Kabanata 3
Nagising ako sa ingay ng uwak kaya't dali-dali akong napaayos ng sarili at napakurap ng maraming beses. Wala na ako sa laot at nasa isang nayon na ako. Nakaupo ako sa silyang gawa sa kahoy habang yakap ang mga bagahe ko. Napahilot pa ako sa aking batok. Wala akong maalala na ibinaba ako rito no'ng bangkero.
"Mabuti at gising na po kayo ate."
Napabaling ako sa batang nakatayo sa harapan ko. Sa tantsa ko'y nasa walong gulang pa lamang ito. Kumakain ito ng suman habang nakatingin sa akin.
"Nasaan ba ako?" unang naitanong ko.
"Nasa isla Bakunawa po kayo ate," sagot niya.
Napatayo ako at matamang pinagmasdan ang aking paligid. Nasa isla nga yata ako dahil mula rito sa kinatatayuan ko'y tanaw na tanaw ko ang karagatan.
"Nakita mo ba kung sino ang nagdala sa akin dito?" baling ko sa bata.
"Ericka na lang po..." aniya at ngumiti ng kay tamis sa akin.
"Iyong bangkero po, ang sabi niya bantayan ko po raw kayo pagkatapos ay umalis na po siya," segunda nito. Napamaywang ako at napabuntong-hininga. Hindi man lang ako nakapagbayad sa kanya.
"Ericka, nasaan ang inay mo? Maari ko bang makausap ito?" Tumango naman ito.
"Tara po ate," hila nito sa akin at bumitiw ulit para itinapon sa basurahan ang balot ng suman na kanina pa niya hawak.
Humawak itong muli sa kaliwang kamay ko kaya't naging hudyat iyon para kunin ang mga bagahe ko.
Nilakad namin ang daan patungo sa bahay nila Ericka. Hanggang sa nahinto kami sa tapat ng malaking puno ng balete. Bigla namang napabitiw si Ericka sa akin at napatakbo. Nang sundan ko ito nang tanaw ay nasa likod pala ng balete ang bahay nito.
"Inay! May dayuhan po!" Agad namang lumabas ang kanyang ina sa maliit nilang barung-barong.
"Diyos ko naman bata ka! Ginulat mo ako. Anong dayuhan 'yang sinasabi mo?" anito.
Itinuro naman ako ni Ericka kaya't nang makita ako ng kanyang ina ay matipid na ngiti lang ang naitugon ko.
"Hala pasok sa loob," baling nito kay Ericka at agad din naman itong tumalima. Lumapit naman sa akin ang ina ni Ericka.
"Ineng, gabing-gabi na ah. Halika at dito ka na sa amin magpalipas ng gabi," anito.
"Nako huwag na po. Maghahanap na lang po ako ng mauupahan," pagtanggi ko.
"Nako ineng, 'di puwede iyon na hayaan kitang maglakad papunta sa sentro ng baryong 'to. Isang kilometro pa ang layo mula rito at bukas pa ng ala syete ang biyahe ng dyip. At isang biyahe lang ang mga dyip papunta ro'n. Kadalasan sa mga taga-rito ay kinabukasan na kung umuwi," mahabang paliwanag nito.
"Wala nang balikan po sa gabi?" nagtatakang tanong ko rin naman. Nailing naman ito. Nagpakawala ako ng marahan na buntong-hininga.
"Tara na—" Binitin pa nito ang sinabi at nakuha ko naman agad ang pahiwatig nito.
"Jeorgie... Jeorgie Micaela Baguisa po," maagap na sagot ko.
Ngumiti ito sa akin at kinuha ang isang maleta ko.
Nang makapasok ako sa loob ay parang ibig ko yatang mahabag sa kalagayan ng mag-ina. Para yatang isang ihip lang ng malakas na hangin ay mawawasak na ang bahay nito.
"Pasensya ka na sa bahay namin Jeorgie, medyo kapos lang sa buhay," paumanhin nito na ikinailing din naman ng aking ulo.
"Wala po ito sa akin," sagot ko.
"Ayos lang ba kung sa bangko kita patutulugin? Masikip kasi sa kuwarto ng anak kong si Angelika." Napatango ako.
"Kahit nakaupo po ay nakakatulog po ako." Pino naman itong napatawa.
"Oh siya, doon ka magpalit sa kuwarto ng anak ko. Pagkatapos ay kakain na tayo." Napatango lang ako at agad din namang kumilos.
Nang makatapos ako sa pagbibihis ay lumabas na ako ng silid. Gaya nga nang sabi nito ay talaga ngang masikip ang kuwarto ng anak niya at napakalimatado nang kilos na puwedeng gawin.
"Maupo ka na, Jeorgie. Nakilala mo naman na siguro ang anak kong si Ericka at ako naman si Lucinda," paanyaya nito at pagpapakilala.
Tumabi ako kay Ericka at tipid lamang na ngumiti.
"Inay, si kuya itim po naghatid dito kay ate Jeorgie," wika ni Ericka.
Bigla namang nabitiwan ni aling Lucinda ang hawak niyang plato. Napatayo ako at maagap na pinulot ang platong nabitiwan nito.
"Ayos lang po ba kayo?" Bigla na lamang kasi itong namutla.
"Oo naman. Maupo ka na ulit Jeorgie. Pasensya ka na, nagulat lamang ako. Dalawang taon na kasi ang lumipas bago ulit may maihatid si Memphis dito sa isla," anito at ipinagpatuloy ang paghahain.
"Po? Ang pinupunto niyo po ay ang paghatid sa akin ni mang Memphis? Nagkakamali po kayo, sumadya po talaga ako rito para bisitahin ang matalik kong kaibigan." Napaamang naman si aling Lucinda.
"Talaga? Siguro'y nagkamali lang ako ng akala," aniya at umupo na sa hapag.
Nagsimula na kaming kumain ng hapunan. Tipid na lamang akong ngumiti kay aling Lucinda nang bumaling ito sa akin. 'Di ko maiwasang mapaisip. Kakaiba ang dating sa akin no'ng mga sinabi niya. Dalawang taon na rin no'ng huling magkita kami ni Yana kaya hindi imposible na si Yana ang huling nahatid ni mang Memphis sa islang 'to.
"Ate, gusto mo ng kamote?" nakangiting alok sa akin ni Ericka.
"Oo ba..." matipid kong sagot.
Matapos ang masayang hapunan namin ng kamote at talbos ng kangkong, na may kasama pang bagoong ay talaga namang nakakagana ito.
"Jeorgie, ito nga pala ang kumot mo. Sigurado ka bang maayos ka lang dito?" Napatango ako.
"Oo naman po. Ayos na po ito sa akin," sagot ko.
"Oh siya, kami'y matutulog na," anito.
Ngumiti lang ako ng tipid. Pumasok naman na ito sa kabilang kuwarto. Saglit pang sumilip si Ericka sa akin at nagpalipad nang halik mula sa pagkakalapat ng kanyang palad sa kanyang labi. Matamis akong napangiti. Ang kyut lang nito at 'di ko maiwasang mainggit at hilingin sa Diyos na sana'y nagkaroon ako ng kapatid. Nagpakawala ako ng malalim na hininga at inayos na ang hawak kong kumot. Humiga ako nang nakatihaya at agad din naman akong nakatulog.
"Amore..." Napadilat ako ng biglaan.
Kinusot ko ang aking mga mata at hinila ang aking kumot. Tila yata ay biglang may bumulong sa akin. Bulong nga ba? Ang lakas naman yata. Tumagilid ako at kinimutan ng mabuti ang aking katawan. Akmang papatulog na ako ulit nang makarinig ako ng malakas na pag-alulong malapit dito sa bahay. Diretso akong napabangon at agad na kinuha ang balisong sa maleta ko. Sumilip ako sa labas gamit ang maliit na siwang ng bintana. Laking gulat ko nang biglang may dumaan ngunit tila kidlat ito dahil halos nagliparan ang mga dahon. Hindi pa umaga ngunit sapat na ang ilaw na nagmumula sa mga poste para makita ko iyon ng malinaw.
Gumapang ang kakaibang kaba rito sa aking dibdib. Nakaramdam ako ng naghahalong kaba at saya? Hindi ko maintindihan kung bakit. Narinig ko ulit ang malakas na alulong ng isang aso. Napalabas ako ng bahay. Agad na tumama sa akin ang malamig na haplos ng hangin dahilan para ang mga mumunting balihibo ko sa batok ay magsitayuan. Tanging manipis na blusa lang ang suot ko na hanggang hita lang ang taas nito. Mas lalo akong nakaramdam ng matinding lamig. Nag-aalangan akong humakbang. Masiyado pa kasing madilim at nagkataon pang nahubad ko ang suot kong relo kanina. Pero puno ako ng kuryusidad, hindi ko malalaman kung sino 'yon kung tatayo lamang ako rito.
Mabigat ang ginawa kong paghakbang. Tumutunog pa ang mga tuyong dayon na naaapakan ko. Nang tuluyan akong makaikot ng bahay ay natigilan ako sa nakita ko. Isang lalaki ang nakita kong nakatayo malapit sa puno ng apitong. Nakatalikod ito sa akin at kitang-kita ko ang tatu nito sa likod niya; pakpak ng isang uwak. Biglang nanginig ang mga tuhod ko. Hindi ako puwedeng magkamali sa hinala ko. Siya 'yong nagligtas sa akin. Bahagya namang gumalaw ang ulo nito at gayon na lang ang pagkagulat ko nang sa isang kurap lamang ng aking mga mata ay siya ring paglitaw nito sa aking harapan. Tumigil ang aking paghinga at mas lalong bumilis ang pintig ng aking puso. Ang kanang bisig nitong nakakapit sa aking manipis na baywang ay parang tila bakal na ayaw bumitiw. Mga mata nitong kulay pula ay parang humahagod sa aking buong kaluluwa. Sa isang iglap lang ay bigla akong niliyad nito at kaagad kong naramdaman ang pagkagat nito sa aking leeg. Nabitiwan ko ang balisong na hawak ko at napakurap ng dalawang beses. Maging ang paghinga ko ay bumigat. Bigla akong nakaramdam ng panlulumo ng katawan at 'di na namalayan ang sumunod na nangyari.