Chapter 8

1750 Words
PALABAS na sila ng palengke ng tanungin niya ang binata kung saan nito balak magpunta na sinagot nito ng hindi din nito alam. Natawa siya at sinabi ang isang lugar na gustong-gusto niyang puntahan sa lugar nila at mukhang nagkaroon naman ng interes ang binata. Sakay ng bigbike na gamit nito ay tinalunton nila ang daan patungo sa pupuntahan nila. Mabuti nalang at nakasuot siya ng pantalon ng araw na iyon. Kahit papaano ay magiging kumportable siyang nakasakay sa likod nito. Maliban sa munting pag-aalinlangan dahil unang beses niyang sasakay na angkas ng binata. Sa una ay atubili pa siyang humawak sa beywang nito pero dahil wala siyang ibang mahahawakan ay obligado siyang kumapit dito. Kahit papaano ay naging kumportable naman na siya sa presensiya nito dahil nang maghapunan ito sa kanila ay naramdaman niyang mabuti itong tao. Hindi man nagbibigay ng komento ang kanyang mga magulang tungkol sa binata ay alam niyang magaan din ang loob ng mga ito dito. Kaya nga hinayaan siya ng kanyang tatay na sumama dito ngayon. Dahil nasa local area sila sa kanilang bayan ay hindi na nila kailangang magsuot ng helmet. Pasado alas kuwatro na iyon ng hapon kaya hindi na ganoon kasakit ang tama ng sikat ng araw. Malamig na din ang panahon dahil sa pagpasok ng ‘ber’ month. Habang nasa daan sila ay sinasalubong sila ng malamig na simoy ng hangin habang inililipad ang mahaba niyang buhok. Itinuro niya ang daan patungo sa lugar kung saan sila naglalaro ng baseball ng araw na tamaan niya ito. Nang maalala nito ang pangyayari ay pareho silang natawa. Lumagpas sila sa nakatenggang lupain at pumasok sa isang maliit na kasukalan. Hindi niya naringgan ng reklamo ang binata ng dumaan sila sa medyo bako-bakong daan. Naging mabagal ang kanilang takbo dahil sa pangit na daan. “Sigurado ka bang dito ang daan?” tanong nito ng lagpas limang minuto na ay dire-diretso pa rin sila. Patingin-tingin ito sa paligid. “Dito nga. Basta sundan mo lang ‘yang daanan na ‘yan.” Itinuro niya ang makitid at lupang daan na sa unang tingin ay hindi mapapansin. Sa paligid nila ay madaming puno at nagkalat ang mga ligaw na halaman. Subalit hindi iyon masasabing masukal. “Hindi kaya sa ibang lugar mo ako dadalhin? O hindi ba tayo naliligaw?” Natawa siya. “Saan naman kita dadalhin sa tingin mo? Huwag kang mag-alala nandito pa rin tayo sa bayan ng San Quintin. Hindi tayo naliligaw. Tsaka ilang beses na akong nakapunta dito. Ganito lang talaga ang daan dahil hindi masyadong pinuntuhan ng mga tao. Private property na kasi ito. Pero huwag kang mag-alala. Kilala ko ang may-ari. Kapag nakita nila ako ay hindi nila tayo paalisin.” Paliwanag niya. “Okay. You’re the boss.” Anitong pinanatili ang pagda-drive. Maya-maya ay pinahinto niya ito pagdating sa dulo ng daan. Bumaba siya at sumenyas na bumaba din ang binata. “Iwan na natin ‘yan dito. Kailangan nating tumawid diyan at maglakad ng kaunti pagkatapos.” Aniyang itinuro ang tila bakod na kahoy na mahigit dalawang metro ang taas. Pinalibutan na iyon ng mga halamang ligaw. Nagsalubong ang mga kilay ng binata. “Hindi ba ito mawawala dito?” “Hindi. Private property na nga ito. Walang ibang pumapasok dito maliban sa atin. At ang may-ari, siyempre. Halika na.” aniyang nagpatiuna na. Palingon-lingon sa motor na sinundan siya nito sa paglalakad. Hinawi niya ang mga halamang ligaw na nakapulupot sa bakod at sumuot sa isang butas eksakto lamang para sa isang tao. Doon siya madalas sumuot para makatawid sa kabila. Sumunod sa kanya ang binata at ilang sandali pa ay naglalakad na sila sa isang kadawagan ng ilang metro. “Nandito na tayo.” Aniyang biglang huminto nang makalabas na sila sa kadawagan. Napahinto din si Perry sa paglalakad at mula sa mga hinahawing halaman ay nag-angat ito ng mukha. Kagaya ng naging reaksiyon niya ng unang beses siyang makapunta doon, dinig na dinig niya ang pagsinghap ng binata. “Please tell me, nandito pa rin tayo sa San Quintin.” Anito habang nakatingin sa malawak na parang sa kanilang harapan. Maluwang siyang napangiti. “Nandito pa tayo sa San Quintin.” Sabi niya saka pinuno ng sariwang hangin ang kanyang dibdib. Nagpatiuna siyang maglakad papasok sa parang. Tila nahihinoptismong sumunod sa kanya ang binata. Dahan-dahan silang naglakad hanggang sa maabot ng kanilang mga paa ang maliliit na damong nagkalat sa buong lupain. May iba’t-ibang klase ng mga bulaklak na nakatanim din doon. Ang iba ay kasama ng damong kusa ng tumubo doon. Ibat’-iba ang laki at kulay ng mga bulaklak. May dilaw, matingkad at mapusyaw na pula, lila at mayroon ding mangilang-ngilang kulay kahel. Dahil sa hanggang talampakan lang ang d**o ay masarap sa pakiramdam na maglakad doon. At dahil hindi na ganoon katindi ang sikat ng araw ay didiretso si Riki sa gitna ng parang. Para silang nakaharap sa isang lugar na tanging sa isang kuwaderno lamang makikita at ipininta ng isang pintor. Ilang beses na siyang nakapunta doon pero ganoon pa rin ang pakiramdam niya kapag masisilayan ang tila paraisong lugar na iyon. Parang ang lahat ng negatibong naninirahan sa kanyang katawan ay naalis kapag naroroon siya. Para siyang dinadala sa ibang dimensyon at pinagagaan ang kanyang pakiramdam. Ang natatandaan niya ay disiotso siya noon. Naglalaro silang magkakaibigan ng baseball nang pulutin niya ang bola na tinira ng kalaban. Medyo malayo iyon. Bago niya iyon pulutin ay may isang matandang babae ang nakita niya hindi kalayuan sa narating ng bola. Hindi sana niya masyadong bibigyan ng pansin ang matanda dahil baka isa lamang itong tiga-roon subalit ng makita niyang nakaupo ito sa lupa at tila nagpipilit tumayo ay nilapitan niya ito. Nang makalapit ay tinulungan niya itong makatayo. Nagpasalamat ang matanda at tinanong ang kanyang pangalan. Sinabi niya ang kanyang pangalan. Nagpakilala itong may-ari ng lupaing kanugnog ng nakatenggang lupa na pinaglalaruan nila. Papunta daw doon ang matanda. Nang tanungin niya kung ano ang gagawin ng matanda doon dahil hapon na ay may papasyalan lang daw itong isang napakagandang lugar. Kung nais daw niya ay sumama siya. Siguradong hindi daw siya magsisisi. Nginitian lang niya ito at magalang na tumanggi. Hindi sa anupaman subalit hindi niya masyadong kilala ang matanda. Isa pa ay maghahapon na at matatapos na din ang kanilang laro. Kailangan na nilang umuwi maya-maya. Sinabihan nalang niya itong mag-iingat. Maaring may daan doon pauwi sa bahay na tinitirhan nito. Dahil isang pribado na ang lugar na iyon ay hindi nila iyon pinapasok kapag naglalaro sila. Hanggang sa nakatenggang lupain lamang sila at dahil wala silang alam na maaring marating ng kasukalan na iyon ay hindi sila nagtangkang pasukin. Bago siya tumalikod ay hinawakan siya ng matanda. Sinabi nitong minsan ay pasukin niya ang sinasabi nitong lugar. At kapag nakarating siya doon ay isikreto niya ang lugar na iyon. Dahil isa iyong sagradong lugar para sa isang pamilya lamang. Hindi daw iyon para sa publiko at bihira ang nakakaalam ng lugar na iyon. Subalit darating daw ang araw na may isang taong isasama niya doon ng hindi inaasahan. At iyon daw ang taong magkakaroon ng malaking puwang sa kanyang puso. Ninais niyang tanungin dito kung bakit nais siya nitong sumama kung isang pribado pala ang lugar at isang pamilya lamang ang nakakaala. Subalit ipinagkibit-balikat na lamang niya ang bagay na iyon. Nawirduhan man sa matanda ay sinabi nalang niyang isang araw ay baka puntahan niya ang sinasabi nitong lugar. Pagdating sa mga kalaro ay nagtaka ang mga ito at nagtanong kung bakit siya natagalan. Sinabi niyang may matanda siyang nakausap na ipinagtaka ng mga kasama. Wala daw nakitang matanda ang mga ito sa pinaggalingan niya. Takang-taka siyang ibinalik ang tingin sa kinaroroonan ng matanda kanina pero wala na ito. Marahil ay pumasok nasa kasukalan. Sinabi niya ang itsura ng matanda. Mukhang may nakakilala dito na isang tiga-roon. Ang matanda daw ang may-ari ng malawak na lupaing iyon kasama ng nakatenggang lupa. Pero isang buwan na daw itong patay. Nagkaroon ng takutan ng sabihin iyon ng kasama nila. Kahit siya ay pinandigan ng balahibo. Lumipas ang isang taong, palaging pumapasok sa kanyang isip ang nangyari sa pagitan nila ng matanda sa tuwing naglalaro sila doon. Palagi ay nakatanaw siya sa kasukalan at naitatanong kung ano ang nais ipakita sa kanya ng matanda. Naisip niyang maaaring may gusto itong sabihin o ipakita sa kanya dahil hindi ito magpapakita sa kanya o ang kaluluwa nito kung wala. Kaya isang araw ay inipon niya ang lahat ng lakas ng loob at pinasok ang kasukalan isang umaga na wala siyang pasok sa trabaho. Nang pumasok siya sa kasukalan ay nagsimula siyang magdasal. Hindi kagaya ng inaakala nila ay hindi masyadong masukal sa loob. Oo at mapuno subalit hindi masyadong masukal. May isang makipot na daan na bako-bako siyang nakita at iyon ang sinundan niyang daan. Ilang minuto siyang naglakad ng makita ang isang malaki, mataas at mahabang bakod. Madawag iyon na tila nagsisilbing pagitan mula sa kabila. Akmang tatawid na siya sa loob ng may kumaluskos sa likuran niya. Bago pa siya makasigaw ay lumitaw ang isang may edad na lalake. Nang tanungin siya nito kung papaano siya nakarating doon at papaano niya nalaman ang lugar na iyon ay sinabi niya ang engkuwentro nila ng matanda. Sandali itong natigilan pagkuwa’y ngumiti sa kanya. Sinabi nitong anak ito ng matandang nakausap niya. Ayon pa dito ay pinahintulutan na daw siya ng matanda na makapasok sa hardin nito. Ang Hardin ni EsRom na pinagsamang Estella at Roman. Isang hardin ng pag-ibig. Nang tanungin niya kung bakit tinawag iyon na hardin ng pag-ibig ay dahil doon daw nagkakilala ang mga magulang nito. Doon nagligawan. Ilang miyembro na din ng pamilya nito ang nakarating doon at nakapag-asawa nang isama ng mga ito doon ang sinumang taong iniibig. Kaya magmula noon ay nagkaroon siya ng access sa lugar na iyon na tanging ang pinahihintulutan lamang ng pamilya ang nakakapasok. Nang makita niya sa unang beses ang parang ay para siyang nakapasok sa isang paraiso. Nangarap siyang isang araw ay makakarating siya doon na kasama niya ang lalaking iibigin. Hanggang sa magpabalik-balik na siya doon. Lalo na kapag gusto niyang matahimik o mapag-isa. Nang tanungin siya ng binata kung saan sila maaring mamasyal kanina ay doon kaagad ang unang pumasok sa isip niya. At bago pa niya maalala ang sinabi ng matanda tungkol sa lalaking madadala niya doon ay nasabi na niya ang parang. Hindi na niya nagawang bumawi dahil may pakiramdam siyang gusto niyang ipakita sa binata ang lugar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD