AGAD na natigilan si Jenny sa narinig na sinabing iyon sa kaniya ni Jason.
“Really?” hindi niya pinilit ang sarkasmo na humalo sa tono niya.
Malungkot ang ngiti na pumunit sa mga labi ni Jason sa pagkakataong iyon. “Galit ka parin ba sa akin?” tanong nito.
“Ano sa tingin mo?” she asked back saka humigop ng kape sa hawak niyang mug.
Kibit ng balikat lang ang isinagot ni Jason sa tanong niyang iyon. “So chef kana pala? Masaya ako para sa’yo,” naramdaman niya sa tono ng pananalita ng binata ang sinabi nitong iyon. Pero hindi niya alam kung bakit parang bitterness ang gusto niyang maramdaman.
“Alam mo wala ako sa mood para makipaglokohan at makipagbolahan. May pinagdaraanan ako kaya naisipan kong magbakasyon,” iyon ang iritable na niyang sagot.
“What? Hindi kita binobola,” ang maagap na pagtutuwid ni Jason sa mali niyang akala.
Bitter ang ngiti na pumunit sa mga labi niya. “Salamat dito sa kape, pero wala ako sa mood na makipag-usap sa’yo,” ang prangka niyang sabi saka tinitigan ng tuwid sa mga mata ang kaharap.
“Galit ka pa nga sa akin,” ang malungkot na winika ni Jason.
“I don’t know, I’m not sure either,” sagot niya.
Iyon naman kasi ang totoo. At hindi rin niya magawang ipaliwanag kung bakit bigla ay parang nawalan siya ng gana sa bakasyon na ito. Pakiramdam pa nga niya ay doble na ngayon ang sakit na nararamdaman niya. Parang hindi pa siya handa na makita ulit si Jason.
Pero sa kabilang banda, parang napaka-immature tingnan kung ganito at palaging ganito ang magiging reaksyon niya sa tuwing magkakaharap sila ng binata. Siguro mas mabuti kung magiging propesyonal nalang siya. Mas tama na kumilos siya ng naaayon sa kaniyang edad.
“Im sorry,” sa hulo ay naisipan niyang ihingi ng paumanhin ang inasal.
Tumango si Jason saka siya nakakaunawang nginitian. “It’s okay,” sagot naman nito.
“Kumusta ka na nga pala? Bakit ang narinig kong sinabi ng mother mo kanina single ka? Paano nangyari iyon?”
Pinilit ni Jenny na gawing casual ang pananalita. Sa paraan na parang walang anumang masakit ma namagitan noon sa kanilang dalawa at kahit paano ay nagtagumpay naman siya roon.
“Hindi ko rin alam kung bakit wala,” sagot ni Jason na tumawa ng mahina. “Ikaw? Imposibleng wala kang manliligaw? Lalo kang gumanda,” puno ng paghangang winika ni Jason saka nito hinagod ng tingin ang kaniyang mukha.
Kung tutuusin ay hindi na dapat siya naaapektuhan sa mga ganoong compliments. Dahil hindi naman sa pagmamayabang pero lumaki na kasi siyang naririnig ang ganoong mga salita. Pero bakit kay Jason, ngayon, hindi niya maiwasan ang pamulahan?
“Oh, bakit ka namumula?” ang narinig niyang amuse na tanong sa kaniya ni Jason.
Minabuti ni Jenny na huwag ng sagutin ang tanong na iyon kahit kung tutuusin alam naman niya kung bakit nangyayari sa kanya iyon. At alam niyang alam rin ni Jason ang sagot sa sarili nitong tanong.
“Hindi ka parin pala nagbabago,” ang sa halip ay nanulas sa mga labi niya saka muling humigop ng kape.
Hindi niya tinitingnan si Jason pero alam niyang nakatitig ito sa kaniya.
“Hindi nagbabago? So ibig sabihin pala may posibilities na magustuhan mo parin ako sakaling ligawan kita?”
Sa tanong na iyon ay mabilis na umangat ang mukha ni Jenny saka tinitigan ang binata. “Anong sinabi mo?”
Nagkibit ng balikat nito si Jason saka tumayo. “Inuutusan ako ni nanay na ipasyal ka ngayon. Ano sa tingin mo? Okay lang ba?” ang sa halip na isinagot nito sa tanong niya.
Nagsasalubong ang mga kilay na nanatiling nakatitig lang si Jenny sa mukha ni Jason. “Seryoso ka?”
Nangalatak ang binata. “Come on, just say yes already. Alam mo ba na sigurado akong hindi ako titigilan ng nanay ko kapag hindi nasunod ang gusto niya?” nasa tono ni Jason ang pagmamakaawa na ibigay niya ang gusto nitong mangyari.
Hindi tiyak ni Jenny kung dahil ba sa ginawang pakikiusap ni Jason kaya hindi niya napigilan ang matawa ng mahina. Nakakatuwang isipin na ang isang lalaking kasing gwapo nito ay walang magawa para tanggihan ang hinihingi at gusto mangyari ng sarili nitong ina.
Para sa kaniya wala namang masama doon.
Kahit noon pa mang nasa kolehiyo sila ay malapit na si Jason sa ina nito. Sa aspetong itong naging kapareho ng binata si Daniel, ang namayapa nilang kaibigan at dating nobyo ni Ara.
“Sige, kung para kay Mama Loida, walang problema,” sang-ayon niya saka tumayo at dinala ang mug sa kitchen sink. “Halika na?” aniya pa.
“Gusto mo bang ipag-drive nalang kita? Pero mas maganda kung maglalakad nalang tayo,” si Jason nang tinatahak na nila ang driveway ng magkakahilerang for rent cabins na nasa mahigit sampung unit kung hindi siya nagkakamali.
Umiling si Jenny saka tiningala ang binata. “Okay lang, mas gusto ko ring maglakad,” aniyang inilagay ang hood ng suot niyang jacket.
“Are you sure? Baka mapagod ka?” si Jason ulit.
“Okay lang ako, gusto kong maglakad. Iyon talaga ang plano ko kanina,” pagsasabi niya ng totoo.
“Ganoon ba? Sorry ah, sinira ko pala ang plano mo kung ganoon?” pabirong tanong-sagot ni Jason.
“Kumusta ka na Jason?” iyon ang isinagot niya sa sinabi ng dati niyang nobyo bilang pagsisimula ng isang usapan.
“Tinatanong mo ba kung masaya ako sa buhay ko?” sagot ng binata.
Noon niya nilingon ang binata saka tiningala. “Obvious naman na masaya ka,” pagsasabi niya ng totoo.
“Sakto lang,” pagkuwan ay sagot ni Jason.
“What do you mean sakto lang?”
“Mahirap ipaliwanag eh. Basta iyon ang nararamdaman ko. Hindi masaya, hindi malungkot pero kahit hindi ko aminin alam ko na kulang,” paliwanag pa ni Jason.
Tumawa ng mahina si Jenny sa narinig. “Nauunawaan ko na, pareho lang pala tayo,” sa huli ay minabuti na niyang sabihin. “upo muna tayo?” nang matanawan ang isang bench ay niyaya niya si Jason. Nagpatiuna na siya patungo roon at sinundan naman siya ng binata.
“May gusto sana akong itanong sa’yo,” si Jason nang magkatabi na silang nakaupo sa bench na yari sa bakal.
Tumango lang ang dalaga pero hindi niya nilingon ang katabi. Nilagyan niya ng espasyo ang pagitan nilang dalawa para naman hindi sila magmukhang nagde-date. At isa pa, kahit ganito na pumapayag siyang makipagkwentuhan sa lalaki, ramdam parin niya sa kaniyang dibdib ang kaba dahil sa presensya nito.
“Ano iyon?” tanong niyang iginala ang paningin sa nagtataasan at naggagandahang pine tress na nakikita niya sa paligid.
“Sinabi mo kanina na may pinagdadaanan ka. Tungkol saan?”naramdaman niya sa tono ng pananalita ni Jason ang concern. Gusto sana niyang matuwa, pero dahil nga may past sila at hindi pa niya nakakalimutan ng lubusan ang ginawa nito sa kaniya ay parang nahahati ang damdamin niya para roon.
Malungkot ang ngiti na pumunit sa mga labi ni Jenny kasabay ang isang mabigat ngunit mahinang buntong hininga dahil sa tanong na iyon. Nilingon niya sandali ang lalaking nakaupo sa kaniyang tabi. Nakatitig ito sa kaniya. Nasa mga mata nito ang paghahangad na malaman ang totoo mula mismo sa kaniya.
At dahil nga wala naman siyang ibang makitang dahilan upang ipagdamot kay Jason ang bagay na iyon ay minabuti niyang sabihin nalang ang totoo sa binata.
“Nakipaghiwalay kasi ako sa boyfriend ko,” simula niya saka muling nilingon si Jason.
Nakita niya sa mga mata ng binata ang tila ba pagka-dismaya sa sinabi niyang iyon at napatunayan niyang tama ang kaniyang hinala nang magsalita ito at kumpirmahin mula mismo sa mga sinabi nito ang damdaming nakikita niya mula sa bintana nito ng kaluluwa.
“Ngayon naunawaan ko na kung bakit ganoon ang reaksyon mo nang makita mo ako kanina,” anito sa tonong kababakasan ng bitterness.
Umiling siya saka tumawa ulit ng mahina. “Hindi ito katulad ng iniisip mo. Ang totoo mas matindi pa ito sa kaya mong isipin,” aniya.
“What do you mean?” salubong ang mga kilay na tanong ni Jason.
“Nakipaghiwalay ako kay Ryan kasi for almost a year, hindi ko alam na may asawa pala siya. Hindi ko alam na kabit pala ako,” sa huling sinabi ay mabilis na naramdaman ni Jenny ang pag-iinit ng sulok ng kaniyang mga mata dahil sa nagbabadyang mga luha.
“What?” ang gulat na gulat na tanong ni Jason.