Kabanata 18
"Mali ba ito, pakiramdam ko kasi'y napakarumi kong babae. Nakikipagsiping ako sa iyo kapalit ng pagtulong mo sa akin tungkol kay Beth," mangiyak-ngiyak kong wika. Ikinulong naman niya ang aking mukha gamit ang dalawa nitong kamay.
"Huwag kang mag-isip ng ganyan mahal ko. Mahal kita Jeorgie." Nailing ako.
"Paano mo nasasabing mahal mo ako gayong ngayon mo pa lamang ako nakasama."
"Simula nang ipaalam sa akin ni Luna na ikaw ang itinakda para sa akin ay kaagad kitang minahal Jeorgie. Mahirap mang paniwalaan 'yon para sa iyo ngunit magkaiba tayo ng mundong ginagalawan. Lahat sa lugar na ito ay imposible mahal ko." Nahilig ako muli sa kanyang dibdib at napabuntong-hininga.
"Kung gano'n ay hayaan mo lang akong matutunan ka ring mahalin," sagot ko.
"Magpahinga ka na, amore." Bago pa man ako makasagot ay bigla na lamang nagdilim ang aking paningin at nakatulog.
Umungol ako nang tumama sa aking mukha ang sikat ng araw. Nang magdilat ako'y mag-isa ako sa kama. Tama! Ang kama ni Zairan ang tinutukoy ko. Pumanaog ako sa kama at kinuha ang balabal na nakapatong sa silyang gawa sa kahoy. Itinakip ko ito sa aking katawan at tinanaw ang karagatan. Hinaplos ko ang aking leeg. Nakapagtataka naman yata at wala ako sa silid ko nang magdilat ako. At naalala ko pa ang lahat maliban sa mga lengguwahe na binanggit ni Zairan kagabi. Napapikit ako at ninamnam ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat. Inayos ko ang balabal at ginawa itong parang bestida. Lumakad ako palapit sa pinto at binuksan ito. Sumilip pa muna ako bago ako tuluyang lumabas ng silid. Sakto nang pagkababa ko sa hagdan ay ang pagpasok naman ng inay Lucinda mula sa labas ng bahay.
"'N-nay," alanganin ko pang sambit.
"Oh? Kararating ko lang, kanina ka pa ba gising?" Nailing ako at nakahinga ng maluwag. Ang akala ko kasi ay kanina pa ito nakarating. Base naman sa nakikita ko'y mukhang kadarating lang nga nito dahil may bitbit pa itong bayong.
"Ako na po," sabi ko pa at kinuha ang dala nitong bayong. Pagkalapag ko nito sa mesa ay nagpaalam muna ako para magbihis. Pagkatapos din naman no'n ay muli akong bumalik sa kusina upang tulungan ang inay Lucinda.
"Nakapamili ka ba kahapon Jeorgie?" Napatigil ako sa paglalagay ng mga prutas sa buslo.
"P-po? Ah..." Patay na Jeorgie!
"'Nay Lucinda, nariyan po ba si Jeorgie? Naiwan niya po sa labas itong mga pinamalengke niya," singit pa ni Kanor nang makapasok ito sa loob ng bahay.
Napakurap pa ako at namilog ang aking mga mata nang makasigurado akong 'yong malaking bayong at buslo na hawak ni Kanor ay yaong bagay din na naiwan ko sa gitna ng kalsada kagabi. Dali-dali akong napalapit kay Kanor at kinuha ang dala nito.
"Salamat Kanor ha, nakaligtaan kong ipasok kanina e." Ngumiti naman ito ng kay tamis sa akin.
"Bukas ng gabi na pala 'yong baylehan Jeorgie. Nakapagdesisyon ka na ba?" Binasa ko ang labi ko at bumaling pa kay inay Lucinda na nakangiti lang sa amin.
"Kasi ano Kanor marami pa akong gagawin niyan e at saka—"
"Pumayag ka na Jeorgie. Ako na ang bahala rito sa bahay," biglang singit ng inay Lucinda sa amin. Mukhang wala akong pagpipilian pero kasi si Zairan, baka magalit siya.
"Jeorgie," untag sa akin ni Kanor.
"Ha? S-sige," sagot ko.
"Salamat!" Bigla pa nito akong niyakap at nagpaalam na sa amin ng inay Lucinda.
"Ha-ha-ha! Pa-tay!" bulong ko pa.
"Ayos ka lang Jeorgie?" Napatango ako at ngumiti ng konti.
"Hindi mo na itinuloy ang pagkulay ng iyong buhok?" Tumango ako.
"Mas bagay po pala ito sa akin. Pasensya na po kung wala akong naibalik sa sukli 'nay, napasobra po yata ako sa pagbili ng mga pagkain," sagot ko pa kasabay nang paliwanag ko at agad na nag-iwas ng tingin. Baka kasi mahalata niyang hindi ako sang-ayon sa pagyaya sa akin ni Kanor.
"Wala iyon Jeorgie," anito na ikinagaan naman ng loob ko.
"Si Ericka po?" tanong ko bigla.
"Nasa labas at nagpapakain ng mga kabayo, tutulungan niya raw si Kanor," anito.
Napatango ako at inalis ang mga gulay sa loob ng bayong. Si Zairan kaya ang may dala nito? Wala namang gagawa no'n kundi siya lang. Bigla naman akong natigilan nang marinig ko ang pagbukas ng pinto mula sa kuwarto ni Zairan at may mga yapak na bumababa sa hagdan. Kinabahan ako bigla at pinilig ko ang aking ulo.
"Ay magandang umaga po señorito, may kailangan po ba kayo?" ani ng inay Lucinda.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa bugkos ng kangkong at parang pakiramdam ko'y nanigas ang aking buong katawan. Nakatalikod ako sa kanilang dalawa at hindi ko tukoy kung kanino siya nakatingin. Ito ang unang beses na makikita ko siyang kausap ang inay Lucinda at ito rin ang unang beses na nalaman kong lumabas siya sa kanyang silid.
"Ang inomin ko, ubos na. Pakikuha po ako sa bodega," wika ni Zairan.
Napalunok ako at binasa ang aking pang-ibabang labi.
"Iyong dati pa rin po ba? Ay sige po. Jeorgie paki-asikaso naman ang señorito," utos pa ng inay Lucinda.
"O-opo," nanginginig pa ang boses ko nang sagutin ito.
Narinig ko naman ang pagsara ng pinto, marahil ay nakalabas na ang inay Lucinda. At hindi ko pa rin magawang humarap sa kanya. Para akong kinakapos ng hininga at sa totoo lang nagmumukha na akong gaga! Hindi naman ito ang unang beses na nagkaharap kami, higit pa nga doon ang nangyari e, pero talagang kinakabahan pa rin ako. Narinig ko pa ang pag-usog ng isang silya at aminado akong nagulat doon pero 'di ko lang ipinahalata. Nagulat na lamang ako nang yapusin nito ang baywang ko at pinaharap ako sa kanya.
"Masyado ka yatang kabado," aniya na ikinalunok ko.
"H-hindi! N-nagulat lang a-ako," sagot ko. Gumapang namang ang kanang kamay nito paakyat at dumapo sa aking kanang pisngi.
"Maganda ka pa umaga," aniya at hinagkan ako.
Nagulat pa ako nang sumabog sa loob ng bibig ko ang katas
ng ubas. Awtomatiko akong napalunok at muli ay hinagkan niya pa ako ng mas mariin. Nang humiwalay ito'y aminado akong kinapos ng hininga.
"Kapag sumama ka sa kanya'y gigilitan ko siya ng leeg," aniya at nagkulay pula ang mga mata.
Napatameme ako sa sinabi niyang 'yon. Sa isang kurap lang ay nakatayo na ito sa hagdan.
"Paki-akyat po sa silid ko," aniya nang makapasok ang inay Lucinda. Bitbit nito ang isang mamahaling bote na may gintong palamuti.
"May nangyari ba Jeorgie?" baling pa ng inay Lucinda sa akin.
"W-wala po!" Awtomatiko akong napatalikod at ipinagpatuloy ang ginagawa ko. Lihim akong napangiti sa 'di malamang kadahilanan. Pinagseselosan nito si Kanor at aminado akong gusto ko ang pakiramdam na 'yon.
"Matamis yata ang ngiti natin ngayon a," asar pa sa akin ng inay Lucinda nang makababa ito galing sa silid ni Zairan.
"Dahil ba iyan kay Kanor?" segunda nito.
"Po?" Nagulat pa ako sa sinabi nito.
"Bagay kayo Jeorgie," dagdag niya pang muli bago ako tuluyang nilubayan.
Nailing ako at bumalik sa aking ginagawa. Kung alam niyo lang sana inay Lucinda, ang señorito Zairan po ang nagpapangiti sa akin ng ganito.