Chapter 4
ANGIE's POV:
BUMALIK naman sa loob ng kwarto ang daddy ni Mark habang may dala-dala itong wheelchair. Talagang tinotohanan nga nito ang kanyang sinabi na ihahatid niya ako sa bahay namin.
Hanggang tingin na lamang ang ginagawa ko habang binubuksan niya ang wheelchair. Sigurado ako na ito ang gagamitin niya sa akin para hindi siya mahirapan na ibaba ako.
Nang maayos na nito ang wheelchair ay kaagad naman siyang lumapit sa pwesto ko. Palapit na palapit ang mukha nito sa mukha ko kaya hindi ko maiwasan na makaramdam ng pagka-ilang.
"A-anong gagawin mo?" kinakabahan na sambit ko naman.
"Bubuhatin kita para ipa-upo sa wheelchair, Miss. Kaya huwag kang lumayo sa akin dahil baka iba ang mahawakan ko sa'yo kapag masyado kang malikot," tanging saad nito upang mapatigil ako sa aking pag-galaw. Bigla akong natakot sa kanyang pagbabanta na baka iba ang madakot niya sa katawan ko.
Kaya kahit naiilang ay hinayaan ko na lamang siyang buhatin ako. Labis naman ang paglalapit ng mukha ko sa leeg niya dahilan para maamoy ko ang lalaki. Masyado siyang mabango. Masyadong nakakaakit ang perfume na ginagamit niya.
"T-thank you," tanging tugon ko nang makaupo na ako sa wheelchair.
"Stop saying thank you. Masyado na akong nabubusog sa pasalamat mo," saad nito kasabay nang pagtulak niya ng wheelchair.
Sa aming paglabas ng kwarto ay lalo pa akong napamangha dahil sa loob nitong malaking bahay niya ay meron pa palang pa-elevator ang kanilang mansion.
Talagang laki nga sa yaman si Mark. Sa unang kilala ko pa lang sa binata noon ay alam kong nangggaling na siya sa marangyang pamilya. Pero hindi ko lubos inaakala na higit pa pala do'n ang yaman niya. Kaya pala gano'n na lamang ang pagiging suportado ni tita Marisa sa pang-aahas ng anak niya sa nobyo ko ay dahil meron siyang makukuha kay Mark.
Ganyan na ganyan kasi ang tipo niya sa lalaki na gusto niyang ipaasawa sa unica hija niya. Yung maraming pera para mabusog lagi ang wallet niya.
Nang sumakay na kami sa elevator ay ilang segundo rin kaming natahimik. Walang nagsalita sa aming dalawa. Kaya hindi ko na rin nagawang umimik pa.
"Ano nga palang pangalan mo? Maaari ko bang malaman? Kanina pa kasi ako tawag nang tawag sa'yo ng Miss, but I still don't know your name," wika niya nang saktong nasa ground floor na kami.
"Ah h-hindi naman gano'n ka-importante ang pangalan ko para tanungin mo nang paulit-ulit. Pero you can call me Gie," saad ko naman at medyo napapakapit ako nang mahigpit sa wheelchair sapagkat ayokong sabihin sa kanya ang buo kong pangalan. Sigurado kasi ako na kapag nagkita sila ni Mark ay mababanggit niya ang ganitong pangyayari sa buhay niya na meron siyang nabanggang babae.
"Gie? Okay Ms. Gie. Nice name," komplimento nito sa pangalan ko.
Ewan ko ba, pero unti-unting gumagaan ang loob ko sa tatay ni Mark. Parang may mabuti siyang kalooban, kumpara sa anak niya. Kahit na medyo seryoso ang mukha nito ay nangingibabaw pa rin sa ugali niya ang pagiging maka-tao.
"Pangalan ko lang naman ang maganda sa akin. Pero kabaliktaran naman 'yon sa katawan ko," mahinang litanya ko naman dahilan para marinig niya ito.
"Ano bang meron sa katawan mo at parang minamaliit mo yata?"
"Sa laki ng katawan kong ito, magagawa ko pa bang maliitin ito? Pinapatawa mo naman yata ako Sir," pamimilosopo kong turan.
"I don't get it... I don't see any problem with your body. Bakit parang hindi ka yata confident sa katawan mo, Ms. Gie?"
"Sino bang magiging confident sa lagay kong ito Sir? Alam mo ba na dahil sa pagiging mataba ko ay niloko ako ng boyfriend ko?" pahayag ko at hindi ko napigilan ang aking dila na buksan ang usapin tungkol sa nobyo ko. Sa nobyo ko na siyang anak niya mismo.
"Your boyfriend cheated on you?" nagtatakang tanong nito na tila hindi makapaniwala na niloko ako ng isang lalaki.
"Yes... He cheated on me. Kaya nga, wala ako sa sarili ko kanina dahil siya mismo ang dahilan," mapaklang ani ko naman. Nangangaratal na ang labi ko ngayon dahil alam kong madadala na naman ako ng emosyon ko. Hindi magtatagal ay iiyak na naman ako.
"Kaya etong nangyari sa akin? Yung pagkabangga mo. Yung sakit ng katawan na nararamamdam ko ngayon, walang-wala ito kumpara sa sakit ng puso ko... He cheated on me. At ako mismo ang nakasaksi ng panloloko niya," ani ko kasabay nang mabilis na pag-agos ng luha ko.
Akala ko tapos na yung sakit. Akala ko ubos na yung luha sa mga mata ko. Hindi pa pala. Dahil hanggang sa oras na ito ay labis pa rin ang epekto ni Mark sa akin.
"Hindi pa kita gaanong kakilala Ms. Gie. Hindi ko rin alam ang buong kwento mo. Pero isa lang ang masasabi ko, huwag mong pag-aksayahan ng luha ang taong nanakit sa'yo," pagpapayo nito.
Hindi ko alam kung anong reaksyon ang guguhit sa mukha ko dahil sa advice niya gayong si Mark ang rason ng mga luha sa mata ko.
"Tama ka dyan Sir. Magandang pakinggan ang payo mo... Kung pwede lang sana na gano'n kadaling alisin ang pake mo sa isang tao ay ginawa ko na kanina pa. Pero minahal ko yung tao na 'yon. All of my life, binuhos ko sa kanya ang pagmamahal ko. So it's really hard for me to forget about him. I'm still in the stage of moving on," wika ko rito.
"Kung sabagay, mahirap ngang kalabanin ang pag-ibig... Ilang taon ka na pala?" muling tanong ni Sir.
"Twenty-four ho Sir... Ikaw ho? Ilang taon ka na rin ba?" balik na tanong ko rin sa kanya.
"I'm already 45 years old... At meron na akong isang anak, kasing edad mo lang pala siya," ani niya nang isingit na nito sa usapin ang binatang anak niya.
"45 ka na pala Sir... Kung hindi mo pa sa akin sinabi ang edad mo ay hindi ko nahalata na matanda ka na," hirit kong saad para lang hindi na nito maituloy ang kanyang sasabihin tungkol kay Mark.
"Marami ngang nagsasabi sa akin ng ganyan, but I'm honest and proud of my age," tugon nito na ngayon ay tila napangiti ko ang lalaki.
Masyadong napatagal ang usapan namin kaya tila nakalimutan nito na ihahatid niya pa ako sa bahay. Saka lang siya natigil sa pagsasalita nang may tumawag sa cellphone niya. And based on his reaction, he badly needed to go in his office. Kaya ang nangyari ay pinahatid niya na lamang ako sa kanyang driver.
Mabuti na rin ito para hindi niya malaman ang totoo kong pangalan.