Chapter 20

1319 Words
Seira Anthonette's P. O. V. Linggo ngayon, hindi ko namalayan na inubos ko lang ang oras ko sa pagtulog maghapon. Nagising ako nang alas-sais ng gabi, naabutan ko si Mama na nagluluto ng hapunan. "Ma, amoy sisig," ani ko. Biglang kumalam ang sikmura ko. Kahit naaamoy ko pa lang ang ulam ay gustong-gusto ko nang malasahan ito. Tila ba lalo akong nagutom nang makita ko si Mama na inihahain ang sisig sa lamesa. "Ginaya ko yung luto ng Papa mo, sana nga kalasa ng luto niya." Napansin ko ang lungkot sa mga mata ni Mama nang sabihin niya iyon. Marahil ay sobrang hirap nga talaga magpalaki ng anak mag-isa. Wala man lang kaagapay si Mama sa akin at kay Kuya dahil nawala agad si Papa. "Sa birthday mo, bibili na tayo ng laptop mo, ha? Gusto ko ikaw pumili ng laptop. Hindi ko alam yung mga ganiyan, may tinatawag pang specs." Napatingin ako kay Mama, kahit ba pala-sermon siya ay ramdam ko pa rin ang pagmamahal niya sa kaniyang aksyon, hindi lang siya showy, hindi kagaya ni Papa. Sobrang malambing si Papa kaya nung nawala siya, tumamlay talaga ang tahanan namin. "Maraming salamat po, Ma. Sa susunod kapag nakuha ako nila Jairus sa company nila para magtrabaho, hindi niyo na kailangan mag-work. Ako na pong bahala sa inyo," ani ko at ngumiti. Naupo ako sa hapag at ganoon din si Mama. "Talaga ba, anak? Sa kumpanya ka nina Jennifer magtatrabaho?" "Pinangakuan po ako ni Jairus, kukuhanin nila ako bilang Accountant. Kailangan ko na lang ipasa yung board exam para maging CPA ako," ani ko at sumandok ng kanin. "Oo, pagbutihin mo. Mas malaki ang sahod kapag CPA ka na." Napatigil ako sa pagkuha ng ulam dahil sa pag-vibrate ng cellphone ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang message ni Kuya Benjie. {Seira, binayaran ba ni Mama yung 10k na utang ko kay insan?} "Oh, sino 'yan?" "M-Ma, si Kuya po. Tinatanong kung binayaran niyo yung sampung libo, sasabihin ko po ba na binayaran niyo?" Biglang nag-iba ang awra ng mukha ni Mama. Sumeryoso siya habang naglalagay ng kanin sa kaniyang plato. "Sige, sabihin mo na hindi ko na siya tutulungan kahit kailan at huling tulong ko na yon." Halata naman kay Mama, sinasabi niya lang 'yon. Alam kong hindi niya rin matitiis si Kuya. Nag-reply ako kay kuya at pinagpatuloy ang pagkain ko. Nang matapos kami ay ako ang nag-urong tutal wala akong ginawa maghapon kundi matulog. Sobrang dami ko ring nakain, pakiramdam ko dumoble ang kaya kong kainin. Kung dati hanggang 2 cups lang ng rice ang kaya ko, ngayon ay nakaka-apat na sandok ako. Ganito ba kapag broken hearted? Lumalakas kumain. Papasok na sana ako ng kwarto ko nang tawagin ako ni Mama. "Seira!" "Po?" "Nandito si Jairus. Sige na, iho, pumasok ka na." Nanlaki ang mga mata ko, nandito na naman siya. Hindi ko na naman mapipigilan ang sarili ko oras na makita ko siya. Nakita ko agad si Jairus, abot langit ang ngiti niya habang papasok ng aming bahay. Dala niya ang kaniyang cellphone. Nang magtama ang mga mata namin ay lumakas ang t***k ng puso ko. Paano ko iiwasan ang ganitong lalake? Hindi ko kaya. "Seira, may ipapakita ako sa 'yo," bakas ang excitement sa mukha niya. Hinawakan ni Jairus ang kamay ko at hinila ako paupo sa sofa. Napatitig naman ako sa gwapo niyang mukha, hindi ko rin siya matiis kapag nandito na siya. "Buddy, anong maganda para sa 'yo," aniya sabay pakita ng kaniyang cellphone. Napaawang ang labi ko nang makita ang litrato ng isang sing-sing, sobrang ganda ng design nitong dyamante. "Ito ba, o ito?" tanong niya. Nang i-swipe niya ang litrato ay mas nagustuhan ko ang ipinakita niya dahil simple pero elegante tignan ang design. "Ito na lang, mas maganda." Napangiti siya. Naisip ko naman kung kanino niya ibibigay? Para sa akin kaya? Malapit na ang birthday ko, baka reregaluhan niya ako noon. Talagang tinanong pa ako. "Bakit pala pinapili mo 'ko?" tanong ko. "Bibilhan ko na si Vinalyn." Nawala ang ngiti sa labi ko. Para bang sinaksak ang puso ko sa narinig ko. Ngumiti ako ng pilit. "G-Ganoon ba... Bakit sing-sing pa? Ano bang meron?" tanong ko. "Balak ko na kasi mag-propose. Para settle na kami. Gusto ko din sana gawin kang bride's maid kung okay lang sa 'yo." Gusto ko nang kainin ng lupa ngayon. Gagawin niya pa akong bride's maid? Seryoso ba siya? Gusto niya bang mamatay ako sa araw ng kasal niya? "Papakasalan mo na talaga siya?" hindi ko napigilan ang sarili kong magsalita. "Oo, bibili na ako ng sing-sing. Before graduation ang proposal, dapat nandoon ka, ha? Tulungan mo 'ko." Ngumiti ako ng pilit at tumango. Ramdam ko ang pagkirot ng puso ko sa sobrang sakit. "Tapos, ipapaalam ko na rin kay Mama at Papa. Papayag naman siguro sila. Isa na lang problema ko, magulang ni Vinalyn. Sana pumayag sila, although mabait sila sa akin, syempre alam kong maaga pa. Pero alam mo 'yon, early bird ako, gusto ko na agad ikasal." Napayuko ako. Ano mang oras ay tutulo na ang luha ko. "Sige, support naman kita. Magpapahinga na muna ako, ha? Papasok na ako sa kwarto---" tumayo ako para iwasan siya nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko. "Seira, gusto mo ba sa bahay namin? Walang tao, wala sila Mama..." pabulong niyang sambit. Napabuntong hininga ako. Alam ko na ang ibig niyang sabihin. Ilang beses niya sinabing last na 'yon, hindi na niya ako gagalawin ulit. Kaso heto na naman siya, ayoko na siyang pagbigyan. Balak na niyang magpakasal sa nobya niya, masyado nang masakit para sa akin. "Masama pakiramdam ko," simple kong sagot. Nagtungo ako sa aking kwarto. Hindi ko na siya pinansin pa. Nahiga ako sa kama. Akmang tutulo na ang luha ko pero bumukas ang pinto ng kwarto. "M-Ma..." "May sakit ka bang bata ka? Kanina ka pa natutulog, sabi ni Jairus masama pakiramdam mo," ani Mama at dali-daling lumapit sa akin para hawakan ang noo ko. "Okay lang po ako, pagod lang sa school. Malapit na po finals namin." Ngumiti ako ng pilit. "Oh siya, matulog ka na lang. Para may energy ka bukas at may pasok ka pa." "Opo, Ma." ************************* Kinabukasan, nagising ako dahil sa sama ng sikmura ko. Hindi ko alam kung anong nangyayare sa tiyan ko, ramdam ko na lang na parang gustong lumabas ng laman ng aking sikmura dahilan para mapasuka ako sa lababo. Nanlalata akong napahawak sa gripo at hinayaang dumaloy ang tubig. Habang nagmumumog ako ay lumabas ng kwarto si Mama, nagkakamot ito ng ulo at lumapit sa akin. "Ano na ba 'yan? Dadalhin na ba kita sa hospital?" nag-aalalang tanong niya. "Hindi po, Ma. Ayos lang po ako. Siguro po dahil sa kinain ko kagabi tapos nahiga ako agad at natulog." "Sige, gumayak ka na." Tumango ako at naghilamos ng mukha. Nagtimpla ako ng mainit na kape para mainitan ang aking sikmura. *********** Pagdating ng lunch break, magkakasabay kaming magbabarkada kumain. Sarap na sarap ako sa lutong ulam ng cafeteria, bicol express. "Oh, Seira. Hinay-hinay lang, magtubig ka nga, girl!" puna sa akin ni Sammy nang mapansin niyang tuloy-tuloy ang pagsubo ko ng pagkain. "Sarap na sarap, ha? Baka i-take out mo pa yung ulam sa cafeteria," natatawang sabi ni Raiko. "Huwag mo na kontrahin, pre. Ngayon lang kumain ng madami 'yan. Para naman magkalaman siya, payat na ni Seira," ani Jairus. Napatingin ako sa kaniya, bigla niyang nilagay ang ulam niya sa plato ko. Hindi ako tumanggi, masarap talaga. "Bait pala ni Jairus," ani Gil. "Baka kulang pa sa 'yo," ani Jairus. "Bwisit, okay naman na. Siguro isa pang rice," ani ko. Hindi ko na mapigilan ang kumain nang kumain, pakiramdam ko hindi napupuno ang tiyan ko sa sobrang sarap. "Kuha kita--" akmang tatayo na si Gil. "Ako na, pre." Kinontra ni Jairus si Gil at siya ang tumayo. "Isang rice lang ba, Seira?" "Oo. Salamat!" ngumiti ako. ****************************
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD