dyip at tinalian ng lubid upang hindi mahulog ang mga kargamyento. At dahil sa siksikan sa loob ay iniupo ko na lamang si Ericka sa aking kandungan.
"Larga!" sigaw no'ng isa sa mga pasahero na sumabit sa dyip.
Pinasibad din naman agad ng tsuper ang sasakyan. Habang nasa biyahe ay 'di ko mapigilan ang mapahikab. Inaantok pa ako at medyo bumibigat na ang aking mga talukap sa mata. Hanggang sa mapatungo na ako at napapikit.
"Joergie..." Bigla akong napadilat at sa lakas nang pagkakaangat ko ng aking ulo ay tumama ang likod ng aking ulo sa rehas ng bintana ng dyip.
"Aw!" daing ko at agad na nasapo ang aking ulo.
"Ayos ka lang po ba ate?" usisa ni Ericka sa akin.
Napatango ako kahit na ang totoo'y masakit ang ulo ko at mukhang nagsisimula na itong bumukol. Kaasar!
"Tinawag mo ba ako Ericka?" tanong ko pa. Nailing naman ito.
"Wala naman pong tumatawag sa inyo," aniya.
Tumango lamang ako at inayos ang pagkakaupo nito sa kandungan ko. Hinimas ko naman muli ang aking ulo. Sino bang gago ang tumawag sa akin!? Ang sakit lang!
"Barangay Waling-Waling na! Sino papanaog!" anang no'ng tsuper ng dyip.
"Tara Jeorgie..." baling pa ni aling Lucinda sa akin.
Pagkababa nito'y agad din naman kaming sumunod ni Ericka. Mabuti na lang at hindi ito nakatulog sa biyahe. Nang makababa kami ni Ericka ay hinintay pa namin na maibaba ang aking mga bagahe.
"Nobenta ho, aling Lucinda," wika no'ng tsuper.
Mukhang ang tinutukoy nito ay ang pamasahe namin. Humugot ako agad ng pera sa bulsa ko.
"Ako na po," presinta ko. Akmang aangal pa ito ngunit umiling ako at ibinigay ang pera sa tsuper.
"Hindi ka na sana nag-abala pa Jeorgie," ani aling Lucinda nang makaalis na ang dyip na sinakyan namin.
"Obligasyon ko po ang gumastos. Kaya 'di po malaking abala sa akin 'yon."
"Salamat. Oh siya, tayo nang lumakad at baka gabihin tayo," ani aling Lucinda sa akin.
"Ito na po ba ang sentro ng isla?" tanong ko pa.
"Oo, Jeorgie," sagot naman nito sa akin.
Inilibot ko ang aking paningin sa lugar na kinatatayuan ko. Napaawang ang aking bibig dahil sa sobrang mangha sa nakita kong matayog at mahabang bakod. Kumunot ang aking noo.
"Para saan po 'yan?" Itinuro ko ang malaking bakod.
"Malaking harang 'yan para sa siguridad ng mga Zoldic at iba pang angkan nila. Ang pamilyang Zoldic ang nagmamay-ari ng islang ito Jeorgie." Napatango-tango ako.
Grabe naman! Kasing haba na ito ng matataas na gusali na nakikita ko sa Maynila.
"Wala naman po sigurong nagtatangka sa kanila po, ano? Napaka-istrikto naman po nila," kumento ko pa habang 'di pa rin naaalis ang mga mata ko sa matayog na bakod.
"Nako Jeorgie, malaking tulong din 'yan sa amin na taga-rito. Ilang daang tao rin ang nagtatrabaho riyan para alisin ang mga baging na gumagapang diyan. At saka 'yan ang pinagkukunan ng ilan sa amin ng pang-araw-araw na gastusin," paliwanag nito.
"Sabagay," nasabi ko na lamang.