Seira Anthonette's P. O. V.
Pagsapit ng lunch break, wala si Jairus na sasalubong sa akin. Wala akong gana na lumabas ng aming classroom, habang naglalakad ako pababa ng hagdanan ay nakasalubong ko ang kaklase kong si Shiela.
"Oh, bakit wala yung boyfriend mo?" tanong niya at tumawa.
"Ha-Ha-Ha, nakakatawa." Inirapan ko siya.
"Ito naman, hindi mabiro. Sabay tayo mag-pass kay Mrs. Felisimo mamaya," aniya.
"Oo, sige."
Kumaway pa ito sa akin bago tuluyang lumakad. Ako naman ay dumiretso sa aking locker para ibalik ang dala kong lectures. Nang matapos ako ay nagtungo na ako sa cafeteria.
Hinanap ko sina Sammy, nakita ko namang naupo sila sa bandang dulo. Nakita ko si Jairus na nakaupo kasama sina Raiko. Hindi ko alam kung pupunta ako doon, ang awkward, iniwan ko kanina si Jairus. Nakakainis kasi...
"Hindi na lang ako kakain..." bulong ko.
Akmang tatalikod na ako pero narinig ko ang boses ni Sammy na umaalingawngaw sa buong cafeteria.
"SEIRA!"
Napakamot ako sa aking batok. Nilingon ko sila, hindi nakatingin sa akin si Jairus. Wala akong nagawa kundi lumapit sa upuan nila, tumabi ako kay Sammy.
"Hinihintay ka namin, sabi nga namin kay Jairus sunduin ka na," ani Sammy.
"Hindi, ayos lang naman. Binalik ko pa kasi sa locker ko yung gamit ko kaya medyo natagalan, sorry na guys," ani ko at kinuha ang aking kutsara at tinidor.
Naglabas ako ng pera at akmang ibibigay kay Sammy, dahil siya ang palaging nag-aabono ng lunch ko.
"Okay na, binayaran ni Jairus kanina," aniya na ikinagulat ko.
"A-Ah, gano'n ba?" bulong ko at binalik ang aking pera sa bulsa.
"Bakit nga pala hindi ka sumabay mag-lunch kay Vinalyn, pre?" tanong ni Gil.
"Kasama niya barkada niya," aniya.
Napatingin ako kay Jairus na patuloy lang sa pagkain at tila ba sila-sila lang nila Gil ang magkakausap.
"Nakuha mo na ba yung lisensya mo, pre?" tanong ni Raiko kay Jairus.
"Oo, kahapon lang. Ang gwapo ko nga sa picture, ito yung mga tipong hindi ka titicket-tan ng pulis," mayabang na sabi ni Jairus at nilabas ang kaniyang wallet.
Nakita iyon nila Raiko, tuwang-tuwa sila pero hindi man lang nag-abala si Jairus na ikuwento sa akin o ipakita man lang ang I.D niya.
"Bakit hindi kayo nagkikibuang dalawa?" napatigil ako sa pagnguya, ganoon din si Jairus.
Nagkatinginan kami, mukhang nakaramdam na si Sammy sa aming dalawa.
"Inaway ka ba nitong k*pal na 'to, Seira?" ani Raiko at tinuro si Jairus.
"Baliw!"
"Hindi, ah!" ani ko at mahinang tumawa.
"Okay, ang gara lang ng awra ninyo, parang hindi kayo okay." Pinagpatuloy ni Sammy ang pagkain niya.
"Sabihin mo lang sa akin, Seria. Kapag inaway ka nito," ani Gil.
Ngumiti ako at tumango, pinagpatuloy ko ang pagkain ko. Nang matapos ako ay mabilis akong tumayo.
"Ibabalik ko na 'to, tapos akyat na 'ko sa building namin," ani ko at kinuha ang aking plato.
"Ako na magsasauli," sabat ni Jairus at kinuha ang plato ko.
Nagulat naman ako sa ginawa niya. Hindi man lang siya tumingin sa akin, napatitig ako sa kaniya.
"Salamat."
"Kita na lang tayo mamayang uwian," ani Sammy at kumaway.
Kinawayan ko siya pabalik at naglakad na pabalik sa building namin. Malungkot akong umakyat sa aming classroom, naroon naman si Shiela at mukhang inaabangan ako.
"Tara na, Seira, mag-pass na tayo."
**********************
Pagdating ng uwian, hindi namin nakasama si Jairus dahil kumain daw sila ni Vinalyn, base sa sinabi ni Raiko. Mabuti pa sila at may alam sa nangyayare kay Jairus samantalang ako ay wala nang kaalam-alam. Hindi na nagsasabi si Jairus, hindi kagaya noon.
Pag-uwi ko sa bahay ay wala na si Mama. Kahit pagod ako sa klase ay nakuha ko pa ring magwalis ng bahay. Nag-half bath ako at nagsuot ng pantulog, gusto ko na lang magpahinga. Akmang hihiga na ako sa kama ko pero biglang may tumawag sa akin.
"Seira!"
Boses iyon ni Jairus. Nagmamadali akong lumabas ng bahay, since naka-lock na ang pinto ay hindi siya makapasok. Nang pagbuksan ko siya ng pintuan ay sinalubong niya ako na may dalang bouquet of flowers.
"Jairus, anong ginagawa mo dito?" tanong ko.
"Sorry..." Inabot niya ang bulaklak sa akin.
Napalunok ako ng ilang beses, hindi ako sanay na ganito siya. Parang ang bait-bait ng mukha niya ngayon.
"Para sa akin ba talaga 'to?" panigurado ko.
"Oo, baka kasi hindi mo na ako kausapin. Ayaw mo 'ko pansinin--"
"Excuse me, ikaw 'tong hindi ako ina-approach."
"Nilalayuan mo 'ko, ayaw mo 'ko kausapin. Iniwan mo nga ako kaninang umaga, akala ko babalikan mo 'ko," aniya.
"Bakit kita babalikan, ikaw ang huminto, ikaw ang hindi kumilos."
"Kaya nga sorry na!" aniya at kinuha ang kamay ko.
Wala akong nagawa kundi hawakan ang bouquet, napatitig ako dito, mukhang mamahalin. Sunflower ito na may halong roses at iba pang dahon-dahon.
"Naiinis ako sa 'yo, Jairus."
"Alam ko---"
"Sabi mo magkaibigan tayo, bakit wala na akong alam sa buhay mo ngayon?" seryoso kong sabi.
"Babawi na ako, patawarin mo lang ako," hinawakan niya ang kamay ko.
Tila ba napawi lahat ng lungkot ko dahil sa kaniyang ginagawa. Ang boses at mga tingin niya ay halatang sincere. Gusto kong tumanggi pero hindi ko magawa, ang sarap sa pakiramdam na binibigyan niya ako ng halaga.
Mukhang aalagaan ko ng mabuti itong bulaklak na bigay niya, madalang siyang magregalo, kaya sobrang na-appreciate ko.
"Seira, sorry na. Promise isasama na kita sa lahat simula ngayon," aniya.
"Tsk, hindi naman sa ganoon. Ang akin lang, ako buddy mo, sana sabihin mo sa akin lahat," binawi ko ang kamay ko sa kaniya at napa-iwas ng tingin.
"Kaya nga, magsasabi na ako palagi. Maging okay lang tayo."
"Oo na, okay na."
Hindi ko inaasahan, hinila niya na naman ako para yakapin. Napapikit na lamang ako habang dinadama ang kaniyang yakap, hanggang kailan lang kaya ito?
*****************
Kinabukasan, natapos ang mahaba naming araw ni Jairus at ngayon ay busy kami sa mga school activities. Narito kami sa balcony nila Jairus, nasa loob ng bahay ang magulang ni Jairus at busy sa gawaing bahay.
"Paki-proof read nga 'to, buddy." Inabot ni Jairus ang kaniyang yellow pad.
Napatigil ako sa pagta-type sa file ng aking reaction paper.
"Mali spelling mo dito," ani ko at tumuro sa papel. "Hindi ba matalino yung girlfriend mo, bakit hindi ka sa kaniya magpatulong?"
"Ayoko, magmumukha akong bobo. Syempre ayoko mapahiya kay Vinalyn. Kaya sa 'yo na lang ako magpapaturo," aniya sabay ngiti ng malapad.
Inirapan ko siya. Lahat ng mahirap na gawain sa akin napupunta, mabuti na lang at mahal ko siya.
"Pasalamat ka kaibigan kita," bulong ko at binalik sa kaniya ang papel.
"Paki-type na rin 'to, ha?"
"Bwisit ka, nananadya ka ba?"
"Sige na... Libre kita ng lunch bukas."
"Deal."
"The best ka talaga!" Bigla niya akong niyakap.
Kinurot ko naman siya sa tagiliran, pinapahirapan niya ata talaga ako.
"Kailan ka nga pala bibilhan ng laptop?" tanong niya.
"Binayaran ni Mama utang ni Kuya Benjie, ngayon walang budget. Baka next month pa makabili. Kaya paheram muna ng laptop mo, ha?" ani ko.
"Oo, gamitin mo hangga't gusto mo," aniya.
"Pa-print nito, ha? Two copies," ani ko.
"May patago ka?"
"Ita-type na nga kita, 'di ba?" inirapan ko siya.
"Biro lang!" ginulo niya ang buhok ko.
Napatingin naman ako sa kamay niya, suot niya pa rin ang bracelet na bigay ko. Itinago ko ang ngiti ko at nag-focus na lang sa laptop ni Jairus. Sana hindi niya 'yon hubarin kahit kailan. Bagay naman sa kaniya ang kulay brown, mas nangingibabaw ang kaputian niya.
Nang matapos ako sa pagta-type ay tinulungan ko na si Jairus sa kaniyang assignment. Habang nagsusulat ako sa kaniyang notebook ay napansin kong nakatitig ito sa akin.
"Bakit?" tanong ko.
"Ang ganda mo lang."
Pakiramdam ko ay namula ang mukha ko dahil sa kaniyang sinabi. Nag-iwas ako ng tingin at tinago ang kilig ko. Bigla niyang hinawakan ang pisngi ko.
Dahan-dahang lumapat ang kaniyang labi sa labi ko. Mabilis naman akong humiwalay sa kaniyang halik. Nasa balcony kami, mahirap na.
"Ano ka ba? Nandyan parents mo," bulong ko.
"Oo nga pala..." bulong niya.
**********************