Chapter 15

1863 Words
IMPIT na napahiyaw si Riki pagkatapos na pagkatapos niyang mabasa ang sulat na hawak niya ng mga sandaling iyon. Tuwang-tuwang inilagay niya ang sulat sa tapat ng kanyang dibdib at saka pumikit. Ito na ang simula ng katuparan ng aking mga pangarap. Pangarap ko kina tatay at nanay. Kay Gerom at sa kambal. Kapag nakaipon ako ay maipagpapatuloy ko na din ang pag-aaral ko. Mapapalaki ko ang tindahan namin. Baka sakaling maipagamot ko pa si tatay at makalakad pa siya…. Ang mga isiping iyon ang nagdire-diretsong bumaha sa kanyang isipan. Kanina habang nasa biyahe siya pabalik ng Maynila para kunin ang resulta ng visa application niya sa isang lugar sa Makati ay malakas ang kabog ng dibdib niya. Nang nakaraang araw ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa visa application center na nagsasabing dumating na daw ang resulta ng application niya. Mahigit isang linggo na ang nakakaraan ng ipasa niya ang kanyang mga papeles sa visa center. Pinapili siya sa center kung ipapadala ba sa kanya sa probinsya ang resulta subalit kailangan niyang magbayad ng ilang halaga o siya mismo ang kukuha ng resulta sa visa center. Pinili niyang siya ang sasadya sa pagkuha kaya umagang-umaga palang ay nagbiyahe na siya kanina. Nagpaalam muna siyang liliban sa trabaho sa araw na iyon at eksaktong kinabukasan ang kanyang restday. Kabadong-kabado siya kanina habang nasa daan hanggang sa pagpasok sa visa center hanggang sa iabot na sa kanya ang resulta. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang binubuksan ang sobre at dahan-dahang binasa ang nilalaman. Gayon nalang ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib habang binabasa ang resulta at ngayon nga ay hindi niya mapigilan ang matinding kasiyahan dahil sa magandang balita. Approved ang kanyang visa application at anumang oras niyang naisin ay makakarating na siya sa London kung saan inaasahan niyang matutupad ng kanyang mga pangarap. Ilang mga tao sa visa center ang nakakita sa kanyang nagbubunyi at binati siya. Excited siyang ibalita ang resulta sa kanyang pamilya at kay Tiya Amelia. Pero dahil bigla siyang nakaramdam ng gutom dahil pasado-alas dos na ay hindi pa siya nanananghalian ay nagpasya siyang dumaan muna sa isang malapit na mall para mananghalian at makapag-lakad-lakad na din. Pagpasok niya sa mall ay naghanap kaagad siya ng isang fastfood restaurant kung saan kaya niya ang budget. Nang maka-order na siya at makaupo sa sariling mesa ay hindi na siya makapaghintay na tinawagan ang kanyang pamilya. Ilang mensahe mula kay Gerom ang natanggap niya pagbukas palang niya sa cellphone. Nireplayan niya ito kung maari siyang tumawag dahil baka mayroon itong klase. Nang sabihin nitong naka-break ito ay mabilis niya itong tinawagan. Ang numero ni Gerom ang tinawagan niya na siguradong kanina pa naghihintay ng tawag niya. Isang ring palang ay sinagot na nito ang tawag. “Ate! Kamusta? Nakuha mo na ba ang resulta? Anong nangyari? Anong resulta? Makakaalis ka na ba?” sunod-sunod nitong tanong. Maging ito ay halatang kinakabahan sa ibabalita nila. Natawa siya. “Ang dami mo namang tanong. Pwede bang isa-isa lang? Hindi pa ako nakakakain. Nandito ako ngayon sa mall at kakain palang.” Sinabi niya ang lugar na kinaroroonan niya. “At oo, nasa akin na ang resulta.” Pasuspense na sabi niya. “Ate naman! Huwag mo na akong bitinin. Sabihin mo na ang resulta kasi sila tatay ay siguradong naghihintay na din ng balita. Sasabihin ko kaagad sa kanila ang resulta pagkauwi ko.” “Sa tingin mo masyadong mabilis kung lilipad na ako sa loob ng isang linggo?” sa halip ay tanong niya. Ilang segundo ang dumaan na tahimik ang kanyang kapatid bago niya narinig ang isang malakas na sigaw nito. “Nakapasa ka Ate!” Ang lakat ng tawa niya na bigla din niyang binawi ng mapagpantong nasa isang publikong lugar siya. “Oo! Nakapasa ako kapatid. Ikaw na ang bahalang magsabi kina tatay at nanay mamaya. Kakain lang ako sandali tapos papadalhan ko na din ng mensahe si Tita Amelia sa resulta. Pero baka maya-maya pa ako uuwi. Nandito na din naman ako, gusto ko munang maglakad-lakad.” Aniya dito. “Sige Ate. Sasabihin ko kaagad kina tatay mamaya. Siguradong matutuwa sila kapag nalamanag nakapasa ka. Lalo na ang kambal! Magsabi ka kung pauwi ka na ha, para masundo kita mamaya sa bayan. Mag-iingat ka mamaya sa biyahe. Itext mo ako kung ano nang nangyayari sa iyo.” di-diretsong habilin nito. Madadagdagan pa sana iyon kung hindi lang niya pinutol ang kapatid. Natatawa na siyang nagpaalam. Pagkatapos ng tawag ay gumawa naman siya ng mensahe kay Tita Amelia sa naging resulta. Hindi maalis ang ngiti sa kanyang labi habang ipinapadala ang text message dito. Nagpatuloy na siya sa pagkain habang naghihintay sa reply ng tiyahin. Halos kinse minutes ang lumipas bago niya natanggap ang tawag mula dito. Nang sagutin niya iyon ay tuwang-tuwa itong bumungad sa kanya. “Hindi ako makapaniwalang makakapunta at makikita na kita dito pamangkin. Nasabi mo na ba sa nanay mo?” Ngumiti siya. “Oho, Tita. Tinawagan ko si Gerom kanina. Siya na ang magsasabi kina nanay. Nandito pa ho sa Maynila at maglilibot sandali.” “Naku! Hindi na ako makapaghintay na makarating ka dito.” anitong halatang-halata sa boses ang matinding kasiyahan. Ilang sandali pa ay pinag-uusapan na nila kung kailan siya aalis. Sinabi niyang sa lalong madaling panahon sana. Hindi na siya makapaghintay na makarating sa ibang bansa at matupad ang kanyang mga pangarap. Umaapaw sa galak ang kanyang puso. Isinuhestiyon nitong maari siyang magflight sa loob lamang ng tatlong linggo. Sinabi niyang kakausapin pa niya ang mga magulang tungkol sa araw ng kanyang pag-alis. Hanggang sa mapunta na ang usapan nila sa mga iba pa niyang dadalhin. Nagsabi itong magpapadala ito ng halaga para bilhin ang iba pa niyang mga kakailangan. Hanggang sa mayroon itong isinuhestiyon na hindi niya inaasahan. “Riki, mayroong akong kakilala dito na mayroong anak na lalaki. Siguro ay mas matanda lamang sa iyo ng ilang taon. Binata pa at talaga namang napakaguwapo. Kung sakali at kung gusto mo ay pwede kitang ireto sa kanya…” “Tita…” nagtonong-tanong ang boses niya. “Sandali, pakinggan mo muna ako.. hindi kita inirereto o ibinubuyo sa mga lalaki dito. Hindi ko hahayaang mapahamak ka. Pero kung gusto mong mas tumagal ang pananatili mo dito ay mas mainam, mas malaki ang magiging ipon mo. Pwede kitang ipakilala sa kanya. Sandali lang ang ilang buwan. Pero kung maikakasal ka sa isang tiga rito ay malaki ang tsansa mong maging residente na dito. Mas malaki ang oportunidad kapag ganon.” “Errr…tita, parang hindi ko ho yata kayang magpakasal sa lalaking hindi ko kilala… at lalong hindi ko mahal…” Natawa ang may edad na babae sa kabilang linya. “Alam ko, at naiintindihan ko. Pero makikilala mo na din siya pag nandito ka. Tutal ay wala ka namang nobyo hindi ba? Pwede kayong magpakasal pagkatapos ay maghihiwalay din kayo. Pero hindi natin alam, baka magkagustuhan kayo pag nagtagal. Napakaguwapo niya at ikaw naman ay napakaganda…. Bagay na bagay kayong dalawa pamangkin… ito ay suggestion ko lang pamangkin kung gusto mong mas magtagal pa dito o maging residente. Nasa sa iyo pa rin ang desisyon.” Hindi niya nagawang magsalita. Ni hindi niya nagawang magreact. Sa utak ay wala siyang balak magpakasal sa kahit kaninong lalake nang walang pagmamahal siyang nararamdaman. Pero ayaw niya itong salungatin. Iyon ay suhestiyon lamang ng tiyahin. Nagpatuloy ito sa pagsasalita hanggang sa ito na din ang nagpaalam. “Pag-isipan mong mabuti ang sinabi ko Riki. Tatawag ulit ako bukas para malaman kung ano ang napag-usapan niyong araw ng alis mo. Para naman hindi mabigla ang tatay at nanay mo.” “Sige ho Tita.. maraming salamat ho.” Aniya dito at nanumbalik na ang sigla sa kanyang tinig. Natapos na ang usapan nila at ipinagpatuloy niya ang nauudlot na pagkain. Sa isang bahagi ng kanyang isip ay hindi niya maiwasang magbigay ng komento tungkol sa sinasabi ng kanyang tiyahin. Sa sarili ay hinding-hindi siya magpapakasal ng walang pag-ibig. Maraming maaring mangyari sa loob ng anim na buwan habang naroon siya. Hindi paraan ang pagpapakasal sa isang lalaking banyaga at hindi niya kilala. Para sa kanya ay sagrado ang kasal at gagawin lamang niya iyon sa lalaking minamahal niya at gustong makasama habang-buhay. Ayaw din niyang matawag na diborsyada dahil hindi ganoon ang pagkatao niya. May respeto siya sa ngalan ng kasal at sa bumibigkis niyon. Nang biglang pumasok sa isip niya si Perry. Naitanong niya sa sarili kong ano ang ginagawa nito ng mga sandaling iyon. Ano kaya kung tawagan niya ito ngayong nandito siya sa Maynila? Pero ano naman ang sasabihin niya dito? Para saan? Baka isipin nitong gusto niya itong makita kahit iyon ang totoo. Gaya ng pangako nito ay nakakatanggap naman siya ng tawag mula dito simula ng bumalik ito ng Maynila. Subalit hindi gaya ng inaasahan niya, hindi ito madalas tumawag. At ang huling beses nilang pag-uusap ay noong nakaraang linggo pa. Palagi lang siya nitong kinukumusta at ang kanyang pamilya. Bukod sa simpleng kumustahan at kuwentuhan ay wala na silang ibang napag-uusapan pa. Hindi din ito nagbanggit na maari itong bumalik sa kanilang probinsiya sa mga susunod na araw. Palagi daw itong abala dahil ilang linggo itong nawala sa trabaho. Nang huling magpunta siya sa Maynila para ipasa ang kanilang papeles ay hindi niya ipinaalam dito ang pagpunta niya doon. Para saan? Ngayong nandito siyang muli ay gusto niya itong tawagan pero para nga saan? Kahit gusto niya itong makita ay ayaw niya itong abalahin. Wala din itong ideya na aalis na siya. Hindi niya iyon binanggit kailanman sa binata kahit noong nagkakasama pa sila. Hindi naman kasi niya kailangang banggitin. Isa pa ay hindi din siya sigurado ng mga panahong iyon kung makakapasa siya. Kahit sa ibang kamag-anak at kakilala ay wala silang pinagsabihan. Rason niya ay saka nalang kapag paalis na siya. Nakakahiya naman kasi kung malalaman ng iba pero hindi siya nakapasa sa pagkuha ng visa. At ngayong nakapasa siya ay gusto niyang sabihin kay Perry. Pero hindi na siguro importante iyon. Dahil may kanya-kanya na silang buhay simula ng bumalik ito sa Maynila. Wala din naman itong sinabi tungkol sa kung anuman ang nararamdaman nito sa kanya. Ilang beses din ba siyang umasam na may sabihin ito tungkol sa kung ano ang nararamdaman nito. Oo at naging malapit sila kahit papaano pero hanggang doon lang siguro iyon. Maaring nagustuhan lang talaga siya nito bilang isang kaibigan. Hindi kagaya niyang nagkaroon na ito ng munting pitak sa kanyang puso. Hindi ito kagaya niyang nagkaroon ng puwang ang binata sa kanyang buhay. Iyon ang napagtanto niya sa sarili nitong mga nakalipas na araw. Habang tumatagal na hindi niya nakikita ang binata ay nasasabik siya dito ng sobra. Pakiramdam niya ay may isinama itong bahagi ng kanyang pagkatao ng bumalik ito sa Maynila. At hindi niya alam kung anong bahagi ng pagkatao niya ang dinala nito. Bagamat natutuwa siyang makaalis ay hindi maalis sa isip niya ang pakiramdam na tuluyang magkakalayo ang landas nila ni Perry. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa loob ng ilang buwan. At maaring ang gabing iyong magkasama sila sa bahay ng kapatid nito ay ang huling pagkikita nila ng binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD