“BAKIT ganyan ang reaksyon mo? Hindi mo ba mapaniwalaan ang sinasabi ko?” ang natatawa niyang tanong saka ibinalik ang paningin sa mga puno ng pino na kanina pa niya pinagmamasdan.
Matagal bago nagawang sagutin ni Jason ang sinabi niyang iyon. But eventually, sumagot parin ang binata. “Saan mo ba nakilala ang lalaking iyon at bakit nagawa niya sa’yo ang ganoon?” nasa tono nito ang galit.
Kung sa ibang pagkakataon ay baka matuwa si Jenny sa narinig na sinabi ni Jason. Pati narin ang nakikita niyang simpatya sa mga mata nito. Pero hindi niya maintindihan kung bakit iba ang sa halip ay nanulas sa mga labi niya.
“Look who’s talking? He did make me a mistress without my knowledge, yes, and you? Well, ginamit mo lang naman ako para takpan ang nararamdaman mo para sa best friend ko. Ngayon tatanungin kita, anong pinagkaiba ninyong dalawa? Wala naman hindi ba? Kasi pareho lang kayong user, pareho lang ninyo akong pinagmukhang tanga!” ang sarkastiko niyang sabi saka pinukulan ng matalim na sulyap si Jason.
Narinig niya ang mabigat na buntong hiningang pinakawalan ni Jason bago ito nagbuka ng bibig para magsalita. “I’m sorry, pero gusto ko lang linawin sa iyo ang lahat. Malaki ang ipinagkaiba namin ng lalaking iyon kung iyon ang ibig mong sabihin, kasi ako totoong minahal kita,” mahinahon pero puno ng emosyon sa winika ni Jason.
Dry ang tawang pinakawalan ni Jenny dahil sa narinig. “Minahal? Nagpapatawa ka ba Jason?”
“Iyon ang totoo, hindi ko maintindihan kung bakit ba hirap na hirap kang paniwalaan iyon. Noon pa man iyon na ang sinusubukan kong ipaliwanag sa’yo pero ayaw mong maniwala,” giit ni Jason.
Hindi maintindihan ni Jenny pero dahil sa naging topic niyang iyon ay tuluyan na nga siyang nakaramdam ng galit para kay Jason. Galit na pamilyar sa kaniya dahil ngayon napatunayan niyang hindi naman pala iyon tuluyang naghilom sa puso niya at sa halip ay namahinga lang.
“Babalik na ako sa cabin ko,” ang malamig na saad niya kasabay ng mabilis niyang pagtayo at paglalakad pabalik sa pinanggalingan nila kanina.
Inasahan na niya ang gagawin pagsunod sa kaniya ni Jason. Kaya naman inihanda na niya ang sarili sa mga pwede niyang marinig mula rito pero nabigo ang dalaga. Sinabayan lang siya ng binata sa tahimik niyang paglalakad at halos mabingi siya sa matinding katahimikan na iyon.
May bahagi ng isipan niya ang tila ba nagdidikta sa kaniyang ihingi ng paumanhin kay Jason ang sinabi niyang iyon pero ayaw pumayag ng puso niya. Masama parin ang loob niya sa binata. Hindi niya masisi ang sarili niya kung bakit niya nararamdaman ang ganoon. Masyadong malalim ang pagmamahal na iniukol niya para sa binata. Kaya nga siguro hindi siya nagdalawang ibigay dito ang sarili niya noon ng paulit-ulit. Dahil sa labis na pagmamahal niya para rito.
“Okay lang ako,” nang mapuna niya na tila ba plano pa siyang ihatid ni Jason sa cabin niya.
Tumango ang binata. “Sumabay ka na sa aming mag-lunch mamaya?” tanong pa nito sa tono na nakikiusap.
“Hindi na siguro, gusto kong magpahinga,” tanggi niya.
Malungkot ang tingin na ipinukol sa kaniya ng binata. “Okay,” anito bago siya iniwan.
*****
MABIGAT ang katawan na ibinagsak ni Jenny ang sarili pahiga sa four-poster bed na nasa gitna ng kaniyang silid. Kasabay noon ay ang mabilis na pag-iinit sulok ng kaniyang mga mata.
Alam niya na hindi iyon dahil kay Ryan at sa dahilan kung bakit nandito siya sa Baguio ngayon.
Alam niya na dahil ito kay Jason. Kasama na roon ang katotohanan na ngayon ay lubusan na niyang napatunayan.
Hindi pa siya okay.
Ten years na ang nakalilipas pero ngayon na nakaharap na niya ito bakit parang biglang nagbalik ang lahat? Bakit ang lahat ng nangyari sa pagitan nila ay parang kahapon lang?
At tuluyan na ngang umagos ang kaniyang mga luha, nasa ganoong ayos siya nang hindi niya namalayan na nagawa na pala siyang hilahin ng antok patungo sa isang mahimbing na pagtulog.
*****
TEN YEARS AGO...
“JEN,” agad na nag-angat ng ulo si Jenny nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon na palapit sa kinaroroonan niya.
“Ara, tapos na ba ang duty mo?” tanong niya saka ibinalik ang paningin sa binabasang libro.
“Oo, uy sandali lang mamaya kana magbasa may sasabihin ako sa’yo,” anito nang makaupo sa silyang katabi ng okupado niya.
Sa pagkakataon na iyon ay muling napilitan ang dalaga na lingunin ang ngayon ay nangungulit na niyang kaibigan.
Agad siyang napangiti nang muli ay mapagmasdan ang napakagandang mukha ng matalik niyang kaibigan. Lalo na ang magagandang nitong mata na kulay asul. Blonde din si Ara at ayon narin mismo rito ay minana raw nito at maging ng kakambal nito ang mga katangiang iyon sa Italyanong ama.
“Ano? Alam mo namang hindi ako pwedeng magpasimple-simple lang sa pag-aaral ko kasi may grades ako na kailangang I-maintain,” pagpapaalala pa niya rito.
Totoo naman iyon. Nakakapag-aral siya sa ganoon kagandang university dahil sa pagiging full-scholar niya. Walang kahit isang sentimo na ginagastos ang nanay niya para sa kanya dahil pati allowance at pamasahe ay sagot ng mismong eskwelahan. Pero kapalit niyon ay ang pagpapanatili niya ng matataas na grado at hindi siya pwedeng bumaba ng kahit maliit na puntos lang mula sa maintaning grade na itinakda ng paaralan.
“Baka gusto mong sumabay ng lunch sa amin mamaya?” tanong sa kaniya ni Ara.
“Amin?” ang mas nag-sink in sa isipan niya. “Sinong kasama natin kung sakali?”
“Sina Jason at Daniel,” sagot ni Ara.
“Jason at Daniel, iyong mga kasama mong SA sa library?” paglilinaw niya sa sinabi ni Ara.
Tumango si Ara. “Oo, mababait ang mga iyon. Kasi ini-invite nila ako eh ang sabi ko sa kanila may kasabay akong magla-lunch kaya they suggested na isama nalang daw kita para mas masaya,” paliwanag pa sa kaniya ni Ara.
Sandaling tumahimik si Jenny. Kilala niya sina Daniel at Jason but not personally. Lalo na si Jason na kahit yata nakatalikod o kahit pa dulo ng buhok nito ay magagawa niyang tukuyin.
Oo, crush niya si Jason at walang ibang nakakaalam doon kundi siya lang.
Hindi niya makakalimutan kung kailan at saan niya unang nakita ang binata.
Hindi iyon masyadong romantic kung tutuusin pero para sa kaniya iyon ang isa sa pinaka hindi niya malilimutang pangyayari sa buhay niya. Dahil sa kauna-unahang pagkakataon naranasan niya kung gaano kaganda ang pakiramdam ng may tinatawag na apple of the eye.
Nasa library siya noon at nagsasagawa ng research para sa kaniyang report. Nagkataon na nasa mas mataas na bahagi ng shelf ang libro na kailangan niya at hindi niya iyon maabot. Pero dahil nga sa likas na pagiging mahiyain ay pinilit parin niyang abutin ang libro sa pamamagitan ng pagtingkayad. Nagulat nalang siya nang bigla may isang matangkad at moreno na lalaki na lumapit sa kaniya saka inabot ang libro.
Tiningala niya ito. Nagtama ang mga mata nila at noon na nga parang tumigil sa pag-ikot ang kaniyang mundo. Napakaganda ng mga mata ni Jason at parang hinihigop ng mga iyon ang lahat ng enerhiya niya. Iyon ang nakikita niyang dahilan kaya para siyang nawala sa kaniyang sariling katinuan. Pakiramdam niya silang dalawa lang ang tao roon at nag-iba ang kulay ng paligid. Biglang napuno ng magagandang bulaklak at nagsimula siyang makarinig ng isang magandang musika.
Hindi niya alam na student assistant si Jason sa library maliban na lang nang makita niya itong nakaduty sa baggage counter.
Palangiti naman sa kaniya ang binata dahil nang iabot niya rito ang number tag na duplicate ng nakakabit sa kaniyang mga gamit ay ganoon ang ginawa nito. Nakita rin niya sa mga mata nito ang paghanga na lihim niyang ikinatuwa. Lalo na nang makita pa niyang binasa nito ang kaniyang pangalan na nasa kaniyang library card.
At ngayon, narito na ang pagkakataon para makasama niya si Jason sa pagkain ng lunch, tama ba na tanggihan ang privilege na iyon?
Lihim na tinawanan ni Jenny ang kaniyang sarili saka pa bahagyang nagulat nang maramdaman ang pagtapik ni Ara sa kaniyang braso.
“Ano? Sama ka?” tanong pa nito.
“Sige, pupunta rin naman ako ng library pagkatapos nating mag-lunch,” sang-ayon niya.