Kabanata 16
"Ano ang ibig mong sabihin?" Napatingala naman ito at muling sinalubong ang aking mga mata.
"May mga kundisyon ako Jeorgie," aniya. Ikinakunot naman ito ng aking noo at umalis sa harapan niya ngunit mabilis ang naging pagkilos nito.
Sa isang iglap lang ay bumagsak ako sa kama at kinubabawan nito ako. Namilog ang mga mata ko nang mapuna kong natanggal ang tali sa sout kong tsaketa. Napalunok ako at nahirapan sa paghinga. Pakiramdam ko rin ay parang umiinit ang magkabilang pisngi ko.
"Ano'ng gagawin mo!?" Nanginginig pa ang boses ko nang tanungin ko ito.
"Wala pa naman akong gagawin." Muli akong napalunok at napapikit ng mariin. Kinakabahan na ako ng todo at parang aatakihin ako nito sa puso.
"Bisitahin mo ako palagi sa tuwing mababakante ka sa gabi. At isa pa mahal, madamot ako pagdating sa iyo," anas niya at biglang dinilaan ang aking dibdib.
"Te amo Jeorgie," aniya. Matapos niyang sambitin iyon ay bigla na lamang itong nawala sa harapan ko.
"Ha!" hinga ko ng malalim at nasapo ang aking dibdib.
Mariin ko ring nakumyos ang aking suot na tsaketa. Nakakabaliw siya!
Nanatili akong nahiga sa aking kama ng ilang minuto bago ko napagpasyahang ayusin ang aking sarili.
"Ano nga kaya ang pangalan nito," bulong ko sa aking sarili matapos kong maligo.
Naguguluhan pa rin ako sa mga sinasabi nito sa akin at aminado akong 'di ko talaga siya maintindihan minsan. May mga kundisyones pa itong nalalaman. Ngunit sa kabilang banda ay dapat ko rin siguro itong pagbigyan dahil baka hindi nito tuparin ang pagtulong niya sa akin para kay Beth. Ngunit napatanga rin akong saglit at napaisip pa lalo. Ibig ba sabihin nito'y may mangyayari ulit sa aming dalawa? Natampal ko ang aking noo at tinapik-tapik ang aking magkabilang pisngi. Kung anu-ano na tuloy ang pumapasok sa utak ko. Pero may kakaiba talaga sa kanya at 'yon ang dapat kong alamin. Matapos kong mag-ayos ng kasuotan ay ang aking buhok naman ang agad kong inayos. Kinulayan ko ito ng itim, binasa at binabad muna bago ko tuluyan itong pinatuyo. Nakahinga ako ng maluwag nang magkulay itim na ang aking buhok. Iniligpit ko na ang mga ginamit ko at lumabas ng aking silid. Tinungo ko ang kusina dahil kagaya nga ng bilin ng inay Lucinda ay kailangan kong mamalengke. Kinuha ko sa mesa ang pera, listahan at ang buslo. Lumabas ako ng bahay at ikinandado ang pinto.
"Jeorgie?" Nilingon ko si Kanor na nakatayo sa aking likuran.
"Magandang umaga Kanor," nakangiting bati ko. Bahagya pa itong tulala habang nakatitig sa akin. Tinapik ko ito sa balikat.
"Kanor, ayos ka lang ba?" Natauhan naman ito at napakamot sa kanyang ulo.
"Gumanda ka kasi lalo sa buhok mo Jeorgie," aniya. Napangiti ako at hinawakan ang aking buhok.
"Hindi naman—" Natigilan ako.
Hindi na naman itim ang buhok ko. Bumalik ito sa kulay pulang may halong lila. Alanganin akong napangiti kay Kanor at nagmadaling lumakad palayo rito.
"Mamaya na lang Kanor!" Binilisan ko ang paglakad ko hanggang sa makalabas ako ng bakod.
Ibig kong mapamura dahil sa sobrang gulat. Paano nangyari 'yon gayong kakakulay ko lang ng aking buhok. Ano ba kasi ang ginawa niya sa akin? Wala kasi akong matandaan, maliban sa...
"Malandi ka Jeorgie! Sobra!" Para akong gaga at 'di ako makapag-isip ng matino. Sa bilis nang paglalakad ko'y diretso akong bumunggo sa lalaking nakasalubong ko. Muntik pa akong matumba pero agad nitong nahawakan ang kamay ko.
"Pasensya po talaga," paumanhin ko.
"Si kuya, nasa bahay ba?" Nang mag-angat ako ng aking ulo ay ibig yatang malaglag ang mga mata ko dahil sa pagluwa nito.
Ang guwapo! Oo! Kasi kagaya nang lalaking iyon ay kasing guwapo niya rin itong nasa harapan ko.
"Sino po ang tinutukoy niyo?"
Napamaywang naman ito at tinanaw ang bahay ng señorito Zairan.
"Si Zairan, nando'n ba sa bahay niya?" Agad naman akong napailing.
"Hindi po ako sigurado e," sagot ko.
Tumango naman ito at napangiti sa akin. Hala!? Agad yatang uminit ang aking mga pisngi.
"Dadalawin ko na lamang siya sa susunod na araw. Kung umuwi man siya, pakisabi hinahanap siya ni Zsakae." Napatango-tango naman ako.
"Mag-ingat ka sa daan Jeorgie," anito at nilagpasan ako.
"Teka—nasaan na 'yon?" Bigla na lamang kasi itong nawala sa harapan ko at parang kay bilis naman yata.
Pareho sila ng taga pagligtas ko, para rin 'yong kabute. Sumusulpot sa kung saang parte at nawawala na lamang na parang isang bula. Pinilig ko ang aking ulo at napahigpit nang hawak sa buslo. Tuloy-tuloy lang ako sa paglakad hanggang sa umabot ako sa bayan. Hindi ko pa rin naman nalilimutan ang lugar kung saan kami unang bumaba ng inay Lucinda.
"Ineng, saan ka?" anang ni Manong nang makalapit ito sa akin.
"Ay sa palengke po sana," sagot ko.
"Ay doon sa likod ng perya ang palengke. Akala ko'y naliligaw ka," sagot naman nito.
"Hindi naman po, salamat." Ngumiti lang naman ito sa akin at lumakad na.
Ako nama'y tumawid ng kalsada at tinungo ang may 'di kalayuang perya. Natatanaw ko kasi rito mula sa kinatatayuan ko ang higanteng duyan. Lumakad na ako at 'di naglaon ay narating ko rin ang palengke. Napamaywang pa ako dahil sa sobrang pagod at pinaypayan ko ang aking sarili gamit ang aking mga kamay.
"Ang init!" Tumawid muli ako sa kabilang kalsada at tumapat sa mga nagtitinda ng gulay.
Kinuha ko ang listahan at mukhang marami akong bibilhin. Dapat pala'y nagdala rin ako ng bayong. Ngunit bago ako bumili'y naghanap muna ako nang makakainang karenderya. Medyo nagugutom na rin kasi ako, matagal akong 'di nakakain nang agahan kaya parang maagang pananghalian na itong kinakain ko. Alas dyes pa lang kasi ng umaga at kay init na sa balat ang araw. Matapos kong kumain ay namili na ako ng mga nailista ng inay Lucinda. Patapos na ako nang mapadaan naman ako sa isang tindahan kung saan may mga antigong kagamitan ang ibenebenta. Agad na pumukaw sa atensyon ko ang isang lumang libro. Dinampot ko ito pero kaagad din namang binawi ng may-ari.
"Hindi ko ito ipinagbibili," ani ng may edad na babae. Kumikit-balikat na lamang ako at nilagpasan ang tindahan.
"Ang sungit! Para tinitingnan lang," bulong ko pa.
Lumakad na ako hanggang sa mahinto ako sa isang tindahan ulit ng mga manyika at bigla kong naalala si Ericka.
"Kuya, magkano po?" Ngumiti naman ito sa akin.
"Isang daan at singkuwenta pesos ineng," sagot nito.
Humugot ako ng pera sa bulsa at bumili ng dalawa; isang lalaki at babae. Lumakad ulit ako at kung anu-ano pa ang ginawa ko. Naglaro rin ako sa perya at talaga namang hindi ko na namalayan pa ang oras. Kakaitsa ko lang sa hawak kong piso sa tayaan ng mga numero nang marinig ko ang katabi ko na pasado ala cinco y medya na ng hapon.
"Patay," naibulong ko sa sarili.
Masyado yata akong naglibang at nakalimutan kong may gawain pa pala akong naiwan sa bahay. Dali-dali kong binitbit ang mga pinamili ko at binilisan ang aking paglakad. Nagkandahulog pa ang iba kong mga pinamiling gulay dahil sa pagmamadali. Nang matapat ako sa kalye kung saan papasok pa ang daan ay natigilan ako. Nasa pinakadulo pa ang bahay ng señorito Zairan at maliban doon ay wala ng mga kabahayan ang madadaanan ko. Napaatras ako at napamaywang.
"Kung bakit naman ba kasi nagpagabi pa ako sa daan!" Bumalik ako nang lakad at nahinto sa isang tindahan.
"Manang, may kalesa po bang pumapasok diyan sa daan na 'yan?" tanong ko pa kasabay nang pagturo ko sa direksyon. Dinungaw naman nito ang lugar na tinutukoy ko.
"Kay señorito Zoldic ka ba pupunta? Aba'y walang pumapasok diyan. Ipinagbilin kasi nito na bawal na bawal ang may pumasok sa bakuran niya. Pero 'neng, si Kanor ang naghahatid ng bisita riyan sa malaking bahay, 'yon nga lang ay kaninang alas quatro pa ito nakauwi."
Napangiwi ako at natampal ang aking noo. Mukhang mapapasabak ako nito ha!
"Manang may lampara ho ba kayo? O kandila at saka malaking bayong?"
"Ay oo," anito.
"Pabili po ako," sabi ko pa.
Bahala na bukas kung paano ko ipapaliwanag kay inay Lucinda kung bakit naubos ko 'yong pera. Hindi nagtagal ay bumalik din naman si Manang at ibinigay sa akin ang malaking bayong pati na rin ang may kaliitang lampara. Isinilid ko ang mga supot sa malaking bayong at itinali ang buhok ko gamit ang lastiko na kinuha ko lang din naman sa mga bugkos ng gulay na pinamili ko.
"Kaya 'yan Jeorgie!"