Seira Anthonette's P. O. V.
Makalipas ang ilang linggo, sumapit ang araw ng pasko. Kasalukuyan kong binabalot ang munti kong regalo kay Jairus, isang bracelet na ako mismo ang gumawa, may kasama din itong panyo na ako ang nagkurba ng pangalan niya. Wala naman kasi akong maraming pera para ibili siya ng mamahaling bagay, na halos lahat mayroon na siya.
Sa tingin ko, effort ang maibibigay ko, at ito iyon. Naglagay ako ng maliit na papel kung saan nakasulat ang pagbati ko sa kaniya. Idinikit ko iyon sa gift wrapper.
"Seira, hugasan mo na 'tong mga kasirola!"
Iniwan ko sa kama ko ang regalo na hawak ko. Lumabas ako ng kuwarto at nakita ko si Mama na nagluluto ng noche buena namin, kaunting-kaunti lang ang niluto niya, yung sapat lang para sa aming dalawa.
Mayroong spaghetti, pancit. Nagprito siya ng hotdog. May limang piraso na barbeque at 1.5 liter na soft drinks.
"Seira, bukas ng umaga mag-sisimba tayo kaya maaga ka gumising."
"Opo, Ma."
Bigla namang may kumatok sa pinto namin. May hawak si Mama na sauce ng spaghetti.
"Ikaw nga magbukas ng pinto," ani Mama.
Napangiti ako, naisip ko kaagad na baka si Jairus na itong nasa likuran ng pinto. Nakakapagtaka lang dahil hindi naman siya kumakatok, hindi kaya may dala siyang regalo sa akin kaya gusto niya pang pagbuksan ko siya ng pinto?
Hinawakan ko ang doorknob, tinago ko ang excitement ko. Nang mabuksan ko ang pintuan ay tuluyang nawala ang saya ko, napalitan ito ng kakaibang pagmamahal.
"Merry Christmas, bunso."
Nakita ko si Kuya, nakangiti ito habang may hawak na maliit na kahon. Nasa likuran naman niya ang kaniyang asawa na si ate Rhiane at ang dalawa nilang anak na si Lance at Janelle.
Hindi ako nagdalawang-isip. Niyakap ko si Kuya at sumubsob sa kaniyang dibdib. Hindi ko inaasahang makita siya ulit, kasama pa ang pamilya niya. Sa ilang taon, pasko na lumipas, ngayon lang ulit kami nagkasama-sama ni, Kuya, at Mama.
"Anong ginagawa mo dito?" malalim ang tono ng boses ni Mama.
Humiwalay ako sa pagkakayakap kay Kuya.
"Magandang gabi po," bati ni ate Rhiane.
"Ma, hindi po ako pumunta dito para manggulo o mang-abala sa inyo. Gusto ko lang sana magmano yung mga anak ko sa Lola nila," ani Kuya.
Bahagyang tinulak ni Ate Rhiane si Lance para lumapit kay Mama.
"Mano po, Lola."
Kinuha ni Lance ang kamay ni Mama, wala siyang nagawa kundi hayaan ang bata na magmano, buhat naman ni ate Rhiane ang bunso nila na si Janelle.
"Bless ka, anak."
Binigay ni Mama ang kaniyang kamay kay Janelle at nagmano naman ito sa kaniya. Bakas ang pagkadismaya sa mukha ni Mama, umatras ako para makita ni Mama si Kuya na natatakpan ko.
"Ma, Merry Christmas po," ani Kuya.
Lumapit siya at inabot ang hawak nitong maliit na box. Napag-alaman kong minimalist cake pala ang laman noon, mukhang nagkaroon na ng trabaho si kuya para maibili ang ganoon para kay Mama.
"Oh, may trabaho ka na ba?" salubong ni Mama.
"Hhmmm, Ma---"
"Pasko na naman, sana magbago na yung pag-iisip mo. Lumalaki na mga anak mo, Benjie."
Napayuko si Kuya, hindi tinanggap ni Mama ang kaniyang cake na hawak. Si Ate Rhiane naman ay hinila sila Lance palayo, dahil baka may masabi si Mama na hindi dapat marinig ng mga bata.
"Ma, natanggap po ako sa carwash... Maayos naman po yung sahod ko doon---"
"Sapat ba 'yon para mabayaran mga utang mo? Kung kani-kanino ka nangungutang at nanghihingi ng pera---"
"Ma!" Hindi ko na napigilan ang sarili kong magsalita, "Pasko po ngayon, nandito sila Kuya para batiin ka. Hindi ba dapat maging masaya tayong pamilya?"
"Seria!" Nanlaki ang mga mata ni Mama sa akin. "Bilang ina, gusto kong turuan kayo ng leksyon, para maging mabuti kayong tao. Makapag-isip kayo ng tama, magkaroon kayo ng magandang kinabukasan!"
"Mama, nagsisikap po ako. Mahal ko ang pamilya ko..." bakas ang lungkot sa boses ni Kuya.
Hinawakan ko ang likod ni Kuya at tinapik ito. Ngayon na lang kami nagkita-kita ng pasko, ganito pa ang mangyayare.
"Aalis na rin po kami, Ma." Akmang kukuhanin ni Kuya ang kamay ni Mama para magmano pero umatras si Mama.
"Lumapit sa akin si Ernesto. Pinsan ng Tatay mo, at sinabing umutang ka sa kaniya ng sampung libo. Benjie, saan napunta 'yon?"
Narinig ko ang mahinang hikbi ni Kuya. Tinignan ko ito at nakita kong lumuluha na.
"M-Ma, a-akala ko mananalo ako sa sugalan noon--"
"Punyeta, saan ba ako nagkulang sa pagpapalaki sa 'yo, Benjie? Ang tatay mo ba tinuruan ka magsugal? Diyos ko, pinapasakit mo lalo ang ulo ko." Napasandal si Mama sa pinto sabay hawak sa kaniyang noo.
"Ma..." bulong ko.
"H-Hindi alam ni Rhiane 'yon, Ma. Babayaran ko si Ernesto, kapag nakaipon ako." Naiiyak na sambit ni Kuya.
"Iipon? Carwash lang ang trabaho mo, tingin mo ba magiging sapat 'yon?" Hinawakan ko ang braso ni Mama dahil nanggigigil na siya kay Kuya.
"Mama, tama na po," bulong ko.
"Umalis na kayo. Sana maintindihan mo rin ako, balang araw. Hindi ako galit sa mga apo ko, sa ugali mo lang, Benjie."
Tumalikod si Mama. Pinunasan ni Kuya ang luha niya, naiiyak na din ako sa sitwasyon ni Kuya. Hindi ko alam na may mga utang pala siya na ganoon kalaki, pero hindi 'yon sapat para magbago ang tingin ko sa kaniya.
"Seira, patawarin mo 'ko. Babawi si Kuya. Pangako," bulong niya at tumalikod.
Nakita ko namang sinalubong siya ng kaniyang anak. Wala akong nagawa kundi ang panoorin silang umalis ng aming tahanan. Mukhang malungkot ang mga bata na hindi man lang nakapasok ng bahay namin.
"Pumasok ka na rito, Seira. Hindi mo dapat kinakampihan ang kuya mo!" sigaw ni Mama.
Napatitig ako kay Mama, namumula ang mga mata nito. Para bang umiyak siya.
"Huwag kang gagaya sa kuya mo, ayokong maghirap ka rin kagaya niya."
Tinalikuran ako ni Mama at pumasok siya sa kaniyang kwarto. Nakarinig naman ako ng ilang putok na fireworks ng kapitbahay, hindi pa bagong taon pero ang dami nang nag-iingay. Napatingin ako sa orasan.
"Pasko na..."
Pumikit ako at nagpahayag ng maikling dasal sa panginoon.
"Maraming salamat sa mga biyaya na natatanggap ko at ng pamilya ko. Sana tulungan niyong magkaayos si Mama at Kuya. Bigyan niyo rin po sana ako ng chance kay Jairus, mahal na mahal ko po siya...."
Dumilat ako, kailangan kong batiin si Jairus. Pumasok ako sa aking kwarto para kuhanin ang regalo ko sa kaniya. Nagmamadali akong tumakbo patungo sa kabilang bahay, nakita kong bukas ang ilaw ng Christmas lights sa labas ng bahay nila Jairus.
"Jairus!" sigaw ko.
Akmang bubuksan ko ang gate nila pero lumabas si Tita Jennifer. Napangiti ako nang salubungin niya ako.
"Merry Christmas po, Tita!" bati ko.
"Merry Christmas, Seira. Hanap mo ba si Jairus?"
"Opo!"
"Hindi ba niya nabanggit sa 'yo na he'll celebrate Christmas with Vinalyn? Kaninang tanghali pa siya umalis, akala ko naman alam mo na."
Nanlumo ako sa aking narinig, wala na naman pala si Jairus at na kay Vinalyn na naman. Palagi na lang, hindi na nagsasabi sa akin si Jairus.
"G-Ganoon po ba? Babatiin ko po sana siya," ani ko.
"Bukas uuwi rin 'yon, tuloy ka muna. Naghanda ako."
"Ayos lang po, Tita. Salamat po, sasamahan ko po si Mama sa bahay," ani ko.
"Oh siya, sige. Maligayang pasko rin sa Mama mo," aniya habang nakangiti.
Malungkot akong bumalik ng aming bahay, mahigpit ang hawak ko sa aking regalo kay Jairus. Pakiramdam ko hindi ko na naman mapipigilan ang pagluha ko.
Sa bawat pasko na dumaan, magkasama kami lagi ni Jairus. Mula bata kami, umaasa ako na hanggang pagtanda iyon. Pero ngayon pakiramdam ko, magkaiba na kami ng landas na tinatahak.
Siya, papunta kay Vinalyn. Habang ako ay narito, I'm stuck loving him. I can't let go.
*****************